Mananatili sigurong nakatunganga sa labas ng opisina ni Polo si Jenna kung hindi bumukas ang pinto niyon at bumungad sa kanya ang lalaking kay tagal na panahon niyang piniling huwag masilayan.
"Mildred, nasaan na ba iyong..." Natigilan ito nang makita siya.
Parang ito man ay tinablan kahit pano ng muling pagkikita nila.
"Well, it's really you." sabi nito.
"Ang akala ko kanina ay kapangalan mo lang iyong sinabi ni Mildred na naghahanap sa akin. What brings you to my humble office after all these years?" Kalmado ang dating nito pero ramdam niya ang galit na tila pasimple nitong ipinararating sa kanya.
Nabahag ang buntot niya. Bigla ay parang hindi na sapat ang desperasyong bunsod ng pangangailangan niya para bigyan siya ng lakas ng loob na harapin ito.
"I-I'm sorry to bother you," aniya.
Bumalikwas siya at tatakbo na sana siya palayo pero sinaklot nito ang braso niya. "Oh, no, you don't. Not this time," may panunumbat sa tinig na usal nito.
"Please let me go." Pinilit niyang gawing kalmado ang tinig niya sa kabila ng pagnanais niyang pumalag.
"No, I won't. Not until you tell me what brought you here. Mahalagang-mahalaga tiyak iyon para pilitin mo ang sarili mong makipagkita sa isang taong minsan mong..." Hindi nito itinuloy ang sinasabi.
Tila naalala nito na may nakakarinig sa pag-uusap nila.
"It's a bad idea," aniya. "Pasensiya na talaga sa istorbo."
"Will you come to my office willingly or do l have to drag you in? And I'm telling you, I'm going to do just that if you don't come willingly.”
Mukhang kaya nga nitong gawin iyon kaya kahit umaalon sa kaba ang dibdib niya ay nagpaunlak siya.
"Good. After you." Inilahad nito ang kamay para paunahin siya sa paglakad.
"Would you like coffee, juice, tea?" tanong nito pagkatapos siyang sabihan na maupo sa couch na nasa loob ng malaking opisina nito.
"No, thanks."
"Okay then. Maybe you can begin telling me why you're here."
Hindi niya alam kung bakit naisip niyang puwede siyang humingi ng tulong dito. Pagkatapos ng ginawa niya rito ay ang kapal naman ng mukha niya para humingi ng tulong dito. Napagtanto niyang tama nga ang kasabihang 'ang taong nagigipit, kahit sa patalim, kumakapit.'
Iyon nga lang, natuklasan niyang masakit palang makasugat ang patalim kaya balak niyang bumitaw uli.
"It was a bad idea. Ngayon ko lang na-realize. Kaya kung mamarapatin mo ay aalis na lang ako." Nagsimula siyang tumayo sa kinauupuan niya.
"How do you do it?" tanong nito.
Naguluhan siya.
"Do what?''
"Waltz in and out of my life just like that?"
Hindi siya makasagot. Puwede siguro niyang ipagtapat dito ang tunay na dahilan ng paglayo niya noon dito pero naisip niyang walang buting idudulot iyon. Sabihin nang ang mama nito ang nag-utos sa kanya na layuan niya ito, pero kung susumahin ay may kasalanan din siya. Siya ang pumiling makipag-hiwalay rito kapalit ng pera. Nakakangilong isipin iyon pero iyon mismo ang ginawa niya.
"I... I didn't want to," sabi na lamang niya.
"You didn't want to? And yet you came to my office. Which brings me back to the question of why you are here."
"Polo, huwag na. Like I said, it was a bad idea,"wika niya.
Hindi niya kayang magpakumbaba sa isang taong matindi ang galit sa kanya. Dahil siguro sa desperasyon kaya pinili niyang paniwalaan na baka humupa na ang galit nito sa kanya o kinalimutan na nito ang ginawa niya rito. After all, it had been almost five years. Pero hindi pa pala.
Tumayo na siya.
May malakas na mga kamay na dumiin sa mga balikat niya.
"Sit and talk. What brought you here?" tanong nito.
"Okay, fine. Kailangan ko sana ang tulong mo. Nabalitaan ko na tumatanggap ng pro bono cases ang law firm nino kaya napadpad ako rito. Pero napag-isip-isip kong napakakapal naman ng mukha ko para gawin iyon pagkatapos ng malaking kasalanan ko sa iyo. Kaya inuulit ko, pasensiya na sa abala. Aalis na ako." Itinuloy niya ang pagtayo, saka siya nagsimulang maglakad papunta sa pinto.
"We handle annulment cases. Pero hindi pro bono ang mga iyon."
Napahinto siya sa paglakad dahil sa sinabi nito. Nakakunot-noong hinarap niya ito. " Annulment?"
"Hindi ka magpapa-annul?"
"Wala akong asawa kaya hindi ko kailangang magpa-annul," sagot niya.
"Oh. Ano'ng nangyari doon sa lalaking ipinalit mo sa akin?"
Ilang sandali siyang natigilan bago niya naalala na 'yon nga pala ang rasong ibinigay niya nang magpasya siyang makipaghiwalay rito.
''I-it didn't work out," sagot niya.
"I see." Maikling sagot nito.
"Nagkamali ako ng pasya sa pagpunta rito," saad niya.
"Masyado lang akong nataranta kaya nang may mag-suggest sa akin na subukan kong lumapit sa iyo ay nagpadala ako. Kaya humihingi uli ako ng paumanhin sa pang-aabala ko sa iyo." Umakma siyang lalakad na uli.
"Bakit mo kailangan ng abogado?" tanong nito.
Nag-atubili siya.
"Nandito ka na rin lang, 'di ba? Nasa harap kita at magkausap tayo. I'd say you're lucky. Hindi ako ganito kadaling mahagilap dahil may schedule ang pakikiharap ko sa mga taong binibigyan ko ng free legal aid. I suggest you take advantage of that luck."
Napaisip siya.
Mukhang sayang nga ang pagkakataon. Kabilang ito sa mga itinuturing na bagong batch ng mahuhusay na abogado. Alam niya iyon dahil puring-puri ito ng taong nagmungkahi sa kanya na magpunta siya sa law office ni Polo. Isa raw sa mga kamag-anak niyon ang natulungan ni, Polo at naipanalo ng huli ang kaso kaya alam nito ang sinasabi nito.
"What?" untag ni Polo.
"H-hindi para sa akin kundi para kay Itay."
Napapikit siya nang maalala niya ang panibagong bangungot na kinasangkutan nito. Pagkatapos nilang mabayaran ang lahat-lahat ng pagkakautang ng itay niya ay nagtino naman na ito. Mino-monitor na rin nila ng inay niya ang mga aktibidades nito para matiyak na hindi ito bumabalik sa dating bisyo nito. Napatunayan naman nito sa kanila na kaya nitong panindigan ang pagsasaayos sa buhay nito. Kahit nga nang matuklasan nilang may bukol sa matris ang kanyang ina at dumaan uli sila sa pagsubok ay hindi ito bumigay. Sa halip ay magkatuwang nilang iginapang ang malaking gastusin para gumaling ang kanyang ina.
Pero nagsisimula pa lamang maging maayos ang lahat ay dinalaw uli ng unos ang kanilang buhay.
Nabisto sa opisina ng itay niya ang pagkadispalko ng malaking halaga ng pera at ito ang itinuro ng supervisor nito. Siyempre pa, itinanggi ion ng itay niya. Ayon dito, malakas ang kutob nitong ang supervisor nito ang nakadispalko ng pera at ito lang ang ginawang scapegoat.
Nagkasagutan ang itay niya at ang supervisor nito. Nangyari 'yon sa harap ng mga katrabaho ng mga ito. Dalawang araw lang pagkalipas niyon ay natagpuang patay ang supervisor ng itay niya sa loob mismo ng kotse nito. May tama ito ng baril sa ulo.
Ang itay niya ang primary suspect at tumestigo pa roon ang isang malapit na kaibigan ng supervisor nito na kaopisina ng mga ito.
"Kagagaling lang ni Inay sa sakit. Kinailangan niyang mag-chemo. Ilang sessions iyon kaya nasaid ang ipon namin. Makakahanap naman kami ng abogado pero hanggang puwede ay ayokong ipakipagsapalaran ang kapakanan ni Itay kaya isang mahusay na abogado sana ang gusto kong kunin para sa kanya."
"You want the best attorney you could find, am I right?"pagkaklaro nito.
"O-oo sana."
"Ang problema, wala kang ibabayad sa serbisyo niya.”