Umupo ako sa bakanteng bangko na katabi lamang ni Tatay. Sa tapat namin ay sina Kuya at Dok, nagpatingin kasi ng blood pressure si Kuya dahil kaninang umaga pa raw nahihilo. Nang ipaliwanag ni Dok ang vital signs niya, doon napag-alaman na tumataas ang presyon niya.
Napakagat-labi ako habang nakikinig sa kaniyang paliwanag. Marami rin siyang babala para kina Tatay. Pinaglaruan ko ang mga daliri ko at paminsan-minsan ay tumitingala. Kailangan ko na yatang tanggapin na sakitin ang lahi namin.
Hindi ko alam kung paano dahil madalas namang masustansiya ang kinakain namin. Naroon naman ang exercise kapag gumagawa ng mga gawain. Siguro ganoon lamang talaga kapag namamana. Anumang gawin mo, walang magagawa dahil dala na ito pagkapanganak.
Maya-maya’y lumabas mula sa kusina si Diana at Nanay dala ang mga mangkok na puno ng ice cream. Ngumiti si Tatay nang iabot sa kanya ni Diana ang isa. Umupo ang bata sa gitna namin ni Tatay at sinimulang lantakan ang pagkain. Tumanggi na rin akong kumain dahil natikman ko naman na ito kanina ngunit tinanggihan nina Kuya at Dok ang dalawang mangkok na alok ni Nanay.
Kaniya-kaniya sila ng dahilan. Wala raw gana si Kuya samantalang si Dok ay hindi mahilig sa matamis. Napaismid ako at sabay silang inikutan ng mata. Alam kong ayaw nilang tumikim dahil galing ito kay Trivo! Style nila bulok.
“Ada!” sigaw sa akin ni Kuya nang makita niyang pati si Dok ay inirapan ko. Napabusangot ako. “Doktor natin ‘to, nasaan ang respeto mo?”
Natahimik ako at ang kaloob-looban ay kumukulo sa inis. Humanda talaga sila sa’kin mamaya.
Lumabas na lang si Nanay para ibigay ang ice cream sa mga batang naglalaro sa labas. Agad din siyang bumalik at tumayo sa likod ni Tatay.
“Oo nga kuya,” gatong ni Diana at nilapag ang kutsara sa mangkok. “Inaaway niya si Doktor Galileo. Inaano ka ba kasi ate?”
Suminghap na lang ako at ginulo ang buhok ng bata. Mabuti na lang at hindi na sinundan ni Tatay. Kung ano-ano na ang naramdaman ko para sa shake hands na iyon, huwag naman sanang maulit pa!
Sumulyap ako sa sinasamba nila Galileo Orson. Sa lamig ng paninitig niya sa akin, hindi ko hinayaang mas mainit ang akin. Kakaiba siya. Siya lang ang kilala kong lalaki na natitiis akong tingnan nang ganito na para bang ang laki-laki ng nagawa kong kasalanan.
Umayos ng upo si Kuya. Abala naman sa pagsisilid ng gamit si Dok sa dala niyang itim na shoulder bag.
“Nay, kamusta ang manliligaw ni Ada? Totoo bang si Trivino?” seryosong tanong ni kuya. Sa puntong iyon, namataan kong bumagal ang kilos ni Dok at lalo pang bumagal sa pagsasa-ayos nang magsalita si Nanay. Teka nga, hindi ba pwedeng pag-usapan ito kapag nakaalis na ang doctor? Bakit kailangan agad-agad?
“Oo anak, Trivo raw ang pangalan, mukha namang mabuti kaya hayaan mo na sila.”
Kumunot ang noo ni Kuya. Ang hirap naman nitong pakiusapan!
“Parang pamilyar sa’kin ‘yun ah.”
Tumawa si Tatay, “Iyon yata ang panganay ni Don Trio. Karibal ko dati iyon noong nanliligaw pa ako sa Nanay niyo.”
Gumaan ang pakiramdam ko nang marinig iyon. Mabuti pa itong sina Nanay at pinapayagan ako. Eh itong kapatid ko, kung hindi overprotective ay insensitive naman. Ngayon na nga lang kekerengkeng eh.
Sa huli ay wala ngang nagawa si Kuya. Wala naman kasi siyang magagawa kung gusto ko at sang-ayon ang aming mga magulang. Saka hindi naman ako napipilitan sa desisyon kong magpaligaw. Masaya nga ako. At least maliban sa kanila, magkakaroon pa ako ng ibang dahilan para ngumiti, ‘di ba?
Si Kuya, knowing him, alam kong bitter ‘yan sa love life. Kung hindi man gusto ng babaeng gusto niya, masyado namang torpe at takot sumubok sa panliligaw. Natatandaan ko noon si Dahlia, iyon daw ang babaeng nagugustuhan niya. Pero nang sabihin kong kay Arlet na iyon, nawalan na siya ng gana.
Hindi ko alam kung alam ba ni Arlet na gusto ni Kuya si Dahlia. Isang taon na rin kasi mula nang malaman ko iyon. Kung sasabihin ko ito, malamang sa malamang magkakaroon ng lamat sa kanilang pagkakaibgan. At least ngayon, masaya akong may respeto roon si Kuya at hinayaan niya na lang ang dalawa.
And that justifies his bitterness, hindi lang dahil overprotective, ito’y dahil malas talaga siya sa usaping pag-ibig.
Ngayong nagpaalam si Dok na aalis na siya, hindi ako nagdalawang-isip sumunod sa kanya ng lakad. Nakalabas na siya sa aming bakuran at naglalakad na siya ngayon sa kalsada, nang bigla siyang huminto at tumalikod upang tapunan ako ng malamig niyang tingin. Umirap ako at humakbang pa palapit sa kanya.
“Sumang-ayon ka kanina kay Kuya…”
Namataan ko ang pag-angat ng kanyang kilay. Kumunot ang kanyang noo at sa puntong iyon, napansin kong nadepina ng palubog na sikat ng araw ang matangos niyang ilong.
Hindi ako halos makapaniwala. Sa istura ng taong ito? Seryosong hindi pa nagka-girlfriend?
Binitawan niya ang hawak sa strap ng sukbit niyang shoulder bag at nagsalita.
“Noong 18 ako, wala pa sa isip ko ‘yan,” wika niya sa malalim na tono, seryoso iyon at walang bakas ng biro. Bigla akong nanliit sa kanyang presensya. Mukha akong bata na tumitingala sa matanda.
Tumango ako, “Okay, sabihin na nating bata pa ako, pero ‘di ba parte na ‘to ng puberty? Nasa discovery stage pa lang ako.”
Natahimik ang paligid nang sabihin ko iyon. Humahagibis ang mga dahon ng niyog dahil sa hangin at ang mga matatangkad na damo ay sumasaliw. Inayos ko ang nagulo kong buhok at naghintay sa kanyang sagot.
Nanatili ang mga mata niyang walang emosyon. Ramdam ko ang naglalagablab niyang awtoridad. I get it. Eighteen ako at twenty eight siya. Naroon dapat ang respeto ko sa kanya bilang nakatatanda, ngunit hindi ko maiwasang kwestyunin ang sarili ko dahil hindi ko feel na ituring siyang ganoon. Parang hindi bilang nakatatanda ang kaya kong i-offer. Kahit sarili ko ay hindi ko maintindihan pagdating dito. Bakit kaya?
“Heartbreakers don’t choose their preys,” sambit niya. Naintindihan ko ang lalim nito kaya lihim na namilog ang mga bibig ko. Saglit siyang tumingin sa gilid ko at binalik kaagad sa aking mga mata ang atensyon. “Their preys are dumb enough to let them break their heart.”
Suminghal ako at patuyang natawa. Tumalikod siya ngunit agad kong hinarangan ang kanyang dinadaanan.
“So ang ibig mong sabihin heartbreaker predator si Trivo at ako naman ang prey niya? Hello? Anong konek nun sa sinabi kong nasa discovery stage pa lang ako?”
“That’s what I’m saying. You said to yourself that you’re in a such kind of stage and I revealed what you’ll soon discover.”
Lumapit siya sa akin at inilapit sa tenga ko ang kanyang bibig. Kinilabutan ako sa lamig at lalim ng baritono niyang boses. “And yes, Trivino kid is a predator.”
Napipi ako at naiwang tulala hanggang sa tuluyan nang dumilim at umalis na sa aking harapan. Kumaway pa siya sa akin bago tuluyang naglaho sa dilim ang imahe. Sa sobrang speechless ko, ang tangi ko lang nagawa mula sa sinabi niya ay matulala.
Ano bang nangyayari sa akin?
Gayunpaman, wala akong sapat na rason upang paniwalaan kung ano ang sinasabi niya. Ni hindi niya pa nga nakikita si Trivo, grabe naman siya kung manghusga. Ano ba ang gusto niyang mangyari? Prehas lang ba sila ni Kuya na overprotective? Ano naman ang pwedeng dahilan para maging overprotective? Posible kayang nakababatang kapatid ang turing niya sa akin?
Imposible, ang taray ko nga sa kanya eh.
Kinabukasan, sa pagsapit ng umaga, deretso sa palengke si Nanay upang ibenta ang mga palamuti. Si kuya naman at si Tatay ay nasa fishport para sa mga isda nilang nahuli. Ako na lang at si Diana ang naiwan dito sa bahay. Naghihintay sa pagdating ng doctor-to-the-barrio para kuno sa every-two-day-check-up.
“Anong oras kaya siya darating, ate?” si Diana habang nagsusuklay ng basang buhok. Prente lamang ang upo ko rito at walang kagana-gana sa mangyayari. Bwisit talaga. Pwede naman sana kung kahapon niya ako chinek ‘di ba? Kailangan talaga masunod ang bawat dalawang araw?
Nagsimula ang tahulan ng mga aso kaya lumabas si Diana upang tingnan ‘yon. Nakumpirma ngang si Dok iyon nang tumakbo patungo roon ang bata.
Huminga ako nang malalim at umupo nang maayos. Ganoon na lang ang pagbusangot ko nang iluwa na ang Galileo sa pinto sukbit ang kanyang shoulder bag.
“Ang gwapo ni Dok, ‘di ba ate?” Tumabi sa akin si Diana. Nasamid naman ako ng sarili kong laway at eksaheradang umubo na para bang malalagutan ako ng hininga.
“Ah oo hehe, gwapo nga,” bawi ko nang makitang nakasimangot si Diana. Sa pagtingin ko kay Dok ay tumalim kaagad ang aking mga mata. “Pakibilis dok.”
Hindi ko alam kung ano ang kanyang iniisip habang sinusukbit ang stethoscope at hinahanda ang kanyang log book. Alam kong alam niya na marami akong nais itanong at sabihin sa kanya. Grabe siya sa manliligaw ko!
Umalis si Diana sa tabi ko nang lumapit si Dok sa amin. Hindi na siya nagpaalam at kaagad na tinutok sa kaliwa kong dibdib ang aparato. Gusto ko ngang matawa ngunit nahihiya naman ako kung ipapahalata iyon. Hindi kaya awkward sa mga doctor kapag nararamdaman nila ang umbok sa dibdib ng pasyente? Hindi naman sa masakit itong pagdiin pero nararamdaman kong nakapatanong ang ilan niyang daliri sa paligid.
Masugid ko siyang tiningnan. Nababanaag ko sa kanya ang masyado niyang focus sa ginagawa. Hindi ko naiwasang maamoy ang panlalaki niyang perfume dahil sa sobrang lapit namin sa isa’t isa. Bakit kaya nao-obsess ako sa manly perfume? Ang sarap sa ilong.
Kinuha niya rin ang blood pressure ko, ganoon na rin ang body temperature at breathing rate. Nang ideklara niyang all normal naman ako, mas nakahinga ako nang maluwag.
“Maintain your diet, ‘yong mga gamot mo, saka ko ipapadala rito kapag dumating na. Sundin mo lang ang sinasabi ko kung ayaw mo maging broken hearted.”
Pinapirma niya ako sa log book samantalang si Diana ay nagpaalam upang kumain sa kusina. Subalit hindi ko pa rin pinalagpas kung ano ang sinabi ng doctor na ito.
“Gets kong doctor ka, okay. Pero wag mo na pakialaman ang love life ko. Gumawa ka na lang ng love life mo at iyon ang problemahin mo.”
Abala siya ngayon sa pag-aayos ng kanyang gamit. Nang masigurong ayos na ay muli siyng umupo, hinarap ako.
“Problema na kita, ayaw ko na dagdagan.”
Namilog ang mga mata ko. Wow ha!
“So kasalanan ko pa pala na maging doctor ka at ako ang pasyenteng pinoproblema mo?”
“Ang daldal mo. Halikan kaya kita nang matigil ka?”
Nanginig bigla ang tuhod ko sa narinig. Oh gulay! Totoo ba ang narinig ko?
Jusko, bakit ang OA ko? Paano kung biro lang sa kanya iyon? Tapos ako itong parang tanga na masyadong seryoso!
Natawa siya sa reaksyon ko. Sa puntong ito, lalong nanghina ang tuhod ko.
Okay naman ako. All normal. Pero nagiging iba na ako kapag nakikita siyang tumawa at…
Gosh, ano ba talagang nangyayari sa akin?
Ngayon ay sumeryoso na siya, hindi ko alam kung hint na ba iyon na maniniwala na ako sa mga susunod niyang sasabihin but swear, kung iba ang nasa kinatatayuan ko, iba ang feeling. Kakabahan na matatakot hindi dahil sa awtoridad niya, kundi dahil sa makalaglag underwear niyang tingin.
Napaisip tuloy ako bigla. Naging model kaya siya?
“Hindi pa ako pumapatol sa bata, Laroque.”
Umirap ako, pinanatili ang inumpisahang katarayan.
“Yan, ganyan ka kapag wala sa paligid sila Tatay.”
“Ano ba ko kapag nandito sila? Hmm?”
Hindi ako nakasagot. Napatulala ako sa paraang naghahanap ng maaring sasabihin. I lost for words! Ayaw kong magpadalos-dalos na lang dahil kakaiba siya tumirada ng mga sasabihin.
“Para sa’kin, ang disente mo kapag may nakatingin—”
“Bakit? Hindi pa ba ako disente sa lagay na ‘to?”
“Ayan! Look, hindi ka naman sumasagot-sagot kapag nagtataray ako, tapos ngayon lumalaban ka,” singhal ko. Ngumiti siya.
Really? Hanggang kailan ko ba itatanggi sa sarili ko na kahinaan ko na ang kanyang ngiti?
Bakit nagkakaganito ako?
“Okay, got it,” sagot niya. Lumayo siya sa akin nang bahaya. Sumandal siya sa upuan habang hindi iniiwas ang tingin sa akin. “Hahayaan kitang tarayan ako, ‘cause I like it.”
Mapaglaro akong tumawa ngunit sa kaloob-looban, tila ba kinalahig ng kung ano ang iba-iba kong emosyon. Matutuwa ba ako dahil nagugustuhan niya kung ano ang mga pinapakita ko? O maiinis dahil taliwas ang reaksyon niya sa inaasahan ko?
Inabot niya ang ulo ko at ginulo ang aking buhok.
“Make me your prey, my predator,” ngumiti siya nang sabihin iyon at pinanood akong hindi makapagsalita.