Banayad ang simoy ng hangin. Hindi alintana ang init na hatid ng araw kahit lalo pang tumataas ang sikat nito. Kalmado lamang ang kalikasan habang may saliw at tunog ng mga insekto. Kung wala lang akong maayos na tulog, siguro wala pang isang minuto ay dinadalaw na ako ng antok.
Gayunpaman, habang tinatahak ang daang hindi ko alam kung saan kami ihahatid, panay ang diskurso ng utak ko dahil sa aking mga narinig. Kahit sarili ko ay inakalang magiging vocal pa ako tungkol dito pero sa isang iglap ay para akong tangang nanahimik. Ni hindi ko magawang magsalita. Literal akong natulala habang sumusunod sa mga hakbang niya.
Sinabi niyang wala siyang girlfriend. Sa tingin niya paniniwalaan ko iyon? The fact na maraming beses na itong naging parte ng aming usapan, bakit ngayon niya lang iyon ipinaalam sa akin? Bakit ngayon kung kailan kumbinsido na ako?
Malinaw pa rin sa isipan ko kung ano ang ikinuwento noon ni Igor tungkol sa pakikipagtawanan ni Carlo sa isang babae. Kung hindi ako mali ng pagkaka-alala, sinabi niyang Corring ang pangalan nito. Kahit sa kwento pa lang ay naiisip ko na kung paano siya tumawa dahil kaharap niya ang babaeng tinitibok niya. Hindi naman ako dapat mairita pero bakit may kung anong inis na namumuo sa dibdib ko?
Kapansin-pansin ang ginagawa ni Carlo habang naglalakad pa kami. Naroon ang maya’t mayang lingon niya sa aking pwesto kaya sa tuwing nagtatama ang aming mga mata ay ako na ang kusang umiiwas ng tingin. Hindi ko iyon matagalan dahil naiilang ako. Pakiramdam ko ay para bang bawal magtagal ng titig sa kaniya. Para bang babae niya lang dapat ang gagawa nito para sa kaniya.
Bigla siyang huminto sa tapat ng isang puno, na siya kong ipinagtaka dahil wala namang maganda sa pwestong ito. Maliban sa anino, ang paligid ay makikitaan ng puno ng niyog at ng kung ano-ano pang uri ng mga halaman. May mga matataas ding damo sa hindi kalayuan.
Dahil ayaw kong mapalapit o tumabi sa kaniya, sa paghinto niya ay napahinto rin ako. Siniguro ko ring nakapailalim ako sa anino ng puno dahil sa init ng araw. Sa puntong ito ay hindi ko sinubukang umangat ng tingin sa kaniya, partikular na sa kaniyang mga mata. Diretso lang ang pansin ko sa daanan kung saan ang dulo ay hindi pa rin abot-tanaw.
“Tumabi ka sa’kin,” aniya sa seryosong boses. Hindi ko alam kung dapat bang matakot ako roon at sumunod pero kung gusto ko lang ang masusunod, pipiliin kong hindi siya sundin. Bakit ba naman kasi ako tatabi sa kaniya? Sa anong rason? I can manage myself.
“Para saan?” tanong ko.
I saw how his eyebrow twitched. Bahagya ring kumislot ang dulo ng kaniyang labi at animo’y nainis sa aking turan.
“You think I’m okay with this? Hindi magandang tingnan.”
“Anong hindi magandang tingnan? Wala namang ibang nakakakita sa atin ah?” usal ko. “Saka okay lang sa akin kung hindi naman ako nakatabi sa’yo. Hindi naman ako mawawala—”
“Are you mad?”
Bigla akong natigilan sa tanong niyang iyon at kahit sarili ko ay hindi ko na rin napigilang ikuwestyon gaya nito. Galit nga ba ako?
Kung hindi, parang imposible. Maayos ako makitungo kung hindi ako galit at kung walang ibang bumabagabag sa akin. Pero kung totoong galit nga ako at siya ang dahilan, para ko na ring niloloko ang sarili ko kung itatanggi pa ito sa kaniya. Dahil sa lahat ng pagtatalo namin at hindi pagkakaintindihan, pakiramdam ko ay pinaglaruan lang ako sa parteng naniwala na may kasintahan na siya.
Ewan ko ba, ang gulo rin kasi. Hindi ko alam kung paniniwalaan ko ba ang sinabi niya kanina dahil gaya ng sabi ko, kumbinsido akong mayroon.
Umiling ako, isang bagay na taliwas sa lahat ng iniisip ko. Ano bang nangyayari sa’yo, Daffodil?
“Hindi. Hindi ako galit.”
“You’re mad…”
“Hindi sabi,” diin ko nang pilit pa ring hindi itinututok ang tingin sa kaniya.
“Mad...”
“Hindi nga sabi!”
Hindi ko na napigilan ang sarili ko. Kusa akong lumingon sa kaniya at sa isang iglap ay parang tinupok ng alon ang kastilyo’t bakod na binubuo ko. Ang hirap. Sobrang hirap. Iyong tipo na kahit anong kumbinsi ko sa sarili ko, bumibitaw na lang kusa ang isipan ko at hindi sumusunod nang naaayon sa ikinikilos ko.
“Think about it, Carlo. Sino ba ako para magalit? Anong dapat kong ikagalit sa puntong may girlfriend ka?”
His forehead puckered. Sinabayan din iyon ng saglit niyang pagtingala sa langit saka muling ibinaba ang tingin sa akin.
“llang beses ko bang uulit-ulitin sa’yo ‘to? Hmm? Wala… wala akong girlfriend.”
“Sinungaling.”
“No, I’m not.”
“Siguro babaero ka,” suspetsya ko nang may mapait na tono. “Alam mong may kasintahan ka pero kung ano-ano itong ginagawa mo?”
“Huh? Anong masama sa ginagawa ko?”
Hindi ko iyon sinagot. Sa halip ay yumuko lang ako at nagpatuloy sa paglalakad. Kahit na hindi ko alam kung saan ako dadalhin nitong paa ko ay wala na akong pakialam. Lalo lang kasing lalala itong nararamdaman ko kung magtatagal pa ako sa harapan niya. Ang hirap kontrolin ng damdamin kapag siya na ang usapan. Nagagawa ko namang magtimpi sa iba pero bakit nagkakaganito ako pagdating sa kaniya?
Sa bawat hakbang ko, naririnig ko rin ang mga hakbang niya sa aking likuran, senyales na sumunod nga siya nang walang sabi-sabi. Mabuti na lang dahil hindi siya tumabi sa gilid ko dahil kung sakali mang gawin niya iyon, baka tumatakbo na ako ngayon.
Batid kong paulit-ulit na ako sa dahilan kung bakit big deal sa ‘kin ang ganitong bagay dahil hindi madali sa parte kong alalahanin kung ano ang napagdaanan ko sa nakaraan. My Dad had an affair with someone named Diana despite the fact that he’s married. Iyon ay sa kabila rin ng katotohanang may anak na siyang hindi na bata!
I hated cheating, illicit affairs, and anything related to that. Lagi’t lagi ko ring ipinaalala sa sarili ko noon na hindi ako tutulad sa mga gaya niya, na hindi ko ito ito-tolerate at hindi kailanman magiging mitsa. Masyado ang naging paghihirap ko dahil sa idinulot nito at ayaw ko na maranasan ito ng ibang walang hangad kundi ang magmahal at mangulila sa pagmamahal.
Hindi ko sinasabing nandaraya si Carlo at lalong hindi ko pinaparating na lumalandi siya sa akin. Ang sa akin lang, umiiwas na kaagad ako sa mga posibleng mangyari. Ano ba kasing malay ko sa motibo niya? Ngayong wala akong kasiguraduhan kung totoo ba ang mga sinasabi niya o hindi, isa lang talaga ang nasisiguro ko na dapat gawin: ang dumistansya hanggang sa malaman ko kung ano ang katotohanan.
Kasabay ng aming paglalakad, nakikiramdam na lamang ako habang nasa likod ko pa rin siya. Panay ang timpi ko sa sarili ko, sa mga emosyong hindi ko na halos maunawaan, at sa pagpipigil na lumingon sa kaniya at magtanong kung saan patungo itong pinangungunahan ko.
Bwisit. Sa halip kasi na bumalik sa kubo, bakit napili ko pang magpatuloy? Saan ko nahugot itong tapang ng hiya at bakit nagmagaling ako?
Hindi na kita maunawaan, Daffodil.
Sa ilang saglit pa ay kusa akong napahinto dahil sa nakita. Dahil sa pagkakataong ito, kitang kita na ng mga mata ko ang nakakatakot na parte ng islang ito.
Sa pagpwesto ni Carlo sa aking kanan, nagmukha akong tuod na hindi makagalaw.
In front of us is a graveyard of black sand and leafless trees. Para bang nagkaroon ng hati sa pagitan ng buhay na parte at sa nakatatakot na bahagi ng isla. Hindi man ganoon kalapit ang dalampasigan, umaabot na hanggang dito ang ugong ng dagat at hampas ng alon. Hahakbang na sana ako ngunit bigla ko na lang naramdaman ang mahigpit na pagkakahawak ni Carlo sa aking palapulsuhan.
“Huwag. Hindi mo pwedeng subukan,” aniya.
“A-ang alin?” nauutal kong tanong. Sa puntong ito ay nasapawan na bigla ng kuryosidad at kaba ang nararamdaman ko sa kaniya kanina.
“Mahigpit na ipinagbabawal ang sinuman sa lugar na ‘to. Dahil kung mahuli tayo ng bantay sa labas, ipadadakip tayo.”
Dinapuan ako bigla ng reyalisasyon nang marinig ito. Hindi ko na matandaan kung kanino ko ba ito narinig pero tinutukoy na siguro niya iyong mga bantay na ipinadala ng gobyerno. Ito na rin siguro ang kabilang dako ng isla kung saan sila nagbabantay. At kung hindi ako nagkakamali, mukhang dito rin ako unang tumuntong noong gabing desidido na akong magpakamatay.
Hindi ko bigla maunawaan kung bakit parang walang muwang ang mga bantay sa presensya ng nayon sa looban ng islang ito. Sa tinatagal-tagal ba naman kasi ng pamamalagi nila rito, bakit wala man lang sila natuklasan ni ultimo anino?
Mukhang nabasa na ni Carlo ang inisip ko dahil sa bigla niyang pagsalita.
“Base sa utos ng gobernador, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok dito sa isla. Bawal kahit ang pagtapak sa buhangin dito.”
Naintriga ako pero mas pinili kong hindi magsalita. Hindi naman naging problema dahil muli siyang nagpatuloy.
“May ini-imbestigahan kasi rito at base sa nalaman ko, may pinaplano pa sila sa islang ito kahit alam nilang matagal na itong bakante.”
I sighed. Sa dinami-dami ng narinig ko tungkol sa Isla Agunaya, hindi ko alam kung maguguluhan ako o malilinawan. Ang alam ko lang ay nasunog ito at halos dalawang dekada na ang nakalilipas ngunit wala ni sino mang nakakaalam kung bakit kinakailangan nitong manatili sa ganitong sitwasyon at hayaan na lamang na walang bumibisita.
I mean, sa panlabas na anyo lang naman kasi makikitang patay ang isla. Oo’t nakakatakot pero ibang usapan na kung dadayuhin pa ang looban nito. Nagagawa pa ngang magsaka ng ilan sa mga residente rito. May nangingisda pa sa kabilang dako at hindi naman magawang mahuli dahil sa isang parte lang nakabase ang mga bantay.
Ang hindi ko maunawaan ay kung bakit matagal itong hindi mabigyan ng atensyon, kung bakit parang hindi naman umuusad ang imbestigasyon, at kung bakit malabo ang kanilang pinaplano. Sayang lang ang ganda ng isla kung habang buhay na lang itong ganito. Ang laki pa naman ng potential nito para mapagkunan ng yaman. Kung sakali ring mabigyan ito ng pagkakataon upang isailalim sa rehabilitation, hindi maitatangging dudumugin ito dahil sa pagyabong ng turismo.
Pero posible nga ba ito kung tutol din ang mismong nayon? Posible pa nga ba ito kung ayaw itong lisanin ng mga naninirahan dito? Hindi ko pa naririnig ang side ni Iso tungkol dito. Siguro mamaya, kung magkita man kami, tatanungin ko siya tungkol dito.
“Kaya tara. Bumalik na tayo bago pa tayo mahuli—”
Hindi ko na siya pinatapos sa sinasabi niya. Sapilitan kong ikinalas ang palapulsuhan ko mula sa mahigpit niyang pagkakahawak saka naglakad pabalik sa kung saan din kami dumaan.
“Hey,” dinig kong habol niya. Hindi ko iyon pinansin dahil tahimik akong nagtuloy-tuloy. Napahinga ako bigla nang malalim dahil sa muli niyang pagpwesto sa aking gilid habang naglalakad patungo sa looban. “Ang sungit mo.”
“Ginagawa ko lang kung ano ang dapat gawin, Carlo,” walang gana kong tugon habang sabay na naglalakad. Sa unti-unti naming paghakabang, tila ba unti-unti rin kaming napapadpad sa paraiso dahil sa paglaho ng bahaging nakasisindak sa mga mata.
“What? Wala kang kailangan gawin—”
“Anong wala? Hindi ako naniniwalang wala kang girlfriend kaya sa ayaw mo at sa gusto, didistansya ako.”
Natahimik na siya. At kahit na hindi man ako lumingon sa kaniya, ramdam na ramdam ko ang walang patid na pagtitig sa akin.
Bigla ay parang nakaramdam ako ng kung ano. Hindi kaya playboy ito at may balak akong pormahan? May balak kaya siyang mapalapit pa sa akin hanggang sa dumating iyong puntong may babaeng lalapit sa akin at sasabihan ako ng kung ano-ano? Hindi malabo. Ano ba naman kasing alam ko sa lalaking ito maliban sa kaniyang pangalan? Tunog pa lang, babaero na.
Tingin ko, ganoon din ang pinag-ugatan ng alitan nila ni Iso. Maaaring dahil sa babae. Maaari rin namang hindi.
Muli akong humugot ng malalim na hininga saka suminghal. “Bakit hindi ka na lang manggulo ro’n sa Corring mo? Ang lakas pa ng loob mong sabihin na wala kang kasintahan gayong bumisita ka sa kanila at nakipagtawanan.”
Sa pagsabi ko nito, sabay kaming napahinto sa paglalakad dahil muli na naman niyang hinigit ang aking palapulsuhan. Dahil dito, sapilitan akong huminto nang nagawa niyang tumigil sa mga hakbang.
Hinarap niya ako sa kaniya, dahilan ng pagtingala ko sa kaniya at pagtama ng aming mga mata. This time, kitang kita ang tila nanunuyang tingin niya, na para bang natatawa siya ngunit pinipigilan lamang niya.
“Sinasabi mo bang kasintahan ko si Aling Corring?”
Nagpanting ang pandinig ko sa kaniyang tanong. Teka, ano raw? Aling Corring?
Kumunot ang noo ko. “Anong Aling Corri—”
Kasabay ng pagtawa niya, kumalas ang medyo mahigpit niyang pagkakahawak sa akin. Ngayon ay literal akong natulala habang pinagmamasdan siyang humahagalpak ng tawa.
“Kasing edad na ni Nay Klaring si Aling Corring, Daffodil,” aniya nang mahimasmasan. “Paniwalaan mo man ito o hindi, anak na ang turing niya sa’kin.”