Ilang oras nang nakaupo si Tim sa batuhan sa may batis. Hindi pa nagpapakita ang kaniyang inaasahang darating- si Kamila. Nararamdaman niyang darating ito. Nakakaramdam na naman siya ng matinding lungkot. Hindi niya alam kung paano iyon maaalis. Noong una at huling beses na kita niya kay Kamila ay naguhitan ng ngiti ang kaniyang mga labi.
Bitbit pa niya ang panibagong bote ng alak na kinuha niya gawa na itinapon ni Cassandra ang iniinom niya kanina.
"Hindi ka malalasing kung tititigan mo lang iyan," anang boses.
Napaangat ng tingin si Tim, at napangiti siya nang makita ang kanina pang hinahanap na si Kamila. "Sabi ko na nga ba at darating ka," wika niya.
"Hinihintay mo ako?" natatawang wika ni Kamila. "At bakit?"
Nag-init ang mga pisngi ni Tim. Bigla siyang nahiya. "Sabi mo kasi ay favorite spot mo rito. Kaya alam kong darating ka," tugon niya.
"Ah," tumatangong wika ni Kamila habang nakangiti nang malapad. "So bakit ka may dalang alak? Iinumin mo ba iyan o ano?"
Tinitigan ni Tim ang alak na dala. Napabuntong hininga siya at saka umiling. "Ang totoo niyan, nagugutom ako," aniya.
"Nagugutom ka?" gulat na wika ni Kamila. "Tanghali na. Hindi ka pa kumakain?"
Umiling si Tim. "Kahit almusal, hindi pa."
Nag-alala si Kamila. Lumapit siya kay Tim at kinuha ang kamay nito. "Alam mo, halika. Sumama ka sa akin."
Napanganga si Tim. "Saan tayo pupunta?"
"Saan pa? Eh di sa bahay. Kakain tayo. Nagugutom ka, sabi mo. 'Di ba?"
"Sa bahay mo?" natutulalang wika ni Tim.
Tumango si Kamila. Para itong batang excited. Saka nito hinatak patayo si Tim. "Iwan mo na iyan," wika niya habang nakatingin sa hawak na bote ng alak ni Tim. "Hindi ka papasukin sa bahay kung may dala kang ganiyan. Walang umiinom ng ganiyan sa bahay."
Binitawan ni Tim ang bote ng alak at saka siya muling hinatak ni Kamila. Wala na siyang nagawa pa kundi ang sumunod.
Tinawid nila ang batis at naglakad patungo sa kasukalan.
"Malayo pa ba ang bahay ninyo?" halos humihingal na wika ni Tim. Pakiramdam niya ay habangbuhay na siyang naglalakad. Makati na rin ang balat niya dahil dinadampian iyon ng mga nagsisitaasang mga ligaw na halaman.
"Malapit na," tugon ni Kamila na hindi mawala ang ngiti sa mga labi. "Oh, ayan na pala ang bahay namin, eh," mayamaya ay wika nito.
"Iyan ang bahay n'yo?" salubong ang kilay na wika ni Tim nang matanaw ang isang maliit na kubo sa 'di kalayuan mula sa kanilang kinatatayuan.
Tumango si Kamila at muli siya nitong hinatak patakbo patungo sa kubo na iyon.
"Inay, Itay!" sigaw ni Kamila. "Nakahanda na po ba ang tanghalian? May bisita po akong kasama."
Lumabas mula sa kubo ang isang matandang babae na sa tingin ni Tim ay nasa animnapu at higit pa ang edad. "Kamila! Kanina pa kita tinatawag. Umalis ka pa, alam mong manananghalian na," wika nito.
"Sorry na po, Inay. Tinatawag ako ng tubig sa batis, eh," wika ni Kamila at saka bumungisngis.
Hindi mapigilang mapangiti ni Tim. Kakaibang babae si Kamila. Napakanatural nito at free spirited pa.
"Sino naman iyang kasama mo?" usisa ng matanda sa anak.
Kumunot ang noo ni Kamila at napatingin kay Tim. "Hindi ko pa pala naitatanong ang pangalan mo," aniya.
"I'm Timothy," tugon ni Tim.
"Pambihira naman, Kamila. Nagdadala ka rito ng bisitang hindi mo pa pala kilala," bulalas ng matanda.
"Mabait naman po siya, Inay. Hindi po siya nangangagat," paliwanag ni Kamila.
"Hindi naman ho ako masamang tao, ma'am. Diyan lang ho ako nakatira sa Casa," dugtong pa ni Tim.
"Taga Casa Del Amore ka?" anang matanda. Tumango si Tim. "Mayaman ka pala kung ganoon."
"Asawa ko ho ang may-ari ng Casa. Nakikitira lang ho ako," tugon ni Tim.
Napanganga si Kamila sa narinig.
"Kung asawa mo ang may-ari ng Casa, may-ari ka rin. Mag-asawa kayo, eh," wika ng ina ng dalaga.
Lumabi lamang si Tim.
"May asawa ka na?" singit ni Kamila na hindi pa rin makapaniwala.
Tumango si Tim.
"Kung may asawa ka na, bakit ka gutom? Hindi ba dapat siya ang nag-aasikaso sa iyo?" wika pa ng dalaga.
Hindi umimik si Tim.
Hinatak ng matanda si Kamila upang bulungan. "Ba't nagdala ka rito ng lalaking may asawa na? Baka mamaya ay makarating ito doon sa asawa. Ikaw talaga, Kamila. Makukurot na kita sa singit."
"Inay! Malay ko ba naman na may asawa na siya. Nagmamagandang loob lang naman ho ako."
"Buweno," anang matanda at saka muling nagbaling kay Tim. "Pumasok na tayo sa loob at nang makapananghalian na tayo. Gutom na rin ako."
Nag-aalangan man ay sumunod si Tim.
Kahit na maliit ang kubo, maganda ang loob nito at malinis.
"Upo ka, iho," wika ng ina ni Kamila kay Tim.
"Salamat ho, ma'am," tugon ni Tim.
"Anghela. Tawagin mo na lang akong nanay Anghela," tugon ng matanda. "Ito naman ang asawa kong si Ramon." Lumapit ang asawa nito kay Tim at nakipagkamay.
"Maraming salamat ho sa pagtanggap ninyo sa akin dito. Ang ganda ho ng bahay ninyo," ani Tim.
"Maniwala!" wika ni Kamila. "Sa ganda ng Casa, magagandahan ka sa bahay namin. Weh?" anito.
"Maganda ang bahay ninyo. Walang halong biro. Lumaki ako sa bahay na gawa sa semento at bato. Sabik ako sa mga ganitong klaseng bahay," tugon ni Tim.
Lumabi si Kamila at nagkibit balikat.
Inilapag ni Mang Ramon ang mga ulam sa lamesa. Pinakuluang talbos ng kamote at pritong isda. Mayroon ding nakahandang prutas na mangga at pinya. "Baka hindi ka kumakain ng ulam namin," wika ng matanda.
"Naku, hindi ho ako maarte sa pagkain," tugon ni Tim.
"Mabuti naman kung ganoon."
Nilagyan ni Aling Anghela ng kanin ang plato ni Tim. "Kumain ka na," sabi nito sa kaniya. "Kumain ka na rin, Kamila," wika naman nito sa anak.
Kinuha ni Kamila ang pinaglalagyan ng gulay at nilagyan ang plato ni Tim. "Patunayan mo ngang hindi ka maarte sa pagkain," hamon nito kay Tim.
"Wala ba kayong kutsara?" ani Tim.
"Hindi kami nagkukutsara dito," tugon ng dalaga.
Napatitig si Tim sa pagkain. Hindi na siya nagdalawang isip na kamayin iyon. Napangiti si Kamila habang pinagmamasdan siyang sarap na sarap sa pagkain.
"Gutom na gutom ka nga," aniya kay Tim.
Hindi na halos makapagsalita si Tim dahil punong puno ang bibig nito. Busog na busog siya pagkatapos.
Lumabas sila ng kubo pagkatapos managhalian at tumambay sa likod ng kubo kung saan may mahabang upuan na gawa sa kahoy.
"Hindi ka ba hahanapin ng asawa mo?" tanong ni Kamila. Magkatabi silang nakaupo.
"Like I care," tugon ni Tim.
Nagsalubong ang mga kilay ni Kamila. "Hindi ba kayo bati ng asawa mo kaya ka ganiyan. Siguro masama ang ugali mo kaya hindi ka niya ipinagluluto?" aniya. Napalunok siya nang titigan siya nang matalim ni Tim. "Ikaw naman, hindi ka na mabiro."
"Can I stay here for a while? Or can I come here everyday?" biglang tanong ni Tim.
"Baka mamaya sugurin ako rito ng asawa mo," tugon ni Kamila. "Dinala lang kita rito kasi akala ko wala kang asawa."
"Alam mo, kakaiba ka rin eh 'no?" ani Tim. "Dinala mo nga ako rito nang hindi mo alam ang pangalan ko. Pangalawang beses pa lang nating magkita. Tapos ngayon ka lang mag-aalala kung susugurin ako ng asawa ko? Dapat kinilala mo muna ako bago mo ako dalhin dito. Ikaw ang mga tipo ng taong madaling utuin at lokohin."
"Aray naman!" ani Kamila. "Hindi lang ako judgemental, ano? Sabi mo kasi gutom ka. Nagmagandang loob lang ako. Matulungin lang ako at maawain. Imbes na magpasalamat ka na lang dahil pinakain pa kita, ganiyan mo pa ako pagsalitaan."
"Hindi ba nakailang beses na akong magpasalamat? Ilang salamat ba ang gusto mo?" ani Tim.
"Hmp!" Naghalukipkip ang dalaga.
"Ano ba kasi ang problema ninyo ng asawa mo at umiinom ka? Tapos hindi ka pa kumakain."
"None of your business," maikling tugon ni Tim.
"Ganiyan mo ba tratuhin ang taong tumulong sa iyo?" naiinis na wika ni Kamila. "Masama nga talaga yata ang ugali mo."
"Birthday ng anak ko ngayon," biglang wika ni Tim.
"Birthday? Eh, bakit hindi kayo nagpa-party?"
"She's gone. She was never born."
Nagsalubong ang mga kilay ni Kamila.
"Nakunan ang asawa ko kaya wala kaming anak dito na magsi-celebrate ng birthday niya. First birthday niya dapat."
"Kasalanan ba ng asawa mo kung bakit siya nakunan? Kaya ka ba galit sa kaniya?" ani Kamila. Hindi siya tinugon ni Tim. Tumingin ito sa malayo. "Sigurado akong malungkot din ang asawa mo ngayon. Wala namang ina na gustong mawalan ng anak, eh. Kung nasasaktan ka, siguradong mas nasasaktan siya. Siya ang nagdala ng bata sa sinapupunan niya, eh," wika niya pa.
"Hindi ko na siya matingnan na kagaya noon. Every time I look at her, naaalala ko ang lahat ng nangyari. Biglang nagdidilim ang lahat." Tiningnan niya si Kamila. "Maaaring tama ka, nakikita ko rin naman na nasasaktan si Cassandra, pero hindi dahil sa parehas kaming nasasaktan ay magiging okay na ang lahat. It's not how things work, Kamila. It's not that simple."
"Cassandra pala ang pangalan ng asawa mo. Siguro ang ganda ganda niya." Napahinto siya. "Pero mahal mo pa siya?" Hindi umimik si Tim. "Naaawa ako sa inyong mag-asawa. Ang hirap ng pinagdadaanan ninyo. Sana maging okay rin ang lahat."
Tiningnan siya ni Tim. "Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko. Pwede bang magpunta ako rito lagi, kung kailan ko gusto?"
"Oo naman. Basta huwag lang susugod ang asawa mo rito, ha?" tugon ni Kamila.
"Hindi naman niya malalaman," ani Tim. "Gusto ko lang makatakas. Gusto ko lang ng may mapupuntahan ako sa tuwing pakiramdam ko ay hindi ko na kaya."
Tumango si Kamila. "Bukas ang bahay namin para sa iyo, Timothy."
Ngumiti si Tim, at muli siyang tumanaw sa malayo.