Kabanata 5

1875 Words
Kabanata 5 "Prinsesa Meriyah, handa na po ba kayo? Ipinapatawag na po kayo ng mahal na Haring Arthur," bumalik sa kasalukuyan ang pag-iisip ni Meriyah nang marinig niyang may nagsalitang kawal sa labas ng kanyang kwarto kaya naman nagkatinginan silang dalawa ni Dolly. "Oras na po," nakangiting wika ni Dolly kay Meriyah. Pinagmasdan ni Meriyah ang kanyang sariling repleksyon sa salamin. Ang tuwid niyang buhok ay bahagyang kinulot ng isang kagaya niyang sirena na nagsisilbi sa palasyo. Halintulad ito sa alon ng dagat. "Ngumiti ka na po Prinsesa Meriyah. Ngayon iaanunsyo sa buong Atlantis ang pagiging tagapagmana mo ng trono," dahil sa sinabi ni Dolly ay napangiti naman si Meriyah saka hinaplos ang ulo ng kaibigan niyang gold fish. Dahil sa gusto ito ni Dolly ay napapikit ito saka lumangoy paikot kay Meriyah. Nagbubunyi ang buong Atlantis nang malaman nila na magkakaroon na sila ng bagong tagapagmana oras na bumaba sa trono si Haring Arthur. Natutuwa sila na si Prinsesa Meriyah ang susunod na magiging reyna ng kanilang kaharian. Maski sa labas ng palasyo ay naghihintay ang lahat sa paglabas ng kanilang crown prprinses Nagpatunog na ang mga kawal ng hawak nilang trumpeta hudyat na papalabas na ang mahal na prinsesa. Nakangiti namang naghihintay sa kanyang trono si Haring Arthur ngunit hindi naman maipinta ang pagmumukha ni Reyna Varakuda, ang asawa ng Haring Arthur at madrasta ni Prinsesa Meriyah ngunit kahit papaano ay hindi niya iyon ipinahalata. "Narito na ang crown princess, Princess Meriyah!" Nagpalakpakan naman ang lahat ng nasa loob ng palasyo. Taas noong lumangoy si Meriyah patungo sa kanyang amang hari na nakangiti sa kanya. Masayang-masaya si Haring Arthur habang pinagmamasdan ang nag-iisa niyang prinsesa. Parang kailangan lang ay bagong silang lamang ito. Pero sa kabila noon ay may nararamdaman siyang kalungkutan dahil hindi man lang nakilala ni Meriyah ang kanyang ina. Pero sa kabila noon ay tiwala naman siyang napunan ng pangungulilang iyon ni Reyna Varakuda ang tiyahin at ngayon ay pangalawang ina na ni Meriyah. Lingid sa kaalaman ni Haring Arthur ay kapag nakatalikod siya ay sinusungitan ni Reyna Varakuda si Meriyah. Ngayon nga ay nagngingitngit ang pinaghalong inis at galit ni Reyna Varakuda dahil iaanunsyo na ngayon ang pagiging tagapagmana ni Meriyah. Hindi niya inaasahan na ganito kaaga itatalaga ni Haring Arthur ang pagiging tagapagmana ni Meriyah sa trono. Kahit lagi silang magkasama ay walang nabanggit sa kanya ang kamahalan na gagawin niya ito. Nagulat na lang siya nang sabihin iyon ni Haring Arthur sa kanyang anak sa araw mismo ng kaarawan nito. Hindi rin nagustuhan ni Reyna Varakuda na iniregalo ni Haring Arthur ang medalyon ng Atlantis kay Meriyah. Matagal na niya itong inaasam at gustong makuha. Lagi niya din itong sinasabi sa kanyang kamahalan na nais niya itong makuha ngunit sa tuwing napag-uusapan nila iyon ay iniiba ni Haring Arthur ang kanilang usapan. "Darating din ang araw na luluhod kayong lahat sa akin," sabi na lamang ni Reyna Varakuda sa kanyang sarili habang nabibingi sa palakpakan sa loob ng palasyo na para kay Meriyah. Nakikita niya din ang kanyang sarili sa posisyon ni Meriyah, na siya ang lumalangoy papalapit sa trono habang ang lahat ay masayang nagpapalakpakan dahil siya ang maghahari sa Atlantis. Pero agad naman iyong nawala nang marinig niya na magsalita si Haring Arthur habang sa gilid ay may nakatayong merman hawak ang diyamanteng korona ni Reyna Merilla, ang ina ni Prinsesa Meriyah. "Ngayong araw na ito ay itinatalaga ko si Prinsesa Meriyah upang maging sunod na reyna ng kahariang Atlantis. Sa araw ding ito ay tatanggapin ng taos puso ng Prinsesa Meriyah ang tungkulin na iaatang sa kanya para sa kanyang nasasakupang kaharian," sabi ni Haring Arthur habang hawak ang kanyang trident saka ipinatong iyon sa balikat ng nakayukong si Meriyah. "Taos puso ko pong tinatanggap ang responsibilidad at katungkulan bilang susunod na reyna ng Atlantis. Ipinapangako ko din na mas uunahin ko ang kapakanan ng nasasakupan ko higit sa lahat," malugod na pagtanggap ni Meriyah sa iginawad sa kanya ng kanyang amang hari. Lalo naman tuloy naghiyawan at pumalakpak ang mga nasa loob ng palasyo na nakasaksi ng pagtatalaga sa mahal na prinsesa. Pagkatapos ng tagpong iyon ay kinuha na ni Haring Arthur ang dating korona ni Reyna Merilla. Isa ito sa mga kahilingan ng yumaong reyna na ipamana din kay Meriyah sa oras na italaga siya sa pagiging tagapagmana at ngayon ay matutupad na rin ang kahilingan ng ina ni Meriyah. Habang isinusuot ni Haring Arthur ang korono kay Meriyah ay hindi maialis ang ngiti sa kanyang mga labi. Kada titignan niya si Meriyah ay nakikita nito ang magandang mukha ng dating kabiyak. Pagkatapos din na maisuot ni Haring Arthur ang korona kay Meriyah ay inilahad niya ang kamay niya upang alalayan si Meriyah palabas ng palasyo upang matunghayan din ng mga naghihintay doon ang bagong tagapagmana ng kanilang kaharian. Tinanggap ni Meriyah ang kamay ng kanyang amang hari at sabay silang lumangoy palabas ng palasyo. Sa kanilang paglabas ay muling tumunog ang trumpeta ng pagdiriwang hudyat na lalabas na ang mahal na hari at ang tagapagmana na si Meriyah. Lahat ay nag-aabang sa pagbubukas ng ginintuang pinto ng palasyo upang masilayan nila ang kanilanh prinsesa. At hindi naman sila nabigo dahil maya-maya lamang ay lumabas na si Haring Arthur habang inaalalayan si Prinsesa Meriyah. Hiyawan at palakpakan lamang ang maririnig sa kapaligiran ng kahariang Atlantis. Napangiti naman si Meriyah sa kanyang nasaksihan dahil alam niyang tanggap na tanggap siya ng mga ito upang sunod na maging reyna ng Atlantis. Kumaway si Meriyah sa kanila kaya mas lalo silang naghiwayan. "Hindi ko kayo bibiguin," nakangiting wika ni Meriyah sa kanilang lahat. "Mabuhay ang tagapagmana!" "Mabuhay si Prinsesa Meriyah!" Iyan lang ang naririnig ni Reyna Varakuda kaya naman hindi na siya nag-abala pa na sumama palabas ng palasyo. Sumasakit lamang ang kanyang ulo kaya naman pinagpasyahan niya na bumalik na sa kanilang silid upang makapagpahinga. "Magsaya lang kayo ngayon dahil hindi magtatagal ako naman ang magbubunyi sa pagbagsak niyo," sabi ni Reyna Varakuda habang humahalakhak ng malakas habang naglalakad sa pasilyo ng palasyo. "Binabati kita aking Prinsesa," sabi ni Haring Arthur habang taas noo na nakatingin kay Meriyah. Lagi niyang ipinagmamalaki ang kanyang anak sa mga kaibigan niya ding hari na namumuno sa iba't ibang dimension. "Salamat kamahalan sa pagtitiwala," nakayukong sagot ni Meriyah sa kanyang ama. "Nasaan na po si Inang Reyna?" Maging ang hari ay nagtaka dahil kanina pa niya hindi mahagilap si Reyna Varakuda. Kumakain na kasi sila ngayon dahil pagkatapos ng pagtatalaga ay ang piging naman. Sa pagkakataong ito ay pinahintulutan nila na makapasok ang lahat sa palasyo. Ngunit dahil pinahintulutan ito ng hari ay mas lalong pinaghigpit ni Haring Arthur ang seguridad ng palasyo para na din sa kaligtasan nilang lahat. "Marahil ay nasa aming silid na si Reyna Varakuda. Baka napagod na siya kaya hayaan na lang natin na makapagpahinga siya," napatango naman si Meriyah sa sinabi ng kanyang ama saka naman lumapit sa kanya si Dolly na may kasamang dolphin na mayroong kagat na iba't ibang uri ng halamang dagat na ginawa upang maging isang kwintas. Napangiti si Meriyah nang isuot ng dolphin ito sa kanya saka siya nito inikot-ikutan tanda na binabati siya nito. Kaya naman sa pagtigil ng dolphin ay hinalikan ni Meriyah ang ulo ng dolphin at gumawa ito ng ingay dahil sa kanyang kasiyahan. "Pasensya na kayo kamahalan kung maingay ang kaibigang dolphin. Nasisiyahan lamang siya," hingi agad ng patawad ni Dolly nang makita niya na nakatingin sa kanila si Haring Arthur. "Ayos lang. Natutuwa ako dahil nakadalo kayo sa piging ni Prinsesa Meriyah. Kilala ko na din naman kayo dahil kayo ang laging nakakasama ng Prinsesa hindi ba?" napatango naman sina Dolly at ang dolphin sa tanong ng hari sa kanila. "Maraming salamat sa pag-imbenta sa kanila ama," nakangiting wika ni Meriyah kay Haring Arthur kaya naman napangiti ang kamahalan. "Para sa aking prinsesa," sagot naman ni Haring Arthur. Ilang oras pa nagtagal ang piging na iyon sa palasyo at sa kabutihang palad ay walang naiulat na anumang masama sa piging. Ang buong akala ni Meriyah ay hindi siya masisiyahan sa piging na iyon ngunit tila nakalimutan ni Meriyah na lumubog na pala ang araw dahil sa aliw na aliw siya sa mga nagtatanghal sa kanyang piging. Maging sa pakikipagkwentuhan sa kanyang nasasakupan ay nagawa na niya. Hinayaan na muna ni Haring Arthur na magsaya ngayon si Meriyah dahil simula bukas ay babalik na sa muling pag-aaral at pagsasanay ang prinsesa. "Suguraduhin mo na magiging mahigpit pa kayo sa pagbabantay sa prinsesa. Lalo na bukas dahil mas madadagdagan ang kanyang aralin at pagsasanay sa pagkontrol sa kanyang kapangyarihan," wika ni Haring Arthur sa kanyang heneral ng hukbo na isa ding merman na nangangalang Fin. "Masusunod kamahalan," sagot ni Heneral Fin kay Haring Arthur saka yumukod sa kamahalan at umalis na. Habang nakaupo sa kanyang trono ay masaya niyang pinapanuod si Meriyah na aliw na aliw sa pakikipagsalamuha sa kanilang nasasakupan. Hindi naman niya pinagbabawalan si Meriyah na magkaroon ng kaibigan sa labas ng palasyo ngunit nililimitahan niya lang din ang prinsesa dahil nais ng hari na ituon ni Prinsesa Meriyah ang kanyang sarili sa pagpapatakbo ng kaharian. Si Meriyah lamang ang kanyang anak kaya naman ito lang ang mapagpapasahan niya ng korona. Hindi din hahayaan ni Haring Arthur na mapunta sa masasamang kamay ang kanyang trono. Hindi niya sinasabi kay Meriyah na ilang beses na mayroong nagtangka sa buhay nito. Maging noong sanggol pa lamang siya. Mabuti na lang dahil hindi nila napupuruhan ang prinsesa. Isa rin ito sa dahilan kung bakit hindi niya pinahintulutan na mag-aral si Meriyah sa academy ng mga kagaya niya. Dahil ayaw niyang mawala sa kanyang paningin ang nag-iisa niyang anak at ang nag-iisang alaala sa kanya ni Reyna Merilla. Hindi niya sinasabi sa prinsesa dahil ayaw niyang magulo ang konsentrasyon ni Meriyah sa kanyang pagsasanay. "Natutuwa ako aming prinsesa dahil matagal kang pinayagan ng mahal na hari na makisalamuha sa amin," sabi ng isang batang babae na sirena kaya naman napangiti sa kanila si Meriyah. Napapalibutan kasi ng mga batang sirena, merman, shokoy o maging isda si Meriyah. Gustong-gusto kasi nila kalaro ang kanilang prinsesa bukod doon ay nais din nilang masilayan ng malapitan ang malaki, mahaba at makintab na buntot ni Meriyah na kapag siya ay lumalangoy ay nakikisabay ang dulo nito sa kanyang paglangoy. "Bukas kasi ay hindi niyo na ako masyado makikita na lumabas ng palasyo," sa loob-loob ay nalulungkot si Meriyah ngunit kailangan pa din niyang ngumiti. Ayaw naman kasi ng prinsesa na mahawa sa kanyang kalungkutan ang mga bata. "Naiintindihan namin Prinsesa Meriyah dahil para naman sa buong Atlantis ang iyong pagsasanay hindi ba?" sagot naman ng isang batang sirena na may buntot na kulay berde. "Tama kaya ako Prinsesa Meriyah paglaki ko ay magiging kawal ako sa palasyo at proprotektahan kayo," sabi naman ng isang shokoy habang itinuturo pa ang muscle sa kanyang maliit at payatot na braso. Napahalakhak naman silang lahat dahil wala naman itong muscle. Ninanamnam ni Meriyah ang bawat sandali na kapiling niya ang mga itinuring niyang kaibigan dahil simula bukas ay kailangan na niyang magseryoso talaga sa pagsasanay. At simula bukas ay hindi niya alam na dito na pala magsisimula ang mga pangyayari sa kanyang buhay na sa hinagap ay hindi niya naisip na mangyayari. ---
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD