"PAPA, AALIS NA po ako!" paalam ko kay Papa na bumaba ng hagdan mula sa taas. Nakasuot siya ng robe niya at pantulog. Alam niya na ngayon na ang field trip ko. Alas kwatro palang naman pero excited na ako.
Nakaupo ako sa sofa habang inaayos ko ang pagkakatali ng sintas ng rubber shoes ko. My fave reebok. Yellow Green siya na may halong black. Ito kasi ang gift sa akin ni Papa nung birthday ko. Dito palang masaya na ako. Hindi ko type na bumili ng bumili, kung hindi ko rin naman magagamit ng madalas. Aalikabukin at liliit lamang ito pagtagal, kaya sayang lang.
"'Di ba five pa ang lakad niyo? Alas kwatro palang? Hindi kaya maghintay ka doon ng matagal, Anak?" nag-aalala niyang tanong.
Napangiti naman ako at tumayo. Tumingin ako kay Papa, "Excited na po ako. Baka mamaya maiwan po ako. Hayaan niyo ng maaga, kesa naman po na ma-late." napailing naman siya at napangiti. Umupo siya sa sofa at tinignan ako sa paghahanda ko.
Suot ko ang leggings na black, P.E uniform t-shirt namin, at syempre pinusod ko ang buong buhok na patarintas ang istilo. Para komportable ako at hindi makasagabal ang buhok ko sa mukha ko. Syempre, hindi mawawala ang salamin.
"May allowance ka pa ba, Anak?" tanong ni Papa at nilabas ang wallet niya.
"Huwag na, Pa! May pera pa po ako.. Tsaka libre pa naman po ang pagkain doon, kaya baka hindi rin po magamit ang pera ko," awat ko sa kaniya..
Ngumiti siya at tumayo,"Napakabait talaga ng anak ko. Halika nga, payakap si Papa." malambing niyang sabi.
Yumakap ako kay Papa at humalik sa pisngi niya. I love my Papa. Nasa singkwenta na mahigit ang edad niya, pero naroon pa rin ang malakas niyang appeal.
"Anak, sana ay 'wag kang magagalit kay Papa, ha?" napabitaw ako sa sinabi nito. Tumingin ako sa kanya na nalilito.
"Bakit naman po ako magagalit sa inyo?" natatawa kong tanong.
Huminga siya ng malalim at humawak sa balikat ko.
"Dahil hindi ko alam kung sakto na ba ang nagagawa ko para sa 'yo, Anak. Baka kasi nagkukulang ako sa 'yo," madamdamin niyang sabi.
Napanguso naman ako at yumakap ulit sa kanya.
"Ano ka ba, Papa. Sobra-sobra na nga po ang nagagawa niyo para sakin. Lagi po kayong maagang umuuwi para makasabay tayo sa pagkain. Hindi po kayo umaalis agad upang sabay tayong mag-agahan. Lagi pa kayo nagpapaalala sa dapat at hindi ko dapat gawin. Tapos hindi rin kayo nagkulang na pumunta sa school para sabitan ako ng mga awards ko. Kaya, bakit po ako magagalit? Kailanman ay hindi po ako magagalit sa inyo. Kaya 'wag na po kayong magsalita ng ganyan."
Humigpit ang yakap niya sa akin at tinapik ang likod ko, "Salamat, Anak. Sige na, lumakad na kayo ni Manong Rey mo at baka mahuli ka pa." umalis ako ng yakap sa kanya at kinuha na ang bag ko.
"Sige po, Papa!" paalam ko at humalik muli sa pisngi niya.
Tinungo ko na si Manong Rey na naghihintay sa akin. Agad nitong kinuha ang bag na dala ko at pinagbuksan ako ng pinto sa back seat.
Napangiti ako at hindi ko mapigilan na ma-excite sa magiging field trip namin. Tiyak na masaya ang magiging field trip namin dahil sa bundok pa at may camping kami. Pangarap ko na matulog sa bundok at sa camping tent.
"Anna, good luck sa field trip mo." sabi ni Mang Rey na nagmamaneho na at panaka-nakang tumitingin sa akin mula sa rear mirror.
"Salamat po, Mang Rey." tugon ko.
"Wala ka pa rin bang friends sa school mo?" tanong niya habang nililiko ang kotse sa daan patungo sa school ko. Madilim pa at walang tao sa daan. At hindi pa bukas ang mga establisyamento.
"Wala po. Ayaw nila sakin dahil tingin nila ay drug lord si Papa. Ayos lang naman po 'yon, kesa naman po huhusgahan nila si Papa." tugon kong muli.
Ngumiti ako kahit na sa loob-loob ko ay nalulungkot din ako dahil sa kawalan ng kaibigan sa school.
"Hayaan mo. Hindi man kami kasing edad mo ni Manang, kami na lang ang kaibigan mo." sabi niya.
Napangiti ako at tumango. Tama! Kahit wala akong kaibigan na kaedaran ko, at least nariyan ang mga taong alam ko na pwede kong maging kaibigan kahit hindi ko sila kaedad.
Nakita ko na ang mga bus na nakaabang sa parking lot ng school kaya lalo akong na-excite at agad na kinuha ko ang bag ko.
"Ba-bye, Mang Rey. Ingat po kayo sa pag-uwi." paalam ko.
"Oo. Ikaw rin mag-iingat ka." kumaway din siya habang nakatayo sa tabi ng kotse. Ngumiti ako at masayang lumapit na sa bus.
Marami na rin ang dumadating na ibang section. Pag-akyat ko sa bus ay nandoon na rin ang iba kong kaklase. Especially sila Amy kasama ang chicken pet niya.
Natigil sila sa paghalakhak at katuwaang kumuha ng litrato ng makitang papasok ako. Hindi ko sila pinansin at hinanap ko si Darrel.
"Anna, dito!" tawag ni Darrel.
Napatingin ako sa pangalawang row sa dulo ng upuan at napayuko ako na naglakad palapit doon dahil nandoon na pala si Darrel. Nadaanan ko sila Amy pero hindi ko sila pinansin, pero napapikit ako ng matisod ako. Nahulog ang salamin ko kaya kinapa ko pa ito sa sahig at nang mahawakan ko ay sinuot ko. Naghalakhakan sila Amy. Alam ko naman na siya ang may gawa ng pagkatisod ko.
"Ano ba kayo, Amy. Hindi naman kayo inaano ni Anna," suway ni Darrel sa kanila. Namula ako ng alalayan ako sa pagtayo ni Darrel. Tapos pinagtatanggol pa niya ako kela Amy na natahimik, "Ayos ka lang, Anna?" tanong niya pagkaraan.
Tumango ako at tumingin sa kanya. Nakita ko ang pag-aalala sa mata niya na kinainit pa lalo ng mukha ko.
"A-ayos lang ako, salamat." tugon ko.
Nakahinga siya ng maluwag. Yumuko ako at nauna nang maglakad sa kanya upang lumapit sa upuan namin. Nahihiya ako na naupo sa tabi ng bintana. Yakap ko ang bag ko nang maupo siya sa tabi ko kaya pakiramdam ko sobrang sikip ng upuan para sa amin.
"Tiyak ako na maganda sa pupuntahan natin. I like adventure." aniya sa pagbabasag ng katahimikan.
"Ako man." nahihiya kong tugon. Nakakahiya naman kung hindi ko siya kakausapin. Tila gumagawa siya ng topic upang hindi ako mailang.
"Gusto mo rin ng adventure?" ngiti-ngiti niyang tanong kaya napangiti ako at tumango, "Wow! Pareho pala tayo. Tapos gusto ko rin ng camping at matulog sa camping tent." dagdag niya.
"Ako man!" agap ko at lumuwag ang ngiti ko.
"Nice. Tiyak na mas mag-e-enjoy tayo sa field trip natin dahil match tayo ng hilig." sabi niya.
Napangiti kami sa isa't-isa at hindi ko mapigilan na pa-simple siyang titigan dahil gumaang ang loob ko ng kausapin niya ako na walang pandidiri at panunutya. Hindi katulad ng mga kaklase namin na halos kadirian ako dahil iniisip nila na drug lord si Papa.
"Oh, kompleto na ba?"
Napatingin kami kay Ma'am Catibay na umakyat na sa bus at nakasuot ng uniform na pang P.E uniform ng teacher.
Napatingin ako sa wrist watch ko at alas singko na pala. Ang bilis ng oras! Napatingin naman ako sa mga upuan at halos narito na pala lahat, pero may bakante pang upuan sa likod namin. Inisa-isa ni Ma'am ang pangalan namin upang makasiguro na kompleto na ang lahat.
"Okay, ayos na." wika ni Ma'am at sinara na ang attendance notebook niya.
"This is it." tumingin ako kay Darrel na nakangiti at nilabas ang cam niya, "Let's take a picture." aya niya.
"Naku. 'Wag na, nakakahiya." tanggi ko. Naman! Nakakahiya itsura ko sa cam, tiyak na matatawa lang siya.
"Huwag ka nang mahiya, Anna. Gusto ko lang na lahat ng memories sa field trip na ito ay meron ako. Kaya sige na, gusto ko rin na magkaroon tayo ng litrato." pakiusap niya.
Nag-init ang pisngi ko at nahihiya na tumango ako sa kanya bilang pagsang-ayon. Napangiti siya at tinapat ang camera sa amin. Napatingin ako sa kanya ng ilapit niya pa ang sarili sa akin. Ibig kong mapatili sa kilig dahil hindi ko alam ang mararamdaman ko ngayon. Ang makatabi ang crush ko sa isang upuan ay isang dream come true para sa akin. Halos hindi ako makaupo ng maayos dahil pakiramdam ko bawat galaw ko ay nakakahiya para sa kanya.
"Nice." komento niya habang tinitignan ang litrato namin. Tumingin siya sa akin at pinakita rin ang kuha namin. Namula ako dahil kita sa litrato na nakatingin ako sa kanya.
"Nakakahiya.. Huwag na 'yan. Isa pa."
Aagawin ko sana sa kanya ang cam niya pero natatawa na agad niyang tinago iyon.
"Ang ganda kaya. Huwag kang mahiya. This is the best shot ever." sabi niya.
Napangiti siya at umayos ng upo. Umayos din ako ng upo at sa bintana napatingin dahil tiyak na namumula pa rin ang pisngi ko sa hiya. Pero napaayos ako ng salamin sa mata ko at nanlaki ang mata ko nang mapatingin ako sa labas ng makita ko si Dante na nakahilig sa kotse niya na katapat lang ng bintana ko. Nakahalukipkip siya at tila kanina pa nakatingin rito at pinapanood kami ni Darrel.
Agad na kinuha ko ang cellphone ko sa bag at nagtipa ako ng text sa kanya.
Anong ginagawa mo rito, Mister?
Tumingin ako uli sa labas ng bintana ng ma-send ko na ang text ko sa kanya. Nakatingin siya sa akin na kinuha ang cellphone sa bulsa na suot niyang pants. Nakamaong pants siya habang naka-polo shirt na itim. Masikip ang laylayan ng polo shirt niya sa bandang braso niya dahil sa laki ng masel niya na bagay naman. Suot rin niya ang paborito niyang cap.
Hindi siya sumagot sa text ko at binulsa lang uli ang cellphone niya. Napatingin ako kela Dex na may bitbit na gym bag. Napakuno't noo ako ng makita na patungo sila sa pinto ng bus namin.
"Ayos ka lang, Anna? Sino ba ang tinitignan mo?" tanong ni Darrel.
Napatingin ako kay Darrel at umiling ako sa kanya.
Ano kaya ang ginagawa nila Dante rito?
"Attention, Class! Nakalimutan kong sabihin na may sasama sa atin na officer ng team agent sa fieldtrip. Kaya behave kayo dahil nakakahiya sa kanila." anunsyo ni Ma'am.
Nanlaki ang mata ko ng mapatingin ako kela Dante na umakyat na sa bus namin. Seryoso ang mukha ni Dante at kinausap nito si Ma'am Catibay na ngumingiti at tila kinikilig.
"Sino naman ang mga 'yan?" tanong ni Darrel.
Tumingin ako sa kanya at kita ko na tila naiinis siya sa presensya nila Dante.
"Sila 'yung agency ng agent na pinagkakatiwalaan ni Mr. Principal." paliwanag ko.
Napatingin siya sa akin at napakuno't ang noo niya sa pagtataka.
"Agent? Bakit naman sasama sa fieldtrip natin ang mga agent na 'yan?" banas niyang tanong.
Nakiba't balikat ako at napatingin sa mabibigat na hakbang ni Dante habang patungo sa likuran namin. Nakatingin ito sa amin ni Darrel. Nakakakaba naman ang tingin niya. Seryoso ang tingin at kita ko ang pagtaas ng kilay niya sa iritasyon.
Nakasunod din ang tingin nila Amy sa kanya. At parang may dumaang anghel ng dumaan siya. Dahil natahimik ang mga kaklase ko.
Napahinto ito sa tapat namin kaya naguguluhan na tumingin ako rito. Napatikhim siya at dumeretso sa likod namin kaya napaayos ako ng upo. Kumaway ako kay Dex na napangiti at kumaway rin.
Nang makasakay sila Dante ay tsaka palang umandar ang bus namin. Napatingin ako sa cellphone ko ng mag-vibrate ito. Nakita ko sa screen ang pangalan ni Dante.
Dante:
Who's that bastard?
Naguluhan naman ako sa text niya. Lumingon ako sa likod ko at nakita ko siya na nakatitig sa akin habang seryoso ang mukha, salubong na naman ang kilay, at kumikibot pa ang labi niya tila nanggigigil siya. Agad akong umiwas ng tingin at sumandal sa upuan.
Ang seryoso naman niya. Tsaka bakit para siyang inis?
Tumingin ako sa text niya. Iniisip ko kung magre-reply ba ako?
"Anna, nahanap ko na ang pupuntahan natin. Tiyak na maganda sa mga lugar na 'to." pukaw ni Darrel sakin. Napasilip ako sa cellphone niya at napangiti ako dahil tama siya. May forest, beach, cottage, at meron ring napaka-gandang bundok. Tiyak na masaya do'n. Ayos lang pala na doon kami pupunta. Napakaganda pala.
"Oo nga, ang ganda pala d'yan." tugon ko.
May binuksan pa siyang mga litrato na pupuntahan namin sa bantayan. Napatigil ako sa pagsilip sa pinapakita ni Darrel at tumingin ako kay Dante dahil parang sinusuntok niya upuan ko.
Katabi niya sila Dex at meron pa silang kasamang katrabaho nila habang napapagitnaan nila si Dante. Nakahalukipkip siya habang nakatingin sa akin na salubong ang kilay.
Ano ba ang problema nito?
Hindi ko na lang pinansin at tumingin na lang ako sa pinapakita ni Darrel. Mahaba din ang naging byahe at masaya ako dahil nalibang ako at ngayon ay may nakakausap na ako. Masarap kausap si Darrel dahil marami siyang topic. Nahihiya pa ako sa kanya pero unti-unti ay nagiging komportable din ako.
"Okay, we're here!" anunsyon ni Ma'am na kinasabik namin. Ang ganda kasi ng mga nadaanan naming lugar at ngayon nga ay narito kami sa forest.
Nauna ng bumaba sila Ma'am at maging ang nasa unahan. Tapos ay sumunod kami dahil kami ang nasa huli. Sinukbit ko sa magkabilang balikat ko ang bag ko at tumayo na 'ko. Maglalakad na sana ako pasunod kay Darrel ng mapahinto ako ng may humawak sa bag ko. Paglingon ko ay si Dante ang salarin habang salubong pa rin ang kilay.
"Bakit?" Tanong ko.
Nakatigtig siya sa akin at tila may nais siyang sabihin ng bumukas sara ang bibig niya. Tumingin ako kela Dex na ngumiti sa akin ng mapanukso bago umalis. Kaya naiwan na lang kaming dalawa ni Dante.
"Is he your friend or what?" imbes na sagutin ang tanong ko ay nagtanong rin siya.
"Ano? Ewan ko.." Hindi ko naman talaga alam kung friend na ba kami ni Darrel. Pero sana nga, para may matawag na 'kong friend.
"Tsk. Ayos lang na maging kaibigan mo siya, pero 'wag na 'wag kang lalagpas sa linya ng pakikipagkaibigan sa kaniya.."
Huh? Ano bang sinasabi nito?
Sinundan ko siya ng tingin ng mauna siyang lumakad para bumaba ng bus. Naiwan naman akong naguguluhan sa sinabi niya.