Napuno nang tawanan ang hapagkainan namin, habang kumakain kami. Masayang bata si Alexa at marami siyang naikwento sa akin tungkol sa mga nangyari habang wala. Natapos ang kainan namin na puno nang saya. Matapos no'n ay pumunta na ako sa dati kong silid upang magpahinga. Nang makapasok ako ay napansin kong malinis pa rin ang silid, tulad nang dati.
"Lagi ko itong nililinis dahil alam kong balang araw ay uuwi ka rin," narinig kong sabi ni mama na nasa likod ko.
Napangiti ako at bumaling sa kanya.
"Salamat ma, at masaya talaga ako dahil nakabalik na ako dito," sabi ko sa kanya. Lumapit ako sa kama ko at umupo. Naglakad naman si mama patungo sa akin. Inalis ko ang medyas at sapatos na suot ko saka ako humiga sa malambot na kama.
"Alex, iyong tungkol pala kay Venice," nag aalangang sabi ni mama. Bahagya akong natigilan nang marinig muli ang pangalan ni Venice. Nakaramdam ulit ako ng kirot dahil biglang bumalik sa alaala ko ang pagtataksil niya sa akin noon. Sa higit limang taon kong nasa kulungan ikatlong beses ko lang ulit narinig ang pangalan niya. Noong una ay nang malamang kong ikinasal siya kay Alejandro. Pangalawa ay iyong kwenento ko kay Raymond at ngayon ang ikatlo. Nais kong magalit ulit, ngunit alam kong matagal na iyon at may bagong pamilya na siya ngayon.
"Kalimutan mo na siya ma, may sarili na siyang pamilya," tanging sabi ko.
Napapikit ako matapos ko iyong sabihin. Naramdaman kong umupo si mama sa kama at hinawakan ang braso ko.
"Anak, alam ko naman ang pinagdaanan mo. Akala ko kasi ay may balak ka pang habulin siya. Ngayon ko lang naman nalaman na may pamilya na pala siya. Limang taon kang nakakulong kaya naman wala na akong balita sa kanya," sabi ni mama. Napabuntong-hininga siya at hinagod ang braso ko.
Wala alam sina mama sa totoong nangyari sa akin at sa relasyon namin ni Venice noon. Hinayaan kong isipin na lamang nila na ako ang may kasalanan, na may nagawa akong kasalanan. Ayokong makaramdam pa sila ng galit, tulad nang naramdaman ko.
"Sige, magpahinga ka na muna. Kung may kailangan ka, tawagin mo lang ako nasa ibaba lang ako," sabi ni mama. Tumango lang ako sa kanya at hindi man lang tumingin. Narinig ko ang yabag niya paalis at maging ang pagsara ng pinto.
Napabuntong-hininga na lang ako at umupo sa kama. Muli kong tiningnan ang dati kong silid. Naalala kong ilang beses nang nakapasok rito si Venice at marami kaming alaala dito. Sigurado din akong nandito pa ang mga gamit na may koneksyon sa aming dalawa. Naglakad ako at may hinanap sa buong silid. Ngunit wala akong makita, kaya naman tiningnan ko ang ilalim ng kama ko at may nakita ako roon na isang kahon.
Kinuha ko iyon at binuksan ang laman. Natigilan pa ako nang bumungad sa akin ang litrato naming dalawa ni Venice. Kinuha ko ito at tiningnan.
Nakaakbay ako sa balikat niya habang nakangiti siya sa camera at nakahawak sa kamay ko. Ito iyong litrato na kuha noong nagtapos ako sa pag aaral ko. Samantalang siya ay nasa 2nd year college pa lang. Nilapag ko ito at tiningnan pa ang nasa loob. Lahat nang nakita ko ay may alaala namin ni Venice. May mga damit na pambabae rin na kasama. Kinuha ko iyon lahat at binitbit paalis sa aking silid. Pumunta ako sa likod ng bahay habang dala ang mga iyon. Inayos ko ang mga iyon at muling pumasok sa loob ng bahay para kumuha ng lighter. Muli ko itong binalikan at sinabuyan ng langis saka ko ito sinindihan. Pinagmasdan ko lang iyon habang unti-unting nasusunog.
"Kuya? Ano ang mga iyan? Hala! Di ba gamit niyo iyan ni ate Venice? Bakit mo naman sinunog kuya?" gulat na sabi ni Alexa. Hindi ako tumugon sa tanong niya at nanatiling nakatingin doon.
Habang nasusunog ito ay isa lang ang naramdaman ko nang sandaling iyon. Galit at poot. Naramdaman ko ulit ang galit nang kanyang pagtataksil sa akin at poot sa ginawa nilang dalawa sa akin. Naikuyom ko ang kamay ko habang nakatingin doon.
'Gusto kong makagante!' sigaw ng isip ko.
"Kuya," narinig kong sambit ng kapatid ko at hinawakan ang kamay ko.
"Hindi ko alam kung ano ang totoong nangyari sa inyo ni ate, pero sigurado ako na may ginawa siya. Sa totoo lang kuya, hindi ko alam kung kailangan ko nga ba itong sabihin dahil masyado pa akong bata noon pero hindi naman ako ganoon ka inosente," muling sabi niya.
Natigilan naman ako sa tono nang pananalita niya. Napatingin ako sa kanya at nakita kong seryoso siyang nakatingin sa mga gamit na nasusunog sa harapan namin.
"Anong ibig mong sabihin?" nagtatakang tanong ko sa kanya.
"Noong isang beses na pumunta kayo dito ni ate at ilang minuto lang ay nagpaalam siyang aalis muna. Hinayaan mo siyang umalis noon, habang ako naman ay inutusan ni mama na bumili sa kabilang kanto. Nakita ko si Ate Venice noon na sumakay sa isang kotse at biglang nakipaghalikan agad sa isang lalaki. Nakilala ko iyong lalaki dahil minsan mo na siyang ipinakilala sa amin. Siya iyong may ari ng kompanya kung saan ka nagtatrabaho noon kuya. Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon ko noon. Hindi ko nagawang sabihin saiyo noon dahil natatakot ako. Pasensya na at ngayon ko lang ito nasabi," sabi niya.
Hindi ko alam kung paano ako magreak sa sinabi niya. Naalala ko ang araw na iyon. Iyon yung sinundo ko siya sa school at nakasabay namin si Alejandro saka nobya nito na kumain. Matapos noon ay dumaan kami dito sa bahay. Mga ilang minuto ang lumipas ay may tumawag sa kanya at nagmamadaling nagpaalam sa akin na aalis lang saglit. Pinayagan ko siya dahil sabi niya may kukunin siya sa kaklase niya na dadaan sa lugar kung nasaan kami. Halos mag iisang oras din no'n bago siya nakabalik at humingi nang pasensya kina mama. Hindi rin ako naghinala noon dahil mabait naman siya at hindi makita sa kilos at mukha niya na magtaksil sa akin.
Napabuntong-hininga ako at hinimas ang buhol ng kapatid ko.
"Ayos lang, isa pa matagal na rin iyon at may pamilya na siya. Kaya naman kailangan na lang gawin ay kalimutan siya at burahin ang mga alaala niya sa atin," nakangiting sabi ko sa kanya.
Nag angat siya nang tingin. Bahagya pa akong natigilan nang makita ang seryoso niyang mukha.
"Naaalala kong mabuti ang mukha ni ate Venice at iyong lalaking kahalikan niya. Kaya naman nagulat ako, nang muli ko siyang makita noong nakaraang taon kasama ang lalaking iyon. May karga siyang isang sanggol at nasisiguro kong anak nila iyon. Hindi na ako bata kuya, kaya aminin mo sa akin. Ano ba talaga ang nangyari sa inyo ni ate bago ka nakulong?" tanong niya sa akin.
Hindi agad ako nakapagsalita sa seryosong tanong niyang iyon. Nagugulat ako sa mga sinasabi niya.
"May nangyari ba kuya?" muling tanong niya. Iniwas ko ang tingin ko sa kanya. Mayamaya ay naramdaman ko ang paghawak niyang muli sa kamay ko.
"Alam ko kung gaano mo minahal si ate, kuya. Kaya siguradong may dahilan kung bakit kayo naghiwalay," muling sabi niya.
Napabuntong-hininga ako.
"Oo, may nangyari at ayoko nang pag usapan pa ang tungkol doon," tanging sabi ko at tumalikod na sa kanya.
"Niloko ka niya at pinakulong ka ng lalaking iyon para makuha si ate Venice. Hindi na rin ako magtataka kung sa pagbalik mo ay maghihigante ka sa kanila," narinig kong sabi niya. Kaya natigilan ako at muling napatingin sa kanya. Nakita ko ang seryosong mukha niya habang nakatingin sa akin.
"Alexa, hindi ka dapat nag iisip nang ganyan. Kung pinagkaisahan nila akong dalawa, hindi ko kailangang maghigante. Anong laban ko sa kanila? Isa pa ayoko na ng gulo," sabi ko at tuluyan nang naglakad paalis.
Hindi ko alam kung ano nga ba ang gagawin ko ngayon. Tila ba nanimbalik ang sakit at galit na naramdaman ko noon. Alam ko na ang totoong nangyari noon at nais ko silang balikan, ngunit naguguluhan pa ako. Nalilito ako kung mangingialam pa ba ako sa kanila o hindi na.
Kinabukasan...
Maaga akong nagising kaya naman naabutan ko si papa na nag aalmusal, habang nagluluto naman si mama. Napatingin si papa sa akin at ngumiti agad.
"Magandang umaga sainyo ma, pa," unang bati ko sa kanila. Napahinto naman si mama sa ginagawa niya at napalingon sa akin.
"O, gising ka na pala Alex, halika kumain ka na. Sabayan mo ang papa mo, maagang aalis iyan kaya maagang nag almusal," anyaya sa akin ni mama. Agad siyang kumuha ng plato at kutsara saka ako pinaghain ng pagkain.
"Saan ka pupunta, pa?" tanong ko kay papa na umiinom ng kape.
"May delivery ako sa pampanga, kaya maaga ang alis ko," sagot niya.
Dating driver si papa ng bus at mukhang ibang trabaho naman ang napasukan niya ngayon. Hindi ko pa alam ang pagbabago sa kanila ngayon dahil kahapon pa ako nakabalik. Napatango lang ako sa sinabi ni papa. Nagsimula na akong kumain, matapos lagyan ni mama ng pagkain ang plato na nasa harapan ko.
"Ano nang plano mo ngayon?" tanong bigla ni papa. Napabuntong-hininga ako.
Sa totoo lang hindi ko pa alam kung anong plano ko ngayon. Nais kong magtrabaho sa mga kompaniya, ngunit hindi ko naman alam kung matatanggap ako. Kalalabas ko lang sa kulungan at siguradong mahihirapan ako sa paghahanap ng trabaho.
"Sa ngayon wala pa, pero maghahanap pa rin ako nang trabaho. Sayang naman kasi iyong tinapos ko noon. Gusto ko ulit makapasok sa mga kompanya na nais kong pagtrabahuan," sagot ko kay papa.
Napatango naman si papa dahil sa sagot ko sa kanya.
"Mabuti naman kong ganoon, kaso sa lagay mo ngayon siguradong mahihirapan ka dahil dati ka nang nakulong. Basta galingan mo lang baka matanggap ka pa rin," nakangiting sabi ni papa. Tumango lang ako sa kanya.
May nilapag si mama at mayamaya ay umupo na siya at sumabay na sa akin. Napansin kong kami lang tatlo ang narito, hindi ko makita si Alexa.
"Nasaan pala si Alexa, ma?" tanong ko kay mama habang kumakain.
"Naku, maagang umalis. Hindi na nga iyon kumain eh, may practice sila kaya maaga. Pinagbaon ko na lang para makakain siya doon sa school niya," sagot ni mama.
Napatango ako. Nasa grade-10 na si Alexa at sa susunod ay grade 11. Nalaman kong isa siya mga nangunguna sa school nila. Lagi iyong kinukwento ni mama, sa tuwing dumadalaw sila sa akin. Kaya nasisiguro kong makakamit niya ang nais niya. Noon pa man ay matalino na siya kaya may tiwala ako sa kakayahan niya.
"Anong oras pala siya uuwi?" muling tanong ko kay mama.
"Hmmm, siguro mamayang ala-singko pa iyon uuwi. Dahil may practice pa sila sa hapon," sagot ni mama.
"Tawagan mo siya ma at ako ang susundo sa kanya," sabi ko sa kanya.
"Naku, mabuti pa nga at laging ginagabi iyon pag uwi dahil sa traffic," sabi ni mama.
Tumango ako sa kanya. Napansin kong tapos na si papa kaya tumayo na siya.
"Ah, Alex? Maaari mo ba akong ihatid ngayon? Para naman magamit mo iyong motor sa pagsundo kay Alexa. Tatawag na lang ako kapag magpapasundo ako," sabi ni papa sa akin.
"Sige ho pa, magbibihis lang ako. Ma, maiwan na kita," paalam ko kay mama matapos kong kumain. Tumango lang si mama kaya pumunta na ako sa kwarto ko at nagbihis.
Ilang saglit lang ay bumaba na ako at nakita ko si papa at mama.
"Ano? Tara na?" anyaya ko kay papa.
"Oo, paandarin mo muna iyong motor para uminit saglit," sabi ni papa sa akin. Tumango ako at bago ako lumabas ay humalik muna ako sa pisngi ni mama saka lumabas ng bahay. Dumiretso ako sa garahe kong saan naroon ang motor ni papa. Naalala ko noon, iniregalo ko ito sa kanya noong unang sahod ko sa kompanya kung saan si Alejandro ang may ari.
Napabuntong-hininga na lang ako at pinainit saglit ang motor. Mayamaya pa ay lumabas na si papa kasunod si mama.
"Oh Alex, mag ingat sa pamamaneho ha?" paalala sa akin ni mama.
"Opo ma, sige alis na kami. Babalik agad ako," sabi ko.
Tumango lang si mama sa akin. Isinuot ko ang helmet at sumakay na ako sa motor, maging si papa saka ko pinatakbo ito. Hindi ko alam kung saan siya ngayon nagtatrabaho. Kaya naman nagtanong lang ako sa kanya. Habang nagmamanahe ako, hindi pa rin mawala sa isip ko ang usapan namin ni Alexa kagabi. Hanggang ngayon ay nalilito pa rin ako. Hindi ko alam kung ano nga ba ang gagawin ko sa ginawa nilang dalawa sa akin.
'Venice, Alejandro,' sambit ko na lang sa aking isipan.