Wala ngayong pasok dahil linggo, si Papa naman ay wala pa rin sa bahay dahil nag-stay sa Australia. Kinuha ko ang lahat ng mga damit at tinawag si Marie para tanungin kung ano magandang suotin.
Nagpalusot akong magsisimba at gusto kong maging komportable sa damit. Ang sabi niya, mas maganda ang simple lang, hindi naman daw mahalaga kung anong suot na damit.
Sa ilang oras kong pagpipili, napagdesisyunan kong isang white plain na crop top at pinares ang brown skirt na may tali sa harap. May white shoes din naman ako dito kaya iyon na lang din.
Hindi ako mapakali, kada-minuto ay patuloy akong sumusulyap sa orasan. 11:45AM pa lang, ang usapan namin ay 1:30PM.
Saktong alas-dose ng tanghali ay naligo na ako at isinuot na ang inihanda kong damit. Wala ako masyadong alahas, tanging kwintas lang ni King ang susuotin ko.
Sinubukan kong gawin ang iba’t-ibang ayos sa buhok ngunit hindi naman bagay kaya’t pinusod ko na lang ng isang lahatan.
Mukha namang okay na ako, muli kong tinignan ang orasan at 1:05PM na kaya’t nagpaalam na ako kila Yaya Medy. Tumawag na’ko ng taxi.
Pagkadating doon ay pasado 1:27PM, hindi naman ako nahuli dahil maaga pa ng tatlong minuto. Malaki ang lugar, maraming mga pamilyang nagpi-picnic sa garden, may mga bata rin na naglalaro sa playground.
Inikot ko ang aking paningin sa paligid ngunit wala akong makitang King. Kinuha ko na yung phone ko para tawagan ang ibinigay niya sa aking number.
Cannot be reached...
Umupo na muna ako sa upuan na nasisilungan ng puno. Muli kong tinignan ang oras at 1:29PM na, wala pa rin siya. Ayos lang, masyado lang talaga akong maaga.
Ilang saglit lang ay may lalaking palapit at may hawak na bouquet of roses. Nagtama ang aming mga mata, hindi ko alam kung anong dapat sabihin at tanging napalunok na lang ako.
Tinignan ko siyang maigi, ang itsura niya ay bumawi sa ugali. Nakayuko siyang lumapit at inabot ang hawak na bulaklak. Moreno lang ang balat niya, hindi maitatanggi ang maraming tigyawat at naka-eye glass na suot na ipinares sa 1980’s na pormahan.
Kinuha ko na ang bulaklak. Mukhang hindi rin siya komportableng kaharap ako. “G-Gusto ko lang iabot iyan, h-hindi na rin ako magtatagal,” garalgal na boses niyang sabi.
Ngumiti ako at niyakap siya. “Maraming Salamat, King,” ani ko. Tila nag-iba rin ang boses niya na hindi ko na lamang pinansin pa.
“H-Hindi ka ba nandidiri sa’kin?” alangan niyang tanong at umiling naman ako bago guluhin ang buhok niya.
“Ang cute mo pala,” biro ko at napatawa ng husto.
“Bully,” nagtatampo naman niyang sabi at animo’y babaeng inirapan ako.
“Tara na sungit,” ani ko at hindi na hinintay pa ang sagot niya dahil sa paghitak ko.
May naramdaman akong kakaiba sa mga mata niya. Parang nagkita na kami? hindi man matanto ng aking isipan bagamat pamilyar ang kaniyang pagtingin.
UNA naming pinuntahan ay yung ice cream parlor. Hindi ko na maalala kung kailan ako bumili nito at natutuwa naman ako kay King na tila ngayon lang nakapunta dito dahil walang oras na tinitignan niya ang paligid.
“Ikaw nag-aya dito pero parang ngayon ka lang nakapunta,” sambit ko habang kumakain.
“O-Oo, sinearch ko lang kasi lugar niyo,” kamot-ulo naman niyang sagot.
“Paano mo nga pala nalaman ang bahay namin? At saka nga pala, bakit ka pumasok sa kwarto ko ha?!” sita ko sa kaniya.
“You told me before.”
Inalala ko mga pag-uusap namin, mukhang wala naman akong nasabi sa kaniya.
Kumakatok ako kaso walang nagbubukas, nakita ko sa bintana na parang umiiyak ka. Ayaw ko namang mukha ko agad ang makita mo,” dagdag pa niya sabay tingin sa langit na animo’y nag-iisip.
Natawa ako sa kaniya. Sa ekspresyon kasi ng mukha niya ay parang puro kalokohan lang ang alam at hindi isang misteryosong lalaki sa nakaka-chat ko.
“Thank you, King, you makes me happy. Ikaw lang kasi ang nakaalala nung birthday ko.” Hindi ako pwedeng umiyak, masaya dapat ako ngayon pero bakit ang puso ko kumikirot na naman.
“Use this,” seryoso niyang sabi sabay abot ng panyo.
“Hindi ako iiyak!” natatawa kong palusot. Seryoso pa rin ang mukha niya at doon ay tumulo na ang mga luha ko habang tumatawa.
Siya na mismo ang nagpunas sa aking mga mata. “Huwag kang tumatawa habang umiiyak, mukha ka lang abnormal. Alam mo ba ‘yon?” pang-aasar niya.
“Salamat,” ani ko.
Matapos namin kumain ay tumakbo akong papunta sa palaruan. “Tara dito!” aya ko sa kaniya.
Umakyat ako para magpaslides, may mga bata pa ditong nakatingin lang sa akin. Mukhang nahihiya pa si King kaya hindi makalapit pero noong huli ay napilitan din.
May mga batang naghahabulan at nakisali naman ako, ayaw naman ni King kaya hindi ko na lang pinilit. Na-miss ko maging bata, parang ang dali lang maging masaya. Noong mapagod, bumalik ako sa pwesto namin kanina.
“Uy,” tawag ko sa kaniya.
“Tsk. May pangalan ako,” angal nito.
“Ano nga ba ang pangalan mo?” pag-iiba ko. Hindi siya agad sumagot at umiwas ng tingin. Mukhang wala pa rin siyang balak sabihin kaya naman hindi ko na lamang inulit pa ang tanong. Humarap siya at sinalubong ang aking ga mata.
“Damon,”
Napalunok ako dahil sa boses niya habang binanggit ang pangalan. Isang word lang naman pala pero parang hirap na hirap siyang sabihin.
“Okay, Damon. I will call you by that name instead of King,” sagot ko at pumuntang damuhan para manghuli ng tutubi, ang pinaka-paborito kong laro noong bata.
Noong malapit ko na makuha ang buntot ay binugaw naman ni Damon kaya’t tinignan ko siya ng masama.
“Mali ka naman eh,” kontra pa niya at kumuha ng magandang tiyempo at agad niyang dinakma ang isang tutubing kulay asul.
“Gawain mo rin ba ang panghuhuli niyan noong bata ka?” tanong ko at parang batang tuwang-tuwa.
“Hindi, ngayon lang,” kalmado niyang sagot at pinakawalan na ang hawak na tutubi.
“Hala! Bakit mo pinakawalan?” malungkot kong bulong na may tamang lakas para marinig niya.
“Baka may pamilya siyang naghihintay sa kaniya e,” ani niya. Magkukunwari pa sana akong nagtatampo ngunit hindi ko na rin napigilan pang matawa.
“Ano nga pala ang pangalan mo?” pagbabalik niya sa akin ng tanong.
“Ava,”
“Tara kumain na tayo, Ava,” pag-aaya niya. Napangiti ako noong bigkasin niya ang tunay kong pangalan.
Hindi ko na nagawa pang tumanggi dahil talagang nagugutom naman na ako. Pumunta kami sa isang mamahaling restaurant.
“Hoy! Mahal dito. Sa iba na lang,” pagtanggi ko.
“Mukha ba akong walang pera?” tanong niya.
Napasapo na lamang ako sa noo, iba yata ang naging dating niya sa sinabi ko. Gusto ko lang naman ay simpleng kainan.
Hindi na ako nakipagpilitan pa dahil tumatawag si Papa. Nagpaalam ako saglit kay Damon para sagutin yung tawag sa akin.
“Where are you?” maawtoridad niyang tanong. Hindi pa man ako nakakasagot ay muli siyang nagsalita.
“Magbabakasyon sila Yaya Medy. Umuwi ka na agad dahil walang tao sa bahay,” Matapos niya itong sabihin, hindi na ako nakasagot pa dahil agad niyang pinatay.
Huminga na muna ako ng malalim bago lumapit kay Damon na parang nakikipagdiskusyon sa gwardiya.
“Boy, bawal talaga dito ang nanghihingi ng donasyon o sulisit. Ito bente umalis ka na,” narinig kong sabi ng gwardiya.
Agad akong lumapit at sa harap nito ay pinunit ko ang hawak niya. “Excuse me? What did you say?” mataray kong sagot dito. Hinawakan ako ni Damon para ayaing umalis na at huwag patulan yung gwardiya.
“Magkasama po ba kayo? Ay sorry po ma’am,” hingi niya ng pasensiya.
“Hindi tayo aalis, kailangan kong makausap ang manager nito,” Nangigigil talaga ako sa mga taong mapangmataas samantalang gwardiya lang naman siya rito.
“Please, umalis na tayo,” pangungumbinsi sa akin ni Damon.
“Alam mo kuya, nandito ka para magtrabaho at hindi manghusga ng tao. Hindi mo siguro alam ang salitang respeto? Walang silbi ang baril na sa’yo kung hindi ka rin katatakutan ng kahit sino,” katagang iniwan ko bago kami umalis ni Damon.
Uminit talaga ng husto ang ulo ko pero si Damon ay parang wala lang sa kaniya.
“Sa susunod, matuto kang lumaban. Hindi pwedeng hinahayaan mong maliitin ka ng iba. Masyado na siyang sumusobra, kung hindi mo ako pinigilan ay baka nasupalpal ko na ‘yon,” pagtataray ko.
“Thank you,” wika niya.
Pumunta na lang kami sa Jollibee. May dala naman akong card pero masyado siyang mapilit na siya na magbabayad. Matapos kumain at mahabang kwentuhan ay hinatid na niya ako sa bahay gamit ang isang motor.
“Sorry ha, ganito lang ako,” malungkot niyang sabi. Hinawakan ko ang kaniyang kamay habang hinuhuli ang malikot niyang mga mata.
“Nice to meet you,” Sabay kurot ko sa pisngi niya.
“Magkaiba tayo. Mayaman ka kasi tapos ako ganito lang,” sabat nito.
“Hindi mahalaga kung anong mayroon sa isang tao. Umuwi ka na, goodnight,” paalam ko. Hindi naman siya agad umalis, hinintay pang makapasok ako sa kuwarto. Noong makitang binuksan ko na ang ilaw ay at saka pa lang siya umalis.
Humiga na ako sa kama at hindi ko maiwasang mangiti dahil sa nangyari ngayong araw ngunit kanina ay parang may matang nakatingin sa amin.
Hindi lamang isang beses, nararamdaman ko iyon sa bawat lugar na pinuntahan namin, parang may nakasunod.