“ATE, eto na po ‘yong bayad namin sa renta para ngayon buwan,” sabi ni Sam saka inabot ang pitong libong piso sa kanyang landlord.
“Aba eh bakit ang aga naman?”
“Aalis na po kami ni Hari. Lilipat na po kami sa bahay ng Daddy niya. Iiwan na rin po namin ‘yong mga ibang appliances, puwede n’yo ipagamit sa mga susunod na rerenta o kaya kayo ang gumamit. Medyo bago pa iyong iba doon,” paliwanag niya.
“Ah ganoon ba? O sige. Naikuwento nga sa akin ni Rissa ang tungkol sa nangyari sa inyong mag-ina doon sa Batangas. Mabuti na rin iyon naroon kayo sa poder ng tatay ni Hari, tingin ko mas ligtas kayo doon.”
Marahan siyang tumango kasabay ng pagbalik ng pamilyar na takot sa kanyang dibdib. Ang landlord ng apartment na tinutuluyan nilang mag-ina ay tiyahin ni Rissa.
“Manang, ipapakiusap ko lang po sana sa inyo na kapag may dumating dito na mga dalawa o tatlong lalaki at hinanap kaming mag-ina. Kahit wala na kami sabihin n’yo hindi n’yo kami kilala.”
Ngumiti ito at hinawakan ang mga kamay niya at tinapik iyon.
“Huwag kang mag-alala, akong bahala. Makakaasa ka,” sagot pa nito.
“Maraming salamat po.”
“Love!”
Napalingon agad si Sam nang marinig ang boses ni Hiraya.
“Sige po, una na ako. Nag-iimpake na rin kami. Eto na rin po iyong mga susi sa bahay.”
“Okay. Salamat, Sam.”
“Thank you rin po.”
Nang makabalik sa apartment ay agad siyang inakbayan ni Hiraya.
“Puwede ba akong umalis sandali? Hindi pa naman kayo tapos mag-empake. May kailangan lang ako kausapin na investor. I’ll be back in an hour or two,” sabi pa nito.
“Sige, tiyak na medyo matatagalan pa ‘to. Text kita kapag matatapos na kami dito.”
Bahagya siyang hinapit palapit. “Okay,” sagot nito.
“Anak, alis muna ako sandali, babalikan ko kayo mamaya,” paalam nito sa anak.
“Sige po,” sagot ni Hari.
Humalik pa ito sa kanya sa labi at nag-I love you bago tuluyan umalis. Sinarado ni Sam ang pinto saka pinagpatuloy ang pag-eempake ng damit nila. Ang mga laman ng refrigerator niya ay binigay ni Sam sa mga kapitbahay nila na medyo hirap din sa buhay. Mabilis lumipas ang dalawang oras na hindi namamalayan ni Sam. Nang matapos eempake ang mga damit nilang mag-ina sa maleta ay nagtulong sila na linisin ang loob ng bahay. Pagkatapos ay tinext na niya si Hiraya at sinabing tapos na silang mag-empake.
“Mommy, hindi na ba talaga tayo babalik dito?” tanong pa ni Hari.
Ngumiti siya. “Hindi na anak. Doon mas maayos ang tirahan natin, may mga kasama ka na sa bahay para kahit nasa trabaho ako, hindi ka na malulungkot dahil marami kang makakasama at makakausap. Marami ka pang puwedeng gawin doon,” sagot niya.
“Paano sa pasukan, ‘My? Saan ako mag-aaral?”
“Itatanong natin sa Daddy mo.”
Huminga ng malalim si Hari na tila ba may mabigat itong dinadala sa dibdib.
“Bakit ganyan mukha mo? May problema ka ba?” tanong niya.
Tumingin ito sa kanya.
“Sasabihin ba natin kay Daddy ang tungkol sa nangyari dati sa atin, ‘My? Baka mamaya kapag nalaman niya ang ginawa ko, pagalitan ako ni Daddy, madisappoint siya sa akin,” puno ng pag-aalala na sabi nito.
Huminga siya ng malalim at agad umiling.
“Anak, huwag mo nang alalahanin ‘yon. Ako na ang bahala na magsabi sa Daddy mo. Kapag naka-tyempo ako saka ko sasabihin sa kanya. At hindi siya magagalit sa’yo, sinisiguro ko ‘yon. Maiintindihan n’ya.”
“Sa tingin n’yo po ba mahahanap n’ya pa tayo?”
“Sana hindi na. Malamang mahirapan siyang hanapin tayo dahil iba na itsura natin ngayon. Tumaba ka na, maiksi na buhok mo. Ako rin, ganoon. Maikli na rin buhok ko at nagpakulay pa ako. Tapos exclusive subdivision pa ‘yong bahay ng Daddy mo kaya hindi basta nakakapasok kahit sino doon, mas safe tayo. Kaya huwag mo nang masyadong isipin ang tungkol doon. I promised you everything will be okay now, anak. We’re already safe.”
Nasa gitna sila ng pag-uusap nang may marinig sila sa labas na pumaradang kotse mga ilang dipa ang layo mula sa gate ng apartment nila. Sa pag-aakala na si Hiraya iyon, agad siyang tumayo at binuksan ang pinto. Pero ganoon na lang ang biglang pagragasa ng takot at kilabot sa kanyang buong katawan nang bumaba ang tatlong pamilyar na lalaki mula doon. Nanlaki ang mga mata niya at agad sinarado ang pinto at mabilis iyon ni-lock at sinarado ang mga bintana.
“Hari, dito sa loob ng kuwarto bilis,” mahina ang boses ngunit natataranta na sabi niya.
Agad silang pumasok sa loob ng kuwarto at ni-lock iyon. Sinarado din niya ang mga bintana doon at naupo sila sa sulok habang takip ang mga bibig ni Hari. Nagsimulang manginig ang katawan ni Sam sa takot.
“Nandyan siya sa labas,” pabulong na sabi niya kay Hari.
“Si Daddy, tawagan natin siya,” takot na takot din na sabi nito.
Doon lang naalala ni Sam na naiwan pala niya ang phone sa sala. Hindi pa
iyon naka-silent mode kaya tiyak na maglilikha iyon ng ingay kapag tumawag si Hiraya.
“Dito ka lang, kukunin ko ‘yong phone sa labas. Huwag kang maingay.”
Agad itong tumango. Dahan-dahan niyang binuksan ang pinto ng kuwarto at gumapang siya papunta sa sofa kung saan niya naiwan ang phone. Pagkakuha niya ng pakay, bigla siyang napadapa sa semento nang marinig nang malapitan ang boses ng lalaking nagdala ng bangungot sa buhay nilang mag-ina.
“Sigurado po ba kayo na hindi nagagawi dito ang mag-ina na ‘yan?” tanong nito.
“Naku eh, wala po,” narinig niyang sagot ng kanyang landlord.
“May nagbalita sa akin na kamag-anak n’yo daw iyon kaibigan nitong babae sa picture.”
“Ay sino po bang kamag-anak iyon?”
“Rissa ang pangalan.”
“Ah si Rissa, oo pamangkin ko siya pero ang tagal na namin hindi nagkikita ilang taon na. Hindi ko nga alam kung saan na nakatira ang batang ‘yon.”
“Ganoon po ba?” sagot nito.
“Sige ho, salamat. Mag-iikot-ikot lang kami sa kabilang street.”
“Sige po.”
“Kapag nakita n’yo itong mag-ina, tawagan n’yo po ako dito sa numero na ‘to,” sabi pa nito.
“Sige po.”
Nang marinig niyang nakaalis ito saka siya tumayo at mabilis na binuksan ang pinto.
“Ate, nasaan na sila?!” takot na takot na tanong niya.
“Nakaalis na! Bilisan n’yo at umalis na kayo dito baka bumalik ‘yon!”
“May binigay siyang number?” tanong niya.
“Oo, eto nga pinunit ko ‘yung papel.”
“Salamat po.”
Ilang sandali pa ay dumating na si Hiraya. Pasimpleng umalis ang landlord niya at pilit na ngumiti nang bumaba ang nobyo sa kotse. Agad nagbago ang ekspresyon ng mukha nito pagkakita sa kanya.
“Are you okay? You look pale. Masama ba ang pakiramdam mo?” tanong nito.
“H-Ha? Ah, hindi… medyo mainit lang kasi sa kuwarto.”
“Ready na ba kayo?”
“Oo, sandali tawagin ko lang si Hari,” sabi pa niya at mabilis pumasok sa loob ng kuwarto.
“Hari! Nandito na ang Daddy mo, halika na!” tawag niya sabay pasok ng kuwarto.
Paglapit sa anak ay mabilis niyang binulungan ito.
“Ayusin mo sarili mo, nandyan na daddy mo sa labas baka makahalata ‘yon.”
Mabilis itong tumango saka pinunasan ang naghalo nang pawis at luha dahil sa takot. Paglabas niya ng kuwarto ay agad nilang pinagtulungan isakay sa kotse ang mga gamit nila.
“Hari, sakay na sa kotse,” sabi pa ni Hiraya.
Mabilis itong sumunod at sumakay sa likuran bahagi. Samantala si Sam naman ang nagsarado ng pinto at gate.
“Ate, alis na po kami. Salamat po sa pagtanggap sa amin dito,” paalam niya.
“Walang anuman, mag-iingat kayo ha?” sagot nito.
“Salamat po,” nakangiti pa na sabi ni Hiraya.
Pagpasok sa bahay ng landlord ng apartment ay natanaw ni Sam sa malayo
ang papalapit na kotse ng tatlong lalaking naghahanap sa kanila. Agad siyang tumalikod at binilisan ang lakad pabalik sa naghihintay na kotse ni Hiraya. Eksaktong pagbukas niya ng pinto ng sasakyan ay narinig niyang bumukas ang pinto ng kotse na sinasakyan ng tatlo, sabay sarado niya ng pinto ng sinasakyan nila.
“Let’s go,” sabi pa nito.
Nang tuluyan umandar ang sasakyan ay saka pa lang nakahinga ng maluwag si Sam. Nang lumingon siya kay Hari ay nakita niya na kumalma na rin ito. Ngumiti sila ng anak sa isa’t isa. Pagkatapos ay napatingin kay Hiraya nang hawakan nito ang isang kamay niya at halikan ang likod niyon.
“May pupuntahan tayo bago umuwi,” sabi pa nito.
“Saan?”
“Mamayang gabi, makikipagkita tayo sa isang interior designer, ipapaayos ko ‘yong master’s bedroom, doon na magiging kuwarto natin. Pati iyong kuwarto ni Hari, ipapaayos din natin. Huwag kang mag-alala, pinagpaalam ko ‘to kanina kay Daddy at Migs.”
“Sige, ikaw ang bahala.”
“Ikaw na makipag-usap sa interior designer, alam mo naman wala akong alam sa ganyan. Isama mo na rin sa ipaaayos mo ‘yong kuwarto ni Ate Amihan, iyon ang magiging kuwarto ni Daddy kapag lumuluwas siya dito sa Manila,” sabi pa nito.
“I still have the skills, so leave it to me!” nakangiting sagot niya.
“For now, let’s go shopping! Bili natin ng damit at sapatos si Hari,” yaya pa nito habang patuloy ang pagmamaneho.