CHAPTER 4
Sia's POV
Napatigagal ako sa nalaman.
Caelum?!
Biglang lumabas sa aking isipan ang mukha ni Lucas na nakangiti dahil natupad ang nais n'ya.
“Alam mo Alessia na nandito ako para gabayan ka, nalalapit na rin ang itinakdang araw para makapunta ka sa Dimetiri Welt. At inaasahan ko na sa Licht Divisio ka mapupunta. Kaya sana naman ay tigilan mo na ang paghihiganti, dahil magagalit lamang sa iyo ang ating Diyos Ama,” payo nito.
Hindi! Napapatda ako na naging dahilan upang tingnan ako ng masama ng kaharap ko.
"Ano ba'ng problema mo ha?" naiinis na tanong nito. Inirapan ko ito bago sinagot.
"Paano naman ako napunta sa Caelum? Buong buhay ko ay inilaan ko sa paghahanda dahil alam kong sa Tarnen divisio ako mapupunta! So bakit ganito? Bakit ako nandito sa makulay n'yong divisio?" inis na tanong ko dito saka nameywang sa harapan n'ya.
Ang kaninang seryosong mukha ay napalitan ng gulat, saka s'ya bumunghalit ng tawa.
"Hahaha! Ikaw? Mas gusto mo sa Tarnen kay'sa dito? Hahaha!" pang-aasar nito saka muling tumawa na tila hindi makapaniwala sa sinabi ko.
Inismiran ko lamang s'ya at inantay na humupa ang kan'yang kasiyahan. Nahalata nito ang pagkaseryoso ko kung kaya't umayos na rin ito at dumiretso sa pagkakatayo.
"Well, for the record Ms?" tigil nito habang inaantay ang aking pangalan.
"Sia," maiksi kong sagot. Tumango lamang ito saka nagpatuloy.
"Well, Ms. Sia, lahat ng extra ordinary beings na naroon sa Humanus Welt ay pinapangarap mapunta dito sa Licht," paliwanag n'ya. Tumikhim muna ito bago muling magpatuloy, "so paano'ng gusto mo sa kabila? E 'di hamak na mas maayos at mababait ang tao rito," pagpapatuloy n'ya.
'Mabait? Saan'g banda?' tanong ko sa sarili habang inaalala ang mga na-encounter ko kani-kanina lang. Napailing na lang ako dahil sa naiisip.
Napatigil kaming dalawa nang biglang may humatak sa akin mula sa likuran.
"What took you so long Alessia?" halatang iritado na ito dahil sa tono ng kan'yang pananalita. Bago pa man ako makasagot ay may binigkas na itong chant, at sa isang iglap ay wala na ako sa pasilyong nilalakaran ko kanina.
Napahawak ako sa katabing upuan dahil sa hilo. Binitawan rin naman ako ni Ms. Bevs pagkatapos.
"W-What was that?" utal kong tanong. Ramdam ko pa rin ang hilo at panghihina kung kaya't napaupo ako. Mabuti na lamang at may maagap na bisig ang sumalo sa akin kung kaya't hindi ako tuluyang lumagapak sa sahig.
Ramdam ko ang biglang pagkirot ng aking ulo sa hindi malamang dahilan. Hinigpitan ko ang kapit sa kung sino man'g may hawak sa akin para mabawi ang balanse. Dahil sa bigat ko ay napaharap ito sa 'kin at tumambad ang tila dagat sa pagkaka-asul nitong mata.
Ang lalaki kanina.
Dahil sa nakita ay mas lalong sumakit ang aking ulo na tila may gustong alalahanin. Bukod dito, ramdam ko rin ang biglaang pagsirit ng sakit sa aking t'yan kung kaya't napaluhod ako sa sahig.
"Aaaah!" hiyaw ko ng unti-unting lumabas sa aking memorya ang dahilan kung bakit ako nandito.
Natigil kami sa pag-uusap nang biglang gumalaw ang lupa mula sa building na kinapupwestuhan nila. Naalerto kami at nakikiramdam nang muling umugong ang lupa kung kaya’t napabalikwas kami ng upo.
“Anong nangyayari?!” tanong ko rito nang sunod-sunod na umuga ang lupa. Nakarinig din kami ng mga pagsabog ‘di kalayuan sa aming puwesto.
Natutok ang atensyon ko sa TV nang biglang magbago ang palabas at ipinakita ang isang kilalang tao sa Pilipinas, ang heneral.
"Isang nagbabagang balita mga kabayan, nagmistulang battle ground ang Metro Manila dahil sa walang patid na pagsabog at putukan. Narito tayo ngayon sa palasyo upang hingiin ang opinyon ng katas-taasang heneral na si General Abeita."
"Magandang gabi sa inyong lahat. Sana ay mapayapa pa rin ang gabi ng mga nasa ibang lugar. Ang giyera na nagsisimula ngayon ay ang simula ng WWIII. Ang hidwaan sa pagitan ng America at China at kanilang mga kaalyado, ay nagresulta sa digmaan na ito. Nagpakalat na kami ng aming mga sundalo at kapulisan upang tulungan ang naiipit sa digmaan na ito. Hinihintay lang namin ang anunsyo ng presidente kung kanino kami papanig sa laban na ito. Sana ay mag-ingat kayong lahat at antayin lamang ang ipinakalat naming sundalo at kapulisan upang kayo ay iligtas. ‘Yun lang at Salamat," putol nito sa sinasabi niya.
Pinatay na ni Lucas ang TV at agad akong hinila palabas ng apartment. Naabutan namin ang nagkakagulong mga tao at nasirang lugar, pero hindi iyon ang pumukaw sa aking atensyon.
Nagsimulang mahati ang lupa at at bumukas ang portal ng langit, na tanging mga kagaya ko lang na hindi lubos na mortal ang nakakakita. Nagsimulang lumabas ang iba’t ibang klase ng halimaw at engkanto, maging ang mga taong nakasuot ng kakaibang kasuotan mula sa mga butas na ito habang patuloy ang pagbomba na nangyayari sa Metro Manila.
“Nagsisimula na…” paanas na wika ni Lucas.
Masyadong magulo ang lahat, lalo na sa aking mga mata. Magkasama at magkasabay ang nangyayari sa parehong mundo, ang pag-iisa ng Humanus at Dimetiri Welt sa lupa.
“Ito na nga...” mahinang bulong ko habang nakatingin sa kaguluhang nangyayari sa harapan ko.
“Ang selection...”
Dali-dali akong tumakbo papunta sa portal kung saan nagsisilabasan ang iba't ibang nilalang.
Sa may bandang gubat dito sa squatter's area nagmumula ang kakaibang liwanag na 'yon.
Liwanag na tanging ako lamang, at ang iba pang kauri ko ang nakakakita.
Narating ko ang lugar na 'yon nang walang galos sa katawan. Hindi ko na rin mahanap si Lucas dahil sa kaguluhan na ito.
Kitang-kita ng dalawang mata ko kung paano magkatotoo ang mga sinasabing aswang o engkanto ng mga tao. At hindi lang 'yon, dahil kalaban nila ang kanilang mga kauri na mukhang nanggaling sa Licht.
Masyadong magulo at maingay ang lahat. Ang mga ito'y nagkakalmutan at nagkakagatan, waring nagpapatalasan ng mga pangil at kuko.
Napuno ng mga hiyaw at ungol ang madilim na paligid. Ang kanina'y tahimik na gabi ay nasapawan ng ingay mula sa mga nilalang na ito, maging ang mga minsanang pagsabog sa di kalayuan at walang patid na pagbabarilan ay umuugong sa aking tenga.
Ang musika ng g'yera.
Sa tuwing may umaatake sa akin ay agad ko itong sinasaksak gamit ang isang espesyal na punyal na palaging nasa bulsa n'ya.
May isang tiktik na lumapit sa akin at inilabas nito ang pagkahaba-habang dila na halos umabot na sa lapag. Naglalaway ito dahil ang isang kagaya n'ya ay nasa kan'yang harapan.
'Mukhang hahapunanin pa yata ako ng hayop na 'to,' bulong ko sa sarili.
Nagpaikutan kami ng pwesto, hindi tinatanggal ang tingin sa isa't isa. Makalipas ang ilang sandali ay sumugod na ito na agad ko namang iniwasan.
Napatimbwang ito sa lapag, na naging dahilan kung bakit ito mas nagngalit.
Ipinakita n'ya ang mahahaba ngunit maiitim na ngipin, inaakalang matatakot ako sa matalas no'ng dulo.
Nginisian ko lamang ito nagpainis lalo sa kan'ya. Sunod-sunod ang pagsunggab at pagkalmot nito, na palagi ko namang naiiwasan. Inii-sway ko lamang ang aking katawan palayo sa lugar na kan'yang inaatake.
Hindi pa ito nakuntento at inilabas ang pagkahaba-habang dila nito. Napatigil ako saglit sa gulat at hindi ko namalayan na napuluputan na pala ako nito.
Ramdam ko ang basa at malagkit nitong laway na tumatama sa balat ko. Patuloy ang paghaba nito hangga't hindi pa nasasakop ang buong kabuuan ko.
"Aaah! Tulong!" rinig kong sigaw mula sa kabila. Agad akong napalingon roon at nakita ang parehong scenario na nararanasan ko ngayon.
Isang babae ang pilit pumapalag sa pagkakapulupot ng isang tiktik sa kaniya. Mukhang katulad ko ay galing ito sa mortal na mundo, at bago pa lamang sana makakapunta sa mundong dapat kinabilangan niya. Walang ibang makalapit na galing sa Licht dahil sa pagharang ng kaaway mula sa tarnen. Patuloy ang paglabas ng mga ito sa itim na portal at halos sakupin ang buong lupain.
Mas doble ang dami nila kumpara sa tiga Licht na hindi na nadagdagan ang bilang mula pa kanina.
Napabalik ako sa realidad ng makita kung paano tinusok ng mahaba at matulis na dila noon ang babae.
Nanlalaki ang mata nito habang dahan-dahang tumutulo ang dugo mula sa bukas niyang bibig.
Agad kong ibinalik ang tingin sa kalaban ko at nakita ang pagngisi nito. Inihaba niya rin ang dulo ng dila at akmang itutusok rin sa akin ng hawakan ko ng pagkahigpit ang nakapulupot sa akin. Pagkakataon ko naman para ngumisi ng makita ang pagkagulat nito.
Dahan-dahang umusok ang parteng hinahawakan ko, kung kaya't mabilis niyang tinanggal ang pagkakapulupot nito at tiningnan ang bahagyang naagnas na parte ng hinawakan ko.
Halata ang pagkagalit nito kung kaya't humakbang s'ya palapit sa akin at umatake. Nahulaan ko ng ito ang gagawin niya kung kaya't napaghandaan ko ito.
Saktong pagkalmot nito ay umabante ako sa kanyang gilid at saka s'ya sinaksak ng aking mahiwagang punyal.
Napaigik ito sa sakit, lalo na nang unti-unting masunog ang kan'yang katawan.
Napatigil ang lahat sa nakikita, hindi makapaniwalang ang isang mortal na kagaya n'ya ay nakapatay ng kampon ng dilim sa isang tira n'ya.
Humiyaw muna ito ng pagkalakas lakas bago tuluyang maging abo at maglaho sa karimlan.
"Ate!" dinig kong sigaw ng isang lalaki. Natuon doon ang atensyon ko at nakita ang paghihinagpis niya habang hawak-hawak ang isang duguang babae.
Iyong babae!
Mabilis kong tinakbo ang puwesto nila ngunit napatigil rin ng mabungaran ang isang malapad na likod. Base sa matikas nitong pangangatawan at kakaibang kasuotan ay alam kong sa Licht ito nagmula.
Akma akong lalayo ng marinig ang usapan nila.
"Bakit hindi niyo iniligtas si ate? Bakit ngayon lang kayo!" sigaw niya rito. Hindi ko alam ang ekspresyon ng tiga-Licht dahil nakatalikod ito sa akin.
"Buong buhay niya, pinangarap niyang mapunta sa Licht! Tapos simpleng halimaw lamang hindi niyo siya natulungan kaagad?!" sigaw pa muli nito at saka umiyak.
"A-Ate..." pagtawag nito habang patuloy sa paghagulgol ng iyak.
Napalingon ako sa kanila at napamaang sa nakita. Iyong babaeng duguan ay nakatagilid ang ulo at nakatitig direkta sa akin.
Puro dugo pa sa bibig nito, ngunit bahagya itong ngumit sa akin at binigkas ang mga salitang hindi ko maintindihan.
"Elita..." basa ko sa sinabi niya. Ngumiti siya pagkatapos noon, at saka tuluyan ng ipinikit ang mga mata.
Tumalikod na ako bago pa man humarap iyong tiga-Licht at naglakad palayo.
"Ate, hindi!" pagtangis ng kaniyang kapatid ngunit hindi ko na iyon pinagtuunan pa ng pansin.
Hanggang ngayon ay naguguluhan ako. Ano ba ang sinasabi niya at parang sigurado siyang ako ang tinutukoy niya?
Elita? Pangalan siguro 'yon. Tiyak na nagkakamali siya dahil hindi naman 'yon ang aking 'ngalan.
Bukod pa doon, hindi ko sila kilala, maging ng kapatid niya.
'Baka nanti-trip lang,' bulong ng isang bahagi ng aking utak.
Kumbaga sa palabas, dying message para pag-isipin ang tao, ganoon ba?
'Oh baka naman, may ibig sabihin talaga iyon, Alessia?' bulong naman ng kabilang bahagi nito.
Napailing na lamang ako dahil para akong nababaliw na kinakausap ang sarili.
Ang mga tiga-Tarnen na nasasalubong ko ay umiiwas sa tuwing nadadaan ako sa kanila.
Tiningnan n'ya isa-isa ang mga nilalang sa paligid n'ya at inismiran ang mga ito. Agad s'yang naglakad papalapit sa portal kung saan s'ya tunay na nararapat.
Sa Tarnen divisio.
Napatigil ako sa paglalakad ng biglang may espadang humarang sa aking daraanan. Inis kong hinarap kung sino man ang lintik na pumigil sa akin marating ang portal na 'yon.
Pagkataas ko ng aking ulo ay tumambad sa akin ang madilim na mukha ni Lucas.
"Hindi ka pupunta dito, Alessia," madiing turan nito.
Sa buong panahon na kami'y magkasama ay ngayon ko lamang s'ya narinig na nagkaganito. Malayong malayo sa inis o galit nito sa tuwing gumagawa ako ng labag sa kagustuhan ng sinasabi n'yang 'Diyos'.
"Wag mo na'ng tangkain na pigilan ako Luke," sagot ko dito. "Una pa lang ay sinabi ko nang sa Tarnen ako mapupunta, kaya h'wag mo na akong pigilan!" sigaw ko sa pagmumukha n'ya.
Hindi man lang ito nagulat o natakot, bagkus ay nginisian lamang ako nito.
"Hindi ako makapapayag sa nais mo, kaya h'wag ka ng magmatigas dahil isasama na kita sa Licht," buong pasya na pagpapahayag nito.
Napapalatak ako sa kanyang harapan at muling nagwika.
"Sa lahat ng kasalanan ko, tingin mo tatanggapin pa ko d'yan sa mundong sinasabi mo?" sarkastikong tanong ko rito. Lalong tumalim ang tingin nito sa 'kin habang humigpit ang hawak sa kan'yang espada.
Nababahala man ay tinatagan ko ang loob ko at matapang na sinalubong ang kan'yang tingin. Iginala ko ang mata sa kabuuan n'ya at nanlaki ang mata sa pag-iiba ng kasuotan n'ya.
Ang kaninang simpleng pambahay na shirt at tsinelas na suot n'ya nang umalis kami ay nagbago. Nakasuot na s'ya ngayon ng metal na baluti na hindi ko alam kung saan n'ya napulot. Ang kanyang braso ay nababalutan rin ng baluti na mukhang tela, ngunit nang pahapyaw ko itong tinamaan ng aking punyal ay ipinansalag n'ya lamang iyon.
Mukhang hindi 'yon gawa sa tela dahil wala man lang punit sa bahaging aking tinamaan. Dinig ko rin ang kalansing ng metal sa oras na nagtama ang aking patalim at ang baluti na 'yon, indikasyon na gawa rin ito sa bakal.
Napaatras ako at inaayos ang stance habang kinakalkula ang bawat kilos ko.
Ibang Lucas na ang kaharap ko ngayon.
Pumuwesto rin ito na tila lalaban, ang mga espadang kanina'y nasa aking harapan ay itinutok n'ya sa 'kin bago muling magsalita.
"Pasensyahan tayo Alessia, pero hindi ko hahayaan na mapunta ka lang sa dilim," tanging sambit nito bago tuluyang umatake sa 'kin.
Muntik na akong tamaan no'n, kung 'di lang ako nakailag agad.
Halos mawalan ako ng balanse sa bilis ng pag-ilag ko, ngunit agad ko itong binawi at hinawakan ng mahigpit ang aking punyal.
Ang punyal na ito ay kakaiba, dahil ang blades nito ay pakurba. May ibang klaseng talas rin ito na kung sino man ang dumikit ay automatic na masusugatan.
Hindi ko alam kung anong mayroon sa punyal na ito. Basta noong bata ako, may isang lalaking nag-abot nito sa akin. Wala siyang sinabi at umalis rin agad pagkabigay nito. Akma ko itong hahabulin ngunit hindi ko na siya nahanap pa.
Ang punyal na ito ang naging daan ko para makawala sa isang madilim na nakaraan.
Naiwaksi ko iyon sa isipan at bumaling sa harap. Nginisian ko lamang si Lucas at buong lakas s'yang sinugod. Kung tutuusin ay talo ako dahil ang espadang hawak n'ya ay mas mahaba kumpara sa gamit 'ko, ngunit dahil sa tagal ko ng ginagamit 'to ay kabisado ko na ang galawan nito.
Agad kong iniwasan ang pagwasiwas n'ya ng espada at dumikit sa kan'ya upang hindi s'ya makalaban ng sobra.
Ang kahinaan ng mga ito, mahihirapan silang makipagsabayan kung mahaba ang kanilang armas. Kaya alam kong mas lamang ako sa laban.
Tinuhod ko ito at sinuntok sa may panga kung saan walang nakaharang. Hindi n'ya ito agad naiwasan kaya direkta s'yang tinamaan dito.
Hindi n'ya ito ininda at mas lalong naging agresibo lalo na nang mapansing nakatingin ako sa direksyon ng portal na ngayon ay pasarado na.
Wala akong inaksayang sandali at tumakbo patungo sa portal na 'yon.
'Ilang taon rin ang inantay ko upang mabuksan kang muli, hindi ako makakapayag na hindi kita mapasok,' sambit ko sa isip habang patuloy sa pagtakbo.
Hindi pa man ako nakakatakbo ng malayo ay may humarang muli sa daraanan ko. Isang babaeng may maamong mukha. Katulad ni Lucas ay iba ang kasuotan nito. Nakaamba ang palaso nito sa 'kin bago nagsalita.
"H'wag ka ng mag matigas, hindi ko alam kung bakit pinipigilan ni Lucas ang kagaya mo," sambit nito sa mahina ngunit madiin na boses, sapat upang kaming dalawa lang ang makarinig.
Nagpantig ang tenga ko sa sinabi n'ya at tinaasan ito ng kilay.
"At sino ka naman?" mataray na tanong ko dito. "Wala kang pakielam, baka kasi mahalaga ako, ano sa tingin mo?" pang-uuyam ko dito. Halata ang disgusto sa kan'yang mukha dahil sa narinig na s'yang ikinangisi 'ko.
Itinapat nito ang pana sa 'kin bago nagsalita.
"Mas mabuti siguro kung tatapusin ko na lang ang walang kwentang kagaya mo?" balik nito. Bago pa man n'ya maitira ang pana ay tinabig ko ito at ibinalik sa kan'ya. S'ya ang tinamaan ng talim noon kung kaya't nagdilim ang mukha nito.
"How dare you!" bago pa man ito muling makasalita ay buong lakas kong hinila ang buhok nito at ibinalibag sa kumpol ng mga halimaw sa gilid ko.
Napaungol naman ito sa sakit lalo na nang pagpiyestahan s'ya ng nakakarimarim na mga halimaw na 'yon.
Agad naman akong nahabol ni Lucas at hinarangan ang daraanan ko. Halos isang dipa na lamang ang kulang at matatalon ko na ang munting bilog na paunti-unti ng nagsasara.
"Hindi, kailangan kong makasama ang ama ko!" sigaw ko. Napailing lamang s'ya at mabilis na sumugod sa aking direksyon.
Labag man sa loob ay itinarak ko sa t'yan ni Lucas ang aking punyal. Napapitlag ito at nanlaki ang mata lalo na nang tumagos ito hanggang sa kanyang baluti.
Napatigil ako sa paghinga ng mapansin ang aking nagawa. Napaubo ito habang unti-unting lumalabas ang dugo sa kan'yang bibig.
"Luke!" sigaw ko. Bago ko pa man ito malapitan ay ramdam ko ang pagsirit ng kakaibang sakit sa akin'g t'yan. Napahawak ako dito at napansin ang nakausling espada na tumagos mula sa likuran.
Dahan-dahang kong iniangat ang tingin at tumambad sa akin ang naglalagablab na mga matang asul.
Halata ang galit sa mga mata nito, na tila umaapoy pa. Bahagya pa nitong diniinan ang pagkakasaksak sa akin kung kaya't mas bumaon ang espadang nakatusok sa aking t'yan.
Ramdam ko ang panghihina habang unti-unting umagos ang dugo mula sa aking bibig. Napaubo ako at napasinghap dahil sa kakapusan ng hininga. Sinamaan ko ng tingin ang nilalang na sumaksak sa akin ngayon.
"H-Hindi pa tayo t-tapos," utal na wika ko bago tuluyang manlambot.
Ang huli ko na lamang nakita ay ang paghina ng liwanag at pagsarado ng portal bago ako tuluyang mawalan ng malay.