HINDI ako tumayo. Nanatili ako sa upuan ko kahit naglakad na siya palayo. Panay naman ang pagsiko sa akin ni Emma. Malaki ang mga mata na parang sinasabing tumayo na ako kung ayaw kong mamaalam sa ibabaw ng planetang earth.
“Get up, Drusilla!” utos ni Emma.
“Hindi ko naman sinasadya ‘yon!” pakikipagtalo ko sa kanya.
“Common! Sumunod ka na lang habang hindi pa siya badtrip!” pagpupumilit niya.
Para akong bata na pumadyak sa ilalim ng mesa. Nakakainis naman!
“Disobey me and your father will hear about this.”
Napalingon ako kay Demetrius. Huminto na pala siya sa paglalakad pero nakatalikod pa rin sa direksyon ko. Wala akong choice kundi kunin ang bag ko at sundan siya.
“Huwag na tayong lumayo! Sabihin mo na ang sasabihin mo. Malapit na ang susunod na klase,” saad ko. Balak pa ata akong dalhin sa pinakasuluk-sulukan ng Crescent nito, eh.
Hindi siya nakinig. Patuloy lang siya sa paglalakad.
“Why are you suddenly concerned if you go late? Hindi ka naman nag-aaral.”
Aray ko, ah! Nag-aaral kaya ako. Matalino rin. Pambato kaya ako sa quiz bee lagi noon kapag wala silang choice.
Hindi na lang ako nagsalita. Medyo may point kasi siya. Walang kasing notebook sa bag ni Drusilla.
“Gusto mo lang ba akong kausapin para insultuhin?” sarkastiko kong tanong.
Bigla siyang huminto. Ako naman na nasa likod niya at nakasunod ay nabigla. Tumama tuloy ang maganda kong mukha sa likod niya.
Mangani-nangi ko siyang huwag itulak para mabagok at makalimutan niyang mag-uusap kami ngayon. Pasalamat at mabango siya. Worth it ‘yung pagkapipi ng ilong ko dahil sa pagtama sa likod niya.
Inayos ko ang pagkalukot ng uniform ko bago ako nag-angat nang tingin sa kanya. Nakatitig lang siya sa akin na ikinaangat ng kilay ko.
“Ano? Titingnan mo lang ba ako? Gusto mo lang ata ako masolo kaya pinapunta mo ko rito, eh,” saad ko.
Nagusot ang noo niya. Ang sharp niyang mata ay mas lalong tumalim.
“Huwag kang assuming. Nag-iisip pa ako ng ipaparusa sa ‘yo.”
Napalunok ako. “Parusa? Hindi ko naman sinasadya ‘yon, ah!”
“Yeah, and you don’t even apologize.”
“Paano ba naman kase. Ang sama-sama ng tingin mo. Paano pa makakapag-sorry?” katuwiran ko.
“It’s not like you’re not used to it.”
Tumaas ang isang kilay ko. “Huh?” nagugulumihanan kong tanong.
Hindi na siya nagsalita. Nanatili siyang nakatitig sa akin. Ako na lang ang nag-iwas nang tingin dahil sa pagkailang. Kunwari ay na-appreciate ko ang kinis ng sahig.
“Ano? May sasabihin ka pa ba? Aalis na ako,” saad ko kapagkuwan.
“I have nothing to say.”
“Edi. . . goodbye!” Tumalikod ako.
“Sinabi ko bang umalis ka?”
Natigilan ako.
“You will stick with me until I figure out how I can punish you. Ayokong lalayo ka sa paningin ko. Do you understand?”
Lumaki ang mga mata ko. “Ha? Ayoko nga—”
Napatigil ako. Mukhang magandang ideya iyon, ah. Hindi na ako magpapakahirap sa paghahanap sa kanya.
Ang pagtutol ko ay nauwi sa ngisi. “’Ge ba! Sino ba naman ako para tumanggi? Kung kailangan mo ba naman ang kagandahan ko. Why not—”
“Ang daldal mo. Sumunod ka.”
Malapad ang ngiting sinundan ko siya. Sa wakas! May improvement na rin.
NANGUNGUNOT ang noo niya habang nakatingin sa akin. Ako naman ay malapad lang ang ngiti. Kung makatingin siya, akala mo nasiraan na ako ng bait. Masarap sana siyang barahin kaso good mood ako ngayon.
Nauna ako sa kanya papunta sa may pinto nang matanaw ko ang room namin.
“Tabe! Tumabi kayo! Dadaan ang hari, mga ulupong!” sigaw ko.
Nagsitabihan naman sila. Iyong iba nagsalubong ang kilay pero nang makita ako, umurong din naman. Dapat lang. Baka gusto nilang makita ang bangis ng Drusilla-Ember fusion.
“Tantananan tananan tanan! Tanananan!” kanta ko.
“Stop it!” mariing suway ni Demetrius. Hindi na maipinta ang mukha niya.
At dahil mabait ako, hindi ko siya sinunod. “Magbigay galang sa hari ng mga masungit!”
Confuse na confuse naman ang mga itsura ng kaklase namin. Hindi nila alam kung susunod o hahayaan ako.
“Drusilla!” rinig kong gigil na sambit ni Demetrius.
Nilakihan ko ang bukas ng pinto at nilingon siya. “Pasok na, kamahalan. Masyadong nae-expose ang kaguwapuhan mo riyan. Ako lang dapat ang pinagtitinginan.”
Nanlilisik na ang mga mata niya na parang anumang oras ay sasakalin na ako. Pero sa huli ay pumasok din naman siya.
Pakipot pa, susunod din naman.
Sumunod din ako kaagad sa kanya. “Oy! Tabi! Tabi!” suway ko kahit pa kusa rin naman silang nagsisitabi.
Stress na ang mukha ni Demetrius nang makaupo siya. Malapad naman ang ngiti ko.
“Ngiti naman d’yan. Nakakabawas kaya ng life span kapag laging nakasimangot,” pabirong banta ko. Kahit mukhang hindi na mabiro ang guwapo niyang mukha.
Lumingon siya sa akin. Nangalumbaba naman ako at nginitian siya nang malapad. Itinaas baba ko pa ang mga kilay. Ang ganda talaga ng mga mata niya. Sana all, gray eyed.
“Dahan-dahan lang sa pagtitig, beyb. Baka ma-fall ka. Willing to catch pa naman ako,” biro ko.
Nag-iwas din naman siya nang tingin sa akin. Kaso ay hindi nakaiwas sa paningin ko ang pamumula ng pisngi niya.
Napahalakhak ako. “Blush ‘yan?” nang-aasar kong tanong.
“I’m not! Wala akong alam sa pinagsasabi mo,” kaila niya.
Lalo akong napahalakhak. “Hindi raw nagba-blush pero kitang-kita na namumula ang pisngi. Ano ‘yan? Blush on?”
“It’s hot here that’s why!” angil niya.
Itinuro ko ang napalaking aircon sa gilid. “Sa laki niyan, nainitan ka pa? Ano ‘yang balat mo? Tinagpian ng sweater sa kapal?”
Hindi na siya nagsalita. Marahas na lang niyang inurong palayo ang upuan mula sa akin. Kumuha siya ng libro sa bag at nagbuklat. Nakamasid lang ako sa kanya.
Kitang-kita ko ang tangos ng maputi at medyo namumula niyang ilong. Ang sarap pisilin hanggang sa hindi na siya makahinga.
“Pst!” tawag ko.
Hindi siya lumingon. Nanatili ang mga mata niya sa libro.
“Pst! Pogi!”
Wala pa ring response.
“Pst! 150! Dun tayo sa likod.”
Napahalakhak ako nang malakas dahil tuluyang namula ang mga pisngi niya. Mukha siyang kamatis. Napahampas pa ako sa desk dahil sa tuwa ko.
Hindi naman pala mahirap landiin ang isang ‘to. Talagang malamig lang siya kung tumingin o kumilos but deep inside, malambot siya.
Napangisi ako. Ngayon, alam ko na kung paano magsisimula.
GOOD MOOD ako buong maghapon hanggang sa mag-uwian. Kaso nga lang, nabura ang ngiti ko pagdating sa dorm ko. Nasa loob kasi si Lilith at mukhang kanina pa naghihintay.
Humugot ako nang malalim na hininga. “Ano ‘yon? May nagawa na naman ba akong mali?” diretso kong tanong.
Unang gumuhit ang ngisi sa labi niya bago nagsalita. “No, I am here because I am happy. You did good today.”
Nakahinga ako nang maluwag. Hindi na ako nagsalita.
“Keep it up. Not everyone can do what you did earlier. You’re improving and the more you improve, the sooner our deal will end. If that happens, you can go back to your life peacefully,” saad niya.
“Iyon ang balak kong mangyari pero hindi ko pa rin sigurado kung hanggang kailan ako rito. Kaya aalis ako mamaya para magbayad ng mga utang ko. Bukas, ipagpapaalam ko ang sarili sa campus. Ilang araw na rin nang huli akong pumasok,” saad ko.
Tumango siya. “Just be careful. Make sure no one is following you, or you will be dead.”
Tumango ako. Tumayo siya at walang salitang lumabas sa loob ng kwarto. Pabagsak akong naupo sa sofa. Nakaka-drain makipag-usap sa kanya. Iyong saya ko sa maghapon, parang na-vacuum niya lahat.
Saglit akong nagpahinga bago bumangon at naligo. Uunahin ko munang bayaran ang mga utang ko. Sana lang ay hindi pa ako pinalayas sa apartment.
Kinabahan pa ako nang very light kasi wala akong nakitang medyo matinong damit sa walk-in closet ni Drusilla. Mabuti na lang magaling akong mangalkal. Nakakita ako ng black na hoodie at black ripped jeans. Nagsuot na lang ako ng putting Converse sa paa.
Mabuti na lang din at hindi umulan. Nakakatamad pa naman maggala kapag basa ang daan.
Patingin-tingin ako sa paligid para i-check kung may nakasunod o nakakita sa ‘kin. Daig ko pa ang nakatakas sa preso. Orange na damit na lang kulang.
Huminto ang mga paa ko sa tapat ng apartment na tinuluyan ko. Nakaka-miss din palang umuwi rito. Kumusta na kaya ang kuwarto ko? May naiwan pa naman akong hugasin. Napakamot ako sa ulo.
“Inamag na ‘yon potek!”
“Ano’ng sadya niyo rito, Miss? Magre-renta ka ba?”
Napatingin ako sa nagtanong. Ang landlord pala namin.
“Nand’yan—” Tumikhim ako. Ang weird naman nito. “Nand’yan po ba si Ember?”
“Oh! Ang batang ‘yon? Matagal na ‘yong hindi umuuwi. Ewan ko nga kung ano nang nangyari roon. Ang dami pa namang utang no’ng batang ‘yon! Ako nangungunsume dahil sa akin nagrereklamo ang pinagkakautangan niya!” reklamo niya.
Pigil ko ang mapangiwi.
“Kaibigan mo ba ‘yon? Pakisabihan naman kung uuwi pa siya dahil ibebenta ko talaga ang mga gamit niya riyan!” singhal niya. “Perwisyo siya—”
“Magbabayad ako ng advance,” putol ko sa sasabihin niya.
Tumaas ang kilay niya. “Talaga? Kaano-ano mo ba ‘yon—”
“Three months.” Dumukwet ako sa dala kong bag ng pera saka inabot sa kanya. “Ayan! Huwag mo na siyang hanapin. Nasa bakasyon siya.”
Nagningning ang mga mata niya nang mahawakan ang lilibuhing pera. Iniwan ko siya roon na nakangiti at tulala. Tinungo ang kuwarto ko. Dala ko ang susi kaya nabuksan ko iyon.
Maliit lang inuupahan ko. Sakto lang para sa akin. May isang kuwarto at naka-tiles pa ang kubeta. Sulit na sa tatlong libo isang buwan. Pabagsak akong nahiga sa kama ko.
‘Di hamak na mas malambot ang kama ko sa Crescent pero mas gusto ko pa rin ang kama ko rito. Marami akong problema at kung minsan hindi ako nakakatulog pero at least, malaya ako. Kaysa sa Crescent na pakiramdam ko trapped o nakakulong. Parang isang tau-tauhan.
Mahina akong napabuga ng hangin. “Push pa, Ember. Kaya mo ‘yan. Kailangan nating kayanin self.”
Dahil sa tulad kong mahirap. Hindi dapat uso ang pagsuko kung gustong mabuhay.
NAPAMULAT ako ng mga mata. Madilim na paligid ang bumungad sa akin kaya napabangon ako bigla.
“Nakatulog ako!”
Napasabunot ako sa buhok. Kinapa ko ang bag saka inilabas ang cellphone. Alas syete na! Masasaraduhan ako ng gate!
Dali-dali akong bumangon. Kinapa ko ang switch saka inayos ang sarili. Sinigurado kong naka-lock nang maiigi ang pinto bago ako tumakbo palabas ng apartment.
Nahirapan pa ako makasakay dahil marami rin ang papauwi. Nasapo ko ang ulo pagkababa sa huling sakay. Tiningnan ko muna ang oras sa cellphone ko. Ten minutes na lang bago mag-alas otso.
Pumasok muna ako sa nadaanan kong 7/11 para bumili ng Kopiko Brown na kape. ‘Di ko type ‘yung coffee machine roon ni Drusilla. Ang hirap gamitin! Bumili na rin ako ng instant coffee na tag-sampo. Pantanggal antok.
Saktong-sakto lang ang pagdating ko sa Crescent. Papasara pa lang ang gate. Naupo muna ako sa nadaanan ko bench para ubusin ang kape.
“Ang ganda ng langit ngayon. . . parang ako lang. . .” bulong ko. Humigop ako ng kape.
“Saan ka galing?”
Nagkanda-samid ako sa gulat dahil sa malalim at lalaking boses na iyon. Nanlalaki ang mga mata kong napatingin sa matangkad na bultong may lakas ng loob para istorbohin ang coffee time ko.
“Bakit ka ba nanggugulat?” asik ko. “Kita mong nagkakape ako!”
Nanatili ang kaseryusuhan ng mga abuhin niyang mata.
“You like coffee.”
Kumunot ang noo ko. “Hindi ba obvious? Nagkakape kaya ako—”
“But you don’t like cheap coffees.”
Napalunok ako. Bigla akong kinabahan. Nakakahalata na ba kaagad siya?
Tumikhim ako. “Bakit? Bawal na bang mag-try ng bago ngayon?”
Humigop ako sa kape para matanggal ang panunuyo ng lalamunan ko. Kaso tumaas naman ang nerbyos ko.
“I’m still thinking about your punishment. But seeing you right now. I pity you. Bukas ko na lang pag-iisipan,” saad niya.
Palihim akong umismid. “Ano’ng nakakaawa sa pagkakape? Baliw.”
“Naririnig kita.”
Napaismid uli ako. “Malamang may tenga ka.”
Nanliit ang mata niya. Pinanliitan ko rin siya ng mga mata. Hindi ako papatalo, no!
Tumayo ako. Itinapon ko muna sa trash bin ang pinagkapehan bago ko siya hinarap.
“Gusto ko sanang landiin ka tonight pero pagod ako. So, bukas na lang. Bye! Pahinga ka na!” Ngumiti ako at nag-wave sa kanya. Tumalikod ako at naglakad paalis.
“Drusilla. . .”
Napahinto ako sa paglalakad. Nilingon ko siya.
“Bakit? Na-miss mo kaagad ako?” nang-aasar kong tanong.
Napatitig ako sa mga mata ni Demetrius. May emosyong dumaan sa mga mata niya na kaagad ding nawala. Nag-iwas siya ng tingin.
“Nothing. . . Umalis ka na.”
Nagtataka akong napatitig sa likod niyang papaalis. Ano’ng meron sa kanya?
Napailing ako. “Umalis na raw ako pero siya unang umalis.”