Matapos ang sekritong bangayan namin ni Nelson, heto at natuloy pa rin ang kasalan na walang kwenta. Kasalan na hindi ko alam kung ano ang kahihinatnan.
At ngayon nga ay hawak-hawak na nito ang kamay ko para isuot sa akin ang gintong singsing na katerno ng dala kong singsing.
A family heirloom na ang center piece ay ruby heart-shape. Hindi ko tuloy napigil ang mapakunot-noo habang dahan-dahan nitong sinusuot ang singsing sa daliri ko.
Bakit ang isang simpleng tao na katulad ni Nelson ay may mamahaling pamanang singsing na gaya sa akin? Nagpalipat-lipat ang tingin ko sa mukha niya at sa singsing.
“I want you to wear this ring as a token of my everlasting love and loyalty.”
Sinadyang bagalan nito ang sinasabi niya, habang may kakaiba na namang ngiti at tingin, at pagkatapos ay humalik pa sa kamay ko. Pampam din talaga ‘to!
“Everlasting love and loyalty! Mukha niya!” Hindi ko tuloy napigil ang pagkibot ng labi ko.
Gusto ko na nga sanang sabihin sa mayor na deritso suot na lang ng singsing; wala ng salita-salita dahil hindi naman totoo na mahal namin ang isa’t-isa.
Pero wala eh, hindi ko magawa,
kaya heto, at isusuot ko na rin sa daliri niya ang singsing. “I want you to wear this ring as a sign of my love and devotion!”
Habang sinasabi ko ang mga salitang ‘yon ay sumabay din ang mga mata ko sa panliliit. Nanayo kasi ang balahibo ko; hindi ko pa napigil ang pagtirik ng mga mata ko, matapos kong isuot sa kanya ang singsing.
Bwisit! Bakit kasi dumaan pa kami sa prosesong ganito. Pwede naman sanang pirma lang kami agad.
Talagang pinahirapan ako ng family ko. Hindi ko naman sila masisi, dahil minsan ko na silang pinahiya noong hindi ako sumipot sa nauna kong arrange marriage.
Oo, pangalawang arrange marriage ko na ‘to. No’ng una ay sa kababata at best friend kong si Diego.
Talagang ang liit ng mundo. Hindi sadyang magkakilala at magpang-abot kami sa isla. Sinong mag-aakala na sa muli naming pagkikita, ay matatali pala kami sa isa’t-isa.
Napalingon ako nang marinig ang mahinang tawa ni Nelson. “Make sure to do that…”
“Do what?” agad kong putol sa pagsasalita niya.
Hindi pa nga kasi tapos ang kasal. Nagsasalita pa si Mayor. Tinatapos pa nito ang seremonya.
“The eye-rolling thing… on our honeymoon!” Pilyong ngiti ang kasabay ng sinabi niyang ‘yon. Lalo pang nangliit ang mga mata ko.
“Mukha mo! Mag-honeymoon ka mag-isa mo!” Pabulong na may kasamang ismid ang salitang ‘yon na ikinangiti naman nito ng pilit.
“By the power vested in me, I pronounce you husband and wife,” matamis na ngiti ang kasabay ng sinabing ‘yon ni Mayor.
Kumislap din ang mga mata ng secretary at pumalakpak pa. Kilig na kilig!
Pero ako, hindi kilig ang naramdaman ko, kilabot! Kinikilabotan ako. Hindi nga ako makangiti dahil sa kalandiang sinabi nitong asawa kong sira-ulo.
“You may now kiss the bride!” Iminuwestra pa ni Mayor ang kamay niya sa akin habang nakangiting nakatingin naman kay Nelson.
Kunwari, nahihiya pa ang loko. Kakamot-kamot kasi sa ulo. “Mayor, pwede bang sa honeymoon na lang?” Kalokohang tanong nito na nagpatawa naman kay Mayor at sa secretary nito. “Mas maganda kasi ‘yong walang ibang tao. Wala ng putol at tuloy-tuloy…” Kagat naman sa ibabang labi ang kasabay ng sinabi niyang iyon.
“Ikaw ang bahala,” hagikhik naman ni Mayor at pinapirma na nga kami. “Congratulations, Mr. and Mrs. De Vedra!” sabi naman nito matapos kaming pumirma.
Matamis na ngiti ang sagot namin sa bati nito at ng secretary. Kunwari nga kasi, mahal namin ang isa’t-isa at masaya kami dahil mag-asawa na kami. Kaya todo effort rin ang aming ngiti, hanggang sa makalabas ng office.
Ewan ko na lang talaga kung saan kami daldalhin nitong laro na ‘to.
“Tapos na ang show, pwede ba, bitiwan mo na ang kamay ko?” Inangat ko pa ang magkahawak naming kamay.
Pero parang hindi nito narinig ang sinabi ko; hindi kasi sumagot. Ngumiti lang, pero ang tingin naman sa akin ay matalim.
Hinablot ko na lang ang kamay ko. Imbes kasi na bitiwan niya, humigpit lalo ang hawak nito. Agad na rin akong lumayo, at naunang lumabas ng gusali.
Tapos na nga ang kasal namin. Tapos na ang obligasyon sa ko kaniya. At ngayon, pwede ko nang gawin ang gusto ko. Magagawa ko na ang kondisyon na hinihingi ko, kung bakit pumayag ako sa arrange marriage na ‘to.
‘Yon ay ang magtrabaho sa kompanya ni Hector Laquesta.
“Saan ka pupunta?!” tanong ni Nelson, habang sinusundan ako.
“Pakialam mo?!” pasikmat kong sagot, at hindi na siya nilingon.
“Wala naman talaga akong pakialam, Dorry!”
“ Wala ka naman palang pakialam, e ‘di hindi ka na sana nagtanong!”
Mas bumilis pa ang paghakbang ko. Gusto ko na ngang makalayo sa kanya. Wala sa plano ko na maging may bahay niya. Sa papel lang kami kasal at hindi sa totoong buhay!
“Hoy, Dorry!” Pasikmat nitong tawag sa akin.
Akala yata masisindak niya ako. Akala siguro niya, porket mukha na siyang tao at kagalang-galang ngayon ay igagalang ko na s’ya!
Hindi! Hindi mangyayari ‘yon. Isa siya sa mga tao na hindi ko susundin at igagalang kahit kailan!”
“Hindi ka ba na inform?!” Hindi lang sa kasal nagtatapos ang larong ‘to, Dorry!”
Awtomatikong huminto ang paghakbang ko. Nilingon ko siya, at matalim na tinitigan.
Mabagal naman itong humakbang palapit, at ngayon ay seryosong-seryoso na itong tumitig sa akin. “Don’t forget that you are my wife now!”
“Wife? Hoy, Nelson. Sa papel lang tayo kasal. Kaya ‘wag mong gamiting panakot ang salitang ‘yan!”
“Panakot?” Pahapyaw siyang tumawa. “Oo, sa papel nga lang tayo kasal, but it doesn’t mean, pwede mo na akong takbuhan. It doesn’t mean, hindi mo na gagawin ang obligasyon mo sa akin!” Madiin ang bawat bigkas niya sa mga salitang ‘yon.
“Obligasyon?! Hibang ka ba?” irita kong tanong.
Lahat yata ng dugo ko ay umakyat sa ulo. Ramdam ko ang init. Ramdam ko ang pagkulo ng dugo ko.
Talagang sinasagad nito ang pasensya ko. “Hoy, Nelson! Wala akong obligasyon sa’yo. At ‘wag mong gamitin ang salitang ‘yan para e-take advantage ako. Hindi mo ako mapipilit d’yan sa obligasyon na sinasabi mo. Alam ko kung ano ang karapatan ko bilang isang babae!” nanggagalaiti kong sabi.
Kumunot naman ang noo nito. Nagkunwaring hindi gets ang sinasabi ko.
“Pinagsasabi mo, Dorry?” Pahapyaw siyang tumawa na ikinakunot ng noo ko.
“Maang-maangan? Akala mo kakagat ako?”
“Sino ba ang may sabi na pinapakagat kita?” Nakakalukong ngiti naman ang kasabay ng sinabi nito. Umiling-iling pa.
“Ang pagkakaalam ko ay family mo ang nag-arrange ng marriage natin? Bakit parang hindi ka informed?”
Ako naman ang napakunot ng noo. “Anong pinagsasabi mo?”
Wala naman kasi talagang ibang sinabi ang family ko. Basta sumipot lang daw ako sa kasal. At gawin ang obligasyon ko, at pwede ko nang gawin lahat ng gusto ko.
“Obligasyon…” Bigkas ko sa salitang ‘yon sa utak ko.
Ano nga bang obligasyon ang sinasabi nila? Hindi ko na kasi natanong. Masyado akong natuwa dahil sa pagpayag nila sa kondisyon ko.
“Hindi nga ako informed! Hindi ko naitanong. Anong obligasyon ba kasi ‘yan?” pasikmat kong tanong.
Ngiti at maya maya ay kagat-kagat na nito ang labi niya. “Obligasyon mo raw na kumain ng maraming sea squirts, para agad tayong makabuo!”