Halos kalahating oras rin ang itinagal bago kami makarating sa bahay namin. Ako kasi ang unang inihatid dahil ako rin naman ang may pinakamalapit. Unang bumaba ng motor si Honey upang bigyan ako ng daan na makababa.
"Sige una na ako," paalam ko sa mga ito nang tuluyan na akong makababa.
Agad akong tumalikod at saka ko lamang narinig ang paalam ni Honey. Nagdire-diretso na lamang akong pumasok sa gate ng bahay namin. Wala pa man ako sa loob ay rinig ko na ang mala-megaphone na boses ni mama.
"Ilang beses ko nang sinabi sa'yo Violet! Ayusin mo itong hugasin! Tingnan mo nga ang nangyari rito oh! Oh! Paano yan? Edi basag basag!!!" malakas na sermon ni mama kay ate.
Tahimik akong pumasok sa bahay.
Pinilit kong hindi gumawa ng kahit anumang ingay kaya naman dahan-dahan akong naglakad paakyat sa second floor ngunit hindi pa man ako nakakasampa ng unang hakbang sa hagdan ay napansin na agad ako nito.
"Oh! Mabuti naman at nand'yan ka na, ikaw nga ang mag-ayos ng mga plato roon oh! May trabaho na ang ate mo at may pupuntahan naman ako," saad nito.
Napabuntong hininga ako. Malapit na rin mag-gabi kaya naman malapit na rin ang pasok ni ate sa call center, habang si mama naman ay iba't ibang raket ang pinapasukan. Kung minsan ay nagpupunta ito sa palengke upang maki-porsyento sa mga kakilalang tindahan.
Laglag balikat na lamang ako saka umakyat. Napaupo agad ako sa pagod sa aking higaan. Gusto ko pa sanang humiga ngunit hindi pa man ako nakakahiga ay biglang bumukas ang pinto.
"Oh! Baka tulugan mo na naman ang utos ko sa'yo ah! Bilisan mo d'yan magbihis at lumabas ka na," sermon ni mama saka sara ng pinto.
Wala na akong ibang nagawa kundi ang sumunod rito. Tamad akong kumuha ng damit sa drawer ko saka bumaba papunta sa kusina.
Nakasalubong ko pa si ate habang may suot itong earphone sa tainga. Abala rin ito sa pagtingin sa hawak na cellphone habang may kausap. Hindi na ako nito pinagkaabalahan pa na tingnan at padabog na isinara ang pinto. Napayuko na lamang ako at dumiretso sa pupuntahan.
Nang makarating na ako sa kusina ay tumambad sa akin ang sangkatutak na hugasin at ang iba ay basag pa. Marahil ay dahil napagsama-sama ang mga babasaging baso at tupperware.
Gusto kong sumuko matapos makita ang dami ng hugasan rito. Bahagya muna akong nag-ayos ng nga gamit bago ako nag-umpisa. Halos kalahating oras ang iginugol ko para lamang ayusin ang mga nabasag na baso. Inayos ko rin ang kabuuan ng kusina matapos kong maghugas.
Magluluto na rin sana ako nang marinig ang nagtatawag sa labas ng bahay. Nagpunas agad ako ng kamay saka tiningnan ang tao rito at tumambad sa akin ang nakangiting mukha ni papa.
"Kael..." masayang tawag nito sa akin.
Pasimple na lang rin akong ngumiti rito saka siya pinapasok sa loob. May mga dala itong pagkain kaya iyon na rin ang naisipan kong lutuin.
"Nasaan ang mga kapatid mo, Kael?" tanong nito sa akin nang makapasok ito sa kusina.
Napatingin ako rito ngunit abala rin ito sa pagtulong sa pag-aayos ng mga dala. Kung tutuusin ay mag-iisang buwan noong huling dalaw niya rito sa bahay. Simula noon ay hindi na siya muling nagparamdam sa amin bukod lamang noong nakaraang araw. Gayumpaman ay nasanay na kami.
Maging ang dalawa ko pang kapatid ay hindi na rin ito hinahanap.
"Ayos naman sila 'pa," kaswal na sagot ko rito.
Bahagya naman itong napatango saka lumapit sa mesa.
Hindi rin nagtagal ay natapos na rin kami sa pagluluto at pag-aayos ng pagkain. Tatawagin ko na sana sina ate Violet ngunit abala pa rin ito sa trabaho. Habang sina Faye at Sara naman ay nag-unahan pa sa pagbaba.
Hindi naman na nagulat ang dalawa nang makita si papa kaya naman halata sa mukha nito ang pagkadismaya. Gayumpaman ay pinilit niya pa ring ngumiti nang mag-mano ang dalawa sa kanya.
Dahil sa paborito nilang dalawa ang lutong ulam ay agad silang natapos kumain. Hindi na rin namin hinintay na dumating si mama at iniligpit na rin namin ang pagkain pagkatapos namin ni papa.
Matapos ang ilang minuto ay napagpasyahan kong magpahinga muna sa sala nang lumapit sa akin si papa.
"Anak, tungkol nga pala sa sinabi ko noong nakaraan. Alam mo naman siguro kung bakit kita tinawagan noong nakaraan, hindi ba?" tanong nito saka lumapit sa tabi ko.
Napatango ako. Alam ko namang may problema si papa noong tumawag siya noong nakaraan at sa tingin ko ay ito ang nais niyang ipahiwatig sa akin ngayon.
Napatikhim na lamang ako nang mag-umpisa na itong magkwento.
Honey's PoV
Napahawak ako ng mabuti sa likuran nang motor nang biglang paharurutin ni Zane ang andar.
"Zaneeeee!!!! Putek! Bagalan mo! Maaga tayo niyang mamatay eh!" inis na sigaw ko habang malakas na hinahampas ang balikat nito gamit ang kanang kamay.
Ngunit sa halip na bagalan ay mas lalo nitong binilisan ang takbo at ang gago ay anlakas pang tumawa! Aba! Nang-iinis pa ang hayop!
"Hahaha...hahaha bakit, natatakot ka ba?" natatawang tanong ni Zane sa akin.
Tangina! Kailangan pa bang sabihin yun? Lagpas na kami sa 60 mph, para na kaming lumilipad!
"Zaneee....tangina! Di ako nagbibiro! Bagalan mo! Pag tayo nahuli, gagi, ikaw talaga nagtutubos dito kay Mikey!" sigaw ko rito.
Malapit na kami sa bridge at kitang kita ang dahan-dahang paglubog ng araw. Kita ko pa rin ng ngisi sa mukha ni Zane kaya naman napahawak na ako sa bewang nito gamit ang isang kamay.
Napalingon akong muli sa liwanag na nagmumula sa papalubog na araw. Nagmistulang kulay kahel ang kalangitan dahil rito at para bang napakagandang tanawin ang ipinapamalas nito.
Noon ko lamang napansin na bahagyang pinabagalan ni Zane ang pagpapatakbo. Medyo gumilid rin ito kaya naman mas lalo kong napagmasdan ang napakagandang tanawin sa kalangitan. Napansin ko rin ang mangilan-ngilan na tao na nagpi-picture sa tabi ng bridge habang nasa background ang sunset view.
Napasimangot ako. Kung sana ay kasama namin si Kael, siguro ay makakakuha rin ako ng litrato ng kasama siya.
"Honey, gusto mo mag-picture?" nakangiting tanong ni Zane at akma nang ihihinto ang motor.
"Huh? Di ah! Bakit, gusto mo?" balik na tanong ko rito.
"Di naman. Baka lang kasi gusto mo," parang napahiyang saad nito.
Naibalik ko na lamang ang tingin sa mga taong kumukuha ng litrato rito habang mabagal na umaandar ang motor. Sinamantala ko na lamang na pagmasdan ang tanawing iyon habang nakahawak sa balikat ng kasamahan ko.
Kael's POV
Napainat ako pagkagising na pagkagising ko.
"Kuya, kuya!!!" malakas na sigaw ni Faye na siyang nagpagising sa akin.
"Ano ba 'yun??" mapungas pungas na tanong ko rito saka wala sa sariling napabangon.
"Kuya, anong oras na. Sabi ni ate aalis lang siya saglit pero hanggang ngayon ay wala pa rin. Hindi pa rin kami kumakain!!" reklamo nito saka bumaba sa kama ko. Nasa taas kasi sila kanina dahil pilit nila akong niyuyugyog.
Tsk! Ang aga aga eh!
"Si mama nasaan?" tanong ko sa mga ito saka hinawi ang kumot sa katawan.
"Umalis eh. Kasama si papa. Mukhang aalis na rin kasi siya kaya inihatid muna ni mama," sagot naman ni Sara habang nakasandal sa may pinto ng kwarto ko.
Wala na akong ibang nagawa kundi ang pilit na tumayo. Pinalabas ko na rin ang dalawa at pinauna na sa pagligo habang ako naman ay inihanda muna ang makakain nila. Tsk! Mukhang wala na kaming budget ah, at puros itlog na lamang ang mailuluto.
Ilang minuto lamang ang nakaraan at natapos na rin kaming lahat sa pagkain at sabay sabay na ring pumasok. Wala pa rin si ate Violet kaya naman ini-lock na lang namin ang pinto.
Pagdating ko sa school ay agad na bumungad sa akin si Honey na halatang nag-aabang sa amin sa harap ng gate.
"Yow!" sigaw nito matapos akong makita. Napatayo agad ito ng diretso mula sa kanyang pagkakasandal sa pader.
"Ang aga mo ata," komento ko rito.
Wala rin siyang dalang motor na ipinagtataka ko.
"Bakit masama ba? Nasobrahan nga sa aga kaya wala pang tao kanina. Hinintay ko tuloy kayo rito, kaso ikaw pa lang ang dumating," kwento nito habang sabay kaming naglalakad.
"Siya nga pala, bakit ganyan ang itsura mo?" puna ko rito matapos mapansin na naka-pony tail ito at sobrang ayos pa ng pagkakaipit. Halata sa bawat hibla ng buhok nito ang maayos na pagkakasuklay.
Lalaki man ako ngunit alam ko rin ang ganitong bagay tungkol sa mga babae gayong ako ang kadalasang nag-aasikaso kina Sara at Faye.
"Ah...eh...eto? Pa-pakialam mo ba?! Sawa na ako maglugay eh!" nauutal na sagot nito.
Pakiramdam ko ay may itinatago ito mula sa paiba-ibang direksyon ng kanyang paningin ngunit hindi ko na lamang ito pinansin at ipinagkibit balikat na lamang.
Nang makarating na kami sa tapat ng classroom namin ay umiba na rin ng direksyon si Honey. Saglit na paalam lamang ito at dumiretso na ako sa loob nang mapansin ko ang bag ni Indigo na nasa upuan na niya.
Eh? Narito na pala si Indigo, bakit di siya nakita ni Honey kanina?
Napaupo na lamang ako sa sariling upuan na napatingin sa labas ng bintana. Hindi na rin na nagtagal ay dumating na rin paisa-isa ang mga classmates ko at kasama na roon si Indigo.
Nakayuko lamang ito habang diretsong naglalakad pabalik sa upuan nito. Sinubukan ko rin itong tawagin ngunit mukhang nasa-outerspace ang utak nito. Napakunot pa ang noo ko nang bigla siyang mapangiwi at marahas na iniuntog ang noo sa mesa.
Anong problema nito?
Tatanungin ko pa sana ito ngunit napansin na lamang namin ang pagpasok ng isang prof sa loob ng room namin.
Natahimik agad ang lahat nang makita si Professor Dex na seryosong nakatingin sa harapan at matiim na nakatingin sa aming direksyon.
Bahagya pa akong napakunot ang noo nang mapansin kung saan ito nakatingin. Kay Indigo!! Ano bang ginawa ni Indigo at mukhang galit sa kanya si sir?
Matagal nang guro sa campus si sir Dex at miski isang magandang katangian ay wala akong narinig tungkol sa kanya.
Masungit, masyadong seryoso, kuripot sa grades at kung ano ano pang negatibong bagay ang palagi kong naririnig tungkol sa kanya.
Kasunod nito sa pagpasok si Hana-sensei na punong puno ng kagalakan ang mga labi. Pakiramdam ko ay ngayon ko na lang ulit nakita si Hana-sensei at hindi ko maipaliwanag ang saya na naramdaman ko matapos nitong tumingin sa direksyon ko habang nakangiti.
Bigla kong na-imagine ang sarili na nakangiti sa kanya habang naging slow motion ang paligid. Kasabay pa nito ang malakas na tugtog ng isang kanta.
Tinamaan ako, sa iyong pagmamahal
Sadyang ikaw lang ang tanging mahal
Walang iniisip, walang napapanaginipan
Kundi ikaw lang 'pagkat ikaw ang mahal
Tunay na lahat ay hahamakin 'pag iyong nararamdaman ang pagmamahal
Halos lahat ng kalalakihan ay malaki ang pagkakangisi habang nakatulala sa dalaga ngunit nagising na lamang kami sa reyalidad nang malakas na sumigaw si sir Dex.
"Don't stare at her, you fools!!" sigaw nito habang galit na galit ang mukha.