Chapter 07

2109 Words
Nang sumapit ang umaga, ang maingay at kabi-kabilang tilaok ng mga manok ang gumising sa akin. Kinusot ko ang mga mata ko at marahang bumangon. Hindi pa naman gaanong sumisikat ang araw ngunit dito sa amin, maaga na lang kaming nagigising dahil sa ingay ng mga hayop. “Si Nanay?” tanong ko kay Diana. Naabutan ko siyang nagtitimpla ng milo sa kusina. Umupo ako at kumuha ng isang pandesal sa mesa. Pagkatapos higupin sa isang kutsara ang tinitimpla, saka niya ako sinagot. “Sa baybay, ate. Namumulot ng shells.” Kahapon, mahigpit kaming binilinan ng doctor na huwag na huwag na akong gumawa ng mabibigat na gawain. Hindi na pwede ang paglalaba, pagtakbo, at kahit na anong nakahihingal. Sa kabilang banda, hindi nila ako hahayaang mapagod, pero aanhin ko naman itong nakaupo lang maghapon kung lalamunin ako ng inip? Mabuti na lang at hindi na rin inusisa ni Nanay ang dahilan kung bakit naging ganoon si Diana. Mukhang hindi rin naman kasi big deal kay Dok Gal ang nangyayari. Nahihinuha siguro ni Nanay sa eskpresyon ng doctor na natatawa. Hindi ko rin alam, sa parte ko kasi, masyado kong sineryoso iyon. Maski ako ay hindi makalimot, lalo na sa parte kung paano nanginig ang aking mga tuhod at hindi napigil ang sariling kaba. Hindi ko maintindihan kung bakit ganoon ang epekto ng shake hands. Naging ganoon na nga ako noong tumawa siya at ngumiti, bakit may dumagdag pa? Hindi na ako nagtimpa ng akin. Isang pandesal pa ang kinain ko at saka uminom ng isang basong tubig. Bumalik ako sa kwarto upang mag-ayos ng sarili. Pinusod ko ang buhok ko at inalis ang natitirang muta sa harap ng salamin. Ngumiti ako, ayan mukhang hindi na bagong gising. Naglakad ako patungo muli sa baybayin. May kataasan na ang sikat ng araw ngunit hindi pa ganon kainit ang sinag nito na tumatama sa aking balat. Sumalubong sa akin ang malawak na imahe ng dagat at mga nagtataasang puno ng niyog. Tumayo ko sa ibaba ng isa at huminga nang malalim. Tanging ingay mula sa banayad na hampas ng maliliit na alon ang humihimig ngayon sa akin. Dumapo sa akin ang reyalisasyon nang makita si Nanay sa hindi kalayuan, patuloy sa pagbungkal ng basang buhangin na hinahalikan ng dagat. Isa ito sa hindi ko na magagawa. Isa ito sa mga gawain na dapat ko na iwasan. Ngunit paano na? Paano na ang hinaharap ko? Ang dami-dami ko pang pangarap para sa sarili ko. Paano ako makakapagtapos kung hindi na ako pag-aaralin? May pag-asa pa kaya ako para sa pag-aaral? Papayagan kaya ako mag-aral? Matutupad kaya ang pagluwas ko ng maynila? Paano ko matutulungan ang islang ito at paano ako makakapag-ambag? Hindi sapat ang mabuhay lang at patuloy na magpapahinga sa lungga. Habang buhay na ang sakit na ito, ano pang rason kung magiging pabigat lang ako sa pamilya ko? Si kuya, matatapos na sana siya ng kolehiyo ngunit huminto upang tumulong kay Tatay. Si Diana na lang ngayon ang nag-aaral at lubos kong pinagpapasalamat iyon. Kahit siya lang ang makakpagtapos sa amin, sobrang saya ko na. Maging doctor lang siya sa hinaharap, natupad na ang pinakamalaki kong pangarap. Tumingala ako at pumikit nang mariin upang pigilin ang pagdaloy ng luha. Muli akong huminga nang malalim at pilit na ngumiti, simpleng nagpasalamat para sa panibagong araw na ito. “Oh? Kanina ka pa riyan?” tanong ni Nanay. Pinagpag ko ang sarili mula sa buhangin at sumilip sa timbang dala niya. Kahit papano’y malapit na itong mapuno. “Nay, tutulong ako mamaya diyan ah?” Ngumiti ako at sumunod na sa kanya sa paglalakad. Tumango siya at pumayag dahil hindi naman mabigat ang gawaing iyon. At least ‘di ba, kahit na nasa bahay lang ako, gumagawa pa rin ako ng paraan upang makatulong. “Siya nga pala…” ani Nanay habang naglalakad. “Nasabi na ba sayo ni Dok na babalik siya sa isang araw?” Tumango ako. “Napag-usapan na po namin kahapon, Nay.” “Pero kung may nararamdaman ka, huwag kang matakot na sabihin sa amin. Ilang taon din siya rito kaya mapapatingin natin sa kaniya kung may paglala ba sa komplikasyon mo.” Sumang-ayon ako at sinigurong masusunod ang bilin. Nang makabalik ng bahay, nagulat ako nang tumambad sa aming sala ang ilan kong mga kaibigan at kaklase. Napasinghap ako at kaagad silang lumapit kahit na nasa b****a pa lamang ako ng pintuan. Napansin kong ngumiti si Nanay at dere-deretso lamang na pumasok sa kusina. “Hala Adalyn, kumusta na?” malakas na sabi ni Mossa at kaagad akong ginawaran ng yakap. Matalik na kaibigan ko si Mossa at ilang taon ko na ring kaklase noon. Taga-Capgahan siya at ganoon din ang iba niyang mga kasama na sina Elean, Trivo, at Carrie. Lahat sila ay mga kaklase ko maliban kay Trivo na isang taon ang angat sa amin. Kung ngayon ay nasa grade 12 na sina Mossa, si Trivo naman ay nasa unang taon na ng kolehiyo. Bahagya akong nainggit nang isipin iyon dahil dalawang taon na akong huminto at naiwan lamang sa Grade 10. Nginitian ko sila ngunit nag-alinlangan ako nang bahagya kay Trivo. Mapait kasi ang huli naming pagkikita noon. Dalawang taon na ang nakararaan ngunit malinw pa sa akin kung paano ko siya binasted. Hindi ko kasi siya pinahintulutang ligawan ako dahil hindi pa naman ako 18 noon at wala pa sa plano ko ang makipagrelasyon habang nag-aaral. Pinaupo ko sila at pinaghanda ng meryenda. Pinagtimpla ko sila ng kape at naglagay na rin ng mga tinapay sa lamesita. “Jusko, dalawang taon na rin Ada, pero wala ka pa ring pinagbago. Ang ganda mo pa rin!” Puri sa akin ni Mossa, tumingin siya kay Trivo. “Di ba Trivo?” Pumagitna ako kay Mossa at Carrie. At dahil katapat lang namin si Elean at Trivo, malinaw sa paningin ko kung paano umangat ang kanyang labi at nahihiyang ngumiti. “Oo naman,” mahina niyang sagot, gamit ang malalim na tono. Humagikhik sina Carrie at Mossa sa magkabilang gilid ko at natawa na lang din si Elean. “Salamat,” sagot ko at yumuko nang bahagya. Take it or not, hindi ako makatingin nang deretso sa kanya. Bakit ang awkward? “Anyways, nalaman namin kahapon na galing ka raw sa Capgahan Hospital. Sayang at hindi ka namin nabisita roon. Okay ka na ba? Ano lagay mo?” Sa totoo lang, matagal na nilang alam na may sakit ako. Sa school pa lang, ako na ang madalas na tampulan ng atensyon dahil dalawang beses sa isang linggo ako nahihimatay at isinusugod sa hospital. Sa mga sayaw at groupings sa P.E. ay walang nais kumuha sa akin bilang groupmates. Buti na lang at may mga kabigan ako na handa akong tanggapin sa kung ano ang abot ng makakaya ko. Sa mga panahon ding iyon, sinabi ko na hindi na ako magpapatuloy pa ng Grade 11 dahil ayaw ko na mahirapan pa sa bill sila Nanay. Ako mismo ang nagdesisyon nito dahil ito na rin ang makabubuti, ayaw ko na lumala pa itong sakit ko. Alam kong hindi ko na rin kakayanin pa ang araw-araw na biyahe mula rito hanggang sa Capgahan at maglakad ng ilang kilometro mula sa dalampasigan hanggang sa eskwelahan. Sa hirap ng buhay, mas marami pang pangangailangan na kailangang tustusan at alam kong makapaghihintay naman ang pag-aaral. Sinabi ko sa kanila kung ano ang natukoy na sakit sa akin nitong nakaraan lang. Nahinuha ko sa kanila ang gulat at lungkot dahil sa aking sinapit. Ngunit sa kabila nito, kaniya-kaniya sila ng sabi sa akin upang i-uplift ako mula sa lungkot. Maliban na lang kay Trivo dahil nananatili siyang tahimik habang patuloy lang na nakikinig sa amin. Ilang oras kaming nagkwentuhan. Nilahad nila kung ano ang mga na-experience nila noong Grade 11 at kung paano nila ako na-miss noong wala ako sa taong iyon. Walang minuto na hindi ako natawa dahil kahit na maliit ang detalye ay masugid talaga nilang sinabi. “Uy Kuya Trivo, ikaw naman,” suhestiyon ni Carrie matapos magkwento ni Elean. Ubos na ang kape sa kanilang mga tasa at si Mossa ang huling kumain ng natitirang pandesal sa plato. Napatingin ako kay Trivo, iniwan niya ang kanyang mga mata sa akin at nilipat ang tingin kay Carrie. Wala siyang nagawa kundi magsabi ng kung anong mga naranasan niya sa unang tatlong buwan sa kolehiyo. Mechanical Engerineering daw ang kanyang kurso at sa Manila rin nag-aaral. Lalo akong nagkaroon ng interes na making sa kanya dahil sabik talaga ako sa syudad. “Kamusta ‘yong mga tao roon? Mababait ba? Marami rin bang maganda?” sunod-sunod kong tanong sa kanya. Ngumiti siya at pinagsalikop ang mga daliri na nakapatong sa kanyang tuhod. “May mga mababait naman at magaganda… pero iba ka pa rin. Pinakamaganda ka.” Dumagundong ang ingay at tilian sa sala matapos niyang sabihin iyon. Natulala ako at nag-init ang mga pisngi. Shems, sinabi niya talaga iyon? Pilit akong tumawa habang niyuyugyog ng mga kaibigan. Leche, kinilig ako ron ah? “Nako Adalyn, haba ng hair! Sayo na ang korona,” biro ni Mossa. Pinagsawalang bahala ko na lang mga tuksuhan at pasulyap-sulyap na napapatingin kay Trivo. Lalong lumawak ang ngiti niya nang magtama ang mga mata namin. Sa mga oras na iyon, nagawa kong kalimutan kung anong mga pinoproblema ko. Ang saya at ala-ala ng nakaraan ay nanumbalik. Nagkayayaan sila na manungkit ng mangga at nagbiyak ng niyog. Tulong-tulong sila sa paglagay ng tubig nito sa pitsel at pagkayod ng mismong laman. Ito raw kasi ang miryenda nila para sa swimming nila sa dagat. Wala akong ibang ginawa kundi ang manood sa kanila at makisali na lang sa usapan habang nag-iipon ng miryenda. Ilang saglit pa ay kanya-kanya na silang lusob sa dagat. Ako naman ay naiwan sa ilalim ng anino nitong puno ng niyog, binabantayan ang kanilang pagkain. Suminghap ako at dinama ang simoy ng hangin. Mataas na rin ang tirik ng araw kung kaya’t napakatingkad ng kulay asul na dagat. Marami-rami rin ang naliligo lalo’t walang pasok ngayon. Kanya-kanya sila ng paraan upang makipagbuno sa hampas ng mga alon at makalangoy sa pinakamababaw na parte. Napansin ko ang pag-ahon ni Trivo. Tanging itim na shorts lang ang kanyang suot at nakalagak dito sa tabi ko ang pang-itaas nila ni Elean. Mag-isa siya ngayong naglalakad patungo sa akin at naging malinaw pang lalo kung gaano katipuno ang kanyang pangangatawan, malayo sa katawan ng Trivo noong grade 11 pa lamang. Pinasadahan niya ang basa niyang buhok at dumukot ng nahiwang mangga. Umupo siya sa tabi ko at pinagmasdan siya kung paano kinain ang hiwang mangga. “Gumanda ka lalo…” panimula niya. Ngumiti ako tumango. “Salamat.” Binalik ko ang aking tingin sa dagat. Umihip muli ang hangin at tumakas sa pagkatalikwas ang aking buhok. Naalala ko ang nakaraan kung paano ako sinusuyo ni Trivo noon. Alam ng lahat na may gusto siya sa akin at kahit sa kantina, madalas na kami ang tinutukso sa isa’t isa. Noong una, hindi ko nagugustuhan dahil ayaw ko maging sentro ng atensyon. Ngunit sa paglipas, unti-unti na akong nasanay hanggang sa mawala na ang epekto ng bawat tuksuan. Tanda ko rin kung paano siya umamin sa akin. Kung paano siya nagpaalam na manligaw ngunit tinanggihan ko. Sa dami ng mga rason ko noon, hindi kailanman sumagi sa akin ang makipagrelasyon. Gwapo si Trivo at maraming nagkakagusto sa kanya. Inaamin ko ring maliban sa kanya, may iba ring nagkakagusto sa akin. Ngunit pinagsasawalang bahala ko lalo’t tutol sa ganoon si Kuya. Wala pa nga raw ako sa tamang edad para kumerengkeng. “Nalungkot ako nang malaman ko ‘yong sakit mo, sa ngayon ba okay ka na?” Bumalik ako sa ulirat nang sabihin niya iyon. Ngumiti ako. “Oo, habangbuhay na ito kaya kailangan ko na ring sanayin sa ganito ang sarili ko. Huwag ko lang suwayin ang bilin ng doctor.” Muling tumahimik. Tanging tilian nina Carrie at Mossa ang humihimig mula sa kalayuan dahil nagpapahampas sila sa alon. “Dalawang taon na rin ang lumipas, siguro nasa tamang edad ka na para ligawan?” Napatingin akong muli sa kanya. Hindi ko naiwasang ipahalata ang gulat. Inubos niya ang mangga at nagpatuloy. “Sabi mo kasi noon, wala ka pa sa tamang edad dahil 16 ka pa lang. Ngayong 18 ka na, pwede na ba kitang ligawan?” Natutop ang bibig ko at hindi nakapagsalita. Naalala ko kung paano ko sinabi kay Dok kahapon na walang susubok na manligaw sa akin dahil sa kalagayan ko. Ngunit ngayon, ngayong may sumubok na, napatunayan kong mali ako sa sinabi kong iyon sa kanya. Kahit papaano pala ay meron.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD