Kabanata 4
"Binabati kita mahal na prinsesa. Masaya ako para sa 'yo," sabi ni Dolly kay Meriyah habang nakaharap siya sa salamin at sinusuklay ang mahaba niyang buhok.
"Maraming salamat Dolly," sagot ni Meriyah sa kanyang kaibigan ngunit kapansin-pansin sa mahal na prinsesa ang kalungkutan.
"Mawalang galang na Prinsesa Meriyah, ngunit bakit tila yata hindi masaya ang inyong mukha?" hindi talaga mapigilan ng isdang si Dolly ang kanyang bibig lalo na kung nais niya talaga malaman ang isang bagay. Hindi siya titigil hangga't hindi niya nalalaman ang kasagutan sa mga katanungan niya. Mabuti na lamang at sanay na si Meriyah sa kaibigan niyang gold fish.
"Hindi mo po ba gusto na ikaw ang magmamana ng trono ng iyong ama?" dagdag na tanong pa ni Dolly sa mahal na prinsesa.
"Hindi ako malungkot dahil ako ang magmamana ng trono dito sa Atlantis. Bata pa lamang ako ay iminulat na sa akin ng aking amang hari na balang araw ay ako ang magiging reyna ng Atlantis at malugod ko iyong tinatanggap Dolly," paliwanag ni Prinsesa Meriyah sa kanyang kaibigan na si Dolly. "Ngunit ngayong opisyal na akong itinalaga ni ama sa tungkulin ng pagiging tagapagmana ay malilimitahan na lamang ang pagsasama natin Dolly. Hindi na rin ako masyado makakalabas ng palasyo dahil tatambakan ako ni ama ng aralin at ensayo."
Bigla namang nalungkot si Dolly sa kanyang narinig. Kung noon nga na hindi pa itinatalaga si Meriyah ay limitado lang ang paglabas niya ng kaharian dahil sa mga aralin nito sa loob ng palasyo ngayon pa na itinalaga na siya bilang susunod na tagapagmana ng trono ng Atlantis. Nais nga sana mag-aral ni Meriyah sa paaralan ng mga kauri o kagaya niyang may kapangyarihan ngunit hindi naman siya pinayagan ng kanyang amang hari. Kaya naman ang mga guro niya ang dumadayo sa kanilang palasyo upang maturuan siya. Isang beses kasi ay isinama siya ng kanyang ama sa paaralan sa ibang dimension. Nagustuhan niya ang paaralan na iyon kaya naman minungkahi niya na kung maaari ay doon din siya mag-aral. Ngunit sa kasamaang palad ay hindi pumayag ang kanyang amang hari.
"Bakit hindi ako pwedeng mag-aral dito ama? Gayong alam naman nating mas mabibigyan nila ako ng atensyon dito patungkol sa aking aralin at ensayo," inosenteng panunuyo ng batang si Meriyah sa kanyang amang hari.
"Ayaw ko lang na mapahamak ka dito aking munting prinsesa. Kung nais mong dito ka mag-aral ay ang mga guro na lang ang papapuntahin ko sa ating palasyo," eto lagi ang sinasabi sa kanya ng kanyang ama.
Dahil sa kalungkutan ay pumupunta na lang si Meriyah sa batis na nasa loob din ng paaralan habang ang kanyang ama ay nasa isang pulong. Ang kanyang ama ay mayroong sinusuot na kwintas upang magkaroon siya ng mga paa upang makalakad sa lupa. Katulad sa ibang nilalang ay nakakahinga din naman sila sa ibabaw ng lupa. Nais din sana na masubukan iyon ni Meriyah ngunit hindi siya pinapahintulutan ng kanyang ama na gamitin iyon dahil hindi pa daw tamang oras upang magamit iyon ng munting prinsesa. Kaya naman sa minsanang sinasama siya ng kanyang ama ay nakasakay siya sa palakin at buhat-buhat iyon ng apat na shokoy na kabilang sa mga isinasama ng kanyang ama bukod sa mga kawal.
"Ibaba niyo muna ako dito. Nais kong mapag-isa," sabi ni Meriyah sa mga kasama niyang kawal na shokoy kaya naman binuhat siya ng isa mga kawal na shokoy upang makaupo siya sa malaking bato na nasa batis.
"Nais kong mapag-isa," walang ganang sabi ng munting prinsesa sa mga kawal na nagbabantay sa kanya. Nagkatinginan ang mga ito at ang isang kawal ay umiling sa kanyang mga kasamahan.
"Patawad mahal na prinsesa ngunit mahigpit na bilin ng iyong amang hari na huwag ka namin iiwanan," sagot naman nito sa kay Meriyah na napatingin na lang sa kanila na nangungusap ang mga mata.
"Pakiusap, nais ko talagang mapag-isa. Hindi naman ako tatakas dahil ayokong mapagalitan ng aking ama. Kung gusto niyo ay jan lang po kayo sa malapit sa akin o 'di kaya ay magtago po kayo para maramdaman ko man lang na may laya ako," emosyonal na wika ni Meriyah sa kanilang kawal.
"Isinasama nga ako ni ama sa labas ng Atlantis ngunit pakiramdam ko ay hindi pa rin ako malaya," muling wika ng munting prinsesa Meriyah at muling nagkatinginan ang mga kawal na shokoy. Naiintindihan nila ang kanilang prinsesa dahil alam nilang minsan lang ito makalabas ng kanilang kaharian. Lalo na ng kanilang palasyp dahil sa pag-aaral nito. Halos ikulong na nga siya ni Haring Arthur sa kanilang palasyo.
"Nasa paligid lang po kami mahal na Prinsesa Meriyah," sabi ng mga kawal dahil pinagbigyan nila ang kahilingan ni Meriyah kaya tumango siya sa mga ito at nagpasalamat.
"Ang daya naman ni Ama, kulang na lang ay ikulong ako sa palasyo. Nais ko talagang mag-aral dito sa paaralang ito," sabi ni Meriyah sa kanyang sarili habang nakatingin sa malaking paaralan na natatanaw niya mula sa kanyang kinauupuan. "Pero alam ko naman na kaligtasan ko lang naman ang hangad ni Ama ngunit hindi ko pa rin maiwasan na hindi malungkot."
Napabuntong hininga na lang ang munting prinsesa saka niya ginalaw-galaw ang kanyang mahaba at makintab na buntot. Mas lalo pa itong kuminang dahil nasisinagan ito ng araw. Napatingala naman si Meriyah saka niya itinaas ang kanyang braso upang hindi siya gaano na masilaw dahil pinakatitigan niya ang araw. Gustong-gusto niya talagang nakikita ang araw. May nararamdaman kasi siyang ibang pakiramdam kapag nakatanaw siya sa araw. Minsan nga ay umaahon pa sa itaas ng dagat upang masilayan ng malinaw ang araw maging ang buwan ay gusto niya din pakatitigan.
"Wow! Ang ganda naman ng iyong buntot!" dahil sa gulat ni Meriyah ay napasigaw ito ng bahagya saka niya narinig ang malakas na pagtawa ng nagsalita. "Hindi ko sinasadya na magulat ka. Nakita ko kasi ang pagkislap sa hindi kalayuan kaya naman lumipad ako patungo dito."
Napakurap-kurap naman ng kanyang mata si Meriyah habang nakatingin sa hula niya ay kasing edad niyang lumilipad sa ere sa kanyang harapan. May pakpak itong kulay berde na kumikinang din lalo na kapag nasisinagan ng araw. Ang kanyang tenga ay mahaba at matulis ang dulo at may suot pa siyang bulaklak na korona. Kapansin-pansin din ang kakyutan nito dahil sa mataba nitong pisngi na namumula pa. Mahahalata ang kanyang pagiging masiglahin dahil kanina pa ito nakangiti kay Meriyah na nakabawi na sa kanyang pagkagulat.
"Ayos lang, hindi ko lang inaasahan ang iyong paglitaw kaya ako'y nagulat," nakangiting wika ni Meriyah habang namamangha sa paglipad nito sa kanya at iniikutan pa siya nito. "Nakakatuwa at ang ganda rin ng iyong mga pakpak."
"Salamat, mag-aaral ka ba sa paaralang ito?" dahil sa katanungan ng munting fairy sa kanya ay nanumbalik ang kanyang kalungkutan na nahalata agad nito. "Ang pangit mo kapag malungkot ang iyong mukha hindi bagay sa 'yo," pagbibiro nito kay Meriyah habang napabungisngis ng tawa kaya naman napangiti si Meriyah sa kanya.
"Nalulungkot lang ako dahil nais ko sana na mag-aral sa paaralang ito. Ngunit ayaw akong payagan ng aking ama. Ikaw ba? Mag-aaral ka ba sa paaralang ito?" pagkwekwento at pagbalik ng tanong nito sa kanya.
Sasagot na sana ang magandang munting fairy kay Meriyah nang dumating na ang apat na kawal na shokoy upang sunduin siya dahil babalik na silang muli sa Atlantis. Kaya agad siyang nagpaalam sa fairy dahil aalis na sila.
"Sana balang araw ay muli tayong magkita," pahabol na wika ni Meriyah bago siya binuhat ng isa sa kawal upang muling pasakayin sa palakin saka ito nakangiting kumaway sa munting fairy na kumakaway din sa kanya. Nakalayo na sila sa batis at hindi na rin niya matanaw ito nang may naalala si Meriyah.
"Sayang dahil hindi ko man lang nalaman ang kanyang ngalan. Nais ko pa naman siya maging kaibigan."
---