Chapter 21

2192 Words
“Anong nginingisi-ngisi mo?”   Para bang umalingawngaw lang iyon sa isipan ko. Hindi ko alam kung may pakialam ba siya sa tanong kong iyon gayong ngayon ay nawala na ang kung ano man ang nakaguhit sa kaniyiang labi at wala na akong mabasang emosyon. Bakit ba ganito kahirap basahin ang lalaking ito?   Nalilito ako kung ipagpapatuloy ko pa ba ‘tong tapang-tapangan ko o titiklop na lang ba sa kaniya. I mean, look at him. Kung kanina ay ubod-halata ang kaniyang ngisi nang sulyapan ako sa higaan, ngayon ay akala mong may ginawa akong masama na kailanman ay hindi niya nagustuhan.   “Bakit gusto mong malaman?” tanong niya.   Hindi ako nagdalawang isip sagutin iyon.   “Nagbabaka-sakali lang ako. Baka kasi may kalokohan kang nakita sa’kin habang tulog ako o baka ikaw ang may ginawa—”   “You slept well on my shoulders. Wala kang dapat ipangamba ro’n.”   Bumuntong hininga ako. Bakit nga ba naging big deal sa akin ang ngisi niyang iyon? Kung hindi nga naman sa lahat ng pagkakataon ay ako itong nasa isip niya, then siguro hindi naman ako ang dahilan nito.   “O-okay… pasensya sa istorbo,” ang nasabi ko na lang.   Umiling-iling siya’t tumalikod upang bigyang pansin ang niluluto.   “Ihanda mo na ang kubyertos,” aniya. “Malapit na ‘tong maluto, kakain na tayo.”   Tumalikod na rin ako nang marinig iyon. Kulang na lang yata ay kagatin ko na rin ang labi ko dahil sa kahihiyan. Ganito nga ba talaga ako kapag bagong gising? Padalos-dalos at hindi man lang pinag-iisipan kung anong ginagawa.   Gaya ng sabi niya, kalmado kong inihanda ang mga kubyertos, partikular na ang madalas kong gamitin— kutsara, plato, at tinidor. Sa parte niya, hindi na ako naglapag pa ng tinidor dahil hindi naman siya gumagamit nito. Minsan nga ay mas pinipili pa niyang magkamay, at iyon ang hindi ko nakasanayan.   Hindi muna ako umupo sa tapat ng hapag nang mahanda ko na ang mga kailangang ihanda. Sa halip ay pumuwesto ako sa harap ng bintana saka pinakatitigan ang natural na larawan ng kalikasan. Sa pagtapat ko rito, nadama ko kaagad ang banayad na haplos ng hangin. Sinabayan pa iyon ng pasimpleng sipol nito sa tuwing humahampas at tumatama sa mga dahon ng matatayog na puno.   Ilang beses ko na rin yatang sinabi ito sa sarili ko. Na hindi ako magsasawa sa payapang imahe na ito na tanging sumalba sa akin sa gulo ng nakaraan ko. Napaisip tuloy ako kung anong maaaring mangyari kung sakali mang nanatili pa ako sa siyudad na pinagmulan ko. Paano kung nanatili ako sa tabi ni Mommy at ipinagpatuloy ko ang pag-aaral ko?   Habang nagsisilaglagan ang mga dahon ng puno dahil sa banayad na ragasa ng hangin, naalala ko kung paano nagsipatak ang mga luha ko noong gabing tiniis ko ang lahat, mangyari lang na makaalis na ako sa puder na kinalakhan ko. Hinahanap na kaya ako ni Mommy o baka nawalan na talaga siya ng pakialam sa akin? Si Daddy, kahit ano mang timbang sa kaniya ay nasisiguro kong nasa kabit siya.   Sa kabilang banda, nakaramdam din ako ng panghihinayang dahil sa pag-aaral na hindi ko na itinuloy. Nasimulan ko naman na ang second sem sa Grade 12 at kaunting tiis na lang ay matatapos ko na ang lahat. Ilang buwan na lang din ang kailangan pang ibuno para sa isang buhay-kolehiyo. Isa iyon sa mga pinapangarap ko pero hinayaan ko na munang hindi mangyari.   Nang marinig ang galaw ng upuan sa hapag, saka ko na napagdesisyunang tumalikod. Kaagad na sumalubong sa paningin ko si Carlo na hanggang ngayon ay wala pa ring pang-itaas habang nakaupo na sa isang upuan. Hindi kaya niya naisip na baka naiilang na ako sa katawan niya? Kung sabagay, baka sanay na talaga siya kaya hindi na sumasagi sa isipan niya kung ano man ang maaari kong isipin.   Hindi na niya ako kailangan pang tawagin. Ako na ang kusang tumungo sa direksyon niya saka umupo sa bakante. Sa puntong ito ay para naman akong sinisilaban ng apoy lalo’t ramdam ko ang paninitig niya. Pinanatili ko na lamang ang tingin ko sa pagkain, partikular na sa adobo na sobrang nakagugutom ang aroma.   Isang lunok ang ginawa ko bago magdesisyon na magsandok ng kanin. Bahala siya kung hindi siya kikilos. Takam na takam na ako habang siya ay nakatitig lang. Gawain ba talaga niya iyan?   “Ilang karne ang pwede kong kunin?” tanong ko nang hindi umaangat ang tingin sa kaniya. Hanggang ngayon ay wala pa ring laman ang plato niya.   “You decide. Pwede mong kunin lahat kung kaya mong ubusin.”   At this point, ang pagpipigil kong huwag tumingin sa kaniya ay hindi ko na nagawa pa. Umawang pa ang bibig ko bilang inisyal na reaskyon dahil sa gulat.   “Tingin mo mauubos ko ito? Ganoon ba katakaw ang tingin mo sa’kin.”   Kumunot ang noo niya at bahagyang ipinilig ang ulo.   “Wala akong sinabi na matakaw ka.”   “Anong hindi? Hindi mo man direktang sinabi iyon, parang ipinamukha mo na sa’kin na matakaw ako kaya may—”   “Tss, ang ingay mo.”   Lalong umawang ang labi ko, this time ay hindi na dahil pa sa gulat kundi dahil na sa inis.   “Kagigising ko lang Carlo kaya huwag na huwag mo akong iniinsulto.”   “Hindi kita iniinsulto.”   “Anong hindi? Kanina lang ay nakita kong nakangisi ka sa’kin, tapos ngayon—”   “Fine…” tinatamad niyang putol sa aking sinabi. “Sorry if I offended.”   Umirap ako at nanahimik. Kaunting sarsa at karne lang ang sinandok ko mula sa lagayan saka kumain na nang tahimik gaya niya.   Para akong tanga. Kilala ko naman ang sarili ko at alam kong hindi pa ako nagkaganito sa ibang tao. Nasisiguro kong sa kaniya ko lang ito naranasan at sa kaniya lang din lumalabas ang ganitong side ng ugali ko. Ang dali-dali kong mairita at para bang ang dali maging maldita. Sobrang big deal sa akin ng bawat detalye niya kaya kapag may hindi ako nagustuhan, parang ang bilis ko lang mag-react sa paraan na nais ko.   Pero noon, alam kong hindi naman ako ganito. Madalas kapag naiinis ako ay mas pinipili kong maging tahimik. Lalong lalo na sa school? Ang impression ng karamihan sa akin ay mahinhin. Kailanman ay wala yata akong sinungitan o pinakitaan ng kamalditahan. Tanging ngayon lang!   Kaya mauunawaan ko kung ikagugulat ni Carlo na ibang iba ang trato ko sa kaniya sa ibang tao. Pero malabo naman sigurong mangyari iyon dahil narito naman kami sa isla at malayo na sa lugar na tinakasan ko.   Walang sumubok na magsalita sa amin habang kumakain. Nang matapos kaming parehas, as usual ay ako na ang nagkusang maghugas ng plato. Habang narito ako ngayon sa lababo at nakatalikod mula sa kinauupuan niya, pakiramdam ko ay naulit na naman iyong nangyari dati. Ang kaibahan nga lang ay mas maliwanag ngayon kaysa noong wala akong makita sa dilim.   Habang sinasabon ang mga plato, lumandas nang kusa sa isip ko ang hindi ko makalimutan noong gabing iyon. Damang dama ko pa rin ang gulat noong hinila niya ako sa kaniya at hinapit niya ang bewang ko. And the way how his hands caressed my waist felt so surreal. Sa aminin ko man o sa hindi, literal na nablangko ang isip ko dahil iyon ang kauna-unahang pagkakataon na may gumawa sa akin ng ganoon.   Oo, naranasan ko na sumayaw sa mga social dance noong high school. Kung tutuusin, hindi na bago sa akin kung may humaplos man sa bewang ko. Pero ibang usapan naman ang kaniya dahil hindi naman iyon requirement. He could’ve called me without touching. At sana hindi na niya pinatay pa ang gasera noon para hindi pa rin ako magtaka sa kung anong nakaukit sa mukha niya habang ginagawa iyon!   “Daffodil.”   “Carlo.”   Napapitlag ako at pumikit nang mariin dahil sabay pa kami nang sabihin iyon. Ngunit sa kabila nito, nang ilang segundo ay humugot na lang ako ng malalim na hininga sabay tuloy sa pagsasabon ng natitirang kubyertos dito sa lababo. Hinding hindi ako haharap sa kaniya, swear!   “Mauna ka,” wika ko.   “No, mas importante yata ang sasabihin mo kaya mauna ka,” sagot niya.   Hindi ko alam kung anong pumasok sa isip ko kung bakit kusa ko na lang natawag ang pangalan niya. Siguro ay dahil gusto kong ipaalala na huwag na huwag na niyang ulitin kung anong ginawa niya noong gabing pinatay niya ang gasera.   Pero ngayong nabanggit niya ang pangalan ko, panibagong tanong ang siya namang namuo sa utak ko. Kailanman ay hindi ko ipinakilala ang sarili sa kaniya. Paano kung itanong ko sa kaniya kung kanino at saan niya ito nalaman? Kahit na kay Nay Klaring niya nalaman, at least mas mabuti nang nakasisiguro.   “Natandaan ko noon na nabanggit mo ang buong pangalan ko. Paano mo pala ito nalaman?” I asked. Ngayon ay binabanlawan ko na ang mga platong sinabunan ko.   “Pangalan mo? Daffodil Gumabon?”   “Oo.”   “Nakita ko lang, sa kabilang isla.”   Sa gulat ko ay napabitaw ako sa platong hinuhugasan ko. Mabuti na lang dahil gawa sa plastic ang platong iyon!   Marahan akong humarap sa kaniya at inihinto muna ang ginagawa sa lababo.   “Kabilang isla? Anong isla ang tinutukoy mo?”   “Capgahan.”   Naningkit ang mga mata ko. Hindi na kasi bago sa akin ang islang iyon dahil sa kasikatan no’n. Madalas iyon dayuhin ng mga turista at madalas ay na-f-feature sa mga vlogs. Pero bakit kaya nalaman niya doon ang pangalan ko gayong hindi naman ako kilalang tao?   “Sa paanong paraan mo nakita, paano—”   “May mga kumakalat na poster. Nakasulat ang pangalan at may litrato mo, hinahanap ka dahil nawawala ka sa inyo.”   Napalunok-lunok ako. Bahagya pang nanghina ang tuhod ko at parang tangang nakaramdam ng lungkot. Si Mommy, hinahanap niya ako!   Hindi ko inakala na maririnig ko sa kaniya ‘to…   “Bakit ngayon mo lang sinabi?” pabulong ngunit pagalit kong tanong. Ipinatong ko pa ang magkabila kong kamay sa lababong nasa likod ko upang maalalayan ang sarili.   “Anong sense kung sasabihin ko? Hindi ka papayagang umalis sa islang ito.”   “Hindi naman ako aalis Carlo kahit gugustuhin kong tumakas. Ang punto ko, bakit ngayon mo lang sinasabi na hinahanap pala ako?”   “Sorry, then.”   Bumuntong hininga ako. Kailangan nga ba talaga niyang humingi ng tawad dahil dito? Dahil kung iisipin ko nang mabuti ang kaniyang anggulo, may kabuluhan din ang ipinupunto niya.   Pinanatili ko na lang ang timpi ko kaysa naman hayaan kong lamunin ng iritasyon ang sistema ko. Kahit paano kasi ay napapagod na ako sa lahat ng kaartehang ipinakita ko sa kaniya.   “Marami ba ang poster?” tanong ko nang mahinahon. Tumuwid naman siya ng upo at mas tiningnan ako nang maayos.   “Piling poste lang ang nilagyan. Hindi naman marami.”   “May picture ko?”   He nodded. “Buo ang pangalan mo, may numero… kumpleto.”   May kung anong kirot na umatake sa puso ko kaya mabilis akong humarap sa mga hinuhugasang plato saka iyon ipinagpatuloy. S-hit, isipin ko pa lang na ginagawa na ni Mommy ang best niya upang hanapin ako ay naiiyak na ako.   Pero ‘di ba niya naaalala ang sinabi niya noong gabing iniwan din siya ni Daddy? Na sana mamatay na lang ako? Na sana mawala na lang ako? Isa iyon sa mga salitang pinanghawakan ko kung bakit naging determinado akong sumama kay Pael. Isa iyon sa mga dahilan kung bakit pumasok sa isip ko ang magpakamatay.   Ngayon, ngayong wala na ako, bakit pa nila ako hinahanap? Bakit pa nila ako hahanapin kung wala na ang taong gumulo sa tahimik nilang buhay? Maaari na silang bumuo ng sarili nilang pamilya. Be in love with someone else and form a family that will never stress them out.   Kay tagal kong hiniling na mangyari ito. Ilang beses ko nang ipinangako sa sarili na magpapakalayo-layo na ako. Siguro, doon pa lang nila natanto ang halaga ko sa kabila ng lahat ng masasamang naidulot ko sa kanila. Ano nga ba naman kasi ang kasalanan ko gayong wala rin naman akong kakayahan upang pumili ng magiging magulang? I had no choice but endure the pain I don’t deserve.   Kaya ngayon, mahirapan man silang hanapin ako, deserve na nila iyon.   Isang luha ang pumatak. Napakagat-labi pa ako upang hindi ko magawang humagulhol. Bakit ba kasi natanong ko pa iyon? Sana hindi ko na lang nalaman iyon.   “Daffodil? You okay?”   Tumango ako kahit na hindi niya nakikita. Patuloy lang talaga ako sa pagbabanlaw ng mga kubyertos upang makalikha ng ingay ang tubig na ginagamit ko. Paraan ko ito upang hindi niya marinig ang hikbi ko kung sakali mang hihikbi ako.   “O-okay na okay lang.”   “Sorry for not telling this earlier.”   Hindi na ako sumagot pa dahil baka mabasag lang ang boses ko at mahalata pa niyang umiiyak na ako habang nakatalikod sa kaniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD