Kabanata 7
Dahil naging abala ang palasyo dahil sa nangyari ay hindi nila namalayan ang paglabas ni Prinsesa Meriyah kasama si Dolly na halos himatayin na dahil sa sobrang kaba nito. Ilang beses pa niyang pinigilan si Meriyah ngunit hindi man lang nagpatinag ang prinsesa. Nais niya ding makita ang nangyayari sa labas ng palasyo at nais niyang tumulong. Hindi makakaya ng konsensya niya kapag wala man lang siyang nagawang tulong sa mga kalahi niya.
"Anong nangyari dito?" napatigil si Meriyah sa paglangoy niya at napatakip sa kanyang bibig. "Kay l-lupit naman nila," umiiyak na wika ni Meriyah habang nakatingin sa wasak-wasak na tahanan ng mga isda, ang coral reefs. Mas lalong napaiyak at nanghina si Meriyah nang makita niya ang mga isda na wala nang buhay na umaangat sa ibabaw ng dagat.
"Binibiyayaan naman sila ng karagatan ngunit heto pa ang ganti nila."
"Nais ng mga tao na mas madaling makahuli ng mga isda at para na din madami ang kanilang mahuli. Wala silang pakialam kung pati ang tirahin namin ay masira," malungkot na wika ni Dolly. "Kung ganito lang naman ang lagi nilang gagawin ay mauubos talaga ang mga kalahi ko. Mga ganid ang mga tao sa biyaya dapat sa kanila ay huwag bigyan upang sila ay madala!"
Naiintindihan ni Meriyah kung bakit ganito magsalita si Dolly. Maging siya ay nagpupuyos ang damdamin ngunit hindi niya naman pwede ibuhos ang galit niya sa lahat ng tao.
"Huwag kang magsalita ng ganyan. Hindi namin kayo papabayaan. Isa pa naniniwala din ako na hindi lahat ng tao ay ganid at sarili lamang ang iniisip. May mga tao pa na busilak ang puso," pagpapagaan ni Meriyah sa loob ni Dolly.
"Sana nga tama ang iyong paniniwala Prinsesa Meriyah."
"Nasaan si Prinsesa Meriyah!" umalingawngaw sa buong palasyo ang galit na galit na boses ni Haring Arthur. Nalaman niya kasing nawawala sa palasyo si Meriyah. Ipinahanap na niya ito sa mga kawal kaya lang ay bumabalik ang mga ito na hindi kasama ang kanyang anak.
Ngayon na lamang nila ulit nakita ang galit ng isang Haring Arthur. Kaya naman nagkakandakumahog sila sa kakahanap sa mahal na prinsesa. Nagalit na nga si Haring Athur dahil sa ginawa ng mga mangingisda na gumamit ng dinamita ay sinabayan pa ng pagkawala ni Prinsesa Meriyah kaya naman ganon na lang ang galit na ipinapamalas ni Haring Arthur. Sa ibabaw naman ng tubig ay nagngingitngit ang kalangitan at madilim din ito kahit na tanghali pa lang. Mas lumakas din ang alon na kanina lang ay mahinahon. Nagbabadya din ang malakas na pag-ulan na tila may bagyo. At kapag hindi pa nahanap si Prinsesa Meriyah ay tuluyan nang hindi makokontrol ni Haring Arthur ang kanyang galit at baka magkaroon nga talaga ng isang bagyo sa ibabaw ng karagatan, parusa na din sa mga tao dahil sa ginawa nila sa mga isda at sa tahanan nila.
"Dapat lang sa kanila ang maparusahan aking kamahalan, nasira ang tirahan ng mga ating pinapangalagaan," sulsol pa ni Reyna Varakuda kaya naman mas lalong nagagalit si Haring Arthur. "Tignan mo aking kamahalan, kakaluklok mo pa lang kay Prinsesa Meriyah ay sinuway ka na niya agad."
"Kahit kailan ay hindi ako nagawang suwayin ng aking anak. Marahil ay may maganda siyang dahilan kung bakit nawawala siya dito sa palasyo. Kaya lamang ako nagagalit dahil nag-aalala ako," sabi ni Haring Arthur at sinusubukan niyang patigilin ang kanyang galit.
"Alam naman natin na nais niyang makita ang ibabaw hindi ba? Isa pa ang kaibigan niyang gold fish na kunsitidor sa ating prinsesa. Nais niya lang tumakas sa kanyang pagsasanay. Lumalabas na ang katigasan ng ulo ng prinsesa," nakasimangot na sabi ni Reyna Varakuda at hinihintay niya ang reaksyon ng mahal na hari. At nang makita niya na lalo lang nagalit ang hari ay napatawa siya sa kanyang isipan. Natitiyak niya na mas lalong paghihigpitan ni Haring Arthur si Prinsesa Meriyah.
"Kapag nakita niyo si Prinsesa Meriyah ay papuntahin niyo siya sa akin!" maawtoridad na utos ni Haring Arthur sa mga kawal.
Habang si Meriyah naman ay tinutulungan niyang makalikas ang mga natitirang lamang dagat na nakaligtas sa dinamita kagabi. Karamihan sa kanila ay mga bata pa at bagong panganak. Mabuti na lang dahil madami pa silang pwedeng paglipatan at pwedeng matirhan. Ngunit hindi na sana maulit ang paggamit ng mga tao ng dinamita dahil kapag nagpatuloy sila sa paggamit nito ay tuluyan na mauubos ang mga isda o lamang dagat.
"Masyado na tayong natagalan dito mahal na prinsesa. Natitiyak ko din sa mga oras na ito ay alam na sa palasyo ang inyong pagtakas," sabi ni Dolly kaya naman napatigil si Meriyah saka siya napaisip na tama nga si Dolly. Ramdam din ni Meriyah ang pagbabago ng panahon sa ibabaw at alam niyang ang ama niya ang may gawa non.
"Ipaubaya na natin ang pagtulong sa mga kawal mahal na prinsesa. Bumalik na tayo sa palasyo," dagdag na wika pa ni Dolly.
"Tama ka Dolly, tara na bumalik na tayo sa palasyo," sagot ni Meriyah kaya naman napangiti si Dolly dahil sa wakas ay nakinig na sa kanya ang mahal na prinsesa Meriyah.
Habang pabalik sina Prinsesa Meriyah at Dolly ay pinalibutan sila ng mga kawal ng palasyo. Pinaghiwalay sina Prinsesa Meriyah at Dolly. Kahit na anong sigaw ni Prinsesa Meriyah ay hindi siya pinakinggan ng mga kawal. Umiiyak naman si Dolly dahil natatakot siya sa kung ano ang gagawin sa kanya. Walang alam anh dalawa na ang may utos non ay si Reyna Varakuda at may pahintulot na paghiwalayin silang dalawa ni Haring Arthur dahil na din sa pagtakas ni Prinsesa Meriyah.
"Simula ngayon ay mas lalong paghihigpitin ang pagbabantay sa 'yo. Dadagdagan ko pa ang oras ng pagsasanay at pag-aaral mo. At inuutos ko na bawal kang kausapin ninuman. Ang lalabag sa aking kautusan ay ipapakulong ko sa dungeon," maawtoridad na wika ni Haring Arthur. Habang nakikinig si Meriyah ay hindi niya maiwasan na hindi mapaluha dahil sa sobrang kahigpitan na ng kanyang ama ngayon.
"Kung sana ay hindi ka tumakas hindi sana mangyayari sa 'yo ito," mataray na bulong ni Reyna Varakuda ngunit tama lang upang kanyang marinig.
"Humihingi po ako sa inyo ng kapatawaran. Hindi ko na po uulitin," tumatangis na wika ni Meriyah.
---