"Talong kayo riyan mga magaganda at guwapo! Siguradong mabubusog kayo sa paninda kong talong! Ito'y mahaba at mataba kaya bili na kayo!" sigaw ko bawat taong dumadaan.
"Isang kilo nga ng talong mong mahaba at mataba," sabi ng isang lalaki na nakasuot ng sumbrero at facemask.
"Sige po Sir pili na kayo."
"Ikaw na ang pumili sa akin kung ayos lang."
Napatingin ako sa lalaki ngunit hindi ko makita ang buong mukha nito dahil sa suot niyang facemask. Tumango na lang ako at saka namili ng mga talong. Matapos kong makapamili ay kaagad ko itong tinimbang.
"Fifty pesos lang po Sir," wika ko sabay abot sa kaniya ng talong.
"Ay talong mo Sir mataba!" bulaslas ko dahil muntik nang mabitawan ang isang kilong talong na hawak ko. Akala ko kasi nahawakan na niya ito pero hindi pa pala. Mabuti na lang at hindi ko ito binitawan agad.
"What did you say?"
Napatingin ako sa kaniya dahil parang pamilyar ang boses niya. Nanlaki ang mata ko nang tanggalin niya ang suot niyang sumbrero at facemask.
"Val?"
"Yes. Why?"
Napangiwi ako. "Anong ginagawa mo rito?"
Tumikhim siya. "Ano sa tingin mo? Syempre bumibili ng paninda mong talong ano pa ba? Ayaw mo ba?" Nakaarkong kilay na sabi niya.
Ngumiti ako. "Ha? Wala naman akong sinabi na ayaw ko. Ayos nga na bumili ka." Mariin akong napapikit sabay kamot sa batok.
"By the way, mamayang hapon pumunta ka sa bahay dahil may ipagagawa ako sa iyo. Ikaw lang mag-isa. Huwag mo na isama pa ang kaibigan mong bakla."
Kumunot ang noo ko. "Ha? Bakit? At saka anong ipagagawa mo?"
Lumapit siya sa akin. "Simple lang naman. Huwag kang mag-alala dahil babayaran ko ang serbisyo mo."
Nanlaki ang mata ko. Anong serbisyo? Ano bang ipagagawa niya sa akin? Bigla akong kinabahan.
"H-ha? A...ano ba y-yang ipagagawa mo sa akin?" Kinakabahang tanong ko sa kaniya.
Ngumisi siya. "Simple lang. Huwag kang mag-alala."
Napalunok ako. "Ano nga? Bakit ganiyan itsura mo? Hoy! Ano nga sabi?"
Bigla siyang tumawa. "Huwag kang mag-isip ng kung ano-ano. Kung iniisip mo ang bagay na mahalay, nagkakamali ka. Asa ka namang papatulan kita," aniya sabay tingin sa akin na tila ba nandidiri.
Tinikom ko ang bibig ko. Sabagay, sino nga naman ako, 'di ba? Maraming babaeng magaganda, mayayaman at may class ang kaniyang naaangkin. Walang-wala lamang ang isang hamak na katulad ko na anak mahirap at isang tindera lang sa palengke. Mabuti na lang maganda ako at sexy. Bakit ko ba kasi naisip 'yon? Imposible namang gawin niya iyon sa akin dahil parang nandidiri siya sa akin.
"H-hindi ko n-naman iyon iniisip. Sige. Pupunta ako sa inyo mamayang hapon," saad ko sabay iwas nang tingin. Inabala ko ang sarili ko sa pagsasalansan ng talong.
"Good. Kapalit ito ng mga kapalpakan mo sa akin. Nakadidiri mga pinaggagawa mo sa akin. Sundin mo lahat ng utos ko mamaya at huwag ka ng magtatanong pa dahil maraming akong gagawin. See you later."
Pagkaabot niya ng bayad ay tumalikod na siya at saka sumakay sa kaniyang sasakyan. Napatingin na lang ako sa perang isang libo na hawak ko. Ang sarap siguro talagang maging mayaman dahil hindi na sila nag-aabala pang kunin ang sukli nila. Hindi na sa kanila mahalaga pa ang mga barya. Samantalang sa aming mahihirap ay napakahalaga ng sentimo. Kailangang naka-budget lahat ng perang gagastusin. Hindi dapat basta lamang gumagastos ng walang dahilan.
Marami akong naibentang gulay ngayong araw. Hapon na kaya naman nagsara na ako dahil pupuntahan ko pa ang lalaking iyon. Ano kaya ang ipagagawa niya sa akin? Hindi sana ako pupunta kung walang bayad. Sayang din kasi. At gusto ko ring makabawi sa mga kapalpakan ko sa kaniya.
"Nasaan si Mama?" Kaagad na tanong ko nang makarating ako sa bahay. Malungkot ang itsura ng mga kapatid ko.
"Nasa kuwarto po niya Ate. Hinihika na naman si Mama. Katatapos niya lang magpausok at uminom ng gamot. Nagpapahinga na po siya."
"Ganoon ba? Sige kumain muna kayo. May dala akong meryenda."
"Sige po Ate thank you," sabi ni Arman sabay kuha ng dala kong supot.
Nilapag ko muna ang dala ko sa aking kuwarto. Nagbihis muna ako at saka inayos ang aking sarili bago lumabas ng kuwarto. Pinuntahan ko si Mama sa kaniyang kuwarto. Mahimbing ang kaniyang tulog. Umupo ako sa lapag habang pinagmamasdan siya. Rinig ko ang hirap niyang paghinga. Mapait akong ngumiti. Sa tuwing hinihika si Mama ay kinakabahan ako. Kaya hangga't maaari ayokong mapagod siya dahil hinihingal siya. Gustong-gusto kong ipagamot si Mama ngunit wala akong sapat na halaga para gawin iyon. Sa tuwing naiisip ko na ipagagamot ko si Mama ay naaalala ko si Papa. Naaalala ko na wala man lang akong nagawa para ipagamot siya.
Hindi ko namalayan na tumutulo na pala ang luha ko sa pisngi. Kaagad kong pinunasan ito. Tumingin ako sa orasan. Tumayo na ako dahil kailangan ko pang umalis.
"Isara niyo ang gate. Huwag kayong lalabas. May pupuntahan lang ako."
"Opo Ate. Ingat ka," sabi ni Arnold sabay kagat ng tinapay.
Tumango na lang ako at saka lumabas na ng gate. Bumuntong-hininga muna ako bago naglakad. Kung magkakaroon ako ng pera sa pagpunta ko sa bahay ng pamilyang Ford ay siguro mapapadalas ako roon. Sayang din kasi pang dagdag. Minsan kasi mahina ang benta sa palengke lalo na marami kaming kalaban na nagtitinda rin ng gulay.
"Ang tagal mo naman," bungad niya sa akin sabay iling.
"Pasensya na. Inasikaso ko lang kasi ang mga kapatid ko."
"Okay. Whatever. Follow me."
Sumenyas siya na sundan ko siya kaya naman iyon ang ginawa ko. Pumasok kami sa isang silid. Nanlaki ang mata ko sa lawak at ganda nito. Maraming libro sa paligid. May mga tambak na papeles ang nasa table niya. Umupo siya sa kaniyang swivel chair at saka seryosong tumingin sa akin.
"Wala kasi 'yong isang katulong namin dahil nagday-off ito. May mga igagawa lang ako sa iyo na simpleng bagay."
"Sige ano ba 'yon?"
Tumikhim siya. "Linisin mong maigi ito. Ito kasi ang nagsisilbing opisina ko rito kapag wala ako sa company. Maglampaso ka sa sahig. Punasan mo ang paligid dahil maalikabok na. Bilisan mo. Huwag mo akong distorbuhin dahil marami pa akong gagawin. Kung may tanong ka, magtanong ka na ngayon habang hindi pa ako nagsisimula sa trabaho ko."
Kaaagad akong umiling. "Wala. Wala naman akong itatanong sa iyo. Nasaan ba ang mga panlinis?"
"Itanong mo kay Nanay Lea. Nasa kusina siya. Magsisimula na ako. Don't bother me. I have many things to do."
Tumango na lang ako at saka tipid na ngumiti. Lumabas na ako ng kaniyang silid at saka pumunta sa kusina. Naabutan ko si Nanay Lea na nagluluto. Itinuro niya sa akin kung nasaan ang mga panlinis.
Matapos kong makuha ang mga panlinis ay kaagad akong bumalik sa silid ni Val. Seryoso ang kaniyang mukha habang nakatingin sa papel na hawak niya at pagkatapos ay pinipirmahan niya ang mga ito. Isa-isa niya itong binabasa. Nagsimula na akong punasan ang paligid. May mga alikabok na nga ang bintana. Maalikabok na rin ang upuan dito.
"Bullsh*t! My head hurts," aniya sabay hilot sa kaniyang sintido. Pinagpatuloy ko lang ang ginagawa ko.
Matapos kong magpunas ay nilampaso ko ang sahig. Ilang beses ako naglampaso sabay walis para talagang malinis. Medyo hiningal ako pero ayos lang. Ibinalik ko na sa lagayan ang mga panlinis dahil tapos na ako. Bumalik na ako sa kaniyang silid. Seryoso pa rin ang kaniyang mukha. Naupo ako at saka kinuha ang suklay ko sa bag. Pinunasan ko ang pawis ko sa aking mukha. Kahit na naka-aircon dito ay pinagpawisan ako.
"Finish?" biglang sabi niya. Napatigil ako sa pagpunas ng aking mukha.
"O-oo tapos na."
Nilibot niya ang kaniyang tingin sa paligid bago bumaling sa akin. "Okay good. Now, ipagtimpla mo ako ng kape. I want sweet. Black coffee lang huwag mong lagyan ng creamer. Tingnan mo na lang sa kusina." Muli niyang itinuon ang tingin niya sa hawak niyang papel.
Bumuntong-hininga na lang ako sabay tayo. Punyetang 'yan mukhang pahihirapan ako ng lalaking ito. Pagkarating ko sa kusina ay agad kong hinanap ang kape. Kumuha ako ng mug at kutsarita. Tinatsa ko na lang ang paglagay ng kape.
"Nasaan ang asukal dito?" mahinang sambit ko. Hindi ko kasi alam kung asukal ba itong katabi ng kape dahil hugis cube ito.
"Asukal ba 'to?"
Kinuha ko ang isang tupperware at saka sumandok ng tatlong kutsarang asukal tutal gusto naman niya ng sweet. Hinalo ko ng maigi ito para walang matira sa dulo ng mug.
"Ito na ang kape mo." Nilapag ko sa gilid ng kaniyang table ang tinimpla kong kape.
Tumigil siya sa kaniyang ginagawa at saka tumingin sa akin. "Okay good. Thanks."
May kinuha siya sa kaniyang bulsa at inilabas ang tatlong libong piso. "Here. Take this. Pagtapos umuwi ka na." Inabot niya sa akin ang hawak niyang pera.
"Sure ka ba rito? Masyado yata 'tong malaki?" sabi ko sabay kuha ng perang inaabot niya.
"Sure ako bakit hindi? Ano bang tingin mo sa akin? Mahirap? Wala lang sa akin 'yan. Barya lang 'yan," mayabang na sabi niya sabay ngisi.
"Ouch naman. Pasensya ka na kung poor ako. But it's okay at least I'm not rich because I'm poor. No money no okay."
Bigla siyang natawa. "Ha? Pinagsasabi mo? Tumigil ka na ngang magsalita ng English! Hindi kita maintindihan. Umuwi ka na dahil maggagabi na." Pagtataboy niya sa akin.
"Okay sige yes oo yup. Uuwi na me. Paalam Val Vulvol." Kinuha ko na ang bag ko sabay tingin sa kaniya.
"What?"
"Wala. Sabi ko I'm home going na."
"Bullsh*t! Mali-mali grammar mo!"
Inirapan ko na lang siya at saka tumalikod na. Napakayabang. Porke ba magaling siya magsalita ng English gaganitohin niya na lang ako? Napakayabang! Val Vulvol talaga!
"Adora!" malakas na sigaw niya.
Punyeta talaga! Hindi pa nga ako nakalalabas ng pinto sumisigaw na! Mukhang may iuutos na naman! Nilingon ko siya.
"Ano?"
Matalim siyang nakatingin sa akin. "Bakit ang alat ng kapeng tinimpla mo?!"
Nanlaki ang mata ko. Ibig sabihin...
Iodized salt 'yon?