Ano ba ang tingin ng aking ama sa pagpapakasal? Isang parusa? Seryoso at sagrado ang kasal! Hindi isang bagay na dapat gawing leksyon o kung ano man para ako'y magtanda!
Napalingon ako kay Riyanon at nakita ko rin ang bakas na pag-aalala nito sa mukha. Tinignan ko ang iba na bakas rin ang pag-aalala sakanila.
Madiin akong umiling sa sariling ama ko at tinignan ulit ang mahal na hari. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nagbabago ang ekspresyon nito at tanging galit lang ang nakikita kong meron sakanya.
"Ayoko! Hindi ko gusto ang iyong nais!" Tanggi ko muli. "Gawing parusa ang kasal? Hindi iyon tama, ama!"
“At sa tingin mo, ano ang tama? Ang hayaan ko lang ang isang prinsesa sa ganitong pag-iisip at plano niya? Hindi ako makapaniwala na kahit sinabihan ka ay nakuha mo pang mag-isip ng ganito! Ikaw ay hindi nakakaintindi!”
Natigilan ako doon. Ako’y nasaktan noong sinabihan niya na hindi ako makaintindi—buong buhay ko ay wala akong ginawa kung hindi sumunod sa mga utos ng palasyo. Dapat ay tuwid maglakad at kung ano pa na alam kong hindi ako o pinipigilan nito ang kasiyahan ko.
Alam kong ito ang ibig sabihin ng isang pagiging prinsesa—ngunit hindi naman tama na sabihin nitong hindi ako nakakaintindi. Buong buhay ko ay wala akong ginawa kung hindi umintindi.
"Dalhin niyo na ang prinsesa sakanyang silid at huwag hayaang umalis doon. Adelaide, ito na ang huling banta ko sa mga pagtakas mo."
Nagising ako sa madiin na sigaw nito kaya mabilis akong umiling sakanya.
"Ama! Ayoko!" Sigaw ko. "Hindi mo maaring gawin sakin ito! Anak niyo ako– sagrado ang isang kasal—"
Nilapitan ko ang aking ama paakyat sakanyang trono pero napahinto noong nagsalita siya.
"Dalhin niyo siya sakanyang silid!" Padabog na tumayo ang mahal na hari kasabay noon ay ang paghila sakin sa braso ng mga guardia. “Hindi! Bitawan niyo ako!”
Hindi ako nilingon nito kahit ano pang tawag ko sakanya. Pinilit kong makatakas sa hawak ng guardia pero mahigpit ang hawak ng mga ito.
"Ama! Ama! Kung dadalhin mo ako sa ibang kaharian ay mawawala ako sainyo!"
Doon siya natigilan at nakakita ako ng isang paraan kung paano makukumbinsi ang aking ama.
“Kung ipapamigay mo ako, mawawalay ako sainyo ama. Sino ang kasama mo—”
Nilingon ako nito na may masamang titig sakin. “Huwag mong gamitin ang ganyang mga salita Adelaide. Hindi ka mawawalay sa’kin. Hindi kita ma-kontrol kaya ipapasa ko ito sa iba. Ito ay mas maganda na kaysa may mangyari talagang masama sayo sa labas. Balita ko’y mahigpit ang reyna sa kabilang kaharian.”
Napakagat ako ng lab isa sinabi nito. “Ngunit ama, hindi ko kailangan ng reyna—”
“Sinabi sa’kin ni Reyna Natanya na kaya ka niyang alagaan at gawing maayos na prinsesa ulit.”
Bumagsak ang balikat ko sa sinabi nito. “Ama, hindi ba ako maayos na prinsesa?”
Nagbago ang ekspresyon ng aking ama bago napailing. Tinalikuran ako nito at tuluyan ng umalis.
May problema ba sa’kin?
Tulala ako sa aking silid, hindi naintindihan ang bilis ng pangyayari. Isa akong prinsesa— anak niya ako— pero bakit kung ganon na lang niya ako itapon at ipagkatiwala sa ibang kaharian? Hindi ko naman kailangan ng ibang reyna para gawin ulit ako na isang prinsesa! Sapat na ang natutunan ko sa kahariang ito pati na rin sa aking ina.
“Ano ng gagawin natin, Adelaide?” Tanong ko sa sarili.
Ito ang umiikot sa isipan ko habang nasa silid lang. Ilang araw na akong tulala at hindi makagalaw dahil sa parusang biglang ibinagsak sakin.
Nakalipas na ang isang lingo ngunit hindi pa rin binabawi ng aking ama ang parusang binigay niya! Kahit gutumin ko ang sarili ay wala talaga! Ni hindi nga ako kinumusta nito!
Hindi naman ganito ang aking ama kaya lubos akong nagtatataka– bakit ganito? Anong nakapagpabago sa mga paraan niya kung paano ako parusahan? Dati ay kinukulong lang ako nito—pero pag hindi na ako kumain ay pinupuntahan niya ako sa aking silid at siya ang kakausap sakin!
"Adelaide," tawag sakin ni Riyanon. "Kumain ka at kailangan mo ng lakas."
Nilingon ko lang ito at ang pagkaing dala niya.
"Hindi ko kailangan ng kahit na ano. Ang gusto ko ay makaalis dito!" Inis na sabi ko. “Nasaan ba ang mahal na hari? Siya ang gusto kong kausapin! Imposible na natitiis ako ng aking ama ng ganito!
"Ano bang sinasabi mong bata ka?" Suminghap ito sabay iling sakin. "Maraming ginagawa ang iyong ama at tunay na siya ay walang oras sa ngayon. Isa pa ay inaayos niya ang iyong kasal. Kaya kumain ka na dahil kailangan mong maghanda para sa kasal na gaganapin—”
Ako ay ngumawa dahil sa sinabi nito. “Ayokong magpakasal! Bakit niyo naman ako ipapakasal sa taong hindi ko kilala—”
“Umayos ka nga, Adelaide! Hindi maganda ang ginagawa mo sa iyong sarili—"
"At ano na namang pagdidikta ang maririnig ko dahil isa akong prinsesa?” Hindi ko mapigilan ang sarili na tanungin siya. “Ayokong magpakasal o anuman. Ni hindi ko nga kilala ang lalaking pakakasalan ko!”
Tinignan lang ako ni Riyanon na may awa sakanyang mata. “Pasensya ka na Adelaide ngunit ito ang desisyon ng hari at mukhang determinado na siya.”
Wala akong ibang gusto sa buhay kung hindi ang umalis sa palasyo at makitungo sa mga tao bilang isang normal lang.
Walang kahit ano.
Gusto ko maging isang prinsesa na talagang tumutulong sakanila at hindi lang iyong basta nakaupo sa trono at may titulo. Iba ang pagbabasa ng problema ng iyong pinamumunuan kesa ang pakikihalubilo.
Simula noong maligaw ako sa labas ng palasyo dahil sa libing ng aking ina, doon ko naramdaman ang kaligayahan na hindi ko inakalang pwede ko pala maramdaman.
Hindi naman naghigpit si ama sa paglabas ko noong mga nakaraang taon. Ilang beses akong napahamak at nasali sa gulo bilang Adelaide pero wala siyang sinabi— ngayong nakaraang buwan lang.
Talaga bang nag-aalala siya? Pagsasabihan lang naman niya ako pero hanggang doon lang at wala ng halong pagbabanta!
"May nagbanta ba sa ama ko?" Iyon lang kasi nag naiisip ko. Hindi naman ganito sa’kin ang aking ama noon!
Nanlaki ang mata ni Riyanon. "Anong nagbanta, mahal na prinsesa? Laging nag-aalala ang ama mo saiyo tuwing nasa labas ka! Noong nakaraang taon ay hindi ka nito pinapagalitan marahil akala niya, ito ang paraan upang makalimutan mo ang pagkamatay ng iyong ina. Hinayaan ka niya sa labas dahil ito ang nagbibigay ng kasiyahan sa puso mo."
Hindi ako nakapagsalita at nakuha ang pinupunto nito.
“Ngunit kung nakuha pala ng aking ama na ito ang aking kasiyahan, bakit ngayon ay binabalewala niya ako?” Tanong ko sakanya.
Umiling ang si Riyanon. “Paano ba namatay ang reyna?”
Kumunot ang noo ko sa sinabi nito. “Hindi ko makakalimutan kung paano siya tinraydor ng kanyang matalik na kaibigan na si Ayena. Ngunit hindi naman tama na pagdudahan niya lahat ng tao!”
“Ikaw na lang ang meron ang hari. Tao ang dahilan kung bakit nawala ang mahal na reyna, Adelaide. Kaya intindihin mo ang ama mo dahil muli na itong bumabalik sa dati simula noong mawala ang reyna. Nag-aalala lang ang hari sayo."
Huminga ako ng malalim at naintindihan siya– ngunit nasasaktan pa rin ako.
Gusto ko lang naman maging malaya! Napatunayan ko na rin na walang kapahamakan sa labas!
Kaya determinado talaga ako. Ayokong magpakasal sa kahit kanino. Imbes na magmukmok dito ss silid– ang kailangan ko gawin ay tumakas bago ang itinakdang kasal.
Napangisi ako.
"Kaya mo ito, Adelaide."
Kinuha nila ang mga impormasyon tungkol sa kung paano ako pwedeng tumakas— pero hindi ibig sabihin noon ay wala na akong pag-asa.
Kaya kong tumakas dahil kabisado ko ang daan. Matalas ang aking isipan at natatandaan pa rin ang orihinal na plano kong nakasulat sa aking kwaderno.
Tinignan ko muna ang isang liham na balak ko iwan bago tuluyang umalis. Patawad at salamat, ama. Ngunit ayokong makulong bilang isang prinsesa—at bilang isang asawa ng kung sino na hindi ko kilala.
Suot ko ang aking bota, pantalon at damit na ginagamit ko tuwing may palahok sa karera ng kabayo. Itinali ko ang aking buhok sabay kumuha ng panaklob sa mukha. Purong itim lang ang suot ko kaya hindi na ako mahuhuli nito.
Noong nakaraan kasi ay naka-bestida ako sa pagtakas. Pero ngayon ay wala akong kakampi kaya kailangan ay mas maging maingat ako.
Pinatungan ko ng bestida ang suot ko para kung sakaling may makakita sakin ay hindi sila lubos na magtataka. Tama nga ang hinala ko, may nagbabantay pa rin.
Napasimangot ako. “Hindi ba kayo matutulog?”
Kagaya ng ibang guardia ay hindi nagsalita ang mga ito kaya naman ay muli akong pumasok sa loob. Isinirado ko iyon ng dahan-dahan bago nagtungo sa balkonahe.
Binuksan ko iyon—at mayroon ding tao. Mas mahigpit sila dahil nabasa nila ang aking plano.
“Nasaan si Riyanon? Pwede bang tawagin niyo siya? Isa pa, hindi ba kayo nilalamig dito?”
Hindi sila sumagot kaya naman lalo akong napanguso at sinarado ito.
Paano ako makakatakas sakanila?
Tinignan ko ang balkonahe at ilang oras atang natulala doon. Bago ko naisip ang isang plano!
Mabilis akong tumayo at binuksan ang pintuan palabas ng silid. “Madali, may narinig ako mula sa balakonahe na isang malakas na kalabog!”
Nagkatinganan ang guardia. “Ngunit may tao doon, mahal na prinsesa.”
“Punto! May tao doon ngunit wala akong nakita na kahit anong aksyon sa labas. Hindi kaya ay may nakapasok?”
Mabilis silang pumasok sa silid at dumiretso sa balokanahe.
Kinuha ko ang dalawang pintuan sabay isinarado iyon gamit ng susi. Nginisian ko silang apat.
“Mahal na prinsesa!” Nag-aalalang aniya.
“Huwag kayong mag-alala. Wala kayong kasalanan!” Ngiti ko sakanila sabay atras. “Kayo ay biktima at maiintindihan kayo ng aking ama.”
Dinampot ko ang bayong kung nasaan ang mga hinandang gamit ko. Isinarado ko pa ang aking silid upang walang makarinig sa guardia.
Dahan-dahan akong naglalakad sa mahabang pasilyo at lubos akong nagpapasalamat dahil walang humarang sakin o nakakakita hanggang sa makarating ako sa dati kong lugar na tinatakasan.
Ang nakalagay kasi sa kwaderno ko ay gagamitin ko ang hardin bilang lagusan ng paglabas—kaya sigurado akong may nagbabantay na doon.
Pagdating ko sad ulo ng pader ay hinubad ko ang ipinatong na bestida bago sumampa sa pader sa harapan. Kumapit ako sa mga baging na nakadikit sa pader hanggang sa makarating sa ibabaw.
Napangisi ako noong makatalon pababa. “Nasa labas na ako ng palasyo.” Ngisi ko pa sa sarili.
Patawad ama at ang palasyo, ngunit hindi ko gusto ang buhay na ipinapakita niyo sa’kin. Hindi ako masaya sa pagiging prinsesa lang. Gusto ko ng buhay sa labas. Isa akong hangal para tanggihan ang isang buhay ng pagiging maharlika…
Tumakbo ako patungong kakahuyan at nakaramdam ng saya. Ako’y nagagalak at inaabangan ang mangyayari sa’kin. Sana talaga ay hindi ako mahuli pabalik. Kailangan ko maglakbay ng malayo upang hindi ako mahanap nito.
Siguro ay ipapakasal ako lalo sa madaling panahon pag nahuli. Kaya Adelaide, galingan nating magtago!