(((Dorry)))
Suot ang kulay pink na wig, puting maxi-dress, and my favorite stiletto, confident at may ngiti ako sa labi habang mabagal na naglalakad papasok sa lumang munisipyo.
Gusto ko pang namnamin ang huling sandali ng pagiging single ko. Ang pagiging malaya. Dahil oras na ma-meet ko na si Mr. Purple tie, tapos na ang pagiging malaya ko.
Kahit pa arrange marriage lang ‘to. Kahit for formality lang. Alam kong malaki pa rin ang magiging effect nito sa buhay ko. Lalo’t hindi ko nga kilala, o kung anong mayro’ng ugali at katauhan ng mapapangasawa ko.
Kaya heto, todo effort pa rin ako na magpaganda. Ayaw kong mapahiya. Ayaw kong masabihan ng hindi maganda.
Gusto ko rin na e-surprise ang magiging asawa ko. Gusto kong makita niya na hindi lang yaman ang mayro’n ako. Maganda at sexy din ako.
Oo, at napilitan nga lang ako na um-oo sa kasal na ‘to, but hindi iyon magiging dahilan para hindi ako magpaganda, at hindi magpa-impress sa lalaking pakakasalan ko na alam kong napipilitan lang din gaya ko.
Ang sabi nga, the first impression will last forever. At iyon ang gagawin ko. Gusto kong tumatak sa utak ng magiging asawa ko ang hitsura ko ngayon.
Kaya lang lahat ng nasa utak ko; lahat ng plano at preparasyon kong pagpa-impress ay hindi ko na nagawa.
Nawala rin ang confidence ko. Bumagsak ang balikat ko, at ang matamis na ngiti na kanina ko pa pina-practice ay awtomatikong napalis at napalitan ng dismayang ngiti.
“Sh*t!” Paulit-ulit akong napamura habang ang tingin ay nasa lalaking nakapikit at may suot na purple necktie.
Ilang ulit akong kumurap. Paulit-ulit na kinusot ang mga mata. Nagbakasakali na mali lang ang nakikita ko. Namamalik-mata o guni-guni lang.
Kababalik ko lang kasi ng bansa. Baka nanibago lang ako sa mga bagong mukha na nakikita ko. Ilang-ulit pa akong kumurap-kurap, baka sakaling mawala sa paningin ko ang lalaking wala na sana akong balak makita sa tanang buhay ko.
Pero hindi—hindi siya nawala. Nasa harap ko pa rin siya. Paulit-ulit din na bumuga ng hangin habang hinahagod ang buhok.
Totoo nga ang nakikita ko. Siya nga! Siya ang lalaki na ni minsan ay hindi ko naiisip na pupuno sa pagkakamaling nagawa ko, at mag-iiwan ng mantsa sa pagkatao ko. Mantsa na kailanman, hindi ko na mabura-bura buong buhay ko.
“Ikaw!” sabay naming bulalas nang sa wakas ay nagharap kami.
Napanganga at dilat na dilat na mga mata ang kasabay ng salita kong ‘yon.
Wala na akong pakialam kung hindi na ako maganda sa paningin niya, o magmukha man akong ingot sa paningin ng lalaking ‘to. Mas pangit at ingot naman siya sa paningin ko!
Pero bakit siya? Ang dami-dami namang lalaki sa mundo. Bakit siya pa? Daig ko pa ang natamaan ng kidlat sa nangyayari ngayon. Bakit si Nelson pa?
Ang daming tanong ang agad gumulo sa isipan ko. Nakakalito. Nakakainis! Nakakadismaya!
Alam kong siya ay gano’n din ang nararamdaman. Hindi naman kasi maipagkakaila sa hitsura niya. Parang galit pa nang makita ang kulay pink kong buhok.
Sino ba naman kasi ang hindi malito at magulat. May nakaraan nga kami. Wala mang label, pero nagmantsa!
Sa daming tanong na bumabagabag sa isipan ko, hindi ko naman mapigil ang sarili na pasadahan siya ng tingin, mula ulo hanggang paa, gaya ng ginawa niya sa akin.
Hindi ko ipagkakaila, na nagmukha siyang tao sa ayos niya ngayon. Gaya ko siguro ay pinaghandaan niya rin ang araw na ‘to. Gaya ko ay balak niya ring magpa-impress.
Gusto ko na nga siyang lapitan. Gusto kong ibuhol ng sobrang higpit ang purple tie sa leeg niya. Para hindi na siya makahinga.
Kung makatingin kasi akala mo kung sinong guwapo. Oo, ibang-iba na nga siya sa dating Nelson na kilala ko noon— ‘yong Nelson na laging walang suot na t-shirt, gulo-gulo ang buhok, sira-ulo, at may pagkamanyakis.
“Itutuloy pa ba natin ‘to?” tanong niya na umuntog sa ulo ko.
Para akong nagising—parang natauhan sa tanong niyang ‘yon. Gusto kong sumagot na hindi na. Ayaw kong magpakasal sa kanya.
Kaya lang, hindi pwede. Kailangan kong ituloy ‘to. Kailangan kong gawin ‘to, kahit tumututol ang buong sistema ko na matali sa kanya, hindi ako aatras; hindi ako pwedeng umatras.
“Okay, then, let’s do this!” sabi niya na hindi ko na sinagot, pero tingin ko naman sa kanya nagbabaga. ‘Yong tingin na makasunog laman. Kaya lang, parang hindi naman tinablan.
Ngumiti ba naman ang sira-ulo, pero tingin naman ay parang nagyeyelo. At ayaw ko sa ngiti at tingin niya. Hindi ko gusto ang klase ng ngiti niya—ngiting kakaiba at nakakakaba.
“Mayor, we’re ready,” agad niyang sabi, sabay hapit sa baywang ko, na nagpa-awang sa labi ko.
Gulat na gulat ako. Sa puntong hindi ko siya nagawang sitahin. Akala ko kasi, tatayo lang kami sa harap ng mayor na parang mga tuod.
Pero iba pa rin pala ang utak mayro’n ‘to si Nelson! Pormahan lang ang nagbago sa kanya. Akala mo kung sinong matino at seryosong lalaki na. Pero isa pa rin palang m******s na ngayon ay hinimas-himas at pinisil-pisil na ang baywang ko.
Matapos ang sandaling pagkagulat. Bumaba sandali ang tingin ko sa kamay niya, saka ko naman siya tinapunan ng tingin sabay hawak sa kamay niya, at sikreto iyong kinurot ng pinong-pino.
Nakagat naman niya ang pang-ibabang labi at nanliit ang mga mata, sabay ang dahan-dahan na paglapit ng mukha nito sa akin.
Agad akong umiwas, at sa tainga ko nga tumama ang labi niya. “Make sure you won’t regret tying the knot with me!” bulong niya pa na nagpabilog sa mga mata ko, pero nagpatiim naman sa labi ko.
Nakakagigil. Muli ko siyang nilingon. Kung kanina ay bumilog ang mga mata ko, ngayon ay nanliit na.
Kung wala lang kami sa harap ng mayor at secretary niya na siya ring tumayo na witness sa kasal namin, kanina ko pa pinisil ang itlog niya nang matauhan.
Maya maya ay nagawa ko ring ngumiti. Ngiting pilit at mapait. Tinginan namin ay parehong tagos hanggang kaibuturan.
Kumulo lalo ang dugo ko. Puso ko nag-aalburoto na sa inis. Pero sandali namang nagulo ang utak ko sa binulong niya.
“Regret.” Paano nga kung dumating ang araw na pagsisihan ko ang desisyon na magpatali sa kanya?
Pakiramdam ko kasi, tinatakot niya ako. Pakiramdam ko ay gagawa siya ng paraan na pagsisihan ko ang desisyon kong magpakasal sa kanya.
Kilala ko nga ‘to si Nelson bilang isang sira-ulo na may pagkamanyakis! Paano nga kung may gawin siya?
Nando’n ang takot—ang pangamba, but still, desidido pa rin akong ituloy ang kasalang ‘to kahit manyakin niya pa ako!
Matapos ang sandaling pagkagulo ng utak ko, sinalubong ko na naman ang mga mata niyang titig na titig pa rin sa mukha ko.
Bahagya ko siyang itinulak at matamis na ngumiti na nagpakurap-kurap naman sa mga mata nito.
“Alam mo, ang dami mo pang sinasabi, daig mo pa ang babae!” gigil at pabulong kong sabi.
Ngiting nakakaasar naman ang sagot niya. Ang bilis niyang nakabawi. Pero alam ko, may naramdaman siyang kakaiba sa matamis kong ngiti kanina.
“At saka, ano naman kung magsisi ako, Nelson? Bawal ba? Tao lang naman ako, nagkakamali ng mga desisyon sa buhay. Pero sana, ‘wag ang desisyon o nararamdaman ko ang problemahin mo, Nelson. Mag-focus ka na lang sa sarili mo—sa nararamdaman mo, baka kasi, ikaw ang magsisi at hindi ako!”