Chapter 8

2374 Words
“GOOD morning, Ma’am Emy,” nakangiting bati ni Sam sa boss niya. “Morning, ganda,” sagot nito. Palapit pa lang siya sa kanyang puwesto ay namataan na agad ni Sam si Rissa. Sinalubong siya ng ngiti ng kaibigan. “Aba, thirty minutes earlier,” sabi pa nito. “Naka-tyempo ako, hindi traffic.” Natigilan si Sam nang paglingon ay nakita ang isang paper bag na may pangalan ng paborito niyang pagkain noon pa. Namilog ang mga mata niya. Mula nang naghirap siya, hindi na siya nakakain sa mga mamahalin restaurant. “Kanino ‘to?” baling niya kay Rissa. “Sa’yo.” “Kanino galing?” “Aba, hindi ko alam. Hindi ko din naman inusisa kung ano laman. Pero kung pagbabasehan ko ang amoy, malamang pagkain. At kung pagbabasehan ko ang mga nangyari kahapon, malamang din si Sir Aya ang nagpadala niyan,” sagot ni Marcia, ang unang naging malapit niyang kaibigan doon bukod kay Rissa. Bago pa siya makapag-react sa sinabi ng kaibigan. Tumunog na ang phone niya. Napangiti si Sam nang mabasa ang mensahe nito. “Sent you some breakfast. Kainin mo ‘yan, paborito mo ‘yan. Ubusin mo para tumaba ka,” sabi pa ni Aya sa text message nito. “Thank you,” sagot niya at sinamahan pa ng heart at kiss emoticons. “Puwede bang totoong kiss? Hindi emoji?” sagot nito ulit sa message niya. “Tumigil ka, nakahalik ka na noong first date natin!” Nang sumagot pa ito ng laughing emojis ay hindi na siya nagreply pa. Pagkatapos ay tinignan na niya ang laman paper bag. “Wow,” mahina ang boses na bulalas niya nang makita ang laman. May carbonara, marinara spaghetti, roasted chicken, garlic bread at chicken salad. Napangiti si Sam. Isang tao agad ang naisip niya pagkakita sa mga pagkain. “Uy, ang daming laman. Mukhang hanggang dinner mo na ‘yan ah,” biro pa ni Rissa. “Oo nga eh, papuntahin ko kaya si Hari mamayang tanghalian, ano? Bigay ko sa kanya ‘yong iba. Siguradong magugustuhan niya ‘to.” “Ay oo nga, iniwanan mo ba siya ng pera?” tanong pa ni Rissa. “Oo, lagi naman may allowance ‘yon.” “Sige, papuntahin mo dito.” Agad niyang kinuha ang phone pagkatapos ay lumabas sandali. Naghintay pa siya ng ilang ring bago sagutin nito ang tawag niya. “Hello?” “Anak, sorry nagising ba kita?” nakangiting tanong niya. “Hindi po, mga ten minutes na akong gising. Nakahiga lang.” “Nak, punta ka dito sa office mamayang lunch. Ang daming bigay sa akin na pagkain ang boss ko.” “Sige po. Puwede ba diyan na lang muna ako? Kabagot dito, wala naman akong ginagawa.” Natigilan si Sam. Bigla siyang kinabahan. Noong hindi pa alam ni Hiraya na doon siya sa nagtatrabaho. Wala pa siyang inaalala noon. Pero ngayon alam na nito at panay ang pangungulit at biglang pagsulpot doon sa department nila. Kinakabahan siya na baka dumating ang araw na baka mangyari ang kinatatakutan niya. Isang bagay ang hindi pa masabi ni Sam kay Hiraya ay ang katotohanan na may anak sila. Natatakot siyang mag-krus ang landas ng mag-ama. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya alam kung paano sasabihin kay Hiraya ang totoo. Gusto ni Sam na sa kanya mismo manggaling ang tungkol kay Hari, bago pa malaman ni Hiraya sa iba na labinlimang taon na ang nakakalipas nang magbunga ang huling beses na pagtatalik nila. “Ah… ano… s-sige p-pero doon ka sa katabing coffee shop ng building ka mag-stay. Madalas kasi nagagawi dito sa department namin ‘yong boss ko. Baka masita ako,” pagsisinungaling niya. “Sige po.” “Mag-text ka muna sa akin ha? Bago ka umalis diyan sa bahay.” “Opo.” “Nak, mag-iingat ka ha? Itago mo ‘yang mukha mo, baka hindi mo alam nandiyan na ‘yong hayop na ‘yon sa tabi-tabi.” “Opo,” sagot nito. “Sige na, babalik na ako sa loob. Bye, nak. Love you.” “Love you po.” Pagputol niya ng tawag ay saka siya huminga ng malalim. Paliit na ng paliit ang mundo nila. Sa ayaw man at sa gusto niya, darating ang sandali na magku-krus ang landas ng mag-ama. Pero hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi pa rin alam ni Sam kung paano sasabihin kay Hiraya na may anak sila. Hanggang ngayon ay nauunahan pa rin siya ng takot. Paano kung hindi tanggapin nito si Hari? Paano kung tanggapin nga nito ang bata pero magalit naman sa kanya at paglayuin silang mag-ina? Pinilig niya ang ulo sabay paalala na hindi ganoon si Hiraya. Dala ng kaba kaya kung ano-ano na lang ang pumapasok sa isip niya. Napasigaw si Sam ng malakas nang pagharap ay tumambad sa kanya ang lalaking laman ng isipan. “Ay kamote!” bigla niyang sigaw at napaatras pa. “Bakit ka ba nanggugulat?!” Tumawa ng malakas si Hiraya. “Nanggugulat samantalang nakatayo lang ako dito! Ikaw itong matatakutin eh.” Napahawak siya sa dibdib sabay hinga ng malalim. Pero biglang kumabog ang puso niya nang maaalala na halos katatapos lang niya kausapin si Hari. “Kanina ka pa?” tanong niya. “H-Hindi. Mga wala pang one minute.” Doon lang tuluyan nakahinga ng maluwag si Sam. “Bakit nandito ka pala?” tanong niya. “Wala, itatanong ko lang sana kung nakain mo na ‘yong pagkain.” “Ah, kakainin ko pa lang. May tinawagan lang akong importante.” Nakangiti ito na tumango-tango. “Bilisan mo, may eighteen minutes ka na lang para kumain.” “Okay.” “Bye, see you later.” Kabado pa rin ngumiti si Sam at kumaway. Daig pa niya ang nabawasan ng sampung taon ang kanyang lifeline. Mabuti na lang at hindi narinig nito na kausap niya si Hari. Pagbalik sa loob ng opisina. Kinuha niya ang spaghetti marinara, isang garlic bread at kapirasong chicken. “Bakit ang konti ng kinuha mo?” tanong ni Rissa. “Eh paborito ni Hari ‘yan. Mana sa tatay niya,” natatawang sagot niya pagkatapos ay nagsimula nang kumain. Minadali pa niya iyon dahil baka abutan siya ng oras ng trabaho. DAHIL sa dami ng ginagawa, hindi namalayan ni Sam ang oras. Nag-mid year sale kasi at nagkaroon ng thirty percent off ang binebenta nilang complete gaming console. Dahil doon ay dagsa ang orders at inquiries online. Naging abala sila sa pagsagot ng mga inquiries at pag-process ng napakaraming orders. Napatingin siya sa phone nang magkatanggap ng message. Agad iyon kinuha ni Sam. “Mommy, malapit na po ako bumaba ng jeep.” Nang tumingin sa oras, doon lang napansin ni Sam na alas-dose na pala ng tanghali. “Sige anak, aabangan na lang kita sa labas.” “Saan ka magla-lunch?” tanong ni Rissa. “Kapag hindi nagparamdam ang boss ko sasabay na lang ako sa inyo,” sabi niya sabay time out. “Iyon ang akala mo,” natatawang sagot ni Rissa sabay turo sa may pinto. Pagtingin ni Sam ay parating na si Hiraya at palapit sa kanya. “Jowa mo parating.” Nang makalapit ay hinila nito ang isang upuan pagkatapos ay sinandal ang noo sa kanyang balikat. Napalingon siya sa paligid nang kinikilig na pinagtitinginan sila ng mga kasamahan niya. Nakaramdam ng pagkailang si Sam, pero gaya ng dati walang pakialam si Hiraya. “I’m dead tired. Kaliwa’t kanan ang meeting ko,” reklamo nito. Lumingon siya kay Rissa. “Sige na, mauna ka na,” bulong niya pagkatapos ay bumaling kay Hiraya. “Nangangalahati pa lang ang araw,” sagot niya sa reklamo nito. “I know and I still have three more meetings,” sabi pa nito saka inangat ang ulo. Natatawa na tinapik niya ang pisngi nito. “CEO problems. Okay lang ‘yan, hindi naman yata araw-araw toxic.” Huminga ng malalim si Hiraya. “Hindi nga.” “Tara na, kumain na tayo. Nagugutom na ako,” yaya niya dito. Pagtayo ay saka niya naalala bigla si Hari. Ganoon na lang ang pag-ahon ng kaba niya nang tumunog ang kanyang phone. “Mommy, nandito na po ako sa labas ng office n’yo.” Sa mga sandaling iyon ay lalong dumoble ang kaba niya. “Sige, lalabas na ako,” sagot niya pagkatapos ay kinuha ang paper bag. “Oh, ano ‘yan? Hindi mo inubos?” tanong ni Hiraya habang naglalakad sila palabas ng department nila. “H-Ha? Ah, masyado kasing marami, may pagbibigyan naman ako. Mauna ka na sa canteen, bababa lang ako sandali sa lobby iaabot ko ‘to,” baling niya dito. “Hindi na samahan na kita.” “Hindi mauna ka na, baka nagugutom ka na!” giit niya. “Hindi pa ako gutom. Halika na! Samahan na kita!” giit din nito. Wala nang nagawa si Sam nang hilahin siya nito sa elevator. Habang pababa sa lobby ay parang sasabog ang dibdib niya sa labis na kaba. Dumating na ang araw na pilit niyang iniiwasan. Alam niya na kapag nagkaharap ang dalawa, kahit hindi sabihin ni Sam ng direkta, malalaman ni Hiraya na siya ang ama ng bata dahil magkamukhang-magkamukha ang mga ito. Nang makarating sa lobby, agad natanaw ni Sam ang anak. Biglang nawala ang alalahanin at takot niya. Kahit nakatalikod ay kilala niya ito. Konti na lang at mas matangkad na sa kanya ito. “Diyan ka lang ah,” sabi pa niya kay Hiraya. Nagmamadali siyang lumabas. “Anak!” excited na tawag niya. “Mommy!” Lumapit agad sa kanya ito saka nagmano at humalik sa pisngi. Inabot niya ang paper bag dito. “Oh, kainin mo ‘yan doon sa coffee shop. May libreng wifi doon, puwede ka maglaro ng games.” Sinilip nito ang laman ng paper bag. “Wow, ang sarap naman nito!” “Naku, pawis na pawis ka na naman!” puna niya nang makita ang pawis nito. “Nasaan ang panyo o towel mo?” “Wala po, nakalimutan ko sa bahay.” “Hay naku, sabi ko na sa’yo huwag kakalimutan ang pamunas dahil napaka-pawisin mo. Tumalikod ka,” utos niya dito saka kinuha ang sariling panyo at pinunasan ang pawis sa noo at buong mukha pagkatapos ay sinapin iyon sa likod nito. “Sam?” Halos tumalon siya sa gulat nang marinig ang boses ni Hiraya. Sabay silang napalingon mag-ina. Nang mga sandaling iyon ay seryoso ang ekspresiyon sa mukha nito at agad lumipad ang tingin kay Hari. “Anak mo?” tanong nito. “H-Ha? Ah… O-Oo…” Ang kaba niya sa mga sandaling iyon ay parang isang bulkan nagbabadya na konti na lang ay tiyak na sasabog. Kahit hindi magsalita si Hiraya, kung pagbabasehan ang klase ng tingin nito kay Hari. Alam niyang may nabubuo nang hinala dito. “Anak, boss ko. Bumati ka,” baling niya kay Hari. Nang ngumiti ang anak ay mas lalong naging kamukha ni Hiraya ito. Gustong umiyak ni Sam sa mga sandaling iyon pero kinailangan niyang pigilan ang sarili dahil hindi iyon ang tamang lugar at pagkakataon para ipakilala ang dalawa sa isa’t isa. “Hello po.” Ngumiti si Hiraya. “Hi,” sagot nito sabay baling sa kanya. “Hindi mo naman sinabi na ibibigay mo sa kanya ’yong pagkain. Eh di sana dinagdagan ko.” Napangiti na lang siya at nahihiyang tumungo. “Gusto mong sumama sa amin ng Mommy mo? Kakain kami. Iuwi mo na lang ‘yan mamaya.” “Mommy?” baling sa kanya ni Hari na tila hinihingi nito ang permiso niya. Hindi magawang tumanggi ni Sam at nakangiting tumango. Kapag ginawa niya iyon ay para na rin pinagkait ang sandaling iyon sa mag-ama. Iyon na yata ang sandaling pilit niyang iniiwasan sa mahabang panahon. Ngunit sa kabila ng pag-iwas, naroon ang saya sa kanyang dibdib na makita sa wakas na magkaharap ang dalawa. “Sige po,” sagot ni Hari. Tuluyan itong nilapitan ni Hiraya at umakbay sa anak. “Sam, let’s go.” Huminga siya ng malalim bago tumango. “Okay.” Mula doon sa likod ay naririnig niya ang usapan ng dalawa. “Anong pangalan mo?” “Hari po.” “Hari?” “Opo. Hari as in tagalog po ng King.” “Pinoy na pinoy naman ang pangalan mo, pareho tayo.” “Oo nga po. Pareho pa po tayong pogi.” “Ay oo naman, high five!” Hindi maiwasan ni Sam na mapangiti habang pinagmamasdan ang dalawa. Ngayon lang niya nakita ang anak na maging komportable sa taong first time makilala nito. Ngayon lang niya nakitang ngumiti at tumawa ng ganoon ang anak. Hindi rin niya maipaliwanag kung bakit. Marahil dahil na rin sa tinatawag na lukso ng dugo. “Ilang taon ka na, Hari?” “Magpi-fifteen po.” “Anong buo mong pangalan?” “Mahaba po eh.” “Okay lang ‘yan, ano nga? Para alam ko ang itatawag ko sa’yo.” “Hari Antonio Lagman Santillan. Hari na lang po ang itawag n’yo sa akin. Hindi po kami pareho ng apelyido ni Mommy eh, ang sabi n’ya iyon daw po ang apelyido ng Daddy ko.” “Ganoon ba?” “Opo.” Hindi na napigil ni Sam ang pagluha. Dumating na nga ang araw na pareho niyang hinihintay at kinatatakutan. Pagdating nila sa restaurant ay pinauna ni Hiraya ang bata sa loob. “Pili ka na kung saan mo gustong umupo, ha? May pag-uusapan lang kami saglit ng Mommy mo.” “Opo.” Nang humarap ito sa kanya ay mangiyak-ngiyak ito. “Is it true? Is Hari my son?” tanong agad nito. Pumikit si Sam saka marahan tumango. “God, Samantha!” mariin na bulalas nito na may bahid ng galit at tuluyan nang hindi napigilan ang sariling mapaiyak. “I’m sorry.” Pilit nitong kinalma ang sarili saka humarap muli sa kanya. “Hindi pa tayo tapos mag-usap. Marami kang dapat ipaliwanag,” masama ang loob na sabi pa nito sabay pasok sa loob ng restaurant. Dahil salamin ang pader ng restaurant, natanaw ni Sam mula sa labas na saglit nitong kinausap ang bata pagkatapos ay niyakap ito ng mahigpit ni Hiraya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD