CHAPTER 9

1268 Words
Paulit-ulit kong sinubukang i-back ngunit ayaw pa ring gumana. Ano bang napasukan ko? Tama si Damon, sana sinunod ko siya. Walang kahit anong lumalabas sa screen. Sakto ang pag-ihip ng hangin na dumampi sa aking balat, lalong nagbigay ng kakaibang kaba. Isasarado ko na sana yung laptop ng biglang tumambad ang simbolo ng monstrous, katulad na katulad ng panyo ni Damon. Napuno ng kuryosidad ang isip ko kaya’t nagdesisyon akong ituloy na lang ang pagpasok dito. “The black monstrous,” muling basa ko sa isang pangungusap na lumabas sa screen. Bigla kong naalala si Sir Manalaysay, ito ang sinasabi niyang mga illegal users ang nandito. May isang kwarto ang tumambad sa akin. May mga taong nagkakasiyahan, sa porma pa lamang ng kasuotan ay halatang mayayaman. Maayos man ng kanilang suot, hindi naman makita ang kanilang mga mukha dahil sa suot na maskara na iisa ang imaheng itim. Ilang saglit, muling nagdilim ang screen at dinala sa isang kwartong puno ng devices. May mga taong nandito na tila pinagmamasdan ang mga nagkakasiyahan habang sila ay nakaupo. Hindi ko maintindihan kung anong ginagawa nila, mukhang mga abala. Tulad ng iba, sila rin ay nakasuot ng maskara. Matagal na nanatili ang video sa kanila. Akala ko’y doon na magtatapos ngunit hindi pa pala. Sa isang malaking screen, nandoon ang mapa ng mundo. Iba’t-ibang flag ang naglabasan at sa bawat bansa, nanlaki ang mga mata ko sa nakita. May mga nakalagay na dolyar. Kung hindi ako nagkakamali, 28 billion ang pumapasok na pera at lalo pang lumalaki kada segundong lumilipas. Napatakip na lamang ako sa bibig, hindi sa pagkamangha kung hindi sa kaba noong ang isa sa kanila ay napatingin sa direksyon ko at tila nakikita niya ako. Muling nagdilim ang screen, ibinalik niya ako sa unang lugar kung saan ay may nagkakasiyahan. Abala ang lahat sa pag-iinom, mga babae, at yosi. Akala ko ‘yon na ang lahat ngunit hindi pa pala, nasaksihan ng dalawa kong mata kung paano sila mag-abutan ng ipinagbabawal na gamot kapalit ng bag na punong-puno ng pera. Lalong may nagtulak sa akin para panoorin pa ang iba. Muling nagpop-up ang screen sa panibagong mensahe.  “Second, the red monstrous.” Ang mga nandito ay kabaliktaran sa nauna. Ang kasuotan nilang lahat ay pula o masasabi kong kakaibang pula dahil ang damit ay ibinababad sa dugo. Tila babaliktad ang sikmura ko sa napapanood. Masyadong brutal ang kanilang ginagawa at ang isang lalaking nakatali habang may takip sa mata ay patuloy na nagmamakaawa. Nanlalamig kong ibina-back ang screen ngunit patuloy pa rin sa pag-play ng video. “A-anong kailangan niyo sa akin?” kabadong tanong ng lalaki. “Wala kaming kailangan sa’yo,” sagot naman ng isang nakamaskara at may hawak na pamalo. Segundo lang ang lumipas, umalingawngaw ang isang malakas na putok ng baril at tumagos ang bala sa ulo ng lalaki na ngayon ay bulagsak na sa sahig, at duguan. Puno ng pagkaawa ang nararamdaman ko, ang mata ng lalaki ay napuno ng luha noong alisin ang piring sa mata. Hindi ko maintindihan, bakit nila iyon ginagawa. Matapos mamatay ng lalaki, hinatak na siya ng isang maskuladong nakamaskara para alisin na sa lugar na ‘yon at tanging dalawang lalaki na lang ang natira, ang may hawak ng pamalo at ang isa naman ay yung bumaril. Sa pakiwari ko ay nag-uusap sila gamit ang kakaibang lenggwahe at tila iba ang naging ekspresyon ng lalaking may hawak na pamalo bago lumabas. Naiwan na lang ay yung lalaking may hawak na baril at na-estatwa na lang ako noong magsalubong ang aming mga mata. Kahit na may suot na maskara, pakiramdam ko ay nagkita na rin kami. “The game is not over. This is our territory and you’ll be the next target,” kalmado bagamat nakatitindig ng balahibo ang boses mula sa hindi ko malaman kung sinong nagmamay-ari sambit bago bumalik sa dati yung screen. Tinignan ko ang previous link na inopen ko ngunit walang lumalabas kahit sa history. Agad ko na sinarado ang laptop at nagtalukbong sa kumot. Anong ibig sabihin ng lalaki sa akin? Hindi ko maintindihan. Idinaan ko na lang sa pagpikit ang lahat, baka sakaling bangungot lang ang nakita ko.   NAGISING ako mula sa kakaibang pakiramdam, dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata at namataan ko si… Ki-el?  Diretso lang siyang nakatingin sa akin. “P-Paano kang nakapasok?” nagtataka kong tanong sa kaniya. Ngumiti lang siya bilang sagot at ipinagpatuloy ang ginagawang pag-aayos ng bulaklak. “Hindi ka kasi pumasok tapos hindi pa kita matawagan. Nag-aalala ako sa’yo kaya minabuti ko na munang dito na lang pumunta habang lunch break. Sabi ni Yaya Medy tulog ka pa, sabi ko ay dadalhan kita dito ng pagkain,” malambing niyang pahayag. Tumango na lamang ako bilang sagot. Nanlaki ang aking mga mata noong makita ang orasan na mag-alas dose na ng tanghali. “Mukhang kulang ka sa tulog. Saan ka naman napuyat?” aniya at may pilyong ngiti. “Sa susunod, pag-aaral ang pagpuyatan mo kaysa sa taong iiwan ka lang din kapag nakahanap na ng iba,” hugot pa niya na nagpatawa sa akin. Bigla kong naalala ang nangyari kagabi. “Ki-el, naalala mo ba yung itinuro ni Sir Manalaysay tungkol sa monstrous site?” Tumigil siya panandalian at umupo sa tabi ko. “Bakit?” Huminga muna akong malalim bago muling nagsalita. “I found it.” Ang kaninang mapang-asar na mata ay naging seryoso at tumingin sa akin. “W-What do you mean?”      Muli akong humiga sa kama habang pinag-iisipan ang mga nakita ko noong nakaraang gabi. “They are wearing mask and...” hindi ko na natapos pa ang sasabihin dahil sa biglang pagtayo ni Ki-el. “Ava, how can I protect you now?” bulong niya kasabay ng pagbukas ng pinto kaya’t hindi ko masyadong narinig ang sinabi niya. “Ava, gising ka na pala. Nagluto ako, sabay na kayong lumabas para kumain,” aya ni Yaya Medy bago isinarado ang pinto. “Ano ulit ang sinasabi mo?” pag-uulit ko sa kaniya. “I-I mean, paano kung totoo ang sinabi ni Sir Manalaysay na delikado ‘yon? Pasaway ka talaga!” gigil niyang sagot. Tumayo ako at ginulo ang buhok niya. “Don’t worry, hindi ko na ‘yon gagawin.” Hinatak ko na siya palabas para kumain. Matapos ng salo-salo ay naligo na rin ako samantalang si Ki-el ay nagdesisyong hindi na pumasok. Iniwan ko na muna siya sa kwarto, si Nanay Medy naman ay nagdala ng meryenda. Ngayon pa lang nakita ni Yaya si Ki-el ngunit animo’y anak sa sobrang istimadong ginagawa. Kumuha muna ako ng damit sa cabinet pamalit at sa hindi sinasadya, nahulog ang box at tumambad ang laman nito kasama ang panyong pagmamay-ari ni Damon. “Is that you?” takang tanong ni Ki-el na ngayon ay katabi ko na pala at pinagmamasdang mabuti ang panyo. “H-Hindi sa ak-” sa muling pagkakataon, hindi na naman natapos ang sasabihin ko dahil pinutol niya. “Kailan pa sa’yo ‘to?” sabat niya. “Kahapon,” Inabot na ulit sa akin ni Ki-el yung panyo at bumalik sa kama. “Weird,” bulong niya sa sarili. “Hoy, lakasan mo, hindi ko marinig,” sigaw ko sa kaniya. Kung minsan ay hindi ko maiwasang mag-alala dahil laging kausap ni Ki-el ang kaniyang sarili. Hiniram na muna niya ang laptop ko para makibalita kung anong ganap sa school. Pagbalik ko ay mukhang hindi naman talaga, nanonood lang siya ng videos sa youtube.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD