"Get up, Cassandra!" wika niya sa kaniyang sarili. "Get up, and fix yourself! Dapat sanay ka na dahil araw-araw mo naman na itong nararamdaman. Ngayon lang sinabi ni Tim sa iyo ang mga iyon, pero araw-araw mong alam na iyon ang nasa loob niya. Get up! Ano, susuko ka na? Hindi ka pwedeng sumuko sa asawa mo. Mahal mo siya. Tandaan mong mahal mo siya."
Pinahid niya ang kaniyang mga luha at saka tumayo. Nagpunta siya sa harap ng salamin. Pinagmasdan niya nang matagal ang sarili. Wala na ang ningning sa kaniyang mga mata na dati ay naroroon. Everything that happened took that spark from her eyes.
Pinilit niyang ngitian ang sarili. Nag-ayos siya. Hindi pwedeng hayaan niya ang sariling magmukhang basura na lamang.
Paglabas niya ng kwarto ay nabigla pa siya nang makasalubong si Aling Sita.
"Aling Sita!" bulalas niya.
"Ma'am Cassandra, okay lang ho ba kayo?" nag-aalalang wika ng ginang. "Umiyak ho ba kayo?"
Bahagyang nagkasipon si Cassandra dahil sa pag-iyak kanina kaya namumula pa ang kaniyang ilong.
"Hindi, Aling Sita. Nahamugan lang ako kanina kaya bigla akong sinipon."
Lumabi ang ginang. "Hindi naman ninyo kailangang magsinungaling sa akin, Ma'am Cassandra. Para ka namang iba niyan sa akin," anito. "Alam n'yo naman na alam ko ang nangyayari sa inyong mag-asawa."
Bumuntong hininga si Cassandra. Napayuko siya.
"Alam ninyo, Ma'am Cassandra, lahat naman ng mag-asawa dumadaan sa iba't ibang pagsubok sa kanilang pagsasama. Naikwento ko na ba sa inyo na nakunan na rin ako noon sa aming panganay ng asawa ko?"
"Talaga ho?" nanlalaki ang mga matang bulalas ni Cassandra.
"Oo. Nagkaganiyan din kami ng asawa ko. Halos isang taon na magulo ang pagsasama namin. Paano ay pitong taon kaming naghintay."
"Mas matagal pa ho pala kaysa pinaghintay namin ni Tim," ani Cassandra.
"Mga bata pa kami nang magsama kami ng asawa ko. Wala pa akong bente noon. Siya naman ay nasa bente dos pa lang. Ni wala kaming basbas ng aming mga magulang. Inisip namin na iyon marahil ang dahilan kung bakit hindi kami nagkakaanak. Paglipas ng pitong taon, bumalik kami sa aming mga magulang at humingi ng tawad at bendisyon. Pagkatapos noon, ilang buwan lang ay nabuntis ako. Hindi ko alam kung nagkataon lamang iyon, o talagang kinailangan lang namin ng bendisyon mula sa aming mga magulang.
"Pero nang nasa ikalawang buwan pa lamang ako ng pagbubuntis ay nakunan ako. Dahil siguro iyon sa nagpatuloy ako sa pagtatrabaho kahit na pinagbawalan ako ng asawa ko. Ang sabi kasi ng kumadrona ay maselan akong magbuntis. Nang makunan ako, nagtampo sa akin nang sobra ang asawa ko. Pero katulad ng ginagawa mo ngayon, hindi ako sumuko sa kakasuyo sa asawa ko. Matagal, pero isang araw, bumalik din siya sa akin."
Ngumiti si Cassandra. Tila nagkaroon siya ng bagong pag-asa.
"Huwag mong susukuan ang asawa mo, Ma'am Cassandra. Tingnan mo kami ng asawa ko ngayon. Pagkatapos kong makunan sa aming panganay, nang mabuntis ako ulit ay nagsunod sunod na. Ngayon ay lima na sila at pawang malalaki na."
Tumango si Cassandra.
"Pero huwag mo ring pabayaan ang sarili mo," patuloy pang wika ni Aling Sita. "Ang nakikita ko sa iyo ay unti-unti ka ring nalulugmok. Huwag. Patuloy mong alagaan ang sarili mo, Ma'am Cassandra. At bibigyan kita ng isang payong sa tingin ko ay epektibo para mas mapadali ang pagbalik sa iyo ni Sir Timothy."
Nagningning ang mga mata ni Cassandra. "Ano ho iyon, Aling Sita?" aniya.
"Huwag mo ring masyadong isiksik ang sarili mo kay Sir Tim. Paminsan-minsan ay bigyan mo siya ng distansiya. Kung gusto niyang mapag-isa, hayaan mo siya. Kumbaga sa mga millenials, magpa-miss ka sa kaniya. O, 'di kaya ay pagselosin mo. Malay mo, 'di ba?" Kinindatan ng ginang ang amo.
Bahagyang natawa si Cassandra. "Mag-asawa na ho kami, Aling Sita. Parang hindi na tama ang huli ninyong sinabi."
"Nasa sa iyo naman iyon, Ma'am Cassandra, kung susundin ninyo ang payo ko o hindi," tugon ni Aling Sita habang nakangiti.
"Sa bagay." Bumuntong hininga si Cassandra. "Ano nga ho pala ang sadya ninyo sa akin?"
"Ah," anang ginang. "Iyong mga gamit kasi sa garden, Ma'am Cassandra. Kailangan nang palitan."
"Wala hong problema, Aling Sita. Mamaya hong hapon, lalabas ako at ako na mismo ang mamimili," tugon ni Cassandra.
Tumango ang ginang.
"Si Monica, kumusta na ho? Pinuntahan kasi ako ni Ben kanina. Ang sabi ay masakit daw ang ulo ng mama niya. Sinabi kong hanapin kayo para dalhan ng gamot si Monica."
"Napuntahan ko na si Monica. Naibigay ko na ang gamot. May lagnat. Pero sa tingin ko at magiging okay rin iyon kaagad. Baka bukas, kasing lakas na naman iyon ng kabayo," wika ng ginang. Iyon lamang at umalis na ito. Sinundan ito ng tingin ni Cassandra na napapaisip sa mga sinabi nito. Magpa-miss at pagselosin si Tim. Natawa na lamang siya. Pagkatapos ay bigla na lamang muling bumalik ang lungkot sa kaniyang mukha.
Saan na naman pupunta si Tim? Hindi niya alam kung saan ito nagtutungo sa tuwing aalis ito ng bahay. Ayaw niya namang sundan ito na parang aso dahil lalo lang itong maririndi sa kaniyang presensiya. Siguro nga ay tama si Aling Sita. Kailangan ni Tim ng distansiya. Marapat sigurong ibigay niya muna ito sa asawa.
Kaysa naman magmukmok at mag-isip ng kung ano ano ay lalabas na lamang muna siya para bilhin ang mga kailangang gamit ni Aling Sita. Matagal tagal na ring hindi siya nakakalabas ng Casa. Pagkakataon na rin ito para makakita naman siya ng ibang tanawin. Dumaan siya sa office ng kaniyang mga staff sa Casa upang magbilin kay Antoine, ang kanilang maintenance staff. Trenta y dos pa lamang ito, singkit, at matangkad.
"Hi, Ma'am Cassandra!" bati ni Antoine sa kaniya. "May kailangan po ba kayo?"
"Lalabas kasi ako. Mamimili ako ng ilang bagong gamit sa garden. Wala ka bang ipapasabay?" tugon ni Cassandra sa binata.
"Nabili ko na po noong nakaraang linggo. Hindi po ba kaaabot lang ninyo no'n sa akin ng budget para sa mga kailangan sa Casa?"
Nasapo ni Cassandra ang noo. "Ay, oo nga pala," aniya. "Nakalimutan ko. Sige. Salamat, Antoine. Basta kapag may kailangan ka, sabihin mo kaagad sa akin. Mahalagang palaging maayos ang mga gamit natin."
"Opo, Ma'am Cassandra. Pero, sigurado ho ba kayong kayo na ang mamimili? Pwede naman hong ako na lang," anang binata.
"It's okay. Thanks, Antoine. Nababagot lang ako sa bahay. Gusto ko lang lumabas. Ako na ang bahala."
Ngumiti si Antoine. Bago pa makaalis sa office si Cassandra ay tumikhim ito at tinawag ang amo.
"Yes, Antoine, may kailangan ka?" nakangiting usisa ni Cassandra.
Napansin ni Cassandra na bahagyang nag-blush ang binata. Saglit pang umurong ang dila nito. "Ano iyon, Antoine?"
"Ma'am, nabalitaan ko kasing may sakit si Monica. Ayos lang ho kaya siya?" halos mabulol na wika ni Antoine.
Ngumiti si Cassandra. Batid niyang hindi maaaring walang kahulugan ang pamumula ng pisngi ng binata. "Pinadalhan ko na siya ng gamot kay Aling Sita. Mamaya pag-uwi ko, I'll check on her. Pero sigurado akong okay naman siya. Kung hindi, baka nagpunta na rito si Ben para sabihan ako."
"Okay, Ma'am," tugon ni Antoine na hindi na makatingin nang deretso sa mga mata ng amo.
"Antoine, do you like Monica?" walang pag-aalangang tanong ni Cassandra sa binata.
Napalunok si Antoine. Yumuko ito at hindi nakatugon.
"You know what, it's okay. Okay lang Antoine. Technically, single naman si Monica. Hindi sila kasal ng ex niya. At iyon nga, hiwalay na sila. So, pwede siyang ligawan. Kung magpapaligaw siya." Ngumiti si Cassandra. "You're a nice guy, Antoine. Kapag niligawan mo ang kaibigan ko, wala kang magiging problema sa akin. Boto ako sa iyo. Ilalakad pa nga kita kung gusto mo."
Napangiti si Antoine. Lalong namula ang mga pisngi nito.
"Bakit hindi na lang kaya ikaw ang dumalaw kay Monica, tutal busy pa naman ako?" suhestiyon ni Cassandra sa binata. "Bring her flowers and some fruits. Siguradong ma-a-appreciate niya iyon. At isa pa, ligawan mo rin si Ben, ha? Importante iyon. In fact, iyon ang pinakaimportante sa lahat, ang approval ni Ben."
Nanatiling tahimik si Antoine.
"I'll go ahead, Antoine," paalam ni Cassandra.
"Sige po, Ma'am Cassandra. Salamat," tugon ni Antoine sa wakas.
Nakangiting lumabas ng opisina si Cassandra.
Ilang hakbang bago marating ni Cassandra ang kinapaparadahan ng kaniyang puting kotse ay nakita niya si Diolph. Nakalagay sa magkabilang bulsa nito ang dalawang kamay, nakatingin at nakangiti sa kaniya. Huminto siya sa paglalakad, at lumapit sa kaniya ang binata.
"Going somewhere?" tanong nito sa kaniya.
"May mga bibilhin lang ako sa bayan," tugon ni Cassandra.
"Ah, okay," maikling saad ni Diolph. Ngumiti ito na tila sinasabing tumuloy na si Cassandra sa pag-alis.
Kumunot ang noo ni Cassandra. "May gagawin ka ba?" biglang tanong niya sa binata. Kita naman niya ang pagkasurpresa sa mukha ni Diolph. Mali siguro siya ng paraan ng pagkaka-deliver ng tanong. "I mean, I'm sure bored ka na rin dito sa Casa. Wala pa akong makuhang magtu-tour sa iyo. I was thinking to reconsider your request."
"Really?" bulalas ni Diolph. "Oh, wow!"
"Pero bago kita i-tour, pwede mo ba muna akong samahan?" usisa ni Cassandra.
Lumapad ang ngiti ni Diolph. "Of course! My pleasure, Cassandra."
"Good. So, why don't you hop in already? At sa daan na tayo mag-usap."
Pumasok na si Cassandra sa kaniyang kotse at sumunod so Diolph na Hindi makapaniwala sa biglaang pagbabago ng isip ni Cassandra. Kung ano man ang nakapagpabago sa isip nito ay wala siyang pakialam. Ang mahalaga, makakasama na niya ito. And he's really excited.
Nakikita pa rin niya ang lungkot sa mga mata ni Cassandra na hindi maitatago ng mga ngiti nito. At balak niyang mapawi ang lungkot na iyon sa paraang aabutin ng maikling panahon na pananatili niya sa Casa.