CHAPTER 7
Sia's POV
"You are the chosen knight guardian, Alessia."
"You are the chosen knight guardian, Alessia."
"You are the chosen knight guardian, Alessia."
Nagpaulit-ulit ito sa utak ko na parang sirang plaka. Naipilig ko na lamang ang ulo para matanggal ang isipin na ito at itinuon sa field kung nasaan kami ngayon.
Pagkatapos n'yang sabihin 'yon ay napuno ng gulat, tuwa, o di kaya ay reklamo ang silid. Masyado akong overwhelmed para tingnan pa kung ano ba ang reaksyon nila sa mga iyon.
"Ito ang training field, Alessia. Dito idinadaos ang lahat ng pagsasanay o laban n'yong mga guardian," sabi ng propesor na nagpakilalang Baller kanina. Napabalik ako sa wisyo dahil sa sinabi n'yang iyon at napataas ng tingin. Doon ko napansin na sa akin na nakatutok ang atensyon ng ilan.
"Are you with us, Alessia?" muli ay tanong nito. Napailing na lamang ako dahil hanggang ngayon ay naguguluhan pa rin ako sa lahat ng nangyayari. Napatango naman ito na tila naiintindihan ang pinagdadaanan ko.
"Paano n'yo nasabing kabilang ako sa inyo? Paano n'yo nasabing isa akong guardian, gayong bago lamang ako rito?" sunod-sunod na tanong ko. Walang ano-ano ay lumapit si rhie patungo kay sir at iniabot ang folder na bitbit ko kanina.
Nanlaki ang aking mata habang binubuklat n'ya ito isa-isa. Napatigil s'ya sa isang page at alam ko kung anong tinitingnan n'ya.
"Alessia Kane Fleur?" patanong na sabi nito. Nakahinga ako ng maluwag dahil sa binanggit n'ya at naalalang iniba nga pala ni dean Peter ang nakasulat doon.
"Ang ganda ng pangalan mo hija, lalo na ang apilyido mo, masyadong..." napatigil ito bago humarap sa akin at bigyan ako ng kakaibang ngiti, "...nakakamangha," patuloy n'ya pa at saka isinarado ang folder at iniabot sa akin.
"Katulad lamang ng kakilala ko, ilang taon na ang nakakalipas," mahina ngunit makahulugang sambit niya.
"Anyway," dugtong niya pa at itinuro ang hawak ko. "Tama naman na nandito ka, hindi mo ba nakita ang section na nakalagay d'yan?" takang tanong nito. Kinunutan ko lamang ito ng noo at tiningnan ang parte kung saan nakasulat ang magiging section ko.
"SCGCA1," malakas ngunit nagtatakang bigkas ko rito. "Anong mayroon dito?" tanong ko pa.
Itinuro n'ya ang itaas ng building sa may bandang tore kung kaya't nalipat doon ang atensyon ko. Sinundan ko ang itinuturo nito at napanganga sa nakita.
Dahil nakasulat doon gamit ang mga lumulutang na ilaw ang mga salitang kahulugan ng hawak ko ngayon.
"Special Chosen Guardians of Caelum Academy," basa ko rito.
"I-Ibig sabihin," hindi makapaniwalang sabi ko. "Totoong chosen guardian ako?" dugtong ko pa.
Tango lamang ang isinagot niya pero hindi ako nakuntento dito.
"Paano nangyari 'yon?" sabay naming tanong. Tiningnan ko ito ng napansin na si Gunther pala iyon.
"Paanong dalawa kami?" tanong niya at hindi ako pinansin. Nagsitanguan ang iba na mukhang iyon din ang tanong.
"Ang espada ang pumili sa kan'ya, Gunther," mahinahong paliwanag nito. Magsasalita pa sana s'ya ng mapahawak s'ya sa ulo n'ya. Napapikit ito habang nakaturo ang hintuturo sa gilid ng noo na parang nagco-concentrate.
"Ano iy--" naputol ang sasabihin ko ng magmulat ito ng mata at seryoso kaming tinitigan isa-isa.
"Kailangan tayo sa humanus welt, may kakaibang nangyayari doon ngayon na kailangan ng tulong natin," seryosong sabi n'ya at itinuon ang atensyon kay Gunther.
"Pamunuan mo sila, kailangan kong makausap ang konseho ngayon," sabi nito at bigla na lamang nawala sa harapan namin.
"Ano 'yon?" takang tanong ko. Napupuno na ng mga katanungan ang utak ko na hanggang ngayon ay wala pa ring kasagutan. Binigyan lamang ako ng matamang ngiti ni Rhie bago hilahin patungo sa isang malaking puno dito sa gitna ng field na ito.
"Magia portal ligno, ubi non opus est adducere tuum livor nos humanus," malakas na pag-chant ni Gunther ng mga linyang hindi ko maintindihan. Paulit-ulit n'ya itong binabanggit sa seryosong tinig hanggang sa unti-unting nagkaroon ng liwanag mula sa gitna ng puno. Maliit ito hanggang sa lumaki at lumawak sa bawat pagbigkas ni Gunther dito.
Nagporma na ito ng bilog na katulad ng napapanood ko sa pelikula ng tinigilan ni Gunther ang pagsasalita at nangungunang tinawid iyon. Nagsisunod na rin sila Princess Cruzette, Rhie, maging ang hindi ko kilalang babae ay nanguna na patungo doon.
"A-Ayaw ko," pigil ko kay Darius ng maramdaman ang paghawak nito sa akin.
"Kailangan mong gawin ito, Alessia. Lalo pa at isa ka sa amin," mahinahong pahayag nito at pilit akong hinila patungo roon.
"Ayoko!" malakas na sigaw ko.
Hindi ko alam ang nangyari kung bakit bigla na lamang humangin ng malakas at tinangay si Darius papasok sa portal na iyon.
Huli kong nakita ang nanlalaki nitong mata bago tuluyang higupin noon. Sinubukan ko pa s'yang abutin ngunit walang nangyari, bagkus ay nahila rin ako ng portal patungo sa kung saan man ito pupunta.
Nagpaikot-ikot ako sa loob ng parang kawalan na walang katapusan. Halos isuka ko lahat ng kinain ko dahil sa sobrang hilo, kung hindi lamang tuluyang lumagapak ang katawan ko sa isang matigas na bagay.
Nanlalabo pa ang paningin ko at pakiramdam ko ay umiikot pa rin ang paligid. Napahawak ako sa sikmura ng tuluyan itong bumaliktad at naisuka sa kung nasaan man ako ngayon.
"What the fvck!" dinig kong reklamo ng tao sa ilalim ko. Bigla ako nitong itinulak pagkatapos ay naramdaman ko ang paghagod ni Rhie sa aking likuran.
"Hush, sige ituloy mo lang 'yan," pag-udyok pa nito kaya inisuka ko pa lahat hanggang sa pakiramdam ko ay wala na akong ilalabas.
Nanatili ako sa ganoong puwesto para magbawi ng lakas, hanggang sa dahan-dahan ko ng iniangat ang tingin at pinagmasdan ang paligid.
Alam ko ang lugar na ito...
"Nandito tayo sa humanus welt, dito sa Pilipinas kung saan namin kinuha at tinulungan ang mga kagaya mo, Alessia," paliwanag nito sa akin.
Inilibot ko ang tingin at hindi makapaniwala sa nakikita.
Sira-sira ang mga bahay at gusali rito. May mga sasakyan rin na nakatirik sa daan.
Halos wala akong makitang tao dito sa lugar. Ang dating maingay na kalsada at maliwanag na buildings ay nawalang lahat sa isang iglap.
"A-Anong nangyari dito?" naguguluhang tanong ko habang inililibot ang tingin sa paligid.
"Ano sa tingin mo ang lugar na ito?" mababa at seryosong tanong ng isang nilalang sa likuran ko.
Dahan-dahan kong inilingon ang mukha dito at tumambad sa akin ang matalim n'yang tingin habang puno ng suka ang kan'yang kasuotan.
"Maligayang pagbabalik sa mundo mo, Alessia Fleur."
Hindi ko na lamang pinansin ang sinabi nito at hinanap ang isang taong alam kong kasama ko kanina.
"Nasaan si Darius?" tanong ko sa mga ito.
Mukhang natigilan rin sila at nilingon kung nasaan nga ba s'ya.
"Wait!" pagsigaw ni Cruzette sa papasarado ng portal. Wala na s'yang nagawa ng tuluyan itong sumarado at napaupo sa lapag.
"Nasaan si Darius?" mabagal pero may diin na sambit nito habang lumalapit sa direksyon ko.
Hindi ako natakot sa mga titig n'ya, bagkus ay sinalubong pa ito hanggang sa tuluyan s'yang nakalapit.
"Aba e, malay ko ba. Nauna s'yang pumasok sa akin e," sagot ko ng hindi inaalis ang tingin sa kan'ya.
Akmang sasabunutan n'ya ako ng mapigil ang kamay nito sa ere.
"Stop it, Princess. We'll find Darius soon. Let's finish our mission first," seryong sabi ni Gunther hindi kalayuan sa amin.
Ibinaba ni Cruzette ang kamay at lumayo ng bahagya sa akin. Bago pa s'ya tuluyang makalayo ay pinanlisikan n'ya muna ako ng mata pagkatapos ay lumapit sa puwesto ng isang babae habang inaalo s'ya.
"Ano bang mission natin dito?" singit ni Rhie sa usapan. Tinanguan ako nito pagkatapos ay inihanda ang sarili ng may marinig na ingay.
"Gnaar," mahinang ungol mula sa kung saan.
"Ano 'yon?" takang tanong ni Rhie at agad hinarap ang pinagmumulan noon, para lamang magulat sa tumambad sa kan'ya.
Imbes na sumigaw ay agad n'yang inilabas ang isang pana at walang pasubaling tinira iyon sa kaharap.
Napaungol naman ito ngunit bago pa man s'ya makapagsalita ay inilabas rin ni Gunther ang espada at pinugot ang ulo noon.
"Ano 'to?" tanong ko at sinipa-sipa pa ang gumulong na ulo ng kaharap.
"Zombie?" patanong na sagot ni Rhie na waring nagtataka rin sa nangyayari.
"Zombie? Paano nagkaroon ng zombie gayong isang buwan lamang akong nawala?" tanong ko pa at pinasadahan ng tingin ito.
"Hindi ko rin alam, pero sa tingin ko ay iyan ang dahilan kung bakit tayo ipinadala dito," napatango na lamang ako bilang sagot at akma sanang lalayo ng magsalita itong muli na nagpatigil sa akin.
"Isa pa, hindi ka isang buwan nawala dito, Alessia. Ang isang buwan sa kabilang dimension ay katumbas ng halos kalahating taon dito," paliwanag n'ya na nagpatigagal sa akin.
Anim na buwan?
Ibig sabihin—
"Tabi!" sigaw ni Gunther at itinulak kami sa gilid ng daan.
Halos mapahiyaw ako sa sakit ng tumama at kumaskas ang siko ko sa kalsada dahilan para magsugat ito.
Hindi ko ito ininda at nanggagalaiting kinuwelyuhan ang binata.
"Ano bang problema mo ha?!" bulyaw ko rito.
Hindi pa man s'ya nakakasagot ay may isang kotse ang mabilis ang andar sa harapan namin. Nakabuntot dito ang isang babaeng nakamotorsiklo habang nakasunod sa kotse na iyon.
Mukhang hindi nila kami nakita dahil patuloy lamang sila sa pag-drive ng mabilis, hanggang sa tuluyan ng mawala ang mga ito sa paningin namin.
"You're bleeding Sia," sabi ni Rhie at hinawakan ang siko ko. Tiningnan ko ito at napansin ang mga galos na tinamo ko sa braso. Mabuti na lang ay hindi lumabas ang mga buto ko.
Napa-hiss na lang ako at walang pagdadalawang isip na pinunit ang laylayan ng suot ko at saka ibinalot sa dumudugo kong braso.
Akmang lalayo na ako nang haltakin ako ni Gunther dahilan para bumalik ako sa puwesto.
"Ano ba?" reklamo ko dito saka napailing. "Masaya ka na ba?" dugtong ko pa at pilit binawi ang aking braso.
"Cruzette," tawag nito at agad tumalima ang kan'yang inutusan. Tumango lamang s'ya pagkatapos ay binitawan ako.
"Ano bang--" napatigil ako sa pagsasalita ng hawakan ni Cruzette ang parte kung saan masakit. Babawiin ko na sana ito ng bigla s'yang pumikit at nagchant ng kung ano-ano.
"Sana vulnera eius in potestatem tuam me vestowed."
Pagkasabi n'ya ay biglang lumiwanag sa bahaging iyon. Nang mawala ang liwanag ay binitawan n'ya na ako at humalukipkip na lumayo.
Napairap na lamang ako sa inasal n'ya. Ano bang problema no'n?
"Sundan natin sila," singit ng babae sa usapan. Nagsitanguan ang iba kung kaya't nagchant muli si Gunther at may lumabas na portal sa aming harapan.
"Tara na," sabi nito at nanguna pagpasok.
"Mauna ka na Sia," alok ni Rhie at itinuro ang portal. Hindi na ako umimik at lakas loob na hinarap iyon.
'Baka kung ano na naman ang mangyari kung pumalag pa ako,' isip ko habang inaalala ang nangyari kay Darius kanina. Hindi ko alam kung saan s'ya napunta, o anong nangyari sa kan'ya pagkatapos ng naganap kanina.
Pikit mata akong naglakad at ang tanging naalala ko na lamang ay ang nakakahilong pakiramdam na ito.
Elle's POV
Hanggang ngayon ay hindi ako makapaniwala. Mula pa noong selection, hanggang sa nangyayari ngayon.
Pinagmasdan ko habang iniluluwa ng portal ang babaeng nagngangalang Alessia.
Hindi ko alam kung bakit una pa lang ay kumukulo na ang dugo ko sa kan'ya.
Lalo na nang nawala ang best friend ko dahil sa kan'ya.
Napailin na lang ako at itinuon ang atensyon sa isang gusali na mukhang hospital.
"Bakit tayo nandito?" tanong ko kay Gunther na matamang nakatingin lamang sa gusali.
"Watch and see," sabi nito at saks makahulugang ngumiti.
Ilang sandali pa lamang ay dumating na ang kotse kanina at ang nakabuntot na motor dito.
Wala pang sampong minuto ay lumabas muli ang babae. Mahaba ang buhok nito at balinkinitan ang katawan. Normal man ang kan'yang anyo ay alam kong may kakaiba sa kan'ya, dahil hindi s'ya pagtutuunan ng lider namin kung hindi.
"Let's follow her, and make sure that there will be no hindrance in her way," utos nito at hinugot sa lagayan ang espada n'ya.
Napailing na lamang ako at sumunod sa inuutos n'ya kahit hindi ko ito maintindihan.
Walang inaksayang panahon si Rhie at ginamit ang mga pakpak n'ya para masundan ito.
Sa aming magkakasama ay siya lamang ang pinaka-fit na magawa iyon.
Dahil sa lahi n'yang nakuha mula sa mga magulang n'ya.
Isang mortal at isang sundalong mulawin...
Rhie's POV
Payapa kong sinusundan ang bawat galaw ng motorsiklo ng babae. Swabe ang pagpapatakbo nito kahit pa mabilis. Ang lahat ng zombie na humarang sa kaniya ay walang awa niyang sinasagasaan at hinihiwa gamit ang katana niyang nakatagilid sa harapan.
Napapailing na lang ako sa pagkamangha. Mukhang hindi ko na kailangang gamitin ang pana ko dahil kayang-kaya n'ya na ang sarili n'ya.
Saglit lamang siya nag-refill ng gas, at hindi rin naman ito kalayuan sa hospital na pinuntahan niya kung kaya't pinasya kong mauna na lang, kaysa mahuli niya pa na may taong ibon sa ibabaw niya.
Wala akong inaksayang sandali at ipinagaspas ang maliit kong pakpak. Para akong isang malaking maya sa himpapawid.
"Anong nangyari?" tanong ni Sia pagkabalik ko. Umiling lang ako bilang sagot at hinarap si Gunther na seryosong nakatingin sa akin.
"Magaling na siya, hindi niya na kailangan ng tulong," sagot ko. Napatango lamang siya at napangiti sa aking tinuran.
Ilang sandali lamang ay bumalik na ang babae at pumasok sa loob ng hospital. Wala kaming ginawa kung hindi mag-antay sa kanila.
"Bakit ba tayo nandito?" naiinis na tanong ni Elle. Kanina pa ito nakahalukipkip at matalas ang tingin kay Sia na walang pakialam sa kaniya.
"Sia," tawag ko rito. Lumingon lang ito at tinaasan ako ng kilay.
"Hindi ba dito ka lumaki?" Tango lang ang isinagot niya sa akin at nilibot ang tingin sa paligid.
Masyadong magulo ang Pilipinas ngayon. Hindi ko lang sigurado kung pati sa ibang panig ng mundo, pero isang tingin pa lang ay alam mo ng hindi maganda ang nangyayari dito.
"Kung totoong mas mabilis ang oras dito kumpara sa kabilang dimensyon, hindi ko maintindihan kung bakit nagkaganito makalipas lang ang ilang buwan," ani niya na tila nag-iisip ng malalim.
"Puwera na lang kung..." Mahina lamang iyon pero dahil sa talas ng aking pandinig ay naintindihan ko pa rin.
"Puwera na lang kung ano, Sia?" Pag uudyok ko sa kaniya.
Sasagot na sana s'ya ng bigla kaming makarinig ng sigaw sa hindi kalayuan.
"Aaaack! Help me! Monster!" Malakas ang sigaw na iyon na nagmumula sa bandang fire exit nitong hospital.
Nagkatinginan kaming lima at wala ng inaksayang sandali. Kaagad kaming nagtungo sa lugar na pinanggalingan ng sigaw na iyon. Nagsitakbo mula sa ilalim sila Cruzette at Elle, samantalang lumipad naman ako para mas makarating ng mabilis. Palagay ko ay nagteleport si Gunther dahil sa isang iglap lamang ay wala na ito sa aming harapan. Inilingon ko ang ulo kung saan para hanapin si Sia, at hindi naman ako nabigo. Nakita ko itong patalon-talon sa puno habang lumilipat ng puwesto. Napatigil ako sa ere para panoorin siya. Masyadong swabe ang galaw niya, na ultimo isang tunog ay wala kang maririnig mula sa inaapakan niya.
Kinuha ko ang pana mula sa likuran at pumuwesto para asintahin ang nilalang na umaatake sa kaniya.
Isang tiktik...
"Paano nagkaroon niyan sa ganitong syudad? Hindi ba at madalas lamang sila sa mga probinsya?" takang tanong no Cruzette. Binalingan ko ito ng tingin nang hindi binababa ang hawak ko.
"Sa nangyayari ngayon dito sa lugar, sa tingin niyo ba ay may pipiliin pa sila?" Napatango lang siya ng ma-gets ang punto ko.
Ibinalik ko ang atensyon sa tiktik na ngayon ay sakal-sakal ang lalaki gamit ang mahaba nitong dila.
"It's showtime..." bulong ko at akmang bibitawan na ang pana ng harangin ito ni Gunther.
"Bakit? Mamamatay siya kung hindi natin siya tutulungan!" bulalas ko sa kaniya. Naiinis kong binitawan ang pana at tiningnan ang lugar ng mga iyon kanina.
"Baka nga ngayon ay--" napatigil ako sa pagsasalita ng iba ang tumambad sa akin.
Iyong babae kanina...
Kaharap niya ngayon ang tiktik at matalas na nakikipagtinginan rito.
Hindi ko gaanong rinig ang kanilang usapan, pero alam kong nagsasagutan ang mga ito.
"Watch her," utos ni Gunther. Wala sa loob akong tumango at ibinalik ang bow at quiver sa likuran ko.
Ibinalik ko ang pansin sa kanila at mas tinalasan ang pandinig.
"Tao? Ha! Ha! Ha! Tinalikuran na kayo ng diyos nyo! Kami na ang maghahari dito sa mundo! Ha! Ha! Ha! Sssssss."
Muntik ko ng hugutin muli ang aking pana, mabuti na lamang at naawat ako ni Cruzette.
"Chill." Tumango lamang ako at ikinalma ang sarili.
"Ikaw ang tatalikuran ng diyos mo dahil papabalikin kita sa impyernong pinang-galingan mo!" sigaw ng babae at inihampas ang katanang hawak niya.
Napapangiti na lang ako sa gilas n'ya sa pakikipaglaban. Kahit pa kampon ito ng dilim at may kakaibang kakayahan kumpara sa kanila ay kinakaya niya ito.
Napabalik ako sa wisyo ng makita ang pagtakas ng tiktik.
Wala akong inaksayang sandali at hinugot muli ang pana. Itinutok ko ito sa kaniya at pinalipad.
Bago pa man iyon dumikit sa kaniya ay may nauna ng tumama rito.
Isang kutsilyo na inihagis ng babae mula sa direksyon niya. Napaigik ang tiktik sa sakit at nagpakawala ng nakakairitang hiyaw habang nahuhulog ito sa lupa.
Nag-cast ng spell si Gunther at sa isang iglap ay katabi na namin ang nanghihinang nilalang.
Napangiti ako at hinarap siya. Nanlaki ang kan'yang mata ng makilala kami.
"K-Kayo na naman?!" pagalit na asik nito. Nginisian ko lamang siya at hinugot ang pana kong nakabaon sa kaniya.
Bago pa ito sumigaw ay pinisa na ni Elle ang bandang leeg nito, dahilan para mawalan siya ng malay.
"Tara na," aya ni Gunther at nagpalabas muli ng portal sa aming harapan.
Papasok na sana kami ng magsalita si Sia na nagpatigil sa amin.
"Anong meron sa babaeng 'yon?" tanong niya habang nakatingin sa direksyon ng babae kanina. May kasama na itong isa pang lalaki at tinutulungan ang kanilang kasama.
"Because she's one of us..."