KABANATA 5

1116 Words
SA DINAMI-DAMI ng mga masasayang nangyaring naalala ni Jean ay napahimas siya sa kalawanging bisikleta. Hindi niya namalayan na tumagal na siya sa garahe at pinuntahan na siya ni Xander. ""Ate!"" Sabay tusok ni Xander sa magkabilaang tagiliran niya na ikinagulat niya ng husto. ""Xander!"" Napataas ang boses niya sa inis. ""Atakihin ako sa'yo, eh!"" ""Ang tagal-tagal mo po kasi, ate. Akala ko may sira na iyong sasakyan kaya ka po natagalan,"" natatawang sabi ni Xander. ""Huwag mo naman akong gulatin! Mahirap na baka sa susunod may bagay akong hawak at maibato ko sa'yo, oh, 'di napahamak ka pa!"" pangaral niya sa pamangkin. ""Sorry na po,"" hingi ng paumanhin ni Xander. ""Sige na, hintayin mo na ako sa labas ng gate at iaatras ko lang ito,"" aniya. Sinunod naman ni Xander ang sinabi ni Jean. Pumunta ito sa may gate at siya naman ay maghuhugas muna ng kamay dahil puno iyon ng kalawang. May malapit naman na gripo sa garahe na palaging nilalagyan ng hose kapag nagbibinyag sa mga halaman. Tinungo niya iyon at naghugas ng kamay. Nataon naman na may nakalagay na baretang sabon kaya't iyon ang ginamit niya para matanggal lahat ng kalawang na dumikit sa kaniyang palad. Matapos ni Jean maghugas ng kamay at mapatuyo iyon ay pumasok na siya sa loob ng sasakyan. Minaneho niya iyon palabas ng gate at pinapasok si Xander sa may front seat. ""Saan tayo banda magpa-practice driving, ate?"" tanong ni Xander sa kaniya. ""Syempre, doon banda sa may malawak na parte at walang paahon na kalsada,"" tugon niya. ""Malayo po ba sa pinuntahan nila Mommy at Daddy?"" dagdag na tanong ng pamangkin. ""Ay, malayo na iyon, Xander. Sementeryo ang pinuntahan nina Mommy at Daddy mo at makitid pa ang daan doon. Hindi tayo pwede roon,"" aniya. ""Hmmm... Okay..."" Patango-tango si Xander at kalunan ay tumahimik ito. Sa pagmamaneho ni Jean ay napadaan sila sa dating kinatatayuan ng bahay nina Travis. Napatingin siya sa bintana at bumagal sa pagpapatakbo ng sasakyan. Hindi maalis-alis ang mga tingin niya sa dating bahay ng kasintahan. Nakakalungkot lang dahil sementadong parte na lamang ng bahay ang natira na unti-unti na ring napupudpod. Nababalot na rin ito ng mga damong-baging at ang dating bermuda grass na bakuran ay nagsisitaasang damong-ligaw na ang makikita ngayon. Nang makalampas sila sa bahay nina Travis ay binilisan niya muli ang pagmamaneho. Nang makita niyang medyo patag na at maluwag sa parteng iyon ng kalsada ay huminto sila. ""Let's switch! Ikaw na ang mag-drive,"" aniya sa pamangkin. ""Okay, ate."" Tinanggal ni Xander ang seatbelt nito at saka bumaba. Bumaba na rin si Jean at nagpalit sila ng pwesto. Siya na ang nasa front seat at si Xander na ngayon ang nasa driver seat. Hindi naman siya takot na si Xander ang driver dahil naturuan na ito ni Dylan. Kahit papaano ay alam na ni Xander ang mag-drive at konting practice na lamang ang kailangang gawin, partikular sa pag-atras at kung paano ang pagliko. Bago magsimulang mag-drive si Xander ay nagdasal muna ito. Pagkatapos ay tumingin muna ito sa kaniya bago humawak sa manibela. ""You can do it, Xander! 'Wag kang kabahan,"" pagpapalakas-loob niya rito. ""Yes po, ate."" Pagkasabi ni Xander ay nagsimula na itong patakbuhin ang sasakyan ng mabagal at kontrolado. Wala nang masabi si Jean dahil tila eksperto na si Xander sa pag-drive kapag dere-deretso lang. Kaya nang wala gaanong mga motorsiklo ang dumadaan ay pinababa niya kay Xander ang mga tinted na salamin ng sasakyan. Tuturuan niya kasi ito kung paano mag-reverse driving kaya dapat bukas ang bintana. Heavy tinted kasi ang sasakyan kaya dapat nakababa ito para makita ang nasa likod. ""I-off ko iyong aircon, ate?"" magalang nitong tanong. ""Yes, paki-off,"" utos niya. ""Then? Ano po ang sunod?"" ani muli ni Xander. ""Try reverse drive, kunwari babalik tayo sa bahay. Hindi masyadong malaki ang kalsada kaya, kailangan mong umatras ng konti bago lumiko,"" wika niya. Ginawa naman ni Xander ang sinabi niya pero bago iyon ay hindi nakalimutan ng pamangkin niya na paganahin ang signal light. Pinuri ni Jean si Xander dahil doon. ""Ate, after this i-rate mo ang driving skill ko, ha,"" wika ni Xander habang nakatutok sa side mirror ang mga mata. ""Sure, no problem!"" nakangiting sambit niya. Matiyagang tinuruan ni Jean si Xander. At nang medyo pagabi na ay umuwi na sila. Si Xander muna ang pina-drive niya at nagpalit na lang sila sa kung saang banda rin silang dalawa nagpalit kanina. Pagdating ng dalawa sa bahay ay agad na pinababa ni Jean si Xander sa may gate. Samantalang siya deretso sa garahe at ginarahe ang kotse. Nakita niya na naka-park na rin ang motorsiklong sinakyan nina Kathy at Dylan sa garahe. Ibig sabihin niyon ay nakauwi na rin ang mag-asawa galing sa sementeryo. Iyon nga lang nang pumasok sila sa loob ng bahay ay si Kathy lang ang nadatnan nila. Si Dylan nandoon sa umpukan ng mga taong abala sa kakahiwa ng mga karne ng kinatay na baboy. ""Mom!"" Humalik si Xander sa pisngi ni Kathy. Kasunod ni Xander ay nagbigay-galang din si Jean kay Kathy. Sunod ay dumeretso siya sa kusina para uminom ng tubig. Binuksan niya rin ang pantry cabinet at naghanap ng biscuit na makakain. Maraming biscuit ang nakita niya roon pero ang pinili niya ay iyong may vanilla filling. Galing sa kusina ay nagtungo si Jean sa may sala. Dala niya ang isang basong tubig saka biscuit. Sinabayan niya si Xander na nanonood ng "Teen Titans Go!" na palabas. Mag-isa na lamang si Xander sa sala at sa tingin niya ay umakyat si Ate Kathy niya sa master's bedroom. ""Gusto mo ng biscuit?"" alok niya kay Xander. Umiiling naman si Xander sa kaniya bilang tugon. ""Ate, papabili ako kay Mommy ng bagong damit na "Teen Titans Go!". Gustong-gusto ko kasi iyan!"" masayang wika ni Xander. ""Ngek! Para ka namang 7-year-old niyan!"" komento ni Jean. ""Bakit, ate? Bata lang ba dapat ang magkaroon ng hilig sa anime? Iyong kaklase ko nga nireregla na pero hanggang ngayon naglalaro pa ng barbie,"" katwiran ni Xander. ""Ikaw talaga ang dami mong alam,"" aniya sa pamangkin sa malumanay na tono. ""Sorry! Tatahimik na po ako."" Taas pa ang dalawang kamay ni Xander habang nagsasalita. Sa huli ay iniwan ni Jean si Xander sa sala. Umakyat siya sa kaniyang kwarto at inayos ang kaniyang mga gamit. Saka nag-half bath na lamang siya at nagpalit ng damit. Pagkatapos ay bumaba siya ulit upang tumulong sa paghanda ng hapunan. Tumutulong talaga si Jean sa gawaing pambahay lalo na kapag nandito sila sa Rancho Villaruiz. Paminsan-minsan siya na iyong nagsasaing at naghuhugas ng mga pinagkainan kahit pa may mga kasambahay. Para kasi sa kaniya, aanhin mo ang makinis na kamay, kung wala namang alam sa gawaing-bahay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD