ADELAIDE'S POINT OF VIEW
Tulala akong nakatingin sa kawalan habang tinititigan ang sinag ng araw mula sa labas ng silid ko. Mataas ang sikat ng araw—kahit nga lang tinitignan ko ang tanawin mula dito sa’king silid, ramdam ko ang init na nanggagaling sa araw, ang kumikinang na luntiang paligid… Nakakakalma tignan ang lahat.
Ngunit nakakaramdam ako ng lumbay.
Hindi ko mapigilan na mapasinghap dahil sa lumbay na nararamdaman ko ngayong araw, kabaliktaran sa nararamdaman ko. Sa tuwing tatanawin ko ang mundo sa labas mula dito sa silid na may malaking salamin… Napapaisip ako…
Paano kung hindi ako isang prinsesa?
Lagi ko ba malalasap ang init ng araw, ang halik ng hangin, at tamis ng kalayaan?
Suminghap ako. “Ito na naman tayo. Paano kung tumakas na lang ulit ako?”
Isa sa gusto ko sa palasyo ay ang laki nito—Oo, nakakatakot at tila mag-isa ka. Walang tao at maraming pasikot-sikot.
Ngunit dahil sa laki ng palasyo ay hindi ako nakikita ng kahit sino, at nakakatakas palabas sabay balik na parang walang nangyari.
“Tama, tatakas na lang ulit ako.”
Napalingon sa pintuan noong marinig ko na bumukas iyon. Napahinto ako.
"Mahal na prinsesa, pinapatawag kayo ng mahal na hari," aniyang nakayuko.
Inipon ko ang makapal na tela sa harapan ko at binuhat iyon para makalakad ng maayos.
“Bakit?” Oh nakarating na sa aking ama ang pagtakas ko?
Kumunot ang noo ng mayordoma ng palasyo, at ang nagbabantay sakin simula pa noong maliit ako– si Manang Riyanon.
Mahina nitong tinapik ang kamay kong bumubuhat sa mahabang kasuotan ko.
Inilingan niya ako. "Ilang beses ko ba sasabihin sayo na huwag mo itaas ang suot mo? Isa kang prinsesa. Isa pa, hindi ko alam ang dahilan. Basta ka na lang pinatawag."
"Ngunit ang bigat nito," reklamo ko sakanya. Tunay namang mabigat itong suot ko. Ilang tela ang pinagpatong-patong sa suot kong bestida. “Anong itsura ng aking ama?”
Kung galit ito, malamang ay talagang nakarating na sakanya ang kahangalan na ginawa ko.
Tinignan ako nito ng masama. "Mahal na prinsesa, ilang taon ka na?"
Kumunot ang noo ko ngunit sinagot pa rin ang tanong niya. "Ako po'y bente uno na."
Masungit ako nitong tinignan sabay iling. "Ganon ka na din katagal nagsusuot ng ganyang bestida. Umayos ka at pumunta sa mahal na hari. May ginawa ka na naman na alam mong hindi dapat."
Hindi ako nagsalita at sumunod na lang dahil malamang, papagalitan ako.
Pagkatapos tahakin ang mahabang pasilyo ng palasyo ay sa wakas, nakarating na rin kami sa bulwagan kung nasaan ang mahal na hari.
Madiin at masama ang tingin sa'kin ng ama ko dahil sa pagtakas na ginawa ko noong mga nakaraang araw. Sigurado akong narinig na naman niya—pero paano!? Wala namang nakahuli sakin!
"Ano na naman itong narinig ko, Adelaide? Hindi ka ba talaga magtitino sa ginagawa mo? Gusto mo ba talaga mapahamak?" Dumagundong ang tinig nito sa bulwagan.
Pinigilan kong mapakunot ang noo. Lagi na lang niya sinasabi na mapapahamak ako at kung ano pa— pero wala namang nangyari sakin!
"Ama, hindi ko gustong mapahamak—"
"Anong hindi? Itong ginagawa mo ang ikakapahamak mo!"
Mariin akong umiling na may kiming ngiti sa labi. "Ama, hindi naman ako napahamak. Tignan niyo, hanggang ngayon ay ayos pa rin ako." Pangungumbinsi ko pa.
Napatayo ito at nangitngit ang ngipin niya sa sinabi ko.
"Hindi ka pa napapahamak!" Gigil na aniya. "Hindi ka ba talaga masasabihan, Adelaide? Ilang beses ko ng sinabi sayo na itigil mo na ang kakalabas ng palasyo! Hindi ka basta lang tao!"
Ito na naman tayo sa lagi niyang pinapaalala sakin. Na iba kami sa lahat at kung ano pa. Na parang ang laki ng pagkakaiba namin sa lahat na hindi naman dapat! Lahat ng tao ay pare-pareho lang! Estado sa buhay lang ang pinagkaiba ngunit sa totoo lang, may kakaiba silang pananaw sa buhay na natututunan ko!
Marami akong natututunan sa labas na sa tingin ko ay dapat din naming matutunan bilang tao kahit nasa palasyo lang!
"Ama, hindi ganon kasama ang labas. Lahat ng tao doon ay mababait–"
Lalong dumiin ang titig nito sakin. "Ano, hihintayin mo ba na mapahamak ika’y mapahamak? Akala mo ba ay hindi sakin makakarating ang ginawa mo sa buong linggo? Imbes na mag-aral ka ay ganito ang ginagawa mo!"
Napaisip ako sa sinabi nito. Sino kaya ang nagsusumbong sakanya sa pagtakas ko? Kailangan ko na rin ba palitan ang lagusan ko palabas?
“Ano, Adelaide?! Sagot mahal na prinsesa!”
Napailing ako sa sinabi nito. "Ngunit ama, tinatapos ko na ang kailangan gawin at aralin bago umalis–"
"Huwag ka ng mangatwiran pa, mahal na prinsesa!" Gigil na aniya. "Pumunta ka sa iyong silid at doon magnilay sa iyong ginawa! Hindi ka makakalabas– at tandaan niyong lahat! Ang tutulong sa anak ko ay papaalisin ko sa palasyo!"
Napaamang ang labi ko sa sinabi nito. "Ama!"
Ngayon lang siya nagbitaw ng ganitong salita kaya naman talagang naalarma ako sa sinabi niya!
"H-Hindi mo basta lang pwede gawin iyon sa mga naninilbihan sa palasyo! Iyon ay hindi patas—"
"Kinukunsinti ka nila. Kaya lahat ng tutulong sa anak ko ay matatanggalan ng trabaho!" Gigil na sabi ng ama ko.
Napalingon ako sa mga tao sa bulwagan at kita ko ang pagyuko nila. Iniiwasan ako. Alam ko naman na tinutulungan ako ng ilan sa pamamagitan ng pagpikit nila at pagpapanggap na hindi nila alam na nawawala ako.
Tulala ako sa silid habang tinititigan ang bintana. Simula noong sabihin ng mahal na hari ang utos niya ay hindi na ako nagtangkang tumakas o kahit ano pa.
Alam ko naman na mapapahamak sila pag pinilit kong magpatulong.
Kaya simula ngayon, gagawin ko na lang lahat para ako lang ako makatakas mag-isa.
Ayoko sa buhay palasyo. Oo, nakukuha ko lahat ang gusto. Pagiging hipokrita ang magiging labas ko– pero wala ng mas hihigit pa sa kalayaan ng isang tao. Iba ang hatid nito. Lahat ay pwede mong gawin pag malaya ka.
Hindi tulad ko—simula pagkabata, tila naka-sistema na ang buhay ko. May mga sinusunod na batas at oras ang bawat bagay. Hindi lang ako pwede basta gumawa lang ng hakbang na gusto ko dahil wala akong panahon o oras.
Bawal ako maglaro dahil inuuna ko ang pag-aaral.
Bawal tumakbo dahil hindi iyon bagay sa isang prinsesa.
Kahit anong gawin kong pagsasanay simula pagkabata, pakiramdam ko ay marami pa ring kulang sakin.
Oo nga nasakin na ang lahat at buong pasasalamat ko sa Diyos para sa mga bagay na hindi ko hinilig pero akin na.
Pero kalayaan? Wala. Laging kailangan ako may gawin dahil isa akong prinsesa.
Laging kailangan kumilos ako ng akma.
Kailangan ay maayos ang postura.
Ang buhay ko, puno ng pagdidikta.
Laging sinasabi ni ama na sa labas ng palasyo, nadoon ang kapahamakan at walang magandang maidudulot sakin.
Pero marami akong natutunan sa labas!
Hindi ako kilala ng mga taong hindi maharlika. Natural na walang nakakakilala sa prinsipe o prinsesa bilang proteksyon. Isa din iyon sa batas ng kaharian—walang nakakakilala sa’min sa labas dahil bawal kaming tignan ng diretso ng kung sino lang, at ipinagbabawal din ipakilala kung sino kami.
Kaya sa tuwing lumalabas ako— ako lang ang nabubuhay. Isang babae na sumusulpot kung saan. Si Adelaide lang!
Pero dito sa palasyo? Nakakawala ng katauhan.
At sa paglabas, doon makikita ang pangunahing problema ng lipunan.
Napasinghap ako at tinuloy ang pagsulat sa kwaderno kung paano tumakas. Nililista ko ang mga lugar kung saan walang guardia at iba pang bantay.
Kaya lang ay puro gabi iyong maluwag na bantay kaya naman talagang nakakaasar.
Wala akong ginawa buong linggo kung hindi igugol ang oras ko kakahanap ng paraan kung paano tumakas.
Ngunit isang umaga, pinatawag na naman ako ng aking ama, at laking gulat ko noong nasa kanya na ang kwaderno ko kung nasaan ang mga pinaplano patungkol sa pagtakas.
Ah. Ako talaga ay lagot.
"Adelaide!"
Napalingon ako sa mga taong naglilinis ng silid ko. Paano nila nagawa sakin ito?
Alam ko namang... pwedeng may mangyari sakanilang masama sa pangungunsinti– pero bakit hindi na lang sila pumikit noong nakita nila ang nakasulat dito?
Ganon ba sila natakot sa banta ng aking ama?
"Ano na naman ang ibig sabihin nito!" Sigaw nito sakin na ikinangiwi ko.
"A-Ama—"
"Hindi mo talaga naiintindihan ang pinupunto ko, anak!?" Gigil na sigaw nito sa’kin. “Kailangan ba talaga may mangyari muna sayo bago mo maintindihan ang sinasabi ko, anak?!”
Napailing ako sa sinabi nito.
"Pero ama, mabubuting tao ang pinamumunuan mo!" Apila kong muli. “Hindi ako napahamak sa ilang beses na paglabas ko—nagkaroon ako ng kaibigan bilang ako! Marami akong natutunan at masaya ako sakanila—"
"Hindi mo kilala ang mga tao!" Pilit pa nito. "Alam mo tutal ay kulang pa ata ang pinagkakaabalahan mo–at nagawa mo pang gumawa ng plano para makatakas... Dadagdagan ko na lang ang iyong gagawin.”
Huminga ako ng malalim. Kung ito ang makakapagpatahimik sa ama ko ay susundin ko na lang. Ayoko ding makadagdag sa problema niya ngayon sa kaharian. Siguro pag sumunod din ako ay makakalimutan niya din ang paglabas-labas ko.
"Ano po iyon?" Tanong ko.
Tinignan lang ako nito ng ilang segundo—tila nagdadalawang isip ang ama ko kahit masama ang titig niya.
"Magpapakasal ka sa prinsipe ng kabilang kaharian. Ayusin niyo ang kasal niy–"
Naaligaga ako at lumapit kay ama. Kasal!? Hindi pwede!
"Anong kasal? Ama, hindi pa ako pumapayag." Putol ko sa sasabihin nito.
Ang dami ko pang gusto gawin!
Kumunot ang noo ng hari at tinignan ako. "Bakit kailangan ko ng pagpayag mo? Kailangan niyo gawin ang pagpapakasal." Deklara nito. "Alam mong pwedeng mangyari 'to. Noong una ay wala akong balak ipakasal ka. Ngunit sa mga ginawa mo– napag-isipan ko na kailangan mo ng ikasal upang matuto ng leksyon hindi lang sakin–kung hindi sa iba pang kaharian."
“Ang daming leksyon na pwedeng gawin sakin, bakit kailangan ang pagpapakasal?”
Sinamaan ako nito ng tingin. “Hindi lang ito para sa’kin—para din ito sa kaharian.”
“Sinasabi mo lang ito dahil galit ka, ama.” Laban ko pa. “Hindi mo ako pwede basta ibigay na lang sa iba, ama.”
Tinignan ako nito ng masama. “Hindi kita ipinapamigay, Adelaide. Ikaw ay pangangalagaan ng kabilang kaharian. Kung hindi gumagana sayo ang pagtuturo ko ng leksyon ay baka na sa’kin na ang mali. Tignan mo nga ito—plinano mo sa iyong pluma! Paano mo nagawa gawin ito kahit alam mong ipinagbabawal ko?”
“Ama, walang mali sa mga leksyon mo dahil ako’y lubos na natututo sa mga kamalian ko—”
“Kung ikaw ay talagang natututo, alam mong hindi mo na uulitin! Ngunit ano ang ginawa mo!?”
Muli akong umiling sa aking ama. “Hindi. Hindi ako pumapayag sa gusto niyo, ama.”
“At hindi ko rin kailangan ng pagpayag mo, mahal na prinsesa.” Diretso na aniya. “Tinatapos ko na ang usapang ito.”
Kailan kaya magiging akin ang buhay ko?