CHAPTER 11

1507 Words
Mahimbing ang tulog ni Hope nang bigla siyang makaramdam na may yumuyugyog sa kanyang balikat. Paulit-ulit.   “Hope, gising! Hope!”  Minulat niya ang kanyang mga mata at nakita ang kanyang lola na walang tigil sa pagyugyog sa kanya hangga’t hindi siya nagigising. Kinukusot-kusot niya ang kanyang mga mata.   “Bakit, Lola?” Napatingin siya sa labas ng bintana at nakitang madilim pa sa labas. “May kailangan po ba kayo?”   “Hindi mo ba alam?” Napakunot-noo siya.   “Ang alin po? Teka, bakit ang aga niyo pong nagising?” Nagtataka siya habang nakatingin sa kanyang lola. Nagtataka siya kung bakit maaga itong nagising gayong may sikat na ng araw ito nagigising kung minsan.   Napabuga ito nang hangin na mas ikinanoot ng noo niya. “Mukhang hindi mo nga alam. Ilang araw ka na kasing hindi lumalabas ng bahay at maaga ka ding natutulog. Hindi ka man lang lumabas kagabi ng may kainan na nagaganap.”   “Medyo wala po kasi akong ganang lumabas ng bahay nitong mga nakaraang araw, Lola. Pasensya na po,” pagsisinungaling niya dito. “Ano po ba kasi ang hindi ko alam? May nangyari po ba?”   Nang makauwi kasi sila ni Davis noong nakaraang gabi galing sa tambayan niya ay hindi na sila ulit nag-usap. Papaano ba naman sila mag-uusap kung hindi na siya lumalabas ng bahay sa takot na makitang muli ang binata. Pagkatapos niyang sabihin ang mga ‘yon ay agad siyang tumalikod dahil ayaw  niyang makita ang malungkot nitong mukha.   Narinig niya ang sinabi nito. Bumilis ang t***k ng puso niya nang marinig niya ito. Gusto niyang sumagot, pero mas pinili niya ang magtulog-tulugan na lang. Ayaw na niyang bigyan ito o ang sarili ng pag-asa na alam niyang kahit kailan ay hindi magtatagal kung ano man ang binabalak nila.   Muli siyang nakatulog nang mga oras na ‘yon dahil sa paghaplos nito sa buhok niya. Hindi niya alam kung anong meron sa kamay nito, pero pakiramdam niya nang mga oras na ‘yon ay ligtas siya sa piling nito.   “Aalis na ngayon sina Davis at ang mga kasama niya.” Agad siyang napabangon sa pagkakahiga.   Napatingala ang kanyang lola sa kanya. “Bakit ngayon niyo lang sinabi, Lola?”   Agad niyang hinanap ang kanyang showl. “Kaya nga kita ginising, Apo.”   “Akala ko po ba sa susunod na araw pa sila uuwi? Bakit naging biglaan ata?”   “Sa narinig kong usap-usapan kagabi, nagkaroon daw ng problema sa bahay nina Davis kaya kailangan nilang umuwi ngayon— teka, saan ka pupunta?” tanong nito nang lumabas siya ng kwarto.   Napahinto siya saka bumaling dito. “Pupuntahan ko si Davis, La.”   “Bakit?” Bigla siyang nagulat sa naging tanong nito. “Bakit mo pa siya pupuntahan? Akala ko ba ayaw mo sa kanya?” Napatiim-bagang siya at napakuyom ng kamao.   Hindi sa ayaw niya sa binata. Natatakot lang siya na masaktan at pinangako niya sa kanyang sarili na hahanapin muna niya ang kanyang ama para masagot ang matagal na niyang mga katanungan. Gusto niya maging buo ang sarili bago siya magmahal, pero lahat ng plano niya sa buhay ay nabago simula nang makilala niya si Davis.   Napayuko siya saka napahawak sa sumisikip niyang dibdib. “Dahil mahal ko siya, Lola.”   “Bakit ngayon lang? Bakit ngayon lang kung kailan aalis na siya?”   Mas mahigpit siyang napahawak sa dibdib. “Matagal na akong may nararamdaman para sa kanya, Lola. Pinipigilan ko lang. Ngayon mas napagtanto ko na ayoko pala siyang mawala sa akin.” Napabuga siya nang hangin. “Hahabulin ko lang siya, Lola.”   “Sandali, Hope!” Hindi na niya pinakinggan ito at mabilis siyang umalis.   Ngayon niya mas napagtanto na ayaw niya pa lang mawala ang binata. Ngayon niya lang napagtanto na dapat hindi siya magpatalo sa takot niya. Tama naman kasi ang sinabi ng binata sa kanya noon na magkaiba ang nakatadhana sa kanya at sa kanyang ina. Gano’n ang nangyari sa kanyang ina at hindi iyon ang mangyayari sa kanya.   Dumiretso siya sa bahay kung saan tumutuloy sina Davis at ang mga kasama nito. Hindi na niya nagawa pang kumatok dahil sa sobrang excitement na masabi sa binata na mahal niya din ito at handa na siyang harapin ang takot para dito.   Halos manlumo siya nang makitang wala ng tao sa loob, pati na din ang mga gamit nito. Malinis ng muli ang bahay. Kung ano ito ng wala pa ang mga bisita ay gano’n na ito ngayon na wala ng tao. Kahit na nawawalan na siya ng pag-asa ay tumakbo pa rin siya kung saan naka-parking ang mga sasakyan nito, umaasa na nandoon pa ang binata at mahabol pa niya ito. Mabilis siyang tumakbo at nakasalubong niya sina Berto na inaalalayan si Lolo Aka.   “Lolo Aka, si Davis po?” hinihingal niyang tanong.   “Nakaalis na sila, Apo. Bakit?” Hindi na siya sumagot at mabilis na tumakbo sa daan.   Kahit sinabi na nitong nakaalis na ang binata ay umaasa pa rin siya na baka bumalik ito at babalikan siya. Hinihingal siya ng marating ang madilim na daan. Wala na nga ang sasakyan ng binata at wala na nga ito. Tuluyan na nga itong umalis at iwan siya. Napaupo siya sa lupa at mahigpit na napakuyom.   Nakaramdam siya ng kamay sa kanyang balikat. Dahil sa umaasa siya na ang binata iyon ay agad siyang napatingala, pero muli siyang nanlumo ng makitang si Lolo Aka iyon. Muli siyang napayuko. Pumantay ito sa kanya.   “Umalis na siya, Apo, dahil kahit anong gawin niya ay wala siyang pag-asa sa ‘yo. Paulit-ulit mo naman kasi siyang tinutulak palayo sa ‘yo. Masakit sa kanya ang umalis, sinabi niya sa akin iyon, pero rerespetuhin niya ang desisyon mo. Ayaw din naman niya na pilitin ka pa sa ayaw mo. Mahal na mahal ka niya kaya naman aalis siya para wala nang manggugulo pa sa ‘yo.” Napabuntong-hininga ito. Alam niyang nalulungkot din ito sa pag-alis ng mga binata.   “Alam kong natatakot ka lang na mangyari sa ‘yo iyon, Hope. Pero hindi kayo magkatulad ng tadhana ng ina mo. Mabait na tao si Davis at nakikita ko sa kanya na mahal na mahal ka niya talaga, pero palagi mo kasi siyang tinataboy. Nasaktan iyong tao,” dagdag pa nito.   Napatiim-bagang siya para pigilan ang pagtulo ng kanyang mga luha. “Alam ko po, Lolo Aka. Kasalanan ko kung bakit siya nasasaktan at kasalanan ko din kung bakit ako nasasaktan ngayon.” Tumayo siya saka maliit na ngumiti dito. Bahagya siyang yumuko saka nagpaalam sa mga ito. “Mauna na po ako sa inyo, Lolo Aka, Mang Berto.”   Tumalikod siya sa mga ito at parang walang buhay na naglakad paalis. Habang naglalakad ay hindi niya namalayan na dinala na pala siya ng mga paa niya sa kubo. Hindi niya alam kung papaano siya napunta dito gayong madilim ang daan. Wala din siyang dalang flashlight. Dahil sa wala pang-sikat ng araw ay umiiliw pa ang mga alitaptap na nagliliparan sa paligid. Pumasok siya sa kubo at bigla na namang naalala ang binata.   Tuluyan ng tumulo ang mga luha niya na kanina pa niya pinipigilan sa pagbagsak. Napahiga siya sa sahig ng kubo at niyakap ang sarili. Sinisisi niya ang sarili dahil hinayaan niyang manaig ang takot sa puso niya kaysa ang bigyan ng pagkakataon ang binata. Pero bakit gano’n? Bakit ngayon pa ito umalis kung kailan handa na siyang maging matapang para dito?   Natawa siya sa sarili. Ngayon niya lang napagtanto dahil ngayon ito aalis. Hindi din naman kasi siya magiging matapang kung nandito ang binata. Ngayon lang siya naging handa dahil alam niyang aalis na ito. Namuo ang takot sa sarili niya na iiwan siya ng binata at ngayon ay iniwan na nga siya nito.   “Hindi ko man lang nasabi sa ‘yo na mahal din kita, Davis.” Muling tumulo ang mga luha niya.   Mahigpit niyang hinawakan ang kanyang showl na bigay sa kanya ng binata. Kasama ito sa mga regalo sa kanya ni Davis. Naamoy niya ang pabango nito. Simula nang maibigay ito ng binata sa kanya ay hindi pa niya ito nalalabhan dahil ayaw niyang mawala ang amoy ng binata dito na ngayon ay inaamoy niya. Hanggang dito na lang ba niya maaalala ang binata?   Kung hihintayin niya ang pagbabalik nito, babalik pa kaya ito? Babalikan pa kaya siya nito? Ngayon ay naramdaman na niya ang mga kinatatakutan niya noon. Napapikit siya at hinalikan ang showl ng binata.   Kahit na anong mangyari ay hihintayin ko ang pagbabalik mo, Davis. Kahit na maghintay ako habang buhay dito. Sana mahanap mo sa puso mo na mahal mo pa rin ako at babalikan mo ako. Mahal na mahal kita, Davis. Yan ang mga katagang hindi ko man lang nasabi sa ‘yo na pinagsisihan ko ng lubos.   Napapikit siya at muling tumulo ang kanyang luha. Mahigpit niyang niyakap ang bigay ng binata. Maghihintay siya sa muling pagbabalik nito at sisiguraduhin niyang sasabihin niya dito kung ano ang totoo niyang nararamdaman para kay Davis.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD