"Patawarin mo ako, anak. Ang laki-laki ng pagkakamali ko. Bukas ay haharapin ko na ang mga pinagkakautangan ko."
"Isumbong na lang kasi natin sila sa pulis, Itay." Iyon ang mungkahi niya rito noon pa.
Umiling ito." Kapag ginawa ko iyon, hindi lang ako ang mapapahamak. Idadamay nila kayo ng inay mo. Mas hindi ko matatanggap na dahil sa akin ay mapapahamak kayo."
"Mangungutang tayo, Itay. Gagawan natin ng paraan 'yan.'' aniya.
"Kanino?"
Wala silang kamag-anak na maykaya sa buhay. Katulad din lang nila ang mga yon na kailangang kumayod nang husto para may maipantustos sa mga pangangailangan.
"Basta, mag-isip ako ng paraan. H-humingi pa kayo ng kaunting palugit sa kanila," mungkahi pa niya.
"Anak,hindi mo sila ki---"
"Gawin n' yo, Itay," giit niya.
Maituturing na kakapalan ng mukha ang gagawin niya pero nakapagpasya na siyang humingi ng tulong kay Polo. Uutang siya rito.
Babayaran niya iyon kahit ano ang mangyari. Ang problema, nang mga sumunod na araw ay hindi niya ma-contact ito. Nang minsang magkausap sila ay hindi pa maganda ang cell phone signal.
Ang pagkaunawa niya sa sinabi nito ay kinailangang dalhin sa safe house ang testigo. Medyo malayo raw iyon sa siyudad. Natural lamang na hindi nito mabanggit sa kana kung saan iyon dahil iniingatan lang nito ang kaligtasan ng testigo. Tatawagan daw siya agad nito kapag nagkaroon ito ng pagkakataon.
Pagkasabi niyon ay naputol na ang koneksiyon. Parating out of coverage area na ang sinasabi sa kanya kapag tumatawag siya sa numero nito. Ngayon ay dalawa na ang inaalala niya---ito at ang itay niya. Patapos na rin kasi ang palugit na ibinigay sa huli ng mga pinagkakautangan nito. Isang araw ay nagkaroon siya ng panauhin sa opisina.
Ganoon na lamang ang pagkagulat niya nang sabihin sa kanya ng kasamahan niya ang pangalan ng taong naghahanap sa kanya.
"Si Mrs. Aurora Sandoval," anito.
Inalihan siya ng matinding kaba. Hindi kaya may masamang nangyari kay Polo? Sa naisip ay napasugod siya sa lobby kung saan naroon si Mrs. Sandoval.
"O, bakit namumutla ka?" tanong nito nang madatnan niya itong prenteng nakaupo sa reception area.
Kausap pa nito ang boss niya.
"N-nagulat lang ho ako. Si Polo ho?"
"He seems to be fine. Nakausap ko ang isang colleague niya at abala raw sila sa paghahanda ng kaso nila." sagot nito.
"Hindi siya makatawag, for security reasons daw."
Salamat naman. Nakahinga siya nang maluwag. Pero mayamaya ay napaisip uli siya.
"Kung ganoon ho ay..." Hindi niya maituloy ang sasabihin.
"Bakit ako nandito?"
"Well, I just want to talk to you." Bumaling ito sa boss niya.
"Okay lang ba kung isama ko siya? I mean, it's almost lunchtime but she might not be able to get back in time."
"Okay lang ho iyon," sabi ng boss niya.
Bumaling ito sa kanya. "Go and take the rest of the afternoon off," sabi nito.
Tumayo na si Mrs. Sandoval. Kinakabahang sumunod siya rito. Wala silang imikan ng mama ni Polo habang palabas sila ng gusali. Hindi pa rin ito kumikibo hanggang sa makasakay sila sa Pajero nito. Para na siyang hihimatayin sa matinding tensiyon.
"Bakit n'yo ho ako naisipang imbitahang---"
"Later," sabi nitong bahagyang ikiniling ang ulo sa gawi ng driver nito.
Napilitan siyang itikom ang bibig at tiisin ang tensiyong sa bawat pagtakbo ng oras ay parang gomang nababanat nang nababanat. Sa bahay ng mga Sandoval sila humantong. Dinala siya ni Mrs. Sandoval sa lanai. Inutusan nito ang katulong na nagdala ng pagkain at inumin nila na isara nito ang sliding doors paglabas nito. Ganoon nga ang ginawa ng kawaksi.
May mga pagkain sa harap nila pero hindi niya magawang uminom man lang ng juice. Masyado siyang tensiyonado para lumunok. Masama ang kutob niya kung bakit gusto siyang kausapin ni Mrs. Sandoval. Kung ganoong wala palang masamang nangyari kay Polo, siguro ay may kinalaman sa ugnayan nila ng binata ang pakay nito.
"Hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa," wika nito.
"I have big dreams for my son. Ganoon din ang kanyang papa. Noong nabubuhay pa ang asawa ko ay madalas silang mag-usap ni Polo. They would plan and they would strategize on what to do so my son could reach his goals at the soonest possible time. Sa ngayon ay nagsisimula pa lang ang anak ko sa pag-abot ng kanyang mga pangarap. Level one pa lamang siya, wika nga. But he is doing very, very well."
Napatango siya. Totoo ang sinabi nito. Polo was indeed doing very well.
"I was watching the news one time. Imagine my surprise and dismay when I saw you in it."
Napatda siya.
Naalala niya na may mga media gang dumating nang magkagulo sa kanila. Naging laman sila ng balita pero maliit na bahagi lang naman iyon.
"I'm just thankful that it seems Polo didn't get to see the news item. Otherwise, he would have gotten so worried."
Hindi siya umimik.
May pinupunto ito at nahinuha niyang hindi maganda iyon.
"He hasn't announced his engagement to you yet. Ako pa lang ang napagsasabihan niya niyon. My son has big dreams, Jenna. Alam kong makakamit niya ang mga yon. Ikaw ba, gusto mong makamit niya ang mga pangarap niya?"
"O-oo naman po," sagot niya.
Madalas ding ikuwento sa kanya ni Polo ang mga gusto nitong marating kaya alam niyang mahalaga an g mga iyon para dito.
"Do you understand politics?" tanong ni Mrs. Sandoval.
"A-ano ho ang ibig ninyong sabihin?"
"Magulo ang mundo ng pulitika. Ang malinis ay napagmimistulang marumi. Kapag matino naman ang isang to ay pinagkakapilit-pilitan itong hanapan ng kapintasan. Unfortunately, you, my dear, are my son's weak c***k in his otherwise almost impenetrable armor.”
“Ho?”