Chapter 08

2254 Words
  Kung panaginip lang ang nangyari kahapon, hiniling ko na sana tulog pa rin ako hanggang ngayon. Ngunit hindi, iba sa pakiramdam. Natutuwa ako dahil may tumanggap sa akin sa kabila ng kalagayan ko. Dalawang taon din ang kanyang hinintay para sumubok ulit mula sa pagtanggi ko noon.   “Pumayag ka?” tanong ni Nanay nang makalapit na siya sa akin. Narito kami ngayon sa kubo at gagawing mga palamuti ang mga napulot na kabibe. Umupo siya sa tapat ko at kapwa nakaharap sa amin ang palangganita kung saan nakalagay ang mga kagamitan tulad ng nylon, gunting, at pandikit.   Tumango ako nang may ngiti sa labi. Hindi na ako natakot pang ipaalam ito. Nasa tamang edad naman na ako. Wala namang masama kung pagbibigyan ko si Trivo, mabait na tao naman iyon.   Walang sinabi si Nanay. Sang-ayon naman sila ni Tatay noon pa. Hindi lang ako sigurado kay kuya. Siya ang unang tumututol at mahigpit pagdating sa ganoong bagay.   “Manliligaw? May nanliligaw sa’yo ate?” biglang sumulpot sa gilid ko si Diana at saka umupo. Inosente niya akong pinagmamasdan habang pinapanood akong gumagawa ng pulseras.   “Oo, may manliligaw ang ate mo.” Si Nanay na ang sumagot para sa akin. Ngumiti lang na lang ako kay Diana.   “Wow! Ako kaya? Kailan kaya ako magkakaroon ng manliligaw?”   “Diana! Jusmiyo, ang bata mo pa!”   Natawa ako sa isingaw ni Nanay. Natulala na lang sa takot ang bata at tahimik na lang kaming pinanood.   Mamayang dapit-hapon ang uwi nila Tatay at Kuya mula sa laot. Naging sabik ako nang malaman iyon pero nakaramdam din ng kaba sa takot na baka pagalitan ako ni Kuya. Buo na ang desisyon ko. Bibigyan ko na ng pagkakataon si Trivo at magpapaligaw ako.   Bumaba si Diana at makikipaglaro sa labas. Muli akong kinausap ni Nanay.   “Sigurado ka ba talaga kay Trivo anak?”   “Opo naman Nay, saka matyaga po iyon. Nagulat nga ako at hinintay pa ako ng dalawang taon.”   “Tinatanong ko lang at baka hindi ka pala interesado. Alalahanin mong may sakit ka sa puso. Huwag mo na hayaang madagdagan pa iyan.”   Tumawa ako nang mahina at nilapag ang tinapos kong pulseras. Binalik ko sa palangganita ang gunting at nag-inat ng braso. “Nay naman, manliligaw pa lang naman. Wala pang kami.”   “Ay sus, doon din mapupunta ‘yan!”   Napunta pa sa iba ang usapan. Kinuwento niya kung paano siya niligawan ni Tatay at kung ano ang hirap na dinanas nito bago makamit ang matamis niyang OO. Dapat daw ay ganoon si Trivo at binalaan niya akong huwag bibigay nang basta-basta.   “Jusko kang bata ka, akala ko talaga si Alet ang gusto mo eh.”   Bigla akong natawa. “Hala? Eh kaibigan ko lang po talaga iyon. Saka iba po ang gusto niya.”   Ngayong nasali na sa usapan si Arlet, hindi ko napigilang maalala kung ano ang nangyari sa kanyang magulang. Kamusta na kaya si Mang Delfin? Sigurado akong nagluluksa sila dahil sa pag-alis ng nag-iisa nilang anak.   Hindi ko ito napigilang itanong kay Nanay. Aniya, hindi na nabalitaan pang bumalik si Arlet. Tuluyan naman daw naka-recover si Mang Delfin at bumalik na sa paghahanap-buhay. Nakarating sa iba’t ibang bahay ang usapang ito at kaniya-kaniya ring opinyon ang mga tao. Marami ang namumuhi kay Arlet dahil hinayaan niya lang na nagdurusa ang mga magulang niya habang siya ay nasa Maynila, sarili ang iniisip.   Kung ako ang tatanungin, tamang ginawa niya iyon para sa kanyang pangarap. Ngunit sana, sinigurado muna niyang ayos ang lahat bago umalis nang tuluyan. Higit sa lahat, magulang niya iyon, sila ang higit na nakakaalam para sa kanya. Nakakalungkot lang isipin dahil iisa na nga lang siyang anak, nawalay pa ito nang may hinaharap na problema.   “Ate!” sigaw ni Diana mula sa labas. Napalingon ako sa kanyang pinanggalingan, natigil din si Nanay sa pagtuhog ng mga kabibe.   “Bakit?” sigaw ko pabalik. Napabalikwas ako at kaagad na pumasok sa kwarto nang sabihin niyang nasa tarangkahan si Trivo.   Nagbihis ako ng pink floral shirt. Hanggang tuhod din ang pinili kong palda at pinasadahan ang maitim na buhok. Tumungo ako sa sala upang kunin ang bote ng perfume at pinisik ito sa pulso’t ibaba ng tenga ko.   Excited kong tinahak ang b****a ng aming pintuan at sinundo si Trivo sa tarangkahan. Namangha ako nang makitang hawak niya ang bouquet ng mga rosas at sa kabilang kamay naman ay may basket ng mga prutas. Si Diana naman ay eksaherada sa gulat ang mukha. Kapwa pa nakasapo sa pisngi ang magkabilang kamay.   “Magandang tanghali,” bati sa akin ni Trivo, gwapo sa suot niyang ngiti. Hawaiian ang kanyang polo at puti ang kanyang shorts. Binagayan pa ito ng puti niyang sapatos at sunglass na nakasuyod sa kanyang buhok.   Lumapit akong lalo at kinuha ang inabot niyang mga dala. Ako na mismo ang yumakap sa mga bulaklak at pinaabot kay Diana ang prutas. Patakbong pumasok ang bata sa bahay at hindi ko na alam kung ano ang ginawa.   “Salamat, Trivo, tara pasok ka, ipakikilala kita kay Nanay,” sabi ko at nilawak pang lalo ang daan. Ngumiti lang siya at sumunod sa akin.   “Pagpasensyahan mo na ‘tong bahay namin, maliit lang. Naroon sa kubo si Nanay.” Tinuro ko ang kubo na katabi lang ng aming tahanan. Nang marating ito ay kusang nagmano si Trivo.   “Magandang araw po…”   Ngumiti si Nanay at muling bumalik sa ginagawa. “Nako Ada, hindi mo sinabi na gwapo pala itong manliligaw mo, anong pangalan mo iho?”   “Trivo Trivino po, taga-Capgahan po.”   Natigil sa pagtuhog ng kabibe si Nanay at namamanghang tumingin kay Trivo. “Kaano-ano mo si Don Trio Trivino?”   “Daddy ko po.”   Tumawa si Nanay ngunit mahahalata pa rin ang gulat sa kanyang mga mata. Muli siyang bumalik sa ginagawa at saka nagsalita. “Akalain mo ‘yon, noong dalaga pa ako ay masugid kong manliligaw iyon.”   Napatakip ako sa bibig ko at tumingin kay Trivo.   “Nasabi nga po niya sa akin, nagulat nga po ako at kilala kayo.”   Speechless ako sa nalaman ko. Seryoso ba ‘to?   “Kung ganoon pala eh siguro nakatadhana kayo niyan,” patuyang sabi ni Nanay. Mahinhin akong tumawa.   “Hindi po natin masasabi. Gagawin ko naman po ang lahat para mapatunayan sa inyo at kay Ada na karapatdapat ako.”   Tumango-tango si Nanay kay Trivo at wala akong naramdaman kundi mangha. Ang taas ng confidence. Akalain mo iyon?   “Oh ano, ipapasyal mo ba ang anak ko?”   Napakamot sa batok si Trivo at ngumiti. “Opo sana, kung ayos lang po?”   “Oo naman!” pagpayag ni Nanay. “Alalayan mo lang at bawal iyan mapagod.”   Natuwa ako sa hospitality na ipinakita ni Nanay. Mabuti na lang at sang-ayon siya rito. Siguro naisip lang din niya na magiging masaya naman ako sa ganito at kahit papano, may nagkainteres na sumubok sa akin kahit pa may sakit ako.   Pinahintay ko muna sa labas si Trivo at nilapag sa sala ang mga rosas. Naabutan ko pang kumakain ng mansanas si Diana at hinayaan ko na lang siya na gawin iyon. Sa hilig niya sa mamahaling prutas, mahirap na siyang pigilan sa oras na hawak na niya iyon. Kasalanan ko pa kung iiyak ‘yan sa pagpigil ko.   Sumunod ako sa labas at tumabi na kay Trivo. Nagsimula na kaming maglakad at hinatid siya kalsada. Tahimik naming sinusuyod ito at lihim akong natutuwa sa naamoy kong bango niya. Sa yaman niyang iyan, nasisiguro kong mamahalin kahit ang pabango niya.   “Nag-research ako kung ano ang bawal kapag may sakit sa puso,” panimula niya. Tuloy lang kami sa mabagal na paglakad sa ilalim ng malawak na anino ng mga puno.   “Anong nalaman mo?”   “Maraming bawal. Pero ice cream, pwede naman sa’yo.”   Tumango ako. Natatandaan kong bawal sa akin ang mamantika at matataba.   “Hindi ko kasi kabisado itong Isla ninyo, may tinda bang ganoon dito?”   “Oo, kaso sa palengke pa. Tatlong kilometro ang layo mula dito.”   “Ayos lang kung dadalhin kita roon?”   “Oo naman. Siguro iwas na lang tayo sa matataong lugar, lalo na sa initan.”   Nang may dumaang tricycle, kaagad na siyang pumara. Pinauna niya akong paupuin sa loob at tumabi sa akin. Ako na ang nagsabi sa driver kung saan ang punta at kaagad namang umandar ito.   Malamig ang bawat salubong sa amin ng hangin. Kapag napapatingin sa akin si Trivo ay ngumingiti na lang ako. Ang bait niya. Ang gwapo. Kaya tatanggi pa ba ako kahit nasa tamang edad na ako?   “May pag-asa naman ako ‘di ba?” tanong niya. Nahihimigan ko ang tuwa sa kanyang mga salita.   Lalong bumilis ang andar ng sasakyan.   “Depende, kung consistent ka.”   “Oo naman. Matagal ko ring hinintay ang pagkakataon na ‘to, sasayangin ko pa ba?”   Namilog ng mga mata ko. Grabe sa confidence!   Karamihan kasi sa mga manliligaw noon ng mga kaibigan ko ay nahihiya. Hindi showy at limitado ang mga sinasabi. Ganoon kasi talaga kapag probinsyano. Pero itong si Trivo? Batid kong na-impluwensyahan na siya ng istilo na mayroon sa syudad. Pranka kung pranka. Walang hiya-hiya. Ganoon dapat.   Nang marating ang palengke, inalalayan niya akong bumaba. Mabuti na lang at kumulimlim ang kalangitan at hindi na mainit tulad kanina.   Hindi tulad sa Capgahan, mas maliit ang palengke nitong Agunaya. Kaunti lang ang maaring puntahan at limitado ang bilihin. Good thing is, nakahanap kaagad kami ng ice cream store. Dalawang bucket ang binili ni Trivo at dalawa ring naka-cone.   Napa-awang ang bibig ko nang iabot niya ang isang libo at bente na lamang ang sukli n’un. Ang laki ng pera na nagastos niya!   “Huwag kang mag-aalala, pinag-ipunan ko naman ito at suportado naman si Daddy,” paglilinaw niya at pinaiwan muna sa freezer ang dalawang bucket. Babalikan daw namin mamaya kapag napagdesisyunan na naming umuwi.   Sinimulan kong tikman ang may kalakihang ice cream habang naglalakad sa lilim at pinagmamasdan ngayon ang magandang view ng dalampasigan. Nakalayo na kami nang bahagya sa palengke at nagmumuni-muni na lamang ngayon.   Nang makahanap ng mauupuan, saka lang kami nakapagpahinga.   “Tuwing sabado ang uwi ko mula Maynila, pasensya na kung hindi mo ako araw-araw makikita.”   “Okay lang. Walang problema.”   “May cellphone ka ba?”   Umiling ako sa kanyang tanong. Iyon ang matagal ko na pinag-iipunan. Nahihiya rin naman kasi ako magpabili kina Tatay dahil problema na nila ang kalusugan ko.   “Sa susunod na sabado, dadalhan kita.”   “Hala?”   Matamis siyang ngumiti samanatalang ako ay subsob sa gulat. Seryoso siya?   Hindi ko alam kung anong klaseng tuwa ang naramdaaman nang malaman iyon pero grabe, masyado ang effort niya. Talagang sigurado sa ginagawa at seryoso sa bawat kilos.   Ilang oras din kaming naupo roon at nagkwentuhan. Sa dami ng nalaman ko sa kanya, unti-unti kong napagtagpi kung bakit niya ako nagustuhan at kung kailan nagsimula ang kanyang nararamdaman. Naglahad din siya ng ilang mga detalye tungkol sa kanilang pamilya at kanilang ikinabubuhay. Doon mas naging malinaw sa akin na isa pala ang mga Trivino sa pinakamayaman na pamilya rito sa Palawan.   Muli naming binalikan ang ice cream store at kinuha ang dawalang bucket na ice cream. Naglakad kami saglit sa toda at bumyahe na pauwi.   “Maraming salamat,” sambit ko nang marating na namin ang tarangkahan dito sa bahay, Inabot niya sa akin ang plastic kung saan naroon ang bucket at nginitian ako nang pagkatamis-tamis.   “Maraming salamat din sa oras, Ada.” Kumaway siya sa akin at nagsimula na maglakad papalayo. “See you on Saturday!   Tumango ako hanggang sa naglaho na siya sa aking paningin. Huminga ako nang malalim at nagsimulang maglakad papasok sa bahay.   Nang marinig ko ang ingay mula sa loob, bigla akong kinabahan. Narinig ko ang boses ni Tatay at Kuya! Hala sayang, hindi ko na naipakilala si Trivo sa kanila. Kung sana’y alam ko lang na mapapaaga pala sila ng uwi. Sayang naman.   Nang makapasok sa sala, napakurap-kurap ako sa namataan. Hindi lang pala si Kuya at Tatay ang bagong dating dito. Nang magtama ang mga mata namin, muling bumalik ang kakaibang t***k ng puso na parehas kong naramdaman nang mahawakan ko ang kamay niya!   “K-kuya…” sabi ko at itinuon na ngayon ang atensyon kay kuya. Lumapit ako sa kanya at marahan siyang niyakap. Ganoon din kay Tatay na halata ang pagod sa mukha. “Mabuti at nakauwi na po kayo.”   “Oo, napaaga,” mahinanong sagot ni Tatay, masaya dahil nakita ako.   Pero kakaiba ang tingin ni Kuya. Mukha niya akong hinuhusgahan. Pinatong ko ang bucket sa lamesita at nilapitan naman ito ni Diana.   “Wow! Galing na naman kay Kuya Trivo? Ice cream!” eksaherada niyang wika. Ngumiti ako.   Gayunpaman, hindi ko naiwasang mapatingin muli sa doctor, bakit parang nananantya siya? At bakit siya narito? Sa pagkakaalam ko ay bukas pa dapat ang punta niya upang i-check ako.   Umalis si Diana bitbit ang mga bucket. Dinala niya ito kay Nanay sa kusina.   Lumingon ako kay Kuya.   “May manliligaw ka?”   Suminghap ako at sumagot. “Meron kuya.”   Tumawa si Tatay. Sabi na’t kay Kuya lang ako mahihirapan eh.   “Balita ko Trivino naman iyon Kaloy, mayaman."   “Tay!” tutol ni Kuya. “Kahit na mabait ‘yan o mayaman, masyado pa siyang bata.”   “Tama,” sumang-ayon si Dok Gal, na siya kong ikinagulat.   Nangatal ang mga ngipin ko sa inis. Lihim kong kinuyom ang aking mga kamao at matalim siyang tinitigan gaya ng iginagawad niya sa akin.   Pati siya ay tutol?    
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD