WALANG mapagsidlan ng tuwa ang naramdaman ni Nonoy nang sabihin ni Jean na bumili siya ng Alaskan King Crab at para iyon sa kanila. Mabilis ngang lumapit si Nonoy sa may ice box at binuksan iyon. At nang makita na ang king crab ay manghang-mangha ito. ""Wow! Ang laki!"" nabulalas ni Nonoy na tila hindi makapaniwala. Mabilis ding lumapit si Jazz at tiningnan din. ""Grabe! Ngayon lang kami nakakita ng ganito actual. Napapanood lang namin ito sa mga vlogger na nagmumukbang. Saka sabi nila nakakalula raw ang presyo ng isang piraso nito."" Si Jazz. ""Heto pa, may malalaking hipon pa!"" dagdag pa ni Nonoy na tinaas pa ang malalaking Tiger Prawns mula sa ice box. ""Ang tindi naman ni Miss Jean! Sobrang galante magdala ng pasalubong,"" tuwang-tuwa na sabi ni Jazz. ""Maraming salamat, Jean!""

