"Hoy!! Kael, hintay!" malakas na sigaw ni Honey mula sa likuran ko.
Agad naman akong napayuko nang mapansing napatingin ang karamihan sa mga tao sa paligid sa aking direksyon.
Tsk! Sino ba naman kasi ang hindi mapapansin ang malakas ngunit matinis na sigaw ni Honey? Sobrang layo niya pa mula sa akin ngunit heto siya at sumisigaw na akala mo ay siya lang ang tao sa mundo.
Hingal na hingal pa itong lumapit sa akin saka huminto sa aking harapan. Nakayuko pa rin akong humarap sa kanya. Bumungad sa akin ang seryosong mukha ni Honey habang bitbit bitbit ang ilang piraso ng libro sa kanang braso.
"Kailangan mo ba ng tulong?" wala sa sariling tanong ko nang makita ang dala dala nito.
"Psh! Anong tingin mo sa akin, weak?" saad nito saka umirap.
Napabuntong hininga na lamang ako. Oo nga pala at barako rin kung minsan kumilos ang babaeng ito.
"Ano bang problema?" tanong ko rito saka nauna nang tumalikod sa kanya. Ramdam ko ang pagsunod nito sa akin sa paglalakad.
"Haist, wala akong kasabay ngayong kumain eh. Sabay tayo!" masiglang suhestiyon nito.
"Ummm...ano ka-"
"Sige salamat! Libre mo 'ko ah!" biglang saad nito at hindi na ako hinintay pa na matapos sa pagsasalita.
Nakakanganga akong nakatingin sa kanya habang tumatakbo ito palayo sa akin. Haist, hindi ko alam ngunit mukhang ipinanganak na talaga ako sa mundo nang sobrang malas.
Laglag balikat akong naglakad habang sinusundan ang dalaga. Hindi na rin naman nagtagal ay nakarating na agad kami sa canteen.
Bwisit, masyado ata kaming napaaga nang punta ah! Ang daming tao!
Nakayuko akong nagpatuloy sa paglalakad at pasimpleng inayos ang hood sa ulo ko. Tsk! Delikado na at baka may makasalubong na naman akong bully.
Agad na natanaw ng mga paningin ko si Honey habang abala sa pago-order sa tindera. Dahan-dahan akong naglakad palapit rito. Halos manginig ang buong katawan ko matapos makita ang sangkatutak na chichirya na nasa harapan ni Honey.
Teka, nasabi ko ba sa kanya na wala akong dalang pera bukod sa pamasahe ko mamaya?
"A-ano honey...."
"Siya po magbabayad ate," nakangiting saad ni Honey sa babae saka mabilis na kinuha ang mga chichirya sa harapan habang matamis ang ngiti sa akin.
Napabuntong hininga ako. Ano nang mangyayari sa akin nito? Wala na ngang jowa, wala pang pera?
Nakayuko akong kumuha ng pera sa bulsa ko. Mabuti na lamang at hindi ko nagastos ang singkwenta ko kanina. Nakasimagot si ateng humarap sa akin, marahil ay dahil sa tagal kong magbayad.
Mabilis naman niya itong hinablot sa kamay ko matapos kong iabot ang pera. Bumili na lang rin ako ng isang tinapay saka sumunod sa direksyon ni Honey.
Malapit ko na maubos ang isang libo na bigay sa akin ni ate na dapat sana ay pang dalawang linggo ko. May kamahalan kasi ang mga kagamitan sa klase kaya isang libo ang palagi niyang ibinibigay sa akin, ngunit mukhang wala pang isang linggo ay mauubos na agad ang pera ko.
Napangiwi na lamang ako habang ini-imagine ang ekspresyon ni ate kapag nalaman niya ang tungkol rito.
"Kael!!"
Natigilan na lamang ako sa pag-iisip nang marinig ng sigaw na iyon. Sa isang sulok ay nakita ko roon sina Zane at Indigo habang kasama si Honey na takam na takam sa pagkain.
Bahagya akong natigilan. Akala ko ba ay wala siyang kasamang mag-lunch? Wala na akong ibang nagawa kundi ang lapitan ang mga ito.
"Puta p're, libre mo naman kami oh! Damot nito ni Honey eh!" angil ni Zane saka ako inakbayan.
"Gago! Wala na yang pera!" sabat naman ni Honey.
"Bakit ikaw?"
"Malamang maganda ako eh! Ikaw, maganda ka ba?" asar naman ni Honey.
"Psh!"
Nahinto lamang ang dalawa nang tahimik na tumayo si Indigo mula sa kinauupuan nito. Maging ako ay hindi maiwasang magtaka sa ikinikilos nito. Sa totoo lang ay hindi naman madaldal na tao si Indigo ngunit hindi rin siya ganoon katahimik, kaya naman nakakapanibago lamang na tahimik itong tumayo mula sa upuan at naglakad papunta sa bilihan.
"Anyare dun?" takang tanong ni Honey habang patuloy sa pagnguya ng Nova.
Napakibit balikat lamang si Zane saka sinundan ang isa. Sinundan ko ng tingin ang dalawa hanggang sa makitang inakbayan ito ni Zane. Umupo na lamang ako sa tabi ni Honey habang naghihintay.
"Anong binili mo?" tanong ni Honey habang patuloy pa rin sa pagkain.
Dahan-dahan kong inilabas ang tinapay na nakalagay kanina pa sa bulsa ko. Bahagya pa akong napangiwi nang mapansing medyo napirat ang pagkain ko.
"Ano yan?" takang tanong ni Honey.
"Ah,... tinapay lang. Busog kasi ako," pagdadahilan ko na lamang.
"Ahh, baka gusto mo ah. Dami pa nito. Di ko ata makakayang ubusin," natatawang saad ni Honey saka itinapat sa harapan ko ang isang burger.
Wala sa sariling napalunok ako. Alam kong malaki ang pinagkaiba ng burger na ito sa pirat na tinapay ko kaya naman hindi ko maiwasang matakam rito.
"Siya nga pala, nasabi ba sa inyo ang shuffle classes daw?" tanong ni Honey.
Agad akong napaisip. Ang sinasabi niyang shuffle classes ay nasabi na rin sa amin ng prof namin kanina. Sa susunod na buwan kasi ay magkakaroon na ng sport fest at maaring ang taga-ibang section ay mapunta sa kabilang section.
"Sana magkasama-sama tayong apat," nakangusong saad ni Honey.
Nasa ibang section kasi siya kasama si Zane habang ako naman ay kasama si Indigo.
"Tagal niyo naman!" reklamo ni Honey habang nakatingin sa likuran ko.
Agad akong napatingin rito at nakita sina Zane habang dala dala ang binili nila.
"Tsk! Haba kaya ng pila oh! Tingnan mo yun!" inis na saad ni Zane at itinuro pa ang namumuong pila patungo sa bilihan.
Napalingon naman ako kay Indigo at tulad kanina ay tahimik pa rin ito. Habang nagbabangayan ang dalawa ay pasimple kong inalok kay Indigo ang hawak na burger. Mukha kasing wala itong ganang kumain eh.
Bahagya naman itong umiling.
"Hoy Indigo, anong drama mo?!" asar ni Honey.
Sabay-sabay kaming napalingon rito. Mukha naman itong natigilan rito at natatarantang isinubo ang inabot kong burger.
"Wala ah! May naalala lang," pakunwaring saad ni Indigo at iniwas ang paningin.
Ano kayang meron? Sa totoo lang ay simula kaninang umaga ay ganito na siya kumilos. Bigla na lang rin siyang nawala kanina noong tapos na ang klase namin.
"Siya nga pala, kayong dalawa ah! Wala kayong sinasabi na may bago kayong prof! Maganda pa daw at sobrang sexy!" saad ni Zane sabay kagat ng fries.
Agad namang nanlaki ang mga mata ko at napayuko.
"Sinong prof?" walang muang na tanong ni Honey.
"Swerte ng dalawang 'to! Si Miss Hana ata yung name nun. Nakita ko sa pic ni Rolen kanina, putek laki ng hinaharap! Ganto oh!!" excited na kwento ni Zane habang iminumustra sa mga kalakihan ng hinaharap ng prof.
"Oh, bakit ka nakatingin sa akin?" nakataas kilay na tanong ni Honey sa kaharap ngunit sa halip na sagutin siya nito ay napatingin lamang ng binata sa dibdib nito na mas lalong ikinainis nh dalaga.
"Hayop ka, Zane! Puro ka hinaharap! May laman din to noh!" depensa naman ng dalaga saka kinaltukan ang ulo.
Napa-aray naman si Zane ngunit hindi niya magawang makagawa ng ingay dahil tinapakan rin siya ni Honey sa paa.
Napalingon ako kay Indigo at sa hindi malamang dahilan ay nakita ko ang ngiti sa mukha nito. Anong kayang iniisip ng taong 'to?
Magsasalita pa sana si Zane nang biglang gumulat sa aming apat ang boses ng isang babae mula sa aming likuran.
"Hi Indigo!!"
Sabay-sabay kaming napalingon sa pinagmulan ng tinig na ito at laking gulat namin nang makita namin si Pia. Mukhang maski ang dalaga ay nagulat nang makita kami nito.
Si Pia ay isa sa mga inirereto sa akin noon ni Indigo. Inireto niya rin dito si Zane ngunit parehas kaming basted sa dalaga. Agad akong napayuko at awkward na napaiwas ng tingin. Maging si Zane ay natahimik rin.
"Ay, kasama mo pala ang mga kaibigan mo hehe. Anyways, may lakad kami bukas after class, kung okay lang sana sa iyo ay isama i
kita," saad ni Pia saka nahihiya nagpapapalit-palit tingin sa aming lahat.
Sinabi na sa amin noon ni Indigo ang katotohanan tungkol kay Pia. Maging siya ay hindi makapaniwala na may gusto sa kanya ang dalaga. Ang akala niya noon ay nagpapareto lang sa kanya, ayun pala ay siya rin ang gusto.
"Ahh, sige tingnan ko ah. May gagawin rin kasi ako bukas," sagot naman ni Indigo.
"Ay ganoon ba, sige okay lang. Text mo na lang ako if ever na go ka," nakangiting saad nito.
Tumango na lamang ito at ganoon rin naman kami kahit na napaka-awkward nito para sa amin.
"Gago, nawalan ako ng gana kumain," nakasimagot na saad ni Zane at nauna nang umalis ng table.
Hindi tulad ko ay may natatagong feelings si Zane kay Pia simula pa man noon kaya akala niya ay magkakatotoo na ang kagustuhan niyang maging girlfriend ito noong ireto ito sa kanya. Ngunit hindi niya inaasahan ang nangyari hanggang sa ang dalaga mismo ang magsabing wala siyang nararamdaman para sa binata.
Hindi na rin naman na nagtagal ay umalis na rin kami sa canteen at bumalik na sa klase.
Tahimik lamang akong naglalakad papunta sa room, kasama ko dapat si Indigo dahil magkaklase naman kami ngunit mas nauna ito sa akin kaya naman naiwan akong mag-isa. Hindi ko nga alam kung bakit mukhang nagmamadali ang isang 'yun eh.
Habang naglalakad ay bigla kong naalala ang susunod na klase namin.
Oh s**t! Klase pala namin ngayon kay Hana-sensei!!!