ANG PAGTATAGPO NINA VLADIMIR AT LIA
Anim na buwan na ang nakalipas simula nang isilang ni Helena si Lia, at habang lumalaki ang bata ay nakikita na dito ang gandang taglay. Ngunit sa mga mata nito ay makikita ang kislap ng matang-lobo. Alam ni Haring Magnus na sa pagsapit ni Lia ng disi-otso ay magiging ganap itong taong lobo.
Samantalang si Aling Nadia na rin ang tumulong kina Haring Magnus, simula nang bumalik sila sa mundo ng mga tao. Ang matanda na rin ang tumulong sa kanila upang magkaroon sila ng munting tirahan sa Sitio Ipilan at maliit na lupang sasakahin ni Magnus, upang may mapagkunan sila nang kabuhayan.
Katatapos lang magniig ng mag-asawang Magnus at Helena nang umiyak si Lia. Kinuha ni Magnus ang anak sa kahoy ng kuna at ibinigay sa asawa upang bigyan ng gatas.
"Irog ko, habang lumalaki ang ating anak, nakikita na sa kanya ang kaniyang kagandahan," puri ni Haring Magnus sa anak.
Tumingin si Helena sa mga mata ni Haring Magnus. "Oo, irog ko, ngunit ang mga mata niya'y kasing kinang ng mga mata mo," mabilis na tugon ni Helga sa asawa.
"Dahil isa siyang lobo, katulad ko," paliwanag ni Magnus kay Helena.
"Nangangamba ako, paano kapag nalaman ng mga tao ang tungkol sa pagkatao ninyong mag-ama." Tumingin si Helga sa anak. "Lalong-lalo na kay Lia," pahayag ni Helga na may kasamang lungkot.
"Irog ko, huwag mo na munang alalahanin ang mga bagay na iyon. Ang mahalaga ay nailigtas natin siya sa kamay nina Agorn," mabilis na tugon ni Magnus sa kaniyang kabiyak.
Naalalang bigla ni Magnus ang Lunaria, kung ano na ang nangyayari sa Alcona. Isinumpa ni Magnus na babawiin niya ang kaniyang trono sa takdang panahon. Ang iniisip muna niya ngayon ay kung paano sila mabubuhay sa mundo ng mga tao. Si Pagudpot ay kasa-kasama niya at nagpakilala siya bilang Alguz. Alam na rin ni Helena ang tunay na pagkatao ni Pagudpot, at ito ang katulong nila sa pagbabantay kay Lia.
Hindi nagtagal ay tumigil na sa pag-iyak si Lia at muling nakatulog sa bisig ng kaniyang ina. Muli kinuha ni Magnus ang anak mula sa kanyang asawa, at ibinalik sa kuna nito.
Kung noon ay lumalabas si Magnus tuwing kabilugan ng buwan, upang maging lobo, ngayon ay hindi na, at kahit nasa anyong lobo si Magnus ay nakikipagniig pa rin sa kanya si Helena. Katulad ngayon, muling inangkin ni Magnus si Helena, kasabay nang pagliliparan ng mga ibon sa buong Sitio Ipilan.
Pagkatapos ng mainit na pagmamahalan nina Magnus at Helena ay niyakap ni Helena ang asawa. "Mahal na mahal kita, Magnus, ikaw ang buhay ko," saad niya sa asawa na nakatitig lamang sa kanya dahil hindi ito makatugon sa kanya.
PAGKALIPAS NG LABING-WALONG TAON
Mabilis lumipas ang taon. Si Lia ay nagdalaga na. Maraming kalalakihan ang nabibighani sa kaniyang kagandahan sa kanilang lugar at sa kanyang pinapasukan. Ngunit wala sa isip ni Lia ang makipagrelasyon, dahil gusto niyang makatapos ng pag-aaral at mabigyan ng magandang buhay ang kanyang mga magulang.
"Nay, Tay, mano po," bati ni Lia sa mga magulang nang dumating siya buhat sa kaniyang pinapasukan. Naabutan niyang masayang kumakain ang kaniyang mga magulang.
"Lia, anak, maupo ka na dito sa lamesa at nang makakain ka na," utos ni Magnus sa anak.
Masaya na umupo si Lia sa tabi ng kaniyang ina at kumain ng nilabon na mais at kamote.
Habang kumakain si Lia ay nakatitig siya sa kanyang ama. Hindi niya alam kung bakit kapag nagtagpo ang kanilang mga mata ay nagliliwanag ang mga mata nito. Minsan na ring nakita ni Lia ang mga mata niyang nagliwanag, habang nakaharap siya sa salamin.
Nang matapos silang kumain ay si Lia na ang nagligpit ng pinagkainan nila. Pagkatapos niyang malinis ang lamesa ay pumunta na siya sa kaniyang silid upang kumuha ng damit upang maligo.
Habang naliligo si Lia ay may naramdaman siyang kaluskos at narinig na ingay. Hindi niya ito pinansin hanggang sa mapansin niya ang isang butas sa pader at may nakita siyang mga mata. Natakot siya kaya agad niyang kinuha ang kanyang tuwalya at ibinalot sa kanyang katawan.
Nagdesisyon siyang lumabas ng banyo at upang magsumbong sa ama.
"Lia, ang dami mo pang sabon sa katawan," puna ni Helga sa anak nang lumabas ito mula sa banyo.
"Tay, Nay, may namboboso po sa akin," ani ni Lia na halatang natatakot.
Nagtagis ang mga panga ni Magnus at galit na lumabas ng tahanan nila, pagkatapos ay nakita niya ang tatlong kalalakihan malapit sa likod ng kanilang bahay.
"Anong ginagawa n'yo diyan?!" galit na tanong ni Magnus sa mga lalaki.
Ngumisi ang isang lalaki. "May tiningnan lamang po kami Ka-Magnus," tugon ni Greg Braganza na kilalang maloko sa kanilang lugar.
Lalapitan sana ni Magnus ang kalalakihan ngunit nagtakbuhan ang mga ito sa sasakyan ni Greg.
Si Greg ay apo ng mag-asawang Braganza na pinagtrabahuhan nina Magnus noon.
"Alguz," tawag ni Magnus kay Pagudpot.
Itinigil ni Pagudpot ang pagsisibak ng kahoy at lumapit kay Magnus.
"Bakit po, Haring Mag— este, Magnus?" tanong ni Pagudpot kay Magnus na nakasanayan ng tumawag na hari kanya.
"Kailangan nating ayusing mabuti ang ating tahanan. At gusto kong magbantay kang mabuti sa gabi, dahil may mga kalalakihang nagbabalak nang hindi maganda kay Lia," makapangyaring utos ni Magnus kay Pagudpot,
Tumango si Pagudpot. "Masusunod po," mabilis na pagsang-ayon ni Pagudpot kay Magnus.
Samantalang si Lia ay muling nagpatuloy sa kaniyang paliligo, nang masigurado niyang umalis na ang mga taong namboboso sa kaniya.
Sa edad niyang disi-otso ay wala pa siyang nagiging nobyo, kaya ganoon na lamang ang takot niya ng may namboso sa kaniya. Ngunit si Lia ay nagtataka sa sarili dahil simula nang sumapit siya sa edad na disi-otso, siya'y may napapansin nang kakaiba sa sarili, dahil ultimo pang-amoy at pandinig niya ay lumakas, pati ang kaniyang paningin. Mayroon din siyang kakaibang balahibo sa kaniyang likod na noon pa niya gustong ipaalis, ngunit pinagsabihan siya ng kaniyang amang, malalaman niya rin ang tungkol sa tunay niyang pagkatao sa pagsapit ng kabilugan ng buwan.
KINABUKASAN, habang papalabas si Lia sa unibersidad na pinapasukan niya nang may tumigil na sasakyan sa kaniyang harapan. Bumaba mula sa sasakyan ang magkakaibigan ni Greg at nilapitan siya.
"Anong kailangan n'yo sa akin?" tanong ni Lia nang hawakan siya ng mga kaibigan ni Greg sa kaniyang mga braso.
Ngumisi si Greg. "Ang hirap mo kasing paamuin. Ma-swerte ka pa nga...at ikaw ang nagustuhan ko. Kahit maraming mayamang babae diyan. Pero...ikaw pa itong pakipot," tugon ni Greg.
Nakaramdam ng takot si Lia para sa sarili. Alam niyang halang ang bituka ni Greg, kaya nga niya ito binasted dahil hindi ito ang tipo niyang lalaki.
"Greg, ano bang kailangan mo sa akin?" muling tanong ni Lia.
Ngumiti na parang aso si Greg, pagkatapos ay hinaklit niya ang isang braso ni Lia.
"Alam mo, Lia, nagkamali ka sa ginawang pambabasted sa akin! Dahil lahat ng babaeng tinatanggihan ako! Dinadala ko sa langit!" Pagkatapos ay hinila niya si Lia papasok sa kaniyang sasakyan.
"Tulong! Tulungan n'yo ako!" malakas na sigaw ni Lia nang itulak siya ni Greg sa loob ng sasakyan.
"P'wede ba? Huwag kang mai—"
Hindi na naituloy ni Greg ang sasabihin niya ng may isang lalaki ang lakas-loob na harapin ang grupo ni Greg. Malakas ang lalaki, dahil halos lahat ng suntukin niya ay tumilapon at nakatulog.
Binuksan ng lalaki ang pintuan ng kotse at tinulungan si Lia na makababa.
"Miss, ligtas ka na," sabi sa kanya ng lalaki sa baritono nitong boses.
"Maraming salamat...at iniligtas mo ako," sabi ni Lia habang napapaiyak.
"Walang anuman," mabilis na tugon ng lalaki habang nakatitig sa kaniya.
Alam ni Lia na nakatitig sa kaniya ang lalaki, kahit may suot itong salamin sa mata. At kahit hindi niya kita ang mata ng lalaki ay masasabi niyang gwapo ito.
Ngumiti si Lia. "Salamat ule. Ako nga pala si Lia," pagpapakilala niya sa lalaki at inilahad niya ang kaniyang kamay.
"Ako naman si Vladimir." At nakipagkamay siya kay Lia.
Si Vladimir ay isang imortal na naninirahan sa mundo ng mga tao. Siya at ang kaniyang kaibigan na si Wesley ay pumupunta sa mundo ng mga tao, upang magpaibig ng dalaga na iaalay nila sa bathala ng Wolverland.
Sa pagkakadikit ng mga kamay nina Vladimir at Lia, ay pareho silang nakaramdam ng kuryente na dumaloy sa kani-kanilang katawan.
Hindi maipaliwanag ni Lia ang kaniyang nararamdaman, dahil bumibilis ang pintig ng kaniyang puso, nang dahil sa pagkakahawak nila ng kamay ni Vladimir.
Magsasalita na sana si Lia ng may isang lalaki ang nagsalita.
"Vladimir, andito ka lang pala," ani ni Wesley, ang matalik na kaibigan ni Vladimir na isang taong lobo.
Tumingin si Vladimir sa kaibigan. "Nakarinig kasi ako nang sigaw ng isang babae, kaya napapunta ako rito," paliwanag agad ni Vladimir sa kanyang kaibigan na si Wesley.
Ngumiti si Wesley at tumingin kay Lia. "Hindi mo ba ako...ipaki-kilala sa magandang dilag na nasa harapan ko?" mga katagang lumabas sa labi ni Wesley habang nakatitig kay Lia.
"Wesley, siya si Lia, ang magandang dilag na...nasa harap mo." Tumingin si Vladimir kay Lia. "Kaibigan ko nga pala, si Wesley," pagpa-pakilala ni Vladimir sa dalawa.
Nakipagkamay si Lia kay Wesley, kahit pa may kakaiba siyang nararamdaman sa binata.
Samantalang nagdesisyon si Vladimir na ihatid si Lia, dahil baka mapahamak na naman ang Lia sa daan.