ANG PAGSILANG SA PULANG PANGIL
Dumating na ang araw na kinatatakutan ng lahat ng mga lobo. Ang pagpula ng buwan ang siyang pagsilang ng pulang pangil.
“Howl. . .”
“Howl. . .”
“Howl. . .” malalakas na alulong na, namutawi sa buong Lunaria.
Nagtagis ang panga ni Agorn, habang nakatitig sa buwan na tuluyan nang namula, dahil nagsanib na ang araw at buwan. Makikita sa mga mata ni Agorn ang bagsik ng kanyang galit. Ipinatawag niya ang lahat ng mga itim at puting lobo.
“Makinig kayong lahat! Dumating na ang araw na kinatatakutan nating lahat! Kailangang mawala ng pulang pangil!” galit na pahayag ni Agorn sa kanyang mga nasasakupan.
Habang ang lahat ay sunud-sunuran sa mga sinasabi ni Agorn, may isang puting lobo ang gustong suwayin si Agorn. Dahil para sa kanya, simula nang si Agorn ang namuno sa buong Lunaria ay naging magulo ang tahimik at matiwasay na pamumuhay sa Lunaria. Ito ay walang iba kung ‘di si Lucas, ang kanang kamay ni Haring Rakesh na ama ni Haring Magnus, ang dating namumuno sa Alcona. Hindi na makaya ng dibdib ni Lucas, ang ginawang pagbabago ni Agorn sa buong Lunaria. Ang mga kababaihan ng putting lobo ay naging alipin ng mga itim na lobo. Walang Karapatan tumanggi ang isang babaeng lobo kung gusto siyang pagparausan ng isang itim na lobo. At kapag nagustuhan ni Agorn ang isang puting lobo ito ay kanyang inaalipin at pinagsasawaan. Hanggang sa ito ay kanyang pagsawaan. Ngayon ang kanyang anak na si Alendra ay ginawang alipin ni Wesley at dinadala ang magiging anak nito. Ang pinaniniwalaan ng lahat na magiging tagapagligtas ng lahat ng lobo, laban sa pulang pangil.
Tahimik lamang nakikinig si Lucas sa mga sinasabi ni Agorn, ngunit buo na ang kanyang desisyon na hanapin si Haring Magnus. Kung tama ang kanyang kutob na bumalik na ito ng Wolverland ay kailangan na niyang kumilos na makita ang tunay na hari ng Alcona, nang sa ganon ay matapos na ang paghahari ni Agorn. Kailangan nang ibalik ang katahimikan at kapayapaan ng Lunaria.
“Naiintindihan n’yo ba ako? Mga mahal kong alipin?” paniniguro ni Agorn sa kanyang nasasakupan.
“Maasahan mo kami, Haring Agorn,” tugon ni Azul ang kanang kamay ni Agorn at ang itim na lobo na may masamang hangarin sa buong Lunaria.
“Howl. . .”
“Howl. . . “
“Howl. . . “ alulong ng lahat ng lobo.
Nang matapos ang ginawang pagpupulong ni Agorn sa kanyang sinasakupan ay naghiwa-hiwalay na ang lahat.
Simula nang si Azul ang mamuno na hanapin ang pulang pangil ay hindi na namaki-alam si Wesley. Ngunit buhay pa rin sa kanyang dibdib, ang galit para sa kaibigan na si Vladimir. Kaya sa oras na magkita sila ay ipaparamdam niya sa dating kaibigan ang bagsik ng kanyang galit, at kukunin niya si Lia.
Tumingin si Wesley kay Alendra na ngayon ay malaki na rin ang tiyan, dahil sa susunod ng kabilugan ng buwan ay isisilang nito ang kanilang supling. Alam din ni Wesley na umaasa si Alendra sa kanyang pag-ibig, ngunit itinatanggi ni Wesley sa kanyang sarili na may nararamdaman siya para sa dito. Dahil mas nangingibabaw sa kanya ang nararamdaman niya para kay Lia. Ngunit ang totoo ay may nararamdaman na siya para kay Alendra.
Lumapit si Wesley kay Alendra at niyakap ito. “Alendra, salamat at binigyan mo ako ng anak,” pahayag ni Wesley, ngunit ang totoo ay gusto niyang ipagtapat ang kaniyang damdamin.
Ngumiti si Alendra. “Wala kang dapat ipagpasalamat sa akin. Dahil mahal kita Wesley, kahit wala kang damdamin para sa akin,’’ malungkot na tugon ni Alendra.
Hinaplos ni Wesley ang buhok ni Alendra at hinalikan niya ito sa noo. “Salamat sa pagmamahal mo sa akin,” wika ni Wesley at pagkatapos ay tinalikuran na niya ito upang lisanin ang Lunaria, dahil kinakailangan na niyang bumalik sa bulwagan ng Lunaria.
Habang patungo si Wesley sa may bulwagan ng Lunaria ay bigla niyang naalala si Alendra. Nakaramdam siya ng konsensya sa kanyang puso, dahil sa pagtanggi niya sa tunay niyang nararamdaman. Malinaw na sa kanyang sarili at puso, na may pagmamahal din siya para kay Alendra.
Lumingon si Wesley at nakita niyang habol siya ng tingin ni Alendra. “Hintayin mo ang pagbabalik ko, aking mahal,” bulong ni Wesley sa sarili. Buo na ang kanyang desisyon na kalimutan na ang damdamin niya para kay Lia, lalo na’t nalaman niya na pamangkin ito ng kanyang amang hari. Sa kanyang pagbabalik sa Lunaria ay magtatapat na siya ng pag-ibig kay Alendra, at papakasalan niya ito upang hindi alipin ang tingin dito.
SA KAHARIAN NG TRANAVANA
Habang naghahanda ang mga lobo sa pagsugod sa Tranavana, ay walang kaalam-alam ang mga ito na isisilang na ang pulang pangil.
Magkayakap sina Lia at Vladimir nang biglang makaramdam nang pananakit ng tiyan si Lia.
“Aah. . .ang sakit,” daing ni Lia at hinawakan niya ang kanyang tiyan.
“Mahal ko, bakit?” tanong ni Vladimir na may pag-aalala.
“Vladimir, mukang isisilang ko na ang ating supling,” mabilis na tugon ni Lia sa kanyang nobyo at ama ng kanyang ipinagbubuntis.
Biglang nataranta si Vladimir. Kinalong niya si Lia at inihiga niya ito sa kanilang higaan at iniwan niya ito, upang tawagin ang kanyang mga magulang.
“Ama, Ina, si Lia, pinanakitan na ng tiyan,” pagbabalita niya sa kanyang mga magulang.
Ngumiti si Leandro. “Dumating na ang tamang oras,” makapangyarihan niyang wika na narinig naman ni Haring Magnus nang dumating ito kasama si Helena.
‘‘Anong nangyayari dito?’’ tanong ni Haring Magnus.
Si Leandro ang nagsalita. “Haring Magnus, dumating na ang oras nang pagdating ng pulang pangil,” pagtatapat niya.
Nagkislap ang mga mata ni Haring Magnus na mababasa mo sa kanyang mukha ang kaligayan na nararamdaman, dahil masisilayan na niya ang kanyang apo.
“Kailangan na natin siyang puntahan,” mabilis na tugon ni Haring Magnus at pinuntahan na nila si Lia kung saan ito iniwan ni Vladimir.
Habang hinihintay ni Lia na bumalik si Vladimir ay nagdesisyon na siyang tanggalin ang kanyang saplot, dahil ramdam na n’ya ang malapit na paglabas ng kanyang anak. Namimilipit man siya sa sakit ng tiyan ay pinilit niyang gumalaw upang isandal ang kanyang likod sa may ulunan ng kanilang papag. Ibinuka niya ang kanyang mga hita, upang bigyan ng daan ang paglabas ng kanyang supling.
“Aaaahh...” pag-ire ni Lia
Habang pinipilit ni Lia na paanakin ang kanyang sarili ay dumating si Vladimir, kasama ang kanilang mga magulang. Nakaramdam naman ng awa si Helena nang makita ang anak na nahihirapan sa pag-anak. Kaya agad siyang lumapit dito at tinulungan na sa pag-anak.
“Lia, anak, huminga ka nang malalim. At isang malalim na ire ang ‘yong pakawalan,” sabi ni Helena at ipinasok na niya ang kanyang kamay sa b****a ng p********e nito.
Tumango si Lia at isang malakas na ire ang kanyang pianakawalan. ‘‘Aaaaaahh.’’
“Isa pa anak, hawak ko na ang ulo niya,” muling sabi ni Helena sa anak.
Nakaramdam ng awa si Vladimir para kay Lia nang makita niyang nahihirapan itong manganak. Marami nang dugo ang lumalabas dito at mnamumutla na rin ito.
Nagp’westo siya ulunan ni Lia at hinawakan niya ang mga kamay nito. “Mahal ko, andito lang ako,” sambit ni Vladimir.
Ngumiti si Lia at muling nagpakawala ng isang malakas na ire. ‘‘Aaaaaaah.’’ Kasunod nito ay ang paglabas ng kanilang malusong na supling.
‘‘Uhhhaaa,’’ iyak ng munting anak nina Lia at Vladimir nang mailabas ito ni Lia mula sa kanyang sinapupunan.
Halos kilabutan naman si Helena nang makita niya ang sariling apo na isinilang na may pulang pangil at matatalim na mata. Ngunit hindi na siya magtataka, dahil alam niyang isang lobo at bampira ang kanyang apo.