CHAPTER 10

1675 Words
"Just put it there, Diolph. Thank you!" wika ni Cassandra sa binata pagkarating nila sa Casa. "Si Antoine na Ang bahala riyan. At iyong iba, sasabihin ko kay Aling Sita na kunin mamaya." Sinunod naman siya ni Diolph at inilapag nito ang mga pinamili sa labas ng office. Pagkatapos ay tumayo nang deretso si Diolph at nagpamulsa, wari ay naghihintay ng susunod na iuutos sa kaniya. "Mag-rest ka muna. Mamaya na kita i-tour. Mga 4 pm. Kakatok na lang ako sa kwarto mo," wika ni Cassandra. "Babalik muna ako sa bahay. I'll check kung bumalik na ang asawa ko." Ngumiti si Diolph at tumango. At saka siya nagpaalam na babalik na sa kaniyang kwarto. "Aling Sita," wika ni Cassandra sa kanilang katulong pagkapasok na pagkapasok niya sa kanilang bahay. "Nakita ba ninyo si Tim? Bumalik na ba siya?" "Hindi pa," salubong ang kilay na tugon ni Aling Sita. Lumapit ito kay Cassandra at halos pabulong na nagsalita. "Alam mo, Ma'am Cassandra, napapansin ko madalas mawala si Sir Tim. Ilang araw na. Saan kaya iyon nagpupupunta?" Bumuntong hininga si Cassandra. "Iyon na nga, Aling Sita. Hindi ko alam kung saan siya nagpupupunta. Sobra na akong nag-aalala sa asawa ko. Hindi ko alam kung kumakain pa siya. Palagi niyang tinatanggihan ang mga niluluto ko. Tapos, palagi pa siyang umiinom ng alak. Tama ba Aling Sita na hayaan ko siya? Kasi baka mapa'no ho siya, eh." "Tinawagan mo na ba ang mommy ni Sir Tim?" "Lahat ng naiisip ninyo, Aling Sita, nagawa ko na. At si Mommy, gano'n din ang sabi sa akin. Bigyan ko ng space si Tim. Mukha namang wala siyang pakialam. Hindi ko alam kung kanino siya walang paki- kung sa akin o sa anak niya." "Gusto n'yo bang bantayan ko ang kilos ni Sir, Ma'am Cassandra?" alok ni Aling Sita. "Aalamin ko kung saan siya nagpupunta at—" "Huwag! Ayaw ko, Aling Sita. Kapag nalaman ni Tim, lalong lalayo ang loob niya sa akin." Muli siyang napabuntong hininga. "Gulong gulo na ako, Aling Sita. Hindi ko alam kung hanggang kailan ko kakayanin na ganito kami ni Tim. May hangganan din ang pasensya ko. Mahal ko si Tim. Ayaw ko siyang sukuan." Katahimikan ang kasunod na bumalot sa pagitan nilang dalawa. Hindi na nga namalayan ni Cassandra na umalis si Aling Sita. Alas tres ng hapon ay lumabas si Cassandra upang magtungo sa kaibigang si Monica para kumustahin ang lagay nito. Ngunit bago pa man siya makarating doon ay nakasalubong na niya ito. "Oh, Monica! Bakit nandito ka na sa labas? Baka mabinat ka," nag-aalalang wika ni Cassandra sa kaibigan. "Okay na ako, Cass. Mas sumasama ang pakiramdam ko habang nagtatagal ako sa higaan. Gusto kong kumilos kahit papaano," tugon ni Monica na bahagyang maputla pa. "Napaano ka ba?" "Malapit na pala ang buwanang dalaw ko. Naambunan ako sa batis habang naglalaba noong isang araw. Iyon siguro," tugon ni Monica. "Ingatan mo ang sarili mo, Monica. Ikaw lang ang mayroon si Ben. Kawawa naman siya kapag may sakit ka." Napabuntong hininga si Monica. "Alam mo, magpaligaw ka na kaya. Siguro oras na para magkaroon ka ulit ng love life," suhestiyon ni Cassandra. "Sus! Sino pa ba ang papatol sa isang single mom na gaya ko? Tingnan mo nga ang itsura ko? May magkakagusto pa ba sa akin sa lagay na ito. Napakalosyang ko na. Wala nang lalaking mag-aabalang tumingin pa sa akin kahit na pulubi pa." "Akala mo lang iyon, ano!" nangingiting wika ni Cassandra. "Bakit hindi ka tumingin tingin sa paligid mo at makiramdam? Malay mo, nandiyan lang pala sa tabi-tabi ang love life na sinasabi ko." Natawa nang malakas si Monica. "Sa dami ng problema mo sa buhay, Cassandra, nagagawa mo pang magbiro. Sino ba ang nasa paligid ko? Baka naman engkanto ang tinutukoy mo." Natawa ulit siya. "Sino ba? Iyong bisita natin sa Casa? Sino ba iyon? Diolph ba ang pangalan no'n? Sino? Huwag mong sabihing si Antoine." Napatigil siya sa pagsasalita. Si Antoine. Sakto namang patungo ang binata sa kanilang kinatatayuan. "Monica!" nakangiti habang naniningkit ang mga matang bulalas ni Antoine. Tumakbo ito patungo sa kanila. "Okay ka na ba?" Napatingin si Monica kay Cassandra, at nginitian siya ng kaibigan nang makahulugan. Nagsalubong ang kaniyang kilay sabay ismid. "Oo, Antoine. Okay na ako. Salamat nga pala sa mga binigay mo sa aking bulaklak at prutas. Baka iyon ang nakapagpagaling sa akin." Bigla namang tila nahiya si Antoine. Napayuko ito nang mamula ang pisngi. "Walang anuman," tugon nito. "Pero, Monica, dapat siguro magpahinga ka pa. Baka mabinat ka, eh." "Alam mo ba, Antoine, iyan din ang sabi ko sa kaniya. Magpahinga muna siya. Pero ayaw makinig ng magaling kong kaibigan," singit ni Cassandra. "Okay na ako, Antoine. Huwag ka nang mag-alala sa akin," tugon ni Monica sa binata. "May anak ako kaya hindi pwedeng magpahinga ako nang matagal." "Kaya nga ang sabi ko sa kaniya, maghanap na siya ng love life. Para magkaroon na ng bagong tatay si Ben. Para naman may katulong na siya sa pagpapalaki kay Ben. Pati na rin sa paghahanapbuhay," muling singit ni Cassandra. "Naku! Hindi ako maghahanap ng love life para lang may maging katulong ako sa anak ko. Hindi ko iaasa ang buhay namun ni Ben sa iba, lalo na sa lalaki," tugon ni Monica. "Apat na taon kong kinaya na mag-isang buhayin si Ben. Hindi ko na kailangan ng lalaki na sakit lang sa ulo ang dala. Mas okay pa ang single, walang problema. Okay na ako sa anak ko." Halata namang nalungkot si Antoine sa narinig. "Ano ka ba naman, Monica. Alam ko namang strong ka. Kaya nga ako bilib sa iyo," wika ni Cassandra. "Kung katulad lang din naman ng ex mo, mas maigi pa nga na kayo na lang ni Ben sa buhay. Pero kung matino naman ang lalaki, bakit hindi 'di ba? Kagaya ni Antoine!" Napaangat ng tingin si Antoine. "Ma'am?" anito na tila gulat na gulat. "Mabait si Antoine. Masipag. At higit sa lahat, hindi babaero. 'Di ba, Antoine?" ani Cassandra sa binata "Ho?" nanlalaki ang mata na wika ni Antoine. "Ang swerte ng mahalin ni Antoine," dugtong pa ni Cassandra. "Kung kagaya ni Antoine ang manliligaw sa iyo, Monica, take mo na. Siguradong hindi ka magsisisi." "Hindi naman nanliligaw sa akin si Antoine, eh. Hindi naman ako type niyan. 'Di ba, Antoine?" tanong ni Monica sa binata na tila umurong na ang dila. Hindi tumugon si Antoine. "Kita mo na. Hindi ako type ni Antoine," kibit-balikat na wika pa ni Monica. Si Cassandra naman ay napabuntong hininga na lamang. "Wala nang magkakagusto sa akin dahil may anak na ako. Sinong tangang lalaki naman ang may gusto ng instant na anak at responsibilidad, 'di ba?" "Kapag mahal mo naman ang isang tao, hindi mahalaga kung ano ang nakaraan niya o kung may anak na siya," biglang wika ni Antoine. Tumingin ito nang deretso sa mga mata ni Monica. "Ako. Hindi ako tumitingin sa ganiyan. Wala akong pakialam kung may anak ka na. Kung mahal kita, mahal kita." Napakagat ng labi si Cassandra sa narinig. Para siyang nanunuod ng isang romantic movie. Heto na nga at umaamin na ang bidang lalaki ng kaniyang tunay na damdamin sa bidang babae. "Ano ba ang sinasabi mo, Antoine?" wika ni Monica. Bumuga ng hangin si Antoine. "Matagal na kitang gusto, Monica. Matagal na akong humahanga sa iyo. Wala akong pakialam kung may anak ka na. Magaan din ang loob ko kay Ben. At kung bibigyan mo ako ng pagkakataon, gusto kong maging parte ng buhay mo." Napaawang ang mga labi ni Monica. Ang dila niya naman ang biglang umurong. "Hindi ako kagaya ng tatay ni Ben. Kung siya umalis at iniwan ang responsibilidad niya kay Ben sa iyo nang mag-isa, ako, hindi kita iiwan. Pupunan ko ang iniwan niyang puwang sa buhay ninyo ng anak mo. Ituturing ko siyang akin. Bigyan mo lang ako ng pagkakataon," patuloy na wika ni Antoine. "Alam mo ba ang sinasabi mo, Antoine?" naiiling na wika ni Monica. "Binata ka. Wala kang sabit. Unless, may itinatago ka ring anak." "Ikaw pa lang ang babaeng nagustuhan ko sa tanang buhay ko, Monica," mabilis na tugon ni Antoine. "At ano naman kung binata ako? Hindi ba mas okay iyon? Mas gusto mo ba na may anak na rin ang magkagusto sa iyo?" Umikot ang mata ni Monica. Naging pilosopo pa talaga si Antoine. "Malamang hindi!" naiinis niyang sagot. "Iniisip lang din kita pati na ang sasabihin ng ibang tao, lalo na ng pamilya mo. Ano na lang ang sasabihin nila sa iyo, na pumatol ka sa disgrasyada?" "Ano namang paki ko sa sasabihin nila?" mabilis na tugon ni Antoine. "Matanda na ako. Hindi ako nabubuhay para sa opinyon ng ibang tao. Kung gusto kong sumaya, dapat wala akong pakialam sa sasabihin nila. Basta wala akong masamang ginagawa. Handa akong ipaglaban ka kapag may tumutol sa ating dalawa. Gano'n kita kagusto. Gano'n kita kamahal." Natigilan muli si Monica. Hindi inaalis ni Antoine ang tingin nito sa kaniya. Nakikita niya sa mg mata nito na galing sa puso ang mga sinasabi nito. Naghalukipkip siya. "Kung inaakala mong por que may anak na ako ay ganoon mo lang ako kadaling mapapasagot, nagkakamali ka Antoine. Kailangang paghirapan mo muna bago mo makuha ang oo ko." Tumaas ang kaliwang kilay niya. "Oo nga at hindi na ako virgin, pero worth it pa rin ako, ano!" Natakpan ni Cassandra ang bibig sa tinuran ng kaibigan. Tawang tawa siya ngunit pinigilan niya iyon. "Handa ako," tugon ni Antoine kay Monica. "Gagawin ko ang lahat ng gusto mo, mapasagot lang kita." "Sinabi mo iyan, ha? Baka mamaya, isang pitik ko lang sa iyo umatras ka na," tugon ni Monica. "Bakit hindi mo ako subukan?" hamon ni Antoine. "Susubukan talaga kita. Tingnan ko lang kung hanggang saan ang tibay mo." Ngumiti si Antoine na walang pagsidlan ang saya. At least, may pag-asa siya. Ibig sabihin ay pinapayagan siya ni Monica na manligaw. Magandang simula na iyon. Napatingin siya sa among si Cassandra at saka nag-thumbs up. Ngiting ngiti naman si Cassandra na sobrang saya para sa kaibigang si Monica.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD