Kabanata 6
"Kamusta ang pagsasanay ni Prinsesa Meriyah para sa araw na ito?" tanong ni Haring Arthur kay Heneral Fin na nagbabantay sa pagsasanay ng prinsesa habang kasama ang guro nito.
"Maayos naman po kasalukuyan niyang kasama si Gurong Soleida," sagot naman ng heneral.
"Huwag mo na masyado isipin ang pagsasanay ng ating anak, aking kamahalan," malumanay na wika ni Reyna Varakuda habang nakaupo sila sa kanilang trono. "Malaki na rin naman ngayon si Prinsesa Meriyah at kaya na niya ang kanyang sarili. Siya ang tagapagmana hindi ba? Kailangan matutunan niya ding ipagtanggol ang sarili niya na wala ang tulong mo."
"Ngunit---"
"Tama po ang sinabi ni Reyna Varakuda, Haring Arthur," nakayukong wika ni Heneral Fin at agad na humingi ng patawad dahil pinutol nito ang sasabihin sana ng hari upang sumangayon sa sinabi ni Reyna Varakuda. Dahil doon ay lihim na napangiti si Reyna Varakuda dahil sa sinabi ng pinagkakatiwalaang heneral ni Haring Arthur.
"Naiintindihan ko ang inyong saloobin ngunit hindi niyo maiaalis sa akin ang mag-alala sa aking anak. Pero alam ko naman na matatag si Prinsesa Meriyah kaya makakaya niya ang darating na pagsubok sa kanya."
"Tama ka aking kamahalan. Kaya huwag ka na mag-alala. Marami ka pa din dapat gawin para sa ating kaharian na ipapamana mo sa ating nag-iisang anak," sabi ni Reyna Varakuda at napatango naman sa kanya si Haring Arthur at hinalikan ang kamay nito.
Sa paglipas ng mga araw ay patuloy pa din sa pag-aaral si Meriyah at kasabay non ay ang pagsasanay niya sa pagkontrol sa tubig. Hindi naman siya pinapabayaan ng kanyang mga guro sa kanyan pagsasanay. Pinayagan din ni Haring Arthur ang hiling ni Prinsesa Meriyah sa kagustuhan nitong humawak ng espada. Noong bata pa siya ay ginusto na talaga ni Meriyah na magkaroon ng sandatang espada bukod sa nakokontrol niya ang tubig.
"Basta ipangako mo sa akin aking anak na gagamitin mo ito sa kabutihan at katarungan maliwanag?" bilin pa ni Haring Arthur kay Meriyah saka niya ibinigay dito ang matagal nang inaasam na espada kay Meriyah. Sa hawakan nito ay mayroong maliit na diyamante.
"Makakaasa po kayo kamahalan at ipinapangako ko na gagamitin ko ito sa kabutihan at katarungan," sabi ni Meriyah at bahagya pa siyang yumuko upang magbigay ng galang sa kanyang ama. Pagkatapos ay tinignan niya ang kanyang espada saka siya napangiti. Kuminang naman ang espada na para bang sinasabi nito na gusto siya nito upang maging tagapangalaga niya.
"May sikreto akong sasabihin sa 'yo aking Meriyah," sabi ni Haring Arthur saka may nilabas na isa pang espada na kamukha ng kanyang espada na kakakuha pa lang niya ngayon.
"Ano po iyon kamahalan?" tanong ni Meriyah saka siya napatingin sa kamukha ng kanyang espada. "Para kanino po ang espadang iyan?"
"Ipinasadya ko ang dalawang espada na ito para sa 'yo aking mahal na prinsesa. Ito ang kambal na espada ng Atlantis. Ang unang espada na unang ibinigay ko ay may koneksyon sa medalyon. Subukan mong idikit ang espada mo sa medalyong suot mo," utos ni Haring Arthur kay Meriyah na siyang ginawa ng prinsesa na siyang kanyang ikinagulat dahil nang sinunod niya ang sinabi ng kanyang ama ay biglang nagkaroon ng asul na nakakasilaw na liwanag.
"Naglaho ang espada, ama," bahagyang nataranta pa nga si Meriyah dahil biglang naglaho ang hawak niyang espada.
"Ang espada ay nasa loob ng medalyon aking mahal na prinsesa," nakangiting sabi ni Haring Arthur habang hinahaplos niya ang buhok ni Meriyah. "Kusang lalabas ang espada sa medalyon sa oras na nasa alanganin ang iyong buhay. Kaya ang gagamitin mo ay itong isa niyang kakambal."
"Ngunit bakit ama? Ako'y naguguluhan. Kung kambal sila bakit isa lamang ang magagamit ko?" usisa ng prinsesa.
"Balang araw ay malalaman mo ang kasagutan sa iyong katanungan. Ang aking hiling lamang sana ay ingatan mo at mahalin ang mga ito," napatango si Meriyah sa sinabi ng kanyang ama saka siya muling nangako kahit na siya ay naguguluhan talaga. Ngunit ayaw naman niyang suwayin ang kahilingan ng kanyang ama.
Simula nang araw na iyon ay nagsasanay na rin si Meriyah sa paggamit ng kanyang espada. Isang araw ay nagulat na lamang siya dahil dinalaw siya ni Dolly, ang kaibigan niyang gold fish sa silid kung saan siya nag-aaral. Binigyan kasi siya ng takdang gawain ng kanyang guro at malapit na siya matapos dito.
"Mahal na prinsesa! Natutuwa ako dahil muli tayong nagkita. Ilang linggo na din noong huling kita natin," gaya ng dati ay naging madaldal pa din ang isdang kaibigan ni Meriyah.
"Kamusta ka na Dolly? Kamusta na din ang ibabaw?" nakangiting tanong ni Meriyah kay Dolly na ang tinutukoy ay ang ibabaw ng karagatan.
Simula kasi ng pinaghigpit ang pagsasanay at pag-aaral niya ay hindi na niya nabisita ang ibabaw ng karagatan. Napakunot naman agad ang noo ni Meriyah nang makita niyang malungkot na napayuko si Dolly kaya naman agad niyang inusisa kung ano ang ikinalulungkot ng kaibigan niyang gold fish. Bagay na hindi kinasanayan ni Prinsesa Meriyah sa kanyang kaibigan.
"Dolly? May problema ka ba? Sabihin mo sa akin kung bakit malungkot ka," pagkatapos na sabihin iyon ni Meriyah ay pumalahaw na ng iyak si Dolly saka niyakap niya ang prinsesa.
"Prinsesa Meriyah, madaming kauri at mgabkaibigan ko ang nasawi dahil sa walang awang paggamit ng mga tao sa dinamita. Maging ang tirahan namin ay naapektuhan na din," halos hindi naman alam ni Meriyah ang kanyang sasabihin sa kaibigan dahil maging siya ay nabigla sa sinabi ni Dolly.
"Nagkakagulo na rin sa palasyo dahil dito kaya naman pinayagan ako ni Haring Arthur na puntahan ka at ibinilin niya na huwag kita hahayaan na lumabas dito sa silid mo habang hindi pa ayos ang lahat," humihikbing sabi ni Dolly.
"Ngunit nais kong tumulong," sabi ni Prinsesa Meriyah na kakatapos lang pinunasan ang luhang tumulo sa kanyang mata.
"Hindi po maaari Prinsesa Meriyah. Hindi ko rin po kakayanin kung pati sa inyo ay may mangyaring masama. Saka baka makita kayo ng mga tao mahirap na," umiiling na wika ni Dolly ngunit iniligpit na ni Meriyah ang gamit niya saka niya hinila palangoy si Dolly.
"Kamahalan!" sigaw ni Dolly sa kanya.
"Hindi ako mananahimik lang dito sa aking kwarto at walang gagawin Dolly. Kailangan ako ng nasasakupan namin kaya maging ikaw o si ama ay hindi ako mapipigilan."
---