2 years later…
SA ilalim ng mainit na sikat ng araw ay hindi ko iniinda ang tumatagaktak ko nang pawis. May bilao na nakapatong sa ulo ko na may laman na iba’t ibang klase ng sariwang gulay. Sa isang kamay ko naman ay may katamtaman na laki ng timba akong binubuhat na naglalaman naman ng sariwang isda at yelo sa ibabaw para hindi mabilis na mabelasa ang mga paninda kong isda. Araw-araw ay ito na ang buhay ko. Umiikot ako sa bawat eskinita sa lugar namin minsan ay sa mga kalapit naming mga barangay sa pag-asa na makabenta at maubos ang mga dala kong paninda. Hindi hindi ko iniinda ang init, pagod, uhaw at gutom. Ang laging nasa isip ko ay kapag naubos ko ang lahat ng paninda ko ay makakabili na ako ng bigas at gamot ni lola Carmen. Ang tira ay pambaon ng mga kapatid ko sa eskwela at kapag may konti pang pera na natira ay itatabi ko naman. Gusto ko kasing bumalik sa pag-aaral. Alam ko na kapag hindi ako nagsikap na makatapos sa pag-aaral ay magiging ganito nalang talaga ang buhay namin, isang kahig at isang tuka. Ayaw ko. Kahit paano ay gusto kong mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang mga kapatid ko. Kaya habang nasa elementary palang sila at hindi pa malaki ang gastos sa pag-aaral ay magsumikap ako na mapag-aral ko muna ang aking sarili para kapag nasa kolehiyo na sila ay may mas maganda na akong trabaho.
Ang Papa ko? Wala na siya. Iniwan na niya kami dalawang taon na ang nakakaraan. Ilang araw pagkatapos makakuha ni tita Rose ng pera sa Mamasan na si Mommy Claire ay binawian din si Papa ng buhay. Huli na ang lahat dahil hindi na kinaya ng katawan niya. Kaya ang pera na para sana sa gamot niya ay nagamit namin sa pagpapalibing sa kanya.
Masakit man na wala na si papa at maaga niya kaming iniwan ay wala naman akong pagpipilian kundi ang tanggapin. Ganun daw talaga ang buhay una-unahan lang ‘yan. Pero minsan ay naiisip ko, kung may pera lang siguro kami ay baka kasama pa rin namin si Papa hanggang ngayon.
Pero ayaw ko nang isipin yun. Hindi ako pwede hihina-hina dahil ako nalang ang inaasahan ng mga kapatid ko at ni lola.
"Isdaaaa, gulay po kayo diyan mga suki. Sariwang-sariwa po ang ating gulay at siguradong masustansya. Mura lang po para sa pananghalian niyo at pati na rin hapunan… Bili na po kayo… Isda at gulay po mga suki…" paulit-ulit kong isinisigaw habang naglalakad.
Medyo mabigat-bigat pa ang bitbit kong timba. Maski ang bilao sa ulo ko ay medyo mabigat bigat pa rin paano ay konti palang ang nababawas dito. Medyo tinanghali kasi ako sa paglalako kasi inatake ng rayuma si lola Carmen at hindi ko agad naiwan.
“Isada po kayo riyan… Tilapia at pakbet… Sariwang sariwa po. Bili na po kayo…” sigaw ko ulit matapo kong mailipat ang timba sa isang kamay. Medyo nangangalay na kasi ang isa kong kamay.
"Itang, halika dito. Patingin ako ng paninda mo…"
Nagliwanag ang ngiti ko ng makita ko ang isa sa pinaka paborito kong suki na si Aling Meling. Agad akong lumapit at inihanda ang aking pinakamatamis na ngiti.
"Aling Meling, kamusta po? Blooming po kayo ngayon ah. Bagay po sa inyo ang suot mong bestida. Lalo po kayong bumata tingnan," medyo totoo pero may halo na konting bola na pagpapalugod ko sa kanya.
Ganun talaga kailangan kapag gusto mong makabenta ay dapat haluan mo ng konting bola. Libre lang naman yun eh. Tsaka nakakapagpasaya ka na ng damdamin ng ibang tao, nakakabenta ka pa. Sales talk ang tawag nila doon sa english.
"Nako ikaw talaga Itang masyado ka talagang bolera. Pero salamat! Alam mo kasi e darating iyong anak kong nagtatrabaho sa Maynila. Ipapakilala daw sa amin ang kasintahan niya na nagtatrabaho sa call center."
"Ay talaga po? Aba’y mapapalaban po kayo niyan sa ingli dahil siguradong inglesero po yun kung sa call center nagtatrabaho. Tamang-tama po lutuan niyo po ng pinakbet at pritong tilapia. Nako magiging bright po kayo dyan mamaya sa inglisan dahil hindi lang po pampalusog ang gulay, pampatalino din po ito… Isa pa, siguradong magugustuhan po ito ng besita niyo. Sariwang tilapia. Baka nga po bago yun umalis ay hingiin na niya ang kamay ng dalaga niyo."
"Nako sana nga at magdilang anghel ka, Itang. Para magka manugang na kami ng spokening dollar," ngiting-ngiti na sagot ni Aling meling.
"Nako, tiyak na po 'yan, Aling Meling. Sigurado naman ako na manang-mana sa kagandahan mo ang dalaga niyo. O paano po... Ilang kilo po ba ng tilapia at balot ng pinakbet ang bibilhin niyo?"
"Sigurado ka bang sariwa pa itong mga tilapia at gulay mo, Itang?"
"Opo naman. Kailan ko pa po ba kayo binentahan ng hindi sariwa? Lahat po ng tinda ko ay sariwa kasing fresh ko po ang mga ‘yan…”
“Nako, Itang. Delikado kung kasing fresh mo ang mga tinda mo, abay wala pang tanghali e amoy hapon ka na ah.”
“Aray ang sakit naman niyo, Aling Meling. Huwag naman po kayong masyadong honest, masakit po eh.”
“Ano ka ba. Biro lang… Eh sa lahat nga ng mga kilala kong naglalako ng isda sa ilalim ng araw e ikaw ang pinaka fresh.”
“Paano naman po e tatlo lang naman kaming naglalako ng isda dito sa baranggay natin. Ang isa ay si Mang Tiban na isa nalang ang ngipin at lingguhan kung maligo. Yong isa naman ay si Aling Agyot na bago daw siya pinapayagan ng asawa lumabas ng bahay at maglako ay nagpapa goodbye muna si mister ng iy*t.”
“Hahaha. Ikaw talaga Itang. Puro ka talaga kalokohan na bata ka…”
“Ano po. Bibili po kayo? Magagandang klase po ang tilapia ko ngayon. Matambok at malaman, sariwang sariwa mula mismo sa palaisdaan nila mang Kanor. Mga buhay pa nga po 'yan kanina eh. Natigok lang sa init ng araw."
"Sige, bigyan mo ako ng dalawang kilo.”
“Dalawang kilo lang po? Nako baka maparami ang kain ng besita niyo at kulangin po ang dalawang kilo. Tatlohin niyo na po at pwede naman ninyo ilagay sa ref kapag hindi naubos,” hirit ko sa kanya.
“Oo nga noh? Sige bigyan mo ako ng tatlong kilong tilapia at apat na balot nitong pinakbet. Saan mo ba binili itong mga gulay mo? Masarap ba ang kalabasa nito?”
Yes! Ang galing mo talaga Itang! Aba e malaki rin ang mababawas nito sa bigat ng timba sa kamay ko at bilao ko sa ulo.
“Nako, sigurado po masarap ang mga gulay ko. Eh galing po lahat ‘yan sa tanim namin ni lola. Kakapitas nga lang po namin diyan kaninang madilim-dilim pa. At bago po namin tinatanim ang mga iyan ay natitikman na po namin at tsaka namin tinatanim ang mga buto kapag masarap."
Nagsasabi ako ng totoo. Galing talaga sa Garden namin ni lola ang mga gulay na nilalako ko. Ginawa kasi naming taniman ng gulay ang palibot ng bakuran namin. Syempre malaking tulong na rin yun sa amin dahil pagod lang ang puhunan. Ang mga gulay naman ay hindi katulad ng bata na kailangan mong bantayan kada oras eh. Pero syempre ay kailangan din bigyan ng pagmamahal at pag-aalaga paminsan. May maliit na bukid din kami pero syempre ay ilang buwan muna ang kailangan bibilangin bago pwede na ulit magpabagsak ng niyog. Kung iyon lang ang aasahan namin ay mamamatay kaming dilat ang mga mata sa gutom.
"Talaga ba? Abay napakasipag mo talagang bata, Itang. Swerte talaga ang nobyo mo sayo. Sa panahon ngayon ay hindi na uso ang babaeng maganda nga puro naman arte. Mas uso na ngayon ang babaeng maganda na madiskarte pa sa buhay na katulad mo."
"Hehe. Maraming salamat po pero wala pa po akong nobyo. Oh ito na po ang isda at mga gulay niyo. Dinagdagan ko na po ng isang balot ng gulay at baka nga po maparami ang kain ng bisita niyo."
"Ganoon ba. Abay ito ang pera at huwag mo na rin ako suklian… Sayo na yan at bumili ka ng kahit pulbos manlang para naman magka nobyo ka na."
"Salamat po pero wala pa po sa isip ko ang pag-nonobyo. Maliit pa po ang mga kapatid ko at ako nalang ang inaasahan nila."
Nakita ko ang pagdaan ng awa para sa akin sa mga mata ni Aling Meling.
"Diba't may trabaho naman si Rose sa bayan? Hindi ba tumutulong sa pagbuhay sa mga kapatid mo?"
"Nagbibigay naman po," pagsisinungaling ko.
Nang pumanaw si Papa ay kami nalang ni lola ang magkatuwang sa pag-aalaga sa mga kapatid ko. Si tita Rose ay animo bumalik sa pagkadalaga at iniwan sa amin ang buong responsibilidad sa tatlo kong mga nakababatang mga kapatid. May trabaho siya sa bayan pero hindi mo naman maasahan ang sinasahod niya sa trabaho niya dahil kapag umuuwi siya ay ipinangsusugal lang din naman niya yun maghapon sa kapitbahay namin. Uuwi lang yon kapag nagutom o kaya naman ay naubos agad ang puhunan sa tongits. Ngunit maski singkong doleng ay wala manlang itong inaabot sa amin para sa gastos sa pang araw-araw ng mga bata.
Ganoon pa man ay ayaw ko pa rin na gawin siyang pulutan sa usapan ng mga Marites sa kanto. Kahit paano ay ina pa rin si tita Rose ng mga kapatid ko at ayaw ko pa rin na maging masama siya sa paningin ng mga tao at maririnig iyon ng mga kapatid ko.
"May order po ba kayong gulay para bukas? Sabihin niyo lang po at baka mayroon kami sa garden."
"Sige, dalhan mo ako ng tabos ng kamote at tanglad. Balak ko kasing magluto ng tinola bukas."
"Nako tamang-tama po at may mga sariwang talbos na po iyong tanim ni lola na kamote. Sige dadalhan ko po kayo pati na rin ng sariwang okra. Masarap din po yun sa tinolang isda."
"Oo, sige. Agahan mo ang pagdaan dito bukas ha para makahigop muna ng mainit ang bisita namin bago sila bumalik ng Maynila!"
"Opo, sige po maaga po ako bukas at kayo ang unang-una kong pupuntahan. Salamat po ulit.”
Naglakad na ako. Laking ginhawa talaga ang nabawas na bigat ng mga pinamili ni Aling Meling. Gumaan na ang bilao na pinapasan ko sa ulo at nabawasan pa ng tatlong kilo ng isda ang laman ng timba ko. Nakangiting nagpatuloy na ako sa paglalako.
Halos dalawang oras pa akong umikot sa paglalako. Marami na rin akong na benta at dalawang balot nalang ng gulay ang natira at mahigit dalawang kilo ng tilapia. Kaya malaking ginhawa na iyon sa akin dahil di hamak na magaan nalang itong mga bitbit ko kumpara kanina.
“Tilapia, sariwang gulay po kayo riyan mga suki… Murang mura lang po at sariwang-sariwa. Malusog at matataba din po ang tilapia ko kaya sulit na sulit po bawat kilo. Mapapaungol po kayo sa linamnam at sarap kapag natikman niyo!” sigaw ko ulit para marinig ng mga suki ko.
“Itang, totoo bang malinamnam at masarap iyang tilapia mo? Patingin nga kung totoong malusog…” tawag sa akin ng isang tricycle driver ng mapadaan ako sa TODA nila.
“Oo nga, Itang. Patingin kami ng tilapia mo. Parang gusto kong sumipsip ng ulo ng tilapia mamayang gabi,” may halong biro din na turan ng isa pang tricycle driver.
Sa araw-araw ko sa kalsada ay sanay na sanay na ako makipag bardagolan sa mga maton at tricycle driver sa lugar namin. Alam ko naman kasi na nagbibiro lang ang mga ito at sa totoo nga ay nakaka sigurado ako na kapag may dayong nambastos sa akin ay hindi nila ako pababayaan at ipagtatanggol nila ako. Isa pa mababait ang mga tao sa lugar namin. Kahit si Ryan lang ang lalaki sa bahay namin ay kahit minsan sa loob ng dalawang taon ay walang nagtangka na gawan kami ng masama.
“Nako, Manong Berto kapag natikman mo ang tilapia ko siguradong hahanap hanapin mo lalo na kapag pinarisan mo ng sariwang talong. Ay, sigurado uungol ka sa sarap. Baka makalimutan mo pa ang pangalan ng misis mo.”
Nagtawanan naman ang iba pang mga driver sa TODA sa pagganti ko ng biro.
Lumapit si Manong Berto at inangat ang isang tilapia mula sa timba na bitbit ko.
“Abay ang tambok nga nitong tilapia mo, Itang. Mukhang sariwang-sariwa pa kahit pawis na,” anito habang pinipisil-pisil ang isda.
“Manong Berto huwag niyo pong pisilin ng ganyan ang tilapia ko, hindi po ‘yan ang misis niyo. Bayaran niyo po muna para pwede niyo nang himas-himasin at sipsipin ang ulo kapag naluto na,” saway ko dito. Paano e kung makapisil sa isda ay may halong gigil.
Nagtawan naman ang iba pang mga tricycle driver dahil sa sinabi ko.
“Libre lang kasi tingin, Berto. Huwag nang pumisil at baka lalo ka pang manggigil…” kantyaw ng isang driver.
“Eh magkano ba itong tilapia mo, Itang. Kapag ba pinakyaw ko ‘yan ay may libreng kiss?” biro ng isa pang tricycle driver na si Mang Toto.
“Nako, Mang Toto. Hindi ka na natuto… Kapag ikaw narinig na naman ng asawa mo ay baka ma tsinelas na naman iyang nguso mo.”
“Oh kayo… Imbes na niloloko niyo itong si, Itang. Bakit hindi nalang kayo bumili ng paninda niya para maubos na at makauwi na siya sa pamilya niya,” saway ng bagong dating na lalaki na kilalang kilala ko.
Bigla tuloy kumabog ang puso ko sa kilig. Pero syempre ay hindi ako nagpahalata.
Si Wesley ay anak ng may-ari ng lechonan na katabi ng TODA ng mga tricycle driver. May mga ilan pa din na ganoong tindahan na nagkalat sa probinsya namin na pag-aari ng pamilya nila. Kababata ko siya at kalaro noong bata pa kami, actually noong medyo may pera pa kami at noong buhay pa ang Mama ko. Isa ang piggery namin sa pinagkukunan nila ng mga baboy noon.
May itsura si Wesley at mabait. Minsan nga ay iniisip ko na extra ang pagiging mabait niya sa akin. Siguro dahil naawa siya sa akin dahil sa nangyari sa pamilya namin. Biruin mo, noon ay halos pantay lang ang katayuan namin sa buhay tapos bigla nalang naging napakataas na ng agwat namin sa buhay. Paano ay habang umuunlad ang negosyo nila ay sumasadsad naman sa lupa ang sa amin.
“Nako po, ayan tayo eh… Puro lang naman porma at hindi maka diga,” bulong na parinig ni Mang Berto kay Wesley.
“Paano takot ma basted…” kantiyaw din ni Manong Toto.
Ngumiti nalang ako sa mga pasaring nila. Ayaw ko silang seryusuhin at baka masaktan lang ako.
Alam niyo kung bakit? Dahil ang totoo ay crush ko si Wesley. Pero hindi naman ako tanga. Alam kong hindi niya ako papatulan. Sa itsura at status niya sa buhay ay siguradong marami ang mga babaeng nagkakagusto sa kanya. Kaya kahit ang pangarapin ito ay hindi ko magawa.
“Wes, gusto mo ng tilapia ko? Malusog at masarap ‘to. Ibang iba sa mga tilapia na natikman mo na,” may halong biro na alok ko sa kanya sa paninda ko. May pa beautiful eyes pang kasama na lalong nagpaingay sa tuksohan sa amin ng mga tricycle drivers
“Ikaw talaga, Itang, puro ka talaga kalokohan kaya ginagago ka ng mga tao dito eh…” nakasimangot na sagot ni Wesley.
“Hala siya. Bakit mas mainit pa yata sa init ng araw iyang ulo mo e nagbibiro lang naman ako? Kung ayaw niyo sa tilapia ko eh huwag. Diyan na nga kayo…” padabog kong kinuha ang timba ko ng paninda. Gago siya. Sinasabayan pa yata ng init ng ulo ang init ng araw.
“Sandali.”
Nagulat ako ng pasigaw akong pigilan ni Wesley kaya sinigawan ko rin siya.
“Ano?”
“Bakit ka naninigaw?”
“Eh ikaw itong naunang sumigaw e. Tsaka bakit ba? Kung hindi ka bibili ng tilapia ko eh bitawan mo ang kamay ko para makapaglako na ako.”
“B-Bibili ako,” medyo mababa na ang boses na sagot ni Wesley sa akin.
Biglang nagliwanag ang mga mata ko dahil sa sinabi ni Wesley. “Talaga? Papakyawin mo na ang natira sa paninda ko? Sige na ubusin mo na para makauwi na ako’t makapagpahinga.”
“Magkano pa ba ‘yan lahat?”
“Dalawang daan nalang ‘to para sayo. Tsaka libre ko nalang sayo ang dalawang balot ng gulay para lalo ka pang tomalino at maging gwapo,” wika ko sa kanya.
“Uyyy. Gwapo ka daw bossing sabi ni, Itang. Sigurado ako, crush ka rin niyan kaya kung ako sayo ligawan mo na… Bago may mauna pa sayo sa tilapia niya,” muli na namang sabat ng makulit na si Mang Berto.
“Totoo, nagwagwapohan ka sa akin?” medyo may ngiti sa labi na tanong ni Wesley.
Shit. Itang ang tanga mo! Bakit ba hindi ka nag-iisip bago bumuka ‘yang bibig mo? Ano ngayon ang sasabihin ko sa kanya?
“Ha? A e… Oo naman gwapo ka. Hindi naman ako sinungaling at lalong hindi rin naman ako bulag. Kahit naman sino ang tanungin mo ay sigurado yun din ang sasabihin eh,” mabilis kong hanap ng isasagot sa kanya na hindi ako mapapahamak.
Si Wesley ay nakita kong nawala ang ngiti niya sa mga labi. Dinukot nito ang wallet at kumuha ng buong isang libo doon at inabot sa akin.
Agad naman akong naghanap ng panukli sa kanya sa suot kong apron sa baywang na may bulsa na lagayan ng benta ko.
“Keep the change,” pigil sa akin ni Wesley.
“Ha? Abay dalawang daan lang naman ang bayaran mo at may walong daan ka pang sukli. Ang galante mo naman mag tip.”
“Hindi na sayo na ‘yan. Ibili mo ng tinapay para sa mga kapatid mo.”
“Hindi na. Nakakahiya naman sayo, lagi mo na lang akong tinutulungan…” sinubukan kong ilagay ang sukli sa kamay ni Wesley ngunit hindi nito iyon tinanggap.
“Itang, ano ba. Diba sabi ko sayo keep the change? Bakit ba ang kulit mo?” masungit nitong saway sa akin.
“Tanggapin mo na kasi, Itang. Marami naman pera ‘yan si Bossing eh. Tsaka ganun talaga manligaw ‘yan si Boss. Simple pero rock…” pangangantiyaw ni Mang Toto.
Walang akong nagawa kundi tanggapin ang pera. Kung kay Wesley ay barya lang ito, sa pamilya ko ay malaking tulong din ito sa amin lalo na ubos na ang gamot ni lola sa rayuma.
“Sige na nga. Pero utang ko ‘to ah. Sa susunod ay babayaran ko ‘to sayo.”
Hindi sumagot si Wesley at tinawag ang trabahador nito sa lechonan at pinakuha ang binili nitong isda at gulay.
“Uuwi ka na? Sumabay ka na sa akin at ihahatid na kita sa inyo,” alok ni Wesley sa akin.
“Ay nako hindi na. Mangangamoy isda pa ang loob ng magara mong tsikot. Isa pa dadaan pa ako sa palengke para bumili ng bigas at gamot ni lola.”
“O e di ihahatid na kita.”
“Hindi na nga. Malansa ako at amoy tilapia…”
“So? Halika na at doon din naman ang daan ko.”
Napakamot nalang ako sa ulo. Minsan talaga ay gusto ko nang isipin na may crush ‘to sa akin eh. Kaso ayaw kong umasa at baka masaktan lang ako.