❀⊱Mattie's POV⊰❀
"Ha? Seryoso ka ba na mag-a-apply ka bilang tagalinis ng condo unit na 'yan?" Sabi ni Clover, habang tinititigan ang diyaryo na hawak ko, parang hindi makapaniwala sa binabasa niya.
"Why not, coconut?" Kibit-balikat kong sagot, sabay kuha ng baso ng tubig sa lamesa at isang lagok, dalawang lagok bago ako muling magsalita.
"Kailangan ko kaya ng extrang mapagkakakitaan, at wala namang masama kung maging tagalinis ako ng condo unit. May nakausap na ako... tinawagan ko kasi 'yung numero na 'yan... at ang sabi sa akin ng matandang lalaki, madalang daw umuwi ang nakatira duon. Apat na beses lang sa isang linggo ako maglilinis, so hindi rin ganun kabigat. Hindi ba?"
Nagtataas baba pa ang dalawang kilay ko habang nakangisi ako sa kaibigan ko. Pagkakataon ko na ito para magkaroon ako ng maayos na sweldo, kaysa naman araw-araw akong nagtitinda ng sampaguita, at kapag naibigay ko na ang bayad sa kinuhanan namin, isang daan na lang ang natitira sa akin, at swerte na kung kumita ako ng one hundred fifty.
"F Y I, medyo maganda ang sweldo kahit apat na araw lang. Tapos ang rule pa ni tatay na nakausap ko... dapat kapag naglilinis ako, wala ang amo ko. Ayaw na ayaw daw nitong may ibang tao sa loob ng unit niya. So safe ako, hindi ba? Kung matanda man 'yung may-ari, at least hindi siya manyakis na katulad ng mga napasukan ko. Hindi ko makikilala ang amo ko, at hindi naman mahalaga na sa akin 'yon, ang importante ay 'yung kikitain ko, tapos may oras pa ako para matulungan ko ang ama at ina ko dito sa bahay kapag wala akong pasok."
Tumango-tango naman si Clover, kaya ang laki ng pagkakangiti ko habang nakatitig pa rin ako sa diyaryo. kailangan ko lang maligo at magbihis dahil pinapapunta ako ngayon duon sa mismong bahay daw ng may-ari. Paalis daw ang may-ari kaya mas okay daw na ngayon na ako pumunta parta pagdating ko duon ay wala na ang may ari, dahil allergic daw ang magiging amo ko sa mga tao, lalo na raw sa mga babae. Siguro katulad siya ni Freyah, naglaladlad sa gabi kaya allergic sa babae.
"Kaylan ka pupunta duon?" Tanong niya.
"Mamaya aalis na ako. Tapos hinihingan din ako ng mga dokumento, at mamaya ko 'yon ipapasa sa kanya. Alam mo ba na pinapapunta ako sa isang exclusive village. As in, bestie, exclusive village. Pang mayaman talaga." Tumatawa kong sagot, habang ini-imagine ko pa lang kung gaano kalalaki ang mga bahay duon, parang ibang mundo na agad ang nasa utak ko. Sa buong buhay ko, ngayon pa lang ako makakapasok sa isang malaking mansyon. Oh my gulay, excited na talaga ako.
Napatingin ako sa orasan na nakasabit sa dingding... 'yung wall clock na matagal nang sumusuko pero pilit kong binubuhay gamit ang kung ilang patong ng tape na ipinaikot ko dito. May konting kalansing pa ito sa bawat galaw ng segundo, parang anumang oras bibigay na, pero habang buhay ako... mananatili din siyang buhay. Huwag siyang bibigay, wala pa akong pera na pambili ng ipapalit sa kanya.
"Hoy, ano 'yang narinig namin ha?" Boses ng kaibigan kong si Freyah na pumapasok sa bahay namin kasama si Claudia.
"Oo nga. Nag-apply ka na namang katulong." Sabi naman ni Claudia. Kaya ipinaliwanag ko sa kanila kung ano ang sinabi ko kay Clover, at mukha namang hindi sila tumutol, kaya ang saya ko.
"Naku pagbutihan mo, at baka kapag nakaipon ka na ng pera, mapapalitan mo na 'yung panty mo na may butas." Pang-aasar sa akin ni Clover, kaya tawa kami ng tawa.
"Grabe ka sa akin. Ayaw mo nuon, may aircon ako kapag mainit." Pagbibiro ko naman, kaya mas lalong lumakas ang tawanan naming lahat.
"Sige na at maliligo na ako. Hindi kayo pwedeng sumama sa akin dahil bawal daw, masyadong mahigpit ang amo nila, kaya ako na lang ang pupunta. Hintayin na lang ninyo ako dito para ibalita kung matatanggap ako." Sabi ko. Pumayag naman sila at nauunawaan naman nila. Kaya naghanda na ako ng pampaligo para makaalis na agad ako. Sana talaga ay ako ang tanggapin ni Tatang na nakausap ko sa phone. Mukha pa naman siyang mabait.
Hindi naman nagtagal ay naka-ready na ako. Simpleng pantalong kupas, sapatos na halos magpaalam na sa mundo sa sobrang pagka-upod nito, at 'yung blouse na paulit-ulit ko nang sinusuot tuwing may lakad ako... plantsado man ito o hindi, basta maayos tingnan, go na. Wala naman akong magagawa dahil ganito lang talaga ang buhay namin. Hindi kami 'yung tipong may luxury na mamili ng kung ano ang gusto kong isuot. Kaya kung may pera man akong naitatabi, automatic na 'yon na napupunta sa pagkain, pambayad ng bills, at kung ano pang kailangan sa bahay. Hindi ko na iniisip kung may bago ba akong damit o wala... hindi naman 'yon nakakabusog.
Tinignan ko pa ang sarili ko sa salamin bago umalis. Simpleng ayos lang... nakatali ang buhok ko nang maayos, walang make-up kung hindi pulbos at konting lip tint para hindi naman ako mukhang bangag sa byahe.
"Okay na ito." Bulong ko sa sarili ko, kahit alam kong hindi naman talaga ako okay kumpara sa mga makakasalubong ko sa lugar na pupuntahan ko. Pero katulong lang naman ang inaplayan ko at hindi modelo, so bakit nag-iinarte pa ako?
Nagpaalam na ako sa mga kaibigan ko, at sinamahan pa nila ako hanggang sa sakayan sa kanto. May konting asaran pa, konting paalala, at syempre hindi mawawala 'yung mag-iingat daw ako na paulit-ulit nilang sinasabi na parang hindi ako sanay lumabas mag-isa. Jusko, para akong isang batang paslit na paulit-ulit sinasabihan na tumingin muna daw ako sa kalsada left and right bago ako tumawid. Natatawa tuloy ako sa kanila.
"Huwag kang basta-basta magtiwala ha, baka mamaya ini-stylan ka lang, oo ka naman agad." Sabi ni Clover habang naka-cross arms, pero kita ko naman sa mukha niya na nag-aalala lang siya.
"Opo, nanay." Pagbibiro ko, sabay tawa para gumaan ang mood. Pero sa totoo lang, may konting kaba rin talaga, kasi gusto ko talagang magkaroon ng maayos na trabaho kaysa lagi akong nanghahabol ng mga tao sa bar para lang bentahan sila ng sampaguita.
"Hoy bruha ka, tandaan mo. Pagbaba mo ng jeep, tumingin ka sa kaliwa at sa kanan mo ha." Paalala ni Freyah, kaya tumatawa na ako.
"Tama! Baka sa susunod, masagasaan ka na, kaya huwag kang eengot-engot sa daan." Sabi naman ni Claudia. Ang tatlong ito, dinaig pa ang nanay ko sa dami ng paalala nila. Jusko talaga!
"Sige na, eklavu ka na at baka ma-late ka pa." Sabi ng kaibigan naming bakla. Humugot ako ng malalim na paghinga.
Mahigpit kong niyakap ang lumang brown envelope na dala ko... nandito lahat ng kailangan ko... resume, photocopy ng ID, barangay clearance, kung anu-ano pa. Parang ang bigat-bigat nito kahit papel lang naman ang laman, siguro dahil nakataya dito kung magkakaroon ba ako ng extra income o hindi. Basta bahala na.
Pagkasakay ko ng jeepney, napasandal ako sa upuan at napatingin sa labas habang unti-unting umaandar ang sasakyan. Dumadaan ang mga pamilyar na kalsada, pero pakiramdam ko parang may bagong chapter na bubukas sa buhay ko. Hindi ko mapigilang ngumiti nang kaunti. Bakit ba ganito ako ka-excited na matanggap sa trabahong 'yon?
Ewan ko ba, pero nakakaramdam talaga ako ng excitement... 'yung tipong halo-halong kaba at pag-asa. Pakiramdam ko kasi, ako ang mapipili ni Tatang. Parang may nagsasabi sa loob ko na eto na 'yon... eto na 'yung pagkakataon ko para kahit papaano, gumaan ang buhay namin. Kahit konti lang, kahit paunti-unti... okay na 'yon. 'Yung kapag may nagkasakit sa amin at kailangang magpa-check up, hindi na ako tatakbo sa lahat ng kapitbahay namin at umaasa na may taong magpapautang sa akin.
Pagkababa ko ng jeepney. Naglakad pa ako ng limang minuto hanggang sa nakarating ako sa entrance na may mataas na gate. Namangha ako sa nakikita ko. Gate pa lang... alam mo na agad na sobrang yayaman ng mga taong nakatira sa loob. Ang dami pang guard sa labas, kaya napahawak ako sa kumakabog kong puso. Mas lalo talaga akong kinakabahan ngayon.
"Miss, may kailangan ka ba? Bawal kasi ang nakatayo sa harapan ng gate dahil may mga dumadaan diyan na mahahalagang tao." Sabi ni kuyang guard na mukhang masungit.
"Kuyang guard, pinapapunta kasi ako dito. Sabi niya ay banggitin ko lang ang pangalan niya sa inyo, at pwede rin daw ninyo siyang tawagan." Sabi ko at sinabi ko ang pangalan ng taong nakausap ko sa phone. Tumango naman si kuyang guard, at pumasok sa loob ng guard house at may tinawagan ito. Naghintay lang ako ng mahigit na isang minuto, at pinagbubuksan na nila ako ng gate.
"Maghintay ka diyan, may susundo sa'yo dito." Sabi niya. Tumango ako at saka ako pumasok sa loob. Ang bilis ng kabog ng puso ko. Pero lalong bumilis ang kabog ng puso ko ng makita ko ang isang sports car na pamilyar. Iyon ang sasakyan ng lalaking 'yon na muntikan ng makabundol sa akin. Nagulat pa ako ng huminto ito sa tapat ng guard house, bumaba ang salamin sa bintana at kunot ang noo na tinitigan ako.
"Hi, meant to be talaga tayo. Akalain mo, taga-rito ka pala." Kinikilig kong sabi, pero bumaba agad ang bintana ng sasakyan at humarurot ito palabas ng bumukas na ang gate. Suplado ang future husband ko. Nakakaloka!
Isang magarang kotse ang huminto malapit sa gate, at tinanong ang pangalan ko. Pagkasabi ko, pinasakay agad ako, kaya sumunod naman ako.
Ilang saglit lang, jusko po... isang napakalaking mansyon ang hinihintuan namin, at ang nakakaloka, wala siyang mga kapitbahay. Isang napakalaking lote, at sa gitna ng malaking lote na 'yon, nakatayo ang isang napakagandang mansyon. Sa TV ko lang nakikita ang ganito, pero ngayon... nasa harapan ko na at makakapasok pa ako sa loob.
"Ineng, dito." Sabi ng pamilyar na boses. Napalingon tuloy ako. Boses 'yon ni Tatang na kausap ko sa phone, kaya lumapit ako sa kanya. Pinaupo niya ako sa silya. Mukhang dito lang pala kami mag-uusap. Jusko, akala ko pa naman ay makakapasok na ako sa loob ng malaking mansyon na 'yon.
Pagkabasa niya ng mga dokumento ko, tinitigan pa niya ako at ngumiti. Kinakabahan talaga ako. Sana matanggap ako para may sweldo na ako.
"Bagong bili ang unit ng magiging amo mo. Pero tandaan mo ang bilin ko ineng, 'yung mga araw na nakatalaga na maglilinis ka, iyon lang. Wala siya sa mga araw na 'yon kaya duon ka lang pupunta sa unit na 'yon para maglinis. Bibigyan kita ng susi para makapasok ka at ang sweldo mo ay twenty thousand pesos. Galante naman ang amo natin, pero kailangan mong sundin ang rules niya. Tuwing sweldo mo, pupunta ka dito para kuhanin ang bayad sa'yo. Ako lang ang pwede mong kausapin sa lahat ng concern mo, at hindi ka pwedeng mag-usisa tungkol sa amo mo. Masyadong masungit 'yon, kaya kung gusto mong magtagal... sundin mo ang mga sinabi ko sa'yo. Nagkakaintindihan ba tayo?" Sabi ni Tatang. Nagulat ako. Ibig sabihin ay tanggap na ako? Twenty thousand pesos? Nalaglag yata ang panga ko. Jusko po, makakahawak na ako ng malaking pera.
"Bukas ka na magsisimula. Sasamahan ka ng driver para makita mo ang condo unit sa BGC." Sabi pa niya, kaya napatalon na ako sa sobrang katuwaan ko. Jusko po may trabaho na ako.
Okay lang kahit na hindi ko kilala kung sino man ang amo ko na sobrang sungit daw. Wala naman akong pakialam sa kanya. Ang mahalaga ay may sweldo na ako. May maayos na akong trabaho.