KASALUKUYAN akong nagliligpit ng pinagkainan namin nila Manang Lori at kuya Tony ng makatanggap ako ng mensahe sa messenger mula kay Norlyn. Nang buksan ko iyon ay isa pala iyong link na ipinasa niya sa akin kasama ng mensahe na `Panoorin mo. Now na!´. Tsk sino na naman kayang artista o sikat na tao ang may scandal? Numero uno kasi talagang Marites ang kaibigan kong iyon pagdating sa mga ganyang bagay. Tinatamad pa ako ng buksan ko ang link. Ngunit nanlaki ang mga mata ko ng bumungad sa akin ang napaka gwapong mukha ni Senyorito Xander. Nasa isa itong fine dining restaurant at live na live na tumutugtog ng piano habang hinaharana si Miss Kristel. “Manang, Manang Lori… Panoorin mo po ‘to,” kinikilig na lumapit ako kay Manang Lori. “Bakit? Ano ba ‘yan?” inayos nito ang salamin sa mata.

