5

1850 Words
Magdidilim na nang magtungo si Marlon sa apartment ni Cristina. Humugot siya ng malalim na hininga bago niluwangan ang pagkakabukas ng pinto para makatuloy ang kaibigan na may bitbit na pagkain para sa hapunan. Nananantiya ang ekspresyon ng mukha nito habang nakatingin sa kanya. “Galit ka ba?” Kahit na masama pa rin ang loob, sinikap pa rin niyang gawaran ang kaibigan ng isang munting ngiti. Sa ilang oras na pag-iisa, hindi pa rin niya mahanapan ng sagot ang tanong kung bakit ginawa ni Marlon ang bagay na iyon. Hindi marahil malaking kasalanan ang nangyari sa pamantayan ng ibang tao pero napaka-big deal niyon para sa kanya. She knew there were things they don’t tell each other but this was a major one. Tinanong pa niya ang kaibigan. Ang sabi nito ay “wala `yon.” Inilapag ni Marlon ang dala nito sa munting dining table at naupo sa isa sa mga dining chairs. Nanahimik lang si Cristina at hinintay ang paliwanag ng kaibigan. Nagpakawala ng buntong-hininga si Marlon bago nagsalita. “It started out as a fling. Naki-share siya ng table sa cafeteria isang lunch na hindi ka makalabas sa opisina ng chief. Hindi ko mapaniwalaan na natuwa ako sa pakikipag-usap sa kanya. Isang estranghero na masayahin at parang hindi nauubusan ng ikukuwento kahit na sa isang hindi kakilala. Na-attract ako sa kanya. Hindi lang dahil maganda siya, na-attract ako sa buong personalidad niya. “Nang sumunod na araw, nalaman ko na naka-assign siya sa ICU bilang clinical instructor. Mas nakilala ko siya. Mas na-attract ako sa kanya. We started hanging out outside the hospital. It was so much fun. Then we flirted. We kissed.” Nagkibit ng mga balikat si Marlon. “We ended up in her place, in her bed. Ayaw niya ng relasyon, ng labels. We’re not exclusive to each other.” Nabuhayan ng loob si Cristina. Iyon marahil ang dahilan kung bakit hindi sinabi ng kaibigan sa kanya ang tungkol sa ganoong bagay. Alam nito na old-fashioned siya. Hindi niya gaanong maintindihan ang ganoong uri ng “hindi komplikadong” relasyon. Ano na ba ang nangyayari sa romance? Bakit ba wala nang oras at tiyaga ang mga tao sa panliligaw at panunuyo? Bakit hindi maka-commit ang marami? “But I love her,” sabi ni Marlon habang lulong siya sa mga iniisip. “I’m in love with her.” Kaagad nalanta ang papausbong pa lang na pag-asa sa kanyang puso. Tumingin siya sa mga mata ng matalik na kaibigan. Naroon ang pakiusap na sana ay maintindihan niya. Naroon ang katotohanan. “Hindi ko inakala. Mabilis ang naging mga pangyayari. I can’t seem to stop thinking about her, you know. Naiisip ko ang mga bagay na hindi ko naiisip sa ibang naging karelasyon ko. Mga bagay na hindi ko iniisip sa ibang babae. Kasal. Pagkakaroon ng anak. Pamilya. “Si Princess siguro ang pinakahuling babaeng inakala kong pakakaramdaman ko ng ganito. She’s liberated and a little bold. She’s adventurous. But she’s also passionate, fun, loving, and kind.” Mahabang sandali na hindi makapagsalita si Cristina, nakatingin lang siya kay Marlon. Nakikiusap pa rin ang mga mata ng kaibigan sa kanya. She could feel her heart slowly breaking into pieces. Nahihirapan siyang huminga sa sakit. Makailang ulit na niyang naramdaman ang ganoon. Tuwing sinasabi sa kanya ni Marlon na may iniibig itong iba. Hindi niya kailanman nakasanayan ang ganoong pakiramdam. Bakit hindi ako? Bakit hindi ako? Iyon na naman ang paulit-ulit na tumatakbo sa kanyang isipan. Pilit niyang inaalam kung ano ang mali sa kanya, kung ano ang kulang. “B-bakit h-hindi m-mo s-sinabi sa a-akin?” tanong niya nang sa wakas ay matagpuan ang kanyang tinig na puno ng hinanakit at sama ng loob. “H-hindi... k-ko alam, Tinay.” “Hindi mo alam?” mas umigting ang sama ng loob niya. Mabilis na umalsa ang galit. “Hindi mo alam!” Hindi siya naniniwala na hindi nito alam. “I’m sorry. Alam ko na hindi katanggap-tanggap ang rason na iyon. Dahil hindi ko talaga alam. Makailang beses na ginusto kong sabihin sa `yo pero hindi ko maituloy. I feel like I should keep this between me and Princess. Dahil wala pang kasiguruhan ang lahat sa pagitan namin, ayaw na muna kitang isali.” Marlon’s words spoke volumes. Hindi malaman ni Cristina kung paanong interpretasyon ang gagawin niya. “Ayaw mo `kong isali? Dati naman ay isinasali mo kaagad ako bago pa man may mamagitan sa inyo ng babae. I’m your best friend.” Deretsong tumingin sa kanyang mga mata si Marlon. “Dati, napupukaw pa lang ng isang babae ang atensiyon ko ay alam mo na. At tingnan mo kung ano’ng nangyari sa mga relasyon na iyon.” Ilang sandali siyang natulala. Hindi makapaniwala sa sinabi ni Marlon. “Sinisisi mo `ko sa lahat ng failed relationship mo?” Paano niya naging kasalanan iyon? Wala siyang ibang ginawa kundi maging supportive kahit na nasasaktan ang kalooban niya. Naging napakabait niya sa mga naging karelasyon ni Marlon. “No, of course not. Hindi ko sinasabing kasalanan mo. Iba lang siguro ang naging umpisa namin ni Princess kumpara sa ibang naging karelasyon ko. Naging iba rin ang takbo ng mga bagay-bagay. Gusto kong manatiling iba ang takbo ng mga bagay-bagay sa pagitan namin. Umaasa ako—malakas ang pakiramdam kong iba rin kasi ang kahihinatnan ng relasyon na ito. I wanted to be selfish, keep things to myself for a little while. Hindi ko alam at medyo nakaka-guilty pero gusto ko ang pakiramdam.” “Gusto mong nakakapaglihim ka sa akin?” Hindi talaga maunawaan ni Cristina ang sinasabi ni Marlon. Hindi niya makita ang magandang rason kung bakit siya nito pinaglihiman ng isang napakaimportanteng bagay. Nakikiusap ang mga matang tumingin ang kaibigan sa kanya. “Hindi ko alam, Tinay. I’m sorry.” “But not really. Because it feels good to keep something from me.” “Hindi naman sa ganoon.” “Ganoon eksakto iyon, Marlon. Hindi mo `ko pinagkakatiwalaan.” “Pinagkakatiwalaan kita! Siyempre, pinagkakatiwalaan kita. Let’s just... let’s just not make this about you, okay?” Sa palagay niya ay sinampal siya ni Marlon. Labis siyang nasaktan. She was making this about her? Ganoon nga ba ang ginagawa niya? Wala siyang karapatang magalit dahil hindi siya ang issue. Hindi siya mahalaga para isama sa issue. “Tinay...” “Umalis ka na muna, Marlon. Hayaan mo muna akong kumalma at magpalipas ng sama ng loob.” Dahil kilala na siya ng kaibigan, tumalima ito kahit puno ng pag-aalangan ang ekspresyon ng mukha. Nakikita niya na ayaw siya nitong iwanan ngunit alam din nitong hindi na siya makikinig sa paliwanag hangga’t hindi lumilipas ang sama ng kanyang loob. Napaiyak na lang si Cristina pagkalabas ni Marlon sa pintuan. Mabilis niyang tinungo ang kanyang craft room at nagkulong doon. Nahiling niyang sana ay mayroon siyang matalik na kaibigang babae para mapagsabihan ng kanyang hinaing. Mahirap kung ang matalik mong kaibigan na madalas na magpatahan sa iyo ang siyang nagdulot ng mga luha. Mahirap konsolahin ang sarili. Mahirap tiisin ang sakit. “HEY, CRISTINE.” Napapitlag si Cristina nang marinig ang pamilyar na pagbati ni Dr. Noah Manzano sa kanya. Nasa bungad na naman siya ng ICU, hindi makapasok-pasok kahit na kanina pa siya roon. Pinapanood niya si Marlon na kanina pa abala sa trabaho kaya hindi pa siya napapansin. Palabas naman na si Dr. Manzano. Nagtataka ang mga mata nitong nakatingin sa kanya. Kagaya ng madalas gawin na halos nagiging awtomatiko na, magalang siyang ngumiti. Imbes naman na lumayo at iwan siya sa kanyang pananahimik, nilapitan siya ni Dr. Noah Manzano at tinabihan. Mabilis na nakaramdam ng pagkailang si Cristina nang tingnan din nito ang tinitingnan niya. Pinagtatakhan marahil ng doktor kung ano ang ginagawa niya roon samantalang kanina pa tapos ang office hours. Nakaupo na sa isang swivel chair si Marlon at may pinagkakaabalahan sa computer. Nagpakawala siya ng buntong-hininga. Napagpasyahan niyang umuwi na muna. Sa nakalipas na tatlong araw ay panay ang pag-text at pagtawag sa kanya ni Marlon. Humihingi ng paumanhin at pag-intindi ang kaibigan. Ilang araw siyang nagmatigas ngunit hindi na yata niya kayang tumagal. Ganoon naman palagi tuwing nag-aaway sila. Mabilis mapawi ang kanyang galit at sama ng loob pagdating sa kaibigan. Marahil ay bahagya niyang naloko ang sarili. Nakumbinsi siya na katulad din si Princess ng mga babaeng dumaan sa buhay ni Marlon—sa buhay niya. Lilipas din. Maglalaho. Hindi magiging permanenteng bahagi ng kanilang relasyon. Sa bandang huli, siya pa rin. Mawawala ang ibang mga babae sa buhay ni Marlon at siya ang mananatili. Siya palagi ang nananatili. Magpapaalam na sana si Cristina kay Dr. Noah ngunit naunahan siya nito sa pagsasalita. “Walang mangyayari kung titingin ka lang.” Kunot ang noo na napatingin siya sa lalaki, hindi kaagad naiproseso ng isipan ang sinabi nito. Nang mabatid ang nais nitong sabihin ay lalo lang nangunot ang kanyang noo. Pinagtatakhan din niya kung bakit siya nito kinakausap ngayon. Nag-uusap naman sila dati pero hindi tungkol sa mga ganoong bagay. “Iba na ang panahon ngayon,” pagpapatuloy ni Dr. Noah. “Men can be oblivious and insensitive. Kayong mga babae, hindi maaaring titingin-tingin lang. Hindi pupuwedeng nagpapahaging at nagpaparamdam lang. You also have to step up, speak.” Banayad na natawa si Noah nang makita ang confused na ekspresyon sa kanyang mukha. “Hinga nang malalim at ipunin mo ang lahat ng tapang mo. Tell him how you feel. Para malinaw.” Hindi pa rin mahanap ni Cristina ang mga katagang maaari niyang isagot sa mga sinabi ni Dr. Noah. Hindi pa rin niya gaanong mapaniwalaan na binigyan siya nito ng payo. Pumuwesto sa kanyang likuran ang doktor. Napapitlag pa siya nang ipatong nito ang mga kamay sa kanyang balikat at banayad siyang itinulak papasok sa ICU. “You can do it.” Hinayaan ni Cristina na maitulak siya papasok. May kung anong mainit na bagay na humaplos sa kanyang puso sa huling sinabi ni Dr. Noah. It felt good to hear those words. She can do it. Hindi niya inakala na dadagsa ang tapang at lakas ng loob sa mga simpleng salita na iyon. Nilingon niya si Dr. Noah. “Thank you.” “Good luck, Cristine.” Humugot ng malalim na hininga si Cristina bago tuluyang pumasok sa loob ng ICU. Sandali lang nagulat si Marlon nang makita siya. Mayamaya ay unti-unting sumilay ang magandang ngiti sa mga labi nito. Nasa mga mata ng kaibigan ang katuwaan at pasasalamat. “Ten minutes na lang, puwede na akong mag-break. Mag-dinner tayo sa cafeteria?” kaswal na sabi ni Marlon. Nais nang ipagsigawan ni Cristina ang nararamdaman sa mismong lugar at sa mismong sandali na iyon ngunit napigilan niya ang sarili sa huling sandali. Ayaw niyang magpadalos-dalos. Ayaw niyang biglain si Marlon. Makapaghihintay siya ng sampung minuto. “I have something to say.” “May sasabihin ako sa `yo.” At magkapanabay rin silang natawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD