Gusto kong magpalamon sa lupa. Sobra akong tinapalan ng hiya dahil sa mga hinalang hindi ko na kailan pa mabubura. Habang ako itong pilit na ipinagpipilitang may girlfriend na siya at si Aling Corring ang babaeng iyon, anong nangyari sa utak ko at bakit hinayaan kong magpalamon sa sistema ko?
Ngayong naglalakad na kami patungo sa kung saan, dama kong natatawa siya ngunit pinipigilan niya lang. Muling namutawi ang katahimikan sa pagitan namin at tanging tunog na lang ng kalikasan ang nangahas na pumagitna sa amin. Nawala ako bigla sa sarili. Para akong tinanggalan ng kaluluwa. Para akong tanga.
“Kahit magtanong ka pa sa kung sinong makakasalubong natin, wala kang makukuhang oo sa kanila. Wala akong kasintahan.”
Nasa gilid ko siya habang tinatahak namin ang daan patungo sa kabilang dako ng islang ito kung saan daw ay walang bantay. Ngunit kahit magsalita pa siya nang magsalita, pakiramdam ko ay wala na akong mukhang maipapakita dahil sa sobrang hiya. Imagine, hindi ko na yata mabilang sa daliri iyong mga pagkakataong ipinagpilitan kong totoo na may girlfriend siya. At nagmukha rin talaga akong tanga na sinadya pang dumistansya para lang sa hindi totoong dahilan.
How I wish na sana maibabalik ko pa ang oras, na sana nagawa kong paalalahanan ang sarili upang hindi na humantong pa sa ganitong sitwasyon. At sana, kahit paaano’y sumagi rin sa isip ko na may posibilidad ngang wala pa siyang girlfriend. Dahil kung babalikan ko ang lahat, ni hindi ko yata natanto na binobola niya lang ako tungkol sa sinabi niyang may girlfriend siya.
Sa kabilang banda, ang hirap nang maniwala sa kaniya pagkatapos ng lahat ng ito. Tipong hahanap muna ako ng pruweba sa lahat ng mga sasabihin niya sa akin para lang mapaniwalaan ko lahat ng iyon.
“Hey,” untag niya pa dahil hindi ko talaga siya pinapansin. “Kalimutan na natin ‘yon.”
“Kalimutan?” wala sa sarili kong sabi. Saglit pa akong tumingin sa kaniya upang pakitaan ng masamang tingin ngunit muli ring itinuon ang pansin sa nilalakaran. “Hindi gano’n kadali, Carlo.”
He chuckled. “Big deal pala talaga sa’yo kung single ako o hindi.”
“Natural. Dahil doon ako babase kung didistansya ako o hindi.”
“Dumistansya ka man, gagawa pa rin ako ng paraan para dumikit sa’yo.”
“At ano, magmumukha akong kabit kung sakali ngang mayroon? Galit ako sa mga kabit Carlo kaya ayaw kong maging gaya nila—”
“Hindi ka naman naging kabit…”
“At dapat lang,” dugtong ko nang walang kaemo-emosyon ngunit halata sa bawat diin ang panggigigil. Sino ba naman kasi ang hindi maiinis doon?
Hindi ko na alam kung saan pa dumapo ang utak ko noong mga oras na iyon dahil sa lalong pagdami ng mga hakbang namin sa pathway, iba’t ibang tao rin ang nakasasalubong namin. May matanda, bata, binata, at dalaga. Lahat sila ay hindi nabigong bumati kay Carlo. May mangilan-ngilan na nginitian ako at mayroon din namang binalewala lang ang presensya ko. So far, mukhang okay naman ako sa kanila, sadya lang sigurong bago ako rito sa isla kaya pinakiraramdaman nila ako.
“Saan talaga tayo pupunta?” Hindi ko na napigilan pang magtanong.
“Pagod ka na?”
Umiling ako. “Sanay ako sa lakad.”
“Sigurado ka?”
“Oo. So saan talaga tayo—”
“Sa batis.”
Nagpanting ang pandinig ko nang marinig iyon. Hindi ko alam kung anong espesyal doon pero bakit nanabik ako bigla?
“Anong meron sa batis na ‘yon?”
Sa kagyat kong paglingon sa kaniya, nakita ko ang pagkibit-balikat niya.
“Why don’t you see it yourself? Kaya nga tayo pupunta ro’n, ‘di ba?”
Ngumuso ako nang hindi inaasahan. Ang sungit naman ng lalaking ito.
Muli kaming naging tahimik sa mga sumunod na minuto. Pinanatili ko na lang ang tingin sa ganda ng bawat nadadaanan namin at sa kalmadong huni ng paligid na sobrang nakagagaan ng loob. Masarap lang talaga gumala sa mga lugar na gaya nito kung may kasama pero kung mag-isa lang, mahirap dahil nakakatakot.
Hindi ko tuloy napigilang alalahanin iyong gabi na halos malagutan na ako ng hininga kakasigaw. Iyong akala ko ay katapusan ko na dahil nagtiwala ako sa taong akala ko’y tutupad sa kahilingan kong tapusin na ang buhay ko. Pero ngayong nandito na ako at malaya nang gawin kung anong gusto ko sa islang ito, ewan ko ba kung bakit nagbago ang lahat; na sa halip piliin ko ang kamatayan, parang mas pinili ko pang magtagal sa mundong ito at mabuhay.
Totoong regalo ang bawat buhay at naniniwala akong hiram lang ang bawat araw na ipinaparanas sa atin. Pero masasabi mo pa rin bang regalo ang buhay mo kung produkto ka ng isang kasalanan? Masasabi mo pa rin bang masarap mabuhay kung sa bawat araw, karahasan at kataksilan ang iyong nasasaksihan?
Wala na yatang paraan pa at dahilan upang mapatawad ko si Daddy dahil una sa lahat, hindi naman siya hihingi ng tawad sa lahat ng kasalanang idinulot niya sa aming pamilya. Kung hindi dahil sa kaniya, walang pariwara sa buhay na tinatahak ko ngayon. At kung naging tapat lang siya, hindi na nagdurusa si Mommy ngayon.
Marami. Napakarami kong naranasan sa pamamahay na iyon na ayaw ko nang balikan. Napakarami kong iniwan na hinding hindi ko na muli susubukan pang maranasan. Natuto na ako sa mga pagkakamali nila. Manhid na ako sa lahat ng pinagdaanan ko. Wala na.
“May tanong ako,” wala sa sarili kong sabi habang nilalakad pa rin ang pathway na para bang walang katapusan. Paulit-ulit lang na bumubungad ang panibagong puno ng mga nagtataasang niyog.
“Go on.”
“Kung totoong maraming nagpakamatay dito, saan sila nagbibigti?”
“Nagbibigti?” nagtataka niyang ulit.
“Oo, ‘di ba karamihan naman sa mga nagpakamatay dito ay nagbigti?”
“Saan mo nakalap ‘yan?”
“Uh…”
“Hindi totoo. Kung may nagbigti man dito, mga lalaki ‘yon. Kaunti lang ang bilang nila kaya hindi ko masasabing marami.”
“Eh ang mga babae?”
“Hindi ko sigurado kung intensyon ba nilang mawala sa mundong ito. Dahil mahirap man sa aming makita na ginahasa sila ng kung sinong nagtapon sa kanila dito, hindi kami pwedeng lumabas para lang hanapin ang mga pamilyang nagmamay-ari sa kanila.”
Ginahasa.
Kung hindi ako nagkakamali, iyong mga lalaki sa club kung saan ako dinala ni Pael noong gabing iyon ang masasabi kong may kagagawan nito!
“Pero bakit hindi kayo magsumbong sa pulisya? Bakit—”
Napahinto ako nang huminto siya. Marahan siyang humarap sa akin kaya napatingala ako.
“Hindi namin hahayaang madiskubre ang nayon, Daffodil. Kung sasabihin naming natagpuan ang mga katawan dito sa Isla, kulong ang aabutin namin dahil ipinagbabawal na ang pamamalagi rito.”
Napalunok ako. Natulala. Sa puntong ito ay hindi ko malaman kung saan ako papanig gayong kapwa may punto ang magkabilang panig.
Nagpatuloy siya. “Hindi na namin kasalanan kung bakit napapadpad sila rito. Gumagawa lang kami ng paraan para hindi kami mahuli at hindi rin mapalayas sa islang ito.”
Ngayon ay sobrang seryoso na niya. Sa sobrang seryoso ay may bahid na ng iritasyon ang ekspresyon niya. Wala naman akong magawa kundi ang matahimik dahil nakikitira lang naman ako rito. Higit sa lahat, siya rin ang sumalba sa akin kaya kahit paano’y malaki ang utang na loob ko sa kaniya.
Narinig ko ang buntong hininga niya. Ramdam na ramdam ko pa ang pagpipigil niya sa mga nais niyang sabihin hanggang sa inaya na lang niya akong magpatuloy muli sa paglalakad.
Nakasasakal manatili sa sitwasyong ito, sa sitwasyon nila. Tipong sa bawat ayaw, mag-aalala ka kung mahuhuli kayo ng bantay at palalayasin na lamang nang wala sa oras. Pero kahit na anong iwas nila, malaki pa rin ang posibilidad na manganib ang pananatili nila rito dahil kahit sabihin pang bawal din tumapak sa islang ito ang mga nagbabantay sa dagat, paano kung may isang nagtangka at natuklasan sila?
Sa ilang mga hakbang pa ay lumiko na kami ng daan. Mula sa maaliwalas na pathway, sinuong namin ang bali-balikong daan na minsa’y hinaharangan pa ng mga naka-angat na ugat ng malalaking puno. Si Carlo na lang din ang humahawi sa mga mabababang sanga at sa mga dahon ng mga pandak na puno. Masasabi kong komplikado masyado ang parteng ito sa mga baguhang kagaya ko pero mainam din dahil kakaiba ito sa mga natuklasan sa islang ito.
Sa unti-unti pa naming paghakbang, ang bali-balikong daan ay unti-unti na muling umaaliwalas. At sa lalong pagtahak namin sa daan, unti-unti na ring namumutawi sa pandinig ang maingay na ragasa ng tubig, senyales na sobrang lapit na namin sa batis.
“Kung sinabi mo lang sana na pupunta tayo rito, sana nagbaon ako ng pambihis,” wala sa sarili kong wika habang nakatabi sa kaniya. Bahagya na rin kasi akong naiinitan dahil sa layo ng nilakad namin.
“Pwede naman tayong maligo kung gusto mo,” aniya.
“Pero wala tayong dalang damit.”
“Hindi na problema iyon.”
“Hindi sa’yo problema kasi magta-topless ka. Eh paano naman ako?” reklamo ko.
“Eh ‘di mag-topless ka rin.”
Sumama bigla ang tingin ko sa kaniya. Nakangisi naman siya na parang aso at halatang pinipigilan ang tawa.
“Sa tingin mo gagawin ko ‘yon ha?”
“Mukhang tayo lang naman ang nando’n kaya bakit hindi?”
Umiling-iling ako. Ibang klase rin talaga ang apog ng lalaking ito.
Nahinto na kami sa paglalakad nang sa puntong ito ay narating na namin ang batis. Hindi ko napigilang mapasinghap nang makita kung gaano kalinaw ang tubig nito at kung gaano kabagal ang agos ng tubig.
Malamig at hindi ito natatamaan ng sinag ng araw dahil sa mga nagtatayugang puno na nakapalibot dito. Tuloy-tuloy lang ito sa agos dahil sa hindi kalayuan ay may maliit na water falls kung saan nagmumula ang ingay. Ngunit sa gitna ng pagkamangha ko rito, para akong nilagutan ng hininga nang makitang may isang lalaki sa nakalublob malapit sa falls. Wala siyang pang-itaas, naka-side view mula sa amin, at nakababad hanggang tiyan ang kaniyang katawan!
Napakagat-labi ako nang matanto kong si Iso iyon. What the heck?
“Tara. Uwi na tayo,” biglang sabi ni Carlo sa mahinang boses. Naramdaman ko pa ang akmang pagkuha niya sa palapulsuhan ko ngunit ako na mismo ang kusang lumayo.
Binaling ko ang tingin sa kaniya. Kung kanina ay parang nang-aasar pa siya, ngayon ay madilim na ang eskpresyon niya at sa kahit na anong segundo'y mukha yatang magwawala pa. Huwag naman sana.
“Uuwi? Uuwi na kaagad? Ang layo na ng narating natin tapos—”
Umiling siya at amba na namang huhulihin ang kamay ko. Ngunit sa bilis ko umatras ay nakaiwas muli ako.
“Ayaw ko. Mananatili muna ako.”
“Please. Sa ibang batis na lang tayo. Huwag dito.”
Binali ko ang kilay ko. “Dahil ba kay Iso, huh?”
“F-uck.”
Muli kong ibinalik ang tingin kay Iso. Sa pagkakataong ito, kusang umangat ang dulo ng aking labi at ngitian siya nang pagkalawak-lawak.
Itinaas ko ang kamay ko saka kumaway. “Hi Iso!”
“S-hit. Don’t do this to me, please. Umalis na tayo,” rinig ko pang sabi ni Carlo mula sa aking likod ngunit hindi ko iyon pinansin. Sa halip ay humakbang ako sa mga maliliit na bato upang tumungo sa kinaroroonan ni Iso.
Dala ko pa rin ang matamis kong ngiti, nag-iingat akong maglakad sa gilid ng batis dahil hindi ko pa balak lumublob sa tubig. Nang marating ko na mismo ang tapat ng falls kung saan halos nilalamon ng ingay nito ang paligid, mas namataan ko sa malapitan si Iso. Nakangiti siya at halatang masaya na nakita ako.
“Daff…” rinig kong sabi niya kahit medyo malakas ang tunog na likha ng tubig.
“Nandito ka rin pala, Iso. Sinong kasama mo?”
Tumalungko ako ng upo. Hinawi niya ang kaniyang buhok na ngayon ay basang basa at medyo magulo.
“Ako lang.”
“Oh, I see. Kanina ka pa?”
Umiling siya. “Halos kararating ko lang din. Galing kasi ako sa bukid at… medyo napagod kakatanim ng punla.”
“Ang sipag naman.”
“Ikaw, sinong kasama niyo? Kayong dalawa lang?”
Saktong sa pagtanong niya nito, marahan kong inilipat ang mga mata sa pwesto kung saan ko iniwan si Carlo. Ganoon na lang ang asik ng kaba ko nang mamatyagang wala na siya roon. S-hit, saan na pumunta ‘yon?
“A-ah, o-oo. Kaming dalawa lang.”
“Saan kayo galing?”
“A-ano lang… g-gumala…”
S-hit. Kinakabahan ako. Masyado ang kabang ito kaya ganoon na lang ang utal ko. Seryoso bang umalis na siya at iniwan ako rito? Paano na ako makakauwi nito? Sa dinami-dami ng pasikot-sikot sa dinaanan namin kanina, sigurado akong maliligaw lang ako!
Bwisit. Hindi naman ako magtatagal dito, Carlo. Sana hinintay mo man lang ako!
“Uh s-sige, mauuna na ako ah? Kailangan na rin namin kasi umuwi. Ingat ka mamaya, Iso,” pagpapaalam ko nang nakangiwi. Hindi ko na hinintay pa ang kaniyang sagot dahil tumayo na ako at naglakad pabalik upang habulin si Carlo.