KINABUKASAN ay maagaang nagising si Jean. Nag-alarm siya upang maagang siyang magising at nang makapag-jogging siya. Mabuti naman at narinig niya ang pag-alarm ng kaniyang cellphone kaya't dali-dali siyang nabihis at isinuot ang kaniyang athletes wear.
Pasado na alas-singko ang oras ngayon. Buhat sa bintana ng kaniyang kwarto ay tanaw niya ang mga taong nag-aani ng palay. Kung maagang nagising si Jean ay mas maagang nagsimula sa pag-aani ng palay ang mga tao sa Rancho Villaruiz. Sadyang inagahan para pagsapit ng tanghali ay magpapahinga ang mga ito at itutuloy na lamang sa hapon.
Bumaba si Jean sa kusina at nadatnan niya rin doon na abala sa pagluluto ang mga tao roon. At nang makita siya ay binati siya ng mga ito ng isang napakagandang umaga.
""Magandang umaga rin po sa inyo!"" ganting bati ni Jean at nagpaalam sa mga ito na mag-jogging siya. Para naman sakaling hanapin siya ni Kathy o ni Dylan ay may isasagot ang mga ito kung saan siya nagpunta.
Bitbit ang puting face towel ay nagsimulang mag-jogging si Jean. Hindi pa man siya nakakalayo sa gate ng bahay ay bumagal siya sa pagtakbo hanggang siya ay napahinto. Natanaw niya ang burol na nagsisilbing tagpuan nilang dalawa ni Travis noon. Pakiramdam niya ay parang nangatog ang tuhod niya at nanghina.
""Attorney, okay ka lang ba?"" tanong ng dalagitang humawak pa sa braso niya.
""Okay lang ako,"" tugon niya. ""Maraming salamat!""
""Pwede ko na ba kayong maiwan?"" ani ng dalagita.
Tumango si Jean.
Mukhang nagmamadali yata ang dalagita. Malamang maglalaba ito dahil may dalang palanggana at sabonera.
""Ingat ka po,"" sabi pa ng dalagita at tinumbok na ang daan patungo sa balon.
Si Jean naman ay ipinagpatuloy na ang pag-jogging. Hanggang sa madaanan niyang muli ang dating bahay nina Travis. May dalawang tao na naroon sa bakurang ng bahay. Ang isang tao ay ginagapas ang mga damong-baging at iyong isa naman ay nagga-grass cutter ng mga damong-ligaw.
Huminto si Jean at hindi niya napigilan ang kaniyang sarili na tawagin ang dalawang lalaki. Balot na balot ang mga katawan ng mga ito at nakabota para proteksyon sa matatalas na damong ligaw. Hindi niya tuloy makita ang mukha ng mga ito.
""Ano po iyon, ma'am?"" tanong sa kaniya ng isang lalaking lumapit nang tawagin niya.
""Pwede po bang magtanong?"" aniya.
""Pwede naman, ma'am. Ano po iyon?"" saad naman ng lalaki.
""Nais ko lang sanang malaman kung bakit kayo naglilinis sa lupang iyan. Babalik na ba iyong may-ari?"" lunok-laway niyang tanong.
""Wala po kaming alam, ma'am. May tumawag lang po sa opisina namin at pinapalinisan ang lugar na ito,"" sagot ng lalaki.
Doon na napansin ni Jean na may isang nakaparadang L300 van. Sa nasabing sasakyan ay nakasulat roon ang pangalan ng isang contractor company na naglilinis ng mga backyard, nagla-landscaping at nagga-garden. Nabasa niya rin doon ang address ng company ng mga ito at sa bayan pa ang mga ito galing.
""Pwede ko ba malaman kung sino po ang tumawag?"" tanong niya at habang naghihintay ng sagot ng lalaking kausap ay bumulong siya ng dasal na sana makuha niya ang sagot na inaasam-asam.
""Pasensiya po, ma'am, pero wala kaming alam kung sino po ang tumawag. Iba po kasi ang sumagot ng inquiries sa office namin. Ibinibigay lamang ang address sa amin at saka pupuntahan namin,"" sagot ng lalaki.
Nanghina si Jean sa narinig. Bigo siyang makakuha ng impormasyon ukol kay Travis at sa ina nito. Pero hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa, bagkus ay nabuhayan pa. Sa nakita niyang pinalinisan ang lupang pag-aari ng ina ni Travis ay may sumilaw na pag-asa na muli silang magkikita ni Travis makalipas ang sampung taon.
""Sige ho, salamat!"" aniya at ipinagpatuloy ang pag-jogging sa kalsada.
Kinuha ni Jean ang cellphone at ang kaniyang airpods. Pinag-connect niya sa bluetooth ang dalawang device at nakinig ng music para ganado siyang mag-ehersisyo. Kalaunan ay nakapagpukos siyang mag-jogging at tagaktak ang kaniyang pawis.
Napadaan si Jean sa may tindahan at bibili muna siya ng maiinom na tubig. Sa tindahan talagang ito palaging bumibili siya ng tubig. Kilala na siya ng may-ari ng tindahan na sa Rancho Villaruiz siya nakatira dahil nakakausap niya ito minsan.
""Pabili po! Pabili!"" tawag niya.
""Saglit lang!"" tugon sa kaniya at maya-maya ay lumabas din ang tindera.
""Ay, ikaw pala. Kailan ka umuwi, ganda?"" anang tindera na natuwa nang masilayan siya.
""Kahapon lang po,"" magalang na sagot ni Jean at sinabing bibili siya ng tubig.
""Malamig ba, ganda?"" tanong pa ng tindera.
""Sige po, nakakauhaw po kasi,"" aniya.
Inabutan naman siya ng tindera ng isang bottled water na malamig. Pagkatanggap niya ay inabot niya ang bayad saka nagpaalam na rito.
Ipinagpatuloy ni Jean ang kaniyang pag-jogging at sinasabayan niya ang kantang kaniyang naririnig sa kaniyang airpods. Kumakanta siya para ma-enjoy niya ang pag-jogging.
Pakiramdam pa ni Jean sa tuwing umuuwi siya rito sa probinsiya ni Kathy ay nakakahinga siya ng maluwag. Parang nalilinisan ang kaniyang baga dahil nakakalanghap siya ng sariwang hangin ng probinsiya.
Nang mapadaan si Jean sa pangalawang tindahan ay may kumaway sa kaniya. Malayo pa lang ay nakilala na niya ito kaya't nilapitan niya.
""Kumusta ka?"" tanong nito ilang hakbang bago siya tuluyang makalapit.
""Heto, single pa rin!"" biro niyang sagot na ikinatawa ng kausap.
Dating estudyante ni Kathy ang kausap niya at naging kaibigan. Nagtatrabaho ito bilang treasurer ng baranggay hall at ngayon ay papasok na ito sa trabaho. Halos kaedad niya lang ito pero matured lang ito tingnan kung ikumpara sa kaniya dahil pamilyado na ito. Dalawa na ang anak nito at nagtatrabaho sa abroad ang asawa bilang welder.
""Single ka pa rin? Naku, napag-iwanan ka na,"" kantiyaw ng kaibigan.
Natawa siya ng mahina. ""Wala kasing nanliligaw, eh!""
""Sa ganda mong iyan! Ang sabihin mo, hindi ka lang talaga pumapansin ng manliligaw kasi may hinihintay kang bumalik,"" wika ng kaibigan.
""Hindi naman ganoon!"" pagsisinungaling niya. ""Oh, punta ka mamayang tanghalian sa mansyon, ha. May konting selebrasyon para sa masaganang ani kaya iniimbitahan kita.""
""Sige, pupunta ako. Alam mo na, basta usapang pagkain ay hindi talaga ako natanggi,"" anang kaibigan.
""Kita na lang tayo mamaya at ako'y mapapatuloy pa sa pag-jogging!"" wika niya na may kasamang paalam.
Nang makalayo sa kaibigan ay tiningnan ni Jean ang oras sa kaniyang cellphone. Maaga pa naman kaya magpapatuloy siya sa pagtakbo-lakad. Maya-maya na lang siya babalik sa Rancho Villaruiz. Naisipan niyang puntahan na lang muna ngayon ang isa niya pang kaibigan. Sa gilid lamang ng kalsada ang bahay niyon at hindi gaanong kalayuan.