HERA
"Venus."
"Yes, madam?"
"Bakit ito lang ang information ng lalaking 'yon dito sa resume niya?" tanong ko kay Venus na tutok ang mata sa mga papeles sa harapan niya. Tila ay hindi niya narinig ang sinabi ko.
"Venus!" sigaw ko mula sa pagkakaupo ko sa aking swivel chair. Nataranta naman siya kung kaya ay dali-daling pumanhik palapit sa akin.
"Ano po iyon, madam?" nagugulumihanan niyang tanong sa akin.
"Ang sabi ko bakit ito lang ang information niya dito sa resume?"
Napakamot naman siya sa ulo at parang nayayamot na sa tanong ko. "Resume po iyan, madam, kaya natural lang po na iyan lang ang makikita ninyo diyan. Ano po ba ang gusto niyong malaman?"
"Something personal. Name, age, civil status at kung anu-anong walang kuwentang information lang ito." Pagtutukoy ko sa mga nakasulat sa kaniyang resume na binabasa ko.
"Hay naku, madam. Slumbook naman po ata ang gusto niyo. Sana sinabi niyo po agad para nakapaggawa ako at pinasagutan ko sa kaniya."
Tinitigan ko nang masama si Venus. "Are you tripping me? Mukha bang slumbook ang kailangan ko?"
Napabuntong-hininga naman siya ng malalim bago nagsalita ulit. "Hindi po, pero 'yong information na gusto niyong malaman ay pang slumbook po. Sabi ko na nga po, ang hinahanap niyo talaga ay tungkol sa lovelife niya."
"Tss."
Ngumisi na naman siya na parang nanunuya. Kapag ganiyan ang reaksyon niya paniguradong kalokohan na naman ang sasabihin niya.
"Huwag ka na po kasing mahiya. Interview-hin mo na lang po siya. Ikaw naman po ang boss namin." ngiting-ngiti na sabi niya.
Bahagya naman akong napairap sa suggestion niya. Like, seriously? Ipapatawag ko siya at magtatanong ako about his personal life? No! That's so desperate! Dapat siya ang maghahabol sa akin at hindi ako.
"And you think gagawin ko nga 'yan? For what? Para isipin niyang patay na patay rin ako sa kaniya? No way in hell, Venus!" medyo exaggerated na depensa ko.
"At ano naman po pala dapat, madam? Siya ang magtatanong tungkol sa'yo? Hello? Kayo po talaga ang interesado sa kaniya." may pairap-irap niya pang reklamo sa akin.
Oo nga ano? Minsan may maganda ring nasasabi itong sekretarya ko. Paano nga naman siya magtatanong tungkol sa akin 'eh napaka-arogante niya. Wala man lang paggalang sa akin bilang boss niya.
"Let me clear things out, Venus. I am not interested in him in a romantic way, sabihin na lang nating I want to get even sa ginawa niyang pamamahiya sa akin dati. So, I want you to suggest a nice move para magkaroon siya ng interes sa akin."
Napatango-tango naman siya na parang naintindihan na sa wakas kung ano ang ibig kong sabihin.
"Ay, gano'n naman pala, madam. Bakit naman po kailangang gumanti pa kayo? Masyado ka naman pong balat-sibuyas. Kayo nga po lagi akong pinapahiya pero hindi naman ako gumaganti." dire-diretso niyang palatak na parang wala lang sa loob niya.
Napakunot ang noo ko sa huling sinabi niya. "Ano ulit yo'n, Ms. Soriano?" kunwaring tanong ko kahit narinig ko naman ng malinaw ang sinabi niya. Napamulaga naman ang mata niya at na-realize kung ano ang sinabi niya.
She flashed a fake smile at nag-peace sign.
"Ang sabi ko po ay tutulungan ko po kayo na gumanti kay Daniel. Dapat lang po iyon dahil wala siyang galang sa inyo kahit boss niya kayo. Masyado kasi siyang masungit porke maraming nagkakagusto sa kaniya. Dapat lang po siyang turuan ng leksyon."
"Good! So, what's the plan?"
Napangiti ulit siya ng pilit, saka napahawak sa batok niya. "Ngayon na po kailangan ang plano? Agad-agad po? Hindi na po ba makakapaghintay iyang The Revenge of Hera Buenaventura?"
"I want to make it happen as soon as possible."
"Masyado po bang nasaktan ang pride niyo, madam? Masyado rin po naman kasi kayong mataray kaya natututong manlaban ang iba. Tapos red pa halos lahat ang kulay ng mga gamit niyo. Malditang-maldita ang itsura. Ito po ay opinyon ko lamang pero mahal ko po talaga ang trabaho ko."
"Pride? Ego? Well, I don't know. Basta ang alam ko lang wala pang kahit na sinong lalaki ang namamahiya sa isang Hera Buenaventura. They are born to plead for my attention."
Umasta naman siyang parang giniginaw. "Siguro dapat na po nating hinaan ang aircon dahil mukhang nakakapasok naman po ang malakas na hangin dito."
"Isa pa, Venus! Mawawalan ka na talaga ng trabaho. Kanino ka ba talaga kampi? Sa kaniya o sa akin na nagpapasahod sayo?"
"Syempre, madam, sa'yo po. Ang punto ko lang naman po ay bawasan ang sobrang katarayan niyo. Karamihan po ng empleyado dito ay takot sa inyo. Alam naman po ng lahat na kayo ay boss namin. Alam rin po namin na maraming lalaki ang naghahabol sa inyo dahil maganda kayo, sexy at ubod pa ng yaman. Wala na kayong kailangang patunayan pa. Kaya hayaan niyo na po si Daniel. Palagpasin niyo na lang po ang ginawa niya."
Natahimik naman ako sa sinabi niya. Parang napahiya ako ng kaunti. Am I too much? Masama ba na mas sanay akong maging dominant kaysa sa mga lalaking nasa paligid ko? I am born this way. Sanay akong lumaban kahit kanino at hindi sila hayaan na tapak-tapakan lang ako. Yes, I admit mataray ako lalo na kung kabobohan lang ang naririnig ko. Masama bang maging direct to the point? Why do I need to sugarcoat everything when it is better said with brutality?
I don't like pleasing other people. I am doing my own stuff. Kapag hindi ko gusto, sinasabi ko nang diretsahan. Kapag tinatarayan ako ay mas mataray ako. Hindi na uso ngayon ang palampa-lampa. Kaya dumadami ang naaabuso.
"Go back to work. Bukas mo na lang sabihin sa akin ang plano mo."
"Itutuloy niyo pa rin po?"
"Yes, and why? I just want him to learn his lesson. Hindi porke karamihan ng babae ay type siya 'eh may karapatan na siyang magsungit na parang lahat ng babae ay may gusto sa kaniya. Mali siya ng binangga. I want to taste a dose of his own medicine and after that, okay na."
"Ikaw po ang bahala, madam." Pailing-iling na sabi niya.
OUT FROM WORK. Since, wala naman akong napala sa pagbasa ng resume ng Daniel na 'yon, wala rin akong magagamit laban sa kaniya that why I decided to follow him hanggang sa bahay nila. Nagpark lang ako mismo malapit sa bahay nila. Napaka-boring naman ng buhay ng lalaking 'yon. After work, diretso agad sa bahay. Wala man lang ata siyang social life, kaya naman pala mas masungit pa sa matandang binata.
Nang makapasok na siya sa loob ng kanilang bahay ay bumababa ako sa aking kotse at nagpunta sa isang malapit na tindahan.
"Excuse me." Tawag ko sa tindera na babad sa kaka-cellphone.
"Ano 'yon 'te? Parang naliligaw ka ata? Hindi ito mall. Napakasosyal mo namang manamit kung bibili ka lang sa tindahan." Patawa-tawang sabi nang isang babae na mukhang nasa teenage years pa lang pero mas matanda na ang mukha kaysa sa akin. Aba! Ni hindi pa nga alam kung ano ang sadya ko, namimilosopo na agad.
"Alam kong hindi ito mall. May mall bang kasing laki lang CR? At ano naman kung sosyal akong manamit? Actually, pumunta talaga ako dito para bilihin ang buong compound ninyo kasama na iyang tindahan mo. Kaya ngayon pa lang magbalot-balot ka na."
Napanganga naman siya at gulat na gulat.
"Hala! Sorry po. Kayo po ba ang bibili nitong compound namin? Puwede po bang huwag muna ngayon? Wala pa po kaming lilipatan. Huwag niyo po muna ipa-demolish ang mga bahay namin." Naluluhang pakiusap no'ng babae. Na-guilty tuloy ako sa prank ko. Totoo palang to be demolished na itong area nila. Tutal, iyon ang pinaniniwalaan niya, papanindigan ko na. Hindi naman niya ako kilala.
"Kasama ba sa idi-demolish ang bahay na iyon?" turo ko ko sa bahay kung saan pumasok si Daniel.
Tumango naman agad siya. "Opo. Kawawa nga po sila diyan. May sakit pa naman ang nanay ni Kuya Daniel tapos kailangan pang humanap ng malilipatan bago i-demolish ang lahat ng bahay dito."
"May sakit? Anong sakit?"
"Cancer po ata. Malala na daw po kaya malaki ang gastusin ni Kuya Daniel sa gamutan ng nanay niya. Sana po bigyan niyo po muna kami ng mahaba-habang palugit para makahanap ng lilipatan. Hindi po kasi madali humanap ng trabaho ngayon kapag hindi pa po gamay ang lugar na lilipatan."
"Oh, I see. Don't worry. You can have your house as long as you want. Sige, alis na ako."
Pagpapaalam ko sa babae at sumakay na sa kotse ko. Baka makahalata pa siyang nandito ako.
Hindi naman mukhang squatters area ang lugar nila pero idi-demolish pa rin ang mga bahay nila. Mukhang dito na magsisimula ang plano ko. It's becoming more interesting.