7. Ang Piging at Palasyo

1925 Words
Isa lang akong desperadang prinsesa na nais mapunta sa kahit saan bukod sa palasyo. Iyong hindi mahuli ng aking ama. Humingi ako ng tulong sa isang mangkukulam ng syudad at sa isang iglap— ako ay nasa kakaibang lugar na. Akala ko ba ay dadalhin ako ng mangkukulam na iyon sa lugar na hindi ako kilala? Bakit tila iba naman ito sa pinag-usapan? Sana talaga ay hindi ko pinagkatiwalaan ang itim na mahika! Tulala akong nakaupo sa sahig at tinitignan ang paligid. Hanggang ngayon ay hindi ko mawari kung nasaan ako—tila ito’y palasyo pa rin ngunit maliwanag, maraming tao, at may pulang tela ang sahig na gawa sa marmol. Tila pamilyar ang lugar ngunit sigurado ako na hindi ito ang aming palasyo. Iba bang kaharian ‘to? Sabi ko ay dalhin ako sa lugar kung saan hindi ako makikilala! Kung palasyo ito ay malamang, mahuhuli na ako! "What is she wearing?" "I thought filipiña ang theme ngayon sa palasyo? Hindi naman sinabing victorian era,” tawa pa ng isa. “Bakit siya nakaupo diyan? Is she drunk already?” Kumunot ang noo ko sa pinagbubulungan ng mga tao sa paligid ko. Ano ba ang sinasabi nila? Nasaan ako? Wala akong maintindihan! Inipon ko ang bestida sa harapan at tumayo na. Tinignan ko ang paligid at ako’y nagulat noong nakita na maraming nakatingin sa’kin. "But in fairness, I like her style. Mukhang original ang designer!" Tango pa ng isa sabay nilagpasan ako. Nasaan ako? Bakit kakaiba ang mga suot ng tao dito? Tila ang suot ng mga lalaki ay ganon pa rin— ngunit ang nakakapagtaka ay ang mga babae. Kakaiba ang suot nila. Iyong iba ay kita na ang balat! Nakakapagtaka– ano iyon? Pwede na lang ba basta magpakita ng balat ang mga babae dito? Alam ko ay pinagbabawal pa rin ito sa kaharian at kahit walang batas na nagsasaad dito, kasalanan ang magpakita ng balat sa katawan! Napahinto ako sa paglalakad noong makita ang isang babae na halos kita na ang tiyan. Tinignan ko siya ng maigi dahil pwede siyang mahuli sa kanyang ginagawa! Anong klaseng lugar ba ito? Isa pa, hindi ba siya nakakaramdam ng pagkahiya? "Girl, what is your problem!?" Gigil na tanong nito sakin kaya naman napaatras ako. “Kakakaiba… ang iyong kasuotan.” Kumunot ang noo nito. “And so? What is your problem? May masama ba sa suot ko? Don’t you know how much I paid for this?” Napaamang ang labi ko sa sinabi nito dahil sa bilis niyab magsalita at may… sinasabi pa siyang kakaiba. Tila isang lenggwahe na hindi ko maintindihan. “Hindi ko mawari ang iyong sinasabi,” hayag ko sakanya. "Argh, this is so annoying. Tapos dadagdagan mo pa!" Aniya at binangga ang balikat ko dahilan para ako'y matumba! Anong problema ng babaeng iyon!? Ang bigat na nga ng suot kong bestida dahil sa bakal na nakalagay sa loob—tapos matutumba pa ako? Ang hirap makatayo! Nagulat ako noong makarinig ng malakas na ingay– hindi kalayuan ay nakita ko ang isang singkit at guwapong lalaki– masama ang titig nito habang naglalakad ng diretso. Kakaiba din ang kasuotan nito sa katawan ngunit perpekto… sa lalaki. Siyang tunay nga na kakaiba ang kahariang ito. Wala akong nakitang lalaki na ganito kakakisig at tila may kakaibang bitbit na awra! Nagtama ang mata namin at doon kumabog ang dibdib ko. Sino ang lalaking ito? Unti-unting nagdahan-dahan ang lakad ng lalaki hanggang sa huminto siya sa harapan ko. Nag-angat ako ng tingin sakanya. “S-Sino ka?” Nagtiim ang bagang nito, seryoso ang tingin sakin. Hindi ako mapalagay sa titig nito kaya ako na ang umiwas. “Mr. Serrano, totoo ba na kayo na ulit ng artistang si Klare?” “Kayo ba ang pinunta niya dito, Mr. Serrano?” “What are you doing there?” Aniya na hindi ko maintindihan. “H-Huh?” Laking gulat ko noong basta na lang siya ako hinila patayo. "This is my girlfriend. So just stop." Ani ng lalaki sa lenggwahe na hindi ko na naman maintindihan. Ano daw? Hindi ko alam ang sinabi niya pero nagkagulo at umingay ang mga tao na nakasunod sakanya. May mga ilaw na nagpapatay-sindi sa harapan ko na masakit sa mata kaya iniharang ko ang braso. “Don’t take a picture of her. Hindi siya sanay,” ang lalaki at itinago ako sa likod nito. “Miss, anong pangalan niyo?” “Tigasaan po kayo?” “Paano kayo nagkakilala?” “May bagong girlfriend ang anak ng presidente!” Sigaw pa ng isa. Hindi ko alam kung bakit sila nagkakagulo at nagiging agresibo. Nakakaramdam na ako ng takot kaya naman ay hinawakan ko ang damit ng lalaki sa harapan ko para iharang siya. Nilingon ako saglit ng lalaki—at tinitigan ng masama. Alam ko sakanya nakasunod ang mga taong ito pero bakit ako na ang pinagkakaguluhan ngayon at tila gustong abutin nila? Ang daming isinisigaw ng mga tao. Nag-aalala ako na baka malunod kami sa tao! “What took you all so long?” Inis na sigaw ng lalaki sa harap ko. Yumuko ang mga lalaki. “Sorry sir.” Humarang ang mga nakaitim na lalaki at itinutulak ang mga tao palayo—tila naging guardia ang mga ito. Nagkaroon kami ng espasyo upang makaalis na sa gulo. Hinila ako ng lalaki paalis. “Let’s go.” Wala akong nagawa kung hindi sumunod. Habang naglalakad sa pasilyo ay nagtataka ako sa mga nakikita. Malawak ang paligid at tila isang palasyo rin—ngunit ang kaibahan ay mas maraming ilaw dito. “Maari ba akong magtanong?” “What?” ang lalaki. “Don’t worry, I’ll pay for the damage. Hindi ko alam kung kaninong pamilya ka galing but my name will surely be influence yours.” Kumunot ang noo ko sa sinabi nito. “Ano ba ang sinasabi mo? Nais ko sana itanong kung anong lugar ito?” Napahinto ito sa paglalakad at nakasimangot na nilingon ako. “This is obviously the palace.” Napaamang ang labi ko. “Hindi ko… naiintindihan ang iyong sinasabi.” Suminghap ang lalaki na tila nawawalan ng pasensya. “Palasyo. Nakarating ka dito ng hindi mo alam?” Makisig sana ang lalaki ngunit mukhang laging galit. Tuloy lang ang paghila niya hanggang sa binuksan niya ang pintuan. Napaamang ang labi ko noong makarating sa lugar kung saan may piging. Napalingon halos lahat ng tao sa’min. “Why are you wearing a ball gown in this event? Hindi ka ba nasabihan kung anong theme?” “H-Ha?” “Why do you look so clueless?” Iling niya sabay hila sa’kin papasok. Marami akong nakakasalubong ng tingin—at marami ding bumabati sa’min sa pagpasok. Mukhang kilala ang lalaking ito. “Good day Mr. Serrano! Kasama mo..?” “This is my girlfriend,” ang lalaki. Nanlaki ang mata ng matandang kausap namin. “You’re girlfriend? Hindi ko alam na you are dating someone Mr. Serrano!” “Yeah,” maikling sagot nito. “If you will excuse me. Uupo muna kami…” “You have a very pretty girlfriend, Serrano!” “Thank you, sir.” Wala pa rin akong ideya sa mga nangyayari ngunit ilang beses ko narinig ang salitang ‘pretty,’ sa ibang tao. Marami pang kinausap ang lalaki bago kami tuluyang makaupo. Napasinghap ako at tinignan siya. Masyado na akong matagal sa lugar na ito at baka makita pa ako ng aking ama. “Kailangan ko na umalis. Alam mo ba ang daan?” “Stay here for a while. Ihahatid kita.” Aniya. Umiling ako sakanya. “Hindi pwede, makikita ako ng aking ama at malamang ay papagalitan.” Tinignan niya ako na tila para bang may sinabi akong kakaiba. “Hindi ka papagalitan. Nandito ako.” “Kukunin ako ng aking ama.” He chuckled. “Pag ako ang nakita niyang kasama mo, hindi ka na niya kukunin.” Nagtaka ako sa sinabi nito at sinilip ang kanyang mukha. “Bakit? Sino ka ba?” Tanong ko sa lalaki. Natigilan ang lalaki at tinignan ako ng masama. Kumunot ang noo ko sakanya at hindi na lang nagsalita. Mukha kasing kung sasagot pa ako ay baka masigawan na niya. Nilibot ko ang tingin. Ito ay isang piging. Kasiyahan. May mahinang musika, mga nag-uusap na tao suot ang kanilang magarbo ngunit kakaibang kasuotan. Kakaibang palasyo talaga ito. “Can you stay still? Hindi ka mapakali,” inis na sabi nito. “Siyang tunay. Ako ay kinakabahan dahil baka dumating ang mga guardia pati ang ama ko.” “Hindi ka nga kukunin ng ama mo. Nasaan ba siya at ako ang kakausap?” “Nasa palasyo.” Sagot ko dito. “Ngunit hindi ko alam kung siya ang darating dito.” Sana talaga ay hindi siya dumating at damputin ako. “Umalis na lang kaya ako—” “Hindi. Kailangan kita dito. Anong sasabihin ng mga tao kung hindi tayo sabay aalis?” Aniya. Kumunot ang noo ko. “Ano namang kinalaman ko sa’yo? Kailangan ko na umalis dahil magagalit ang aking ama at pag nahuli ako ay baka kung ano ang gawin sakin!” “Well, that’s cruel. Sino ba ang tatay mo? Sabihin mo.” “Hindi mo ba kilala ang aking ama?” “Hindi rin kita kilala,” sagot niya na ikinagulat ko. Nanlaki ang aking mata at nagalak sa sinabi nito. “A-Ano? Hindi mo ako kilala?” Ito ba ay totoo? Gumana ba ang ginawa ng mangkukulam na iyon? Nadala niya ba talaga ako sa lugar kung saan walang nakakakilala sakin? “Dapat bang kilala kita? Kaninong anak ka ba na senador?” Tanong na naman nito na hindi ko maintindihan. “Siyang tunay? Hindi moa ko kilala?” Paninigurado ko pa sakanya. Hindi ito sumagot at inirapan na lang ako. Gusto kong magtatatalon dahil hindi niya ako kilala! “Ako ba? Hindi mo kilala?” Tanong nito. “You’re acting weird.” “Hindi kita kilala,” sabi ko sakanya ng may ngiti—ngunit agad ding nabura noong makita ko ang masamang titig niya sakin. “Bakit? Dapag bang kilala kita?” “Gumaganti ka ba kasi hindi kita kilala?” “At… bakit ko naman gagawin iyon?” Nagtatakang tanong ko sakanya. “Nais kong magpakilala kung ganon—Ako si Adelaide.” “Adelaide, huh?” Aniya sabay iling. “What a weird name.” Nakakatuwa dahil… talagang dinala ako ng mangkukulam na iyon sa kakaibang lugar at walang nakakakilala sakin! Gusto ko ng magsaya ngunit natatakot ako na baka mamaya ay dumating ang guardia mula sa palasyo—kaya kahit ganon, naging alerto pa rin ako sa mga lagusan ng bulwagang ito. “Ano palang meron at bakit may kasiyahan dito?” Tanong ko sakanya. “Anong dahilan ng piging na ito?” “It’s my father’s birthday,” aniya. “Hindi mo alam kung anong nangyayari dito pero pumunta ka pa rin?” Napanguso ako sa sinabi nito at akmang sasagot pa sana pero may dumating na lalaki at bumulong sakanya. Naging alerto naman ang lalaki. “Stand up.” “H-Ha?” “Tumayo ka diyan. Umalis na tayo dito.” “Mabuti naman. Kinakabahan kasi ako baka mahuli ako ng aking ama—” Bago ko pa matapos ang sasabihin ay hinila na ako nito para umalis. Ako’y labis na nagagalak dahil sa wakas, nasa lugar ako kung saan walang nakakakilala sakin! Siguro ay malayo ito sa kaharian dahil kakaiba ang mga tao? Ngunit hindi na iyon mahalaga! Ang importante ay nakatakas na ako!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD