Chapter 3

1675 Words
PAREHO silang natulos sa kinatatayuan ni Glenard. Kahit malamig na ang gabi ay nag-umpisa siyang pagpawisan ng malapot dahil sa lakas ng bunganga ng Nanay niya. Siguradong katakot-takot na pingot at kurot na naman ang aabutin niya dito. "N-Nay…" Hindi niya magawang lumapit sa ina dahil siguradong kapag naabot siya nito ay pipingutin na naman siya sa tainga. Baka makita pa ni Glenard ay nakakahiya. 'Di baleng bungangaan na lang siya ni Aling Celia. At least sa bunganga ng Nanay niya ay sanay na si Glenard. "Pumarine ka, Sandra! Bakit kasama mo na naman ang Glenard na 'yan?" Napalunok siya at hindi malaman ang sasabihin sa kanyang Nanay. Hindi na niya mabilang kung ilang beses na siyang napahiya sa harap ng kababata. Nanlalaki ang mga mata nito habang nakapamaywang na nakatunghay sa kanila. Kilala niya ito, siguradong magtatatalak na naman ito kahit pa sabihing hatinggabi na kapag hindi pa umalis ang kaibigan. Pagdating sa mga Galvez ay nawawalan ng hiya at delikadesa ang Nanay niya. Marahil sa sobrang galit nito sa angkan ng kababata niya. "Umalis ka na, Narding," mahina niyang sabi. "Pero paano ka? Pagagalitan ka na naman ng Nanay mo, Sandra." Pag-aalala ang nasa tono nito at hindi takot. Kahit yata labasan na ito ng itak ng Nanay niya ay hindi pa rin kababasakan ng takot ang gwapong mukha ng kababata. "As if namang may magagawa ka sa galit ni Nanay!" mariin niyang sabi. Siya na ngang anak nito ay hindi kayang kontrolin ang Nanay niya, ito pa kayang pamilya ng kinamumuhian ng kanilang pamilya. "Aba't diyan pa talaga kayo nag-usap, ah! Sinabi ng pumarine ka, e!" muling nanlaki ang lalamunan ng Nanay niya. Natakot tuloy siya na baka magising ang mga uncle niya at makita pa ng mga itong nasa teritoryo nila si Glenard ay magkagulo pa. Nataranta siya bigla. Halos ipagtulakan niya si Glenard palayo pero mukhang hindi ito natatakot sa posibleng mangyari. "E, Aling Celia, huwag na ho kayong magalit. Nagpunta lang naman ho kami sandali ni Sandra sa plaza. Pasensiya na ho kayo kung ginabi kami," sabi ni Glenard sa Nanay niya. Wala siyang nagawa kung hindi ang mapatampal sa noo. Mientras kasing nangangatwiran sa Nanay niya ay mas lalo itong nagagalit. Kaya dali-dali siyang lumapit sa ina at lumayo kay Glenard. Inaasahan niyang pipingutin siya nito pero hindi ginawa ng ina. Bagkus ay itinago siya nito sa may bandang likod at mas lumapit sa kababata niya. "Isa kang Galvez kaya ayokong nakikita kayong magkasama. Umuwi ka na." Sa pagkakataong iyon ay mahinahon na ng bahagya ang kanyang ina. Samantalang hinila na siya nito papasok sa loob ng bahay matapos sabihin ang mga iyon. Muli niyang nilingon si Glenard na nakatayo pa rin sa tarangkahan nila. Walang bakas sa mukha nito na natakot sa Nanay niya. Kinindatan pa nga siya nito bago siya ganap na ipasok ng Nanay Celia niya sa loob. Hindi rin nakaligtas sa kanyang paningin ang sumilay na ngiti sa mga labi nito. ILANG araw grounded si Sandra. Kahit sa bukid ay hindi siya pinapupunta ng Nanay niya. Nang gabing nahuli sila nito ni Glenard na magkasama ay napingot nga siya nito at nakurot pa sa singit nang nasa loob na sila ng kanilang sala. Lungkot ang bumabalot sa kanya dahil ilang araw na niyang hindi nakikita si Glenard. Kahit makulit ito minsan ay na-mi-miss pa rin niya ito dahil ito lang ang kaibigan niya. Kahit mga pinsan niyang babae ay hindi naging malapit sa kanyang puso na kagaya ng kababata. "Ilaglag mo na," pabulong na wika sa kanya ni Glenard habang nakatayo sa ibaba ng kwarto niya nang gabing iyon. Nagulat siya sa pagkakatulala sa kisame nang may marinig na bumato sa kanyang bintana kaya mabilis siyang napabangon. At hindi niya alam kung matutuwa o matatakot nang makita niya ito sa ibaba. Alaganing matuwa at mag-alala siya. Gustung-gusto niya itong makasama pero natatakot naman siyang mahuli ng Nanay niya. Hindi siya suwail na anak pero pagdating kay Glenard ay palagi niyang nasusuway ang bilin ng ina na tigilan niya ang pakikipagkaibigan dito. "H-huwag na lang kaya?" Kinakabahang sabi niya habang hawak ng mahigpit ang kumot na itinali niya sa headboard ng kanyang papag. Iyon ang gagawing lubid ni Glenard para makaakyat sa kwarto niya nang gabing iyon. "Come on, Sandy. Ang daming lamok dito. Ilaglag mo na," nakikiusap nitong sabi habang panay ang kamot sa dalawang braso at mga binti. Aminado siyang maraming lamok sa bakuran nila dahil. Maraming halaman ang Nanay niya at marami rin silang alagang hayop at iyon siguro ang dahilan. "Ano ba kasing gagawin mo rito?" tanong niya na hanggang sa mga oras na iyon ay nagdadalawang isip pa rin na ilaglag ang laylayan ng kumot. "Masyado pang maaga. Baka hindi pa mahimbing si Nanay, e. Malalagot talaga ako kapag nahuli ka niya dito sa kwarto ko," nag-aalangan niyang sabi. "C'mon, drop it. Dito lang ako. I'll be the watcher," tila inip na ring sabi ni Renzo, ang pinsan ni Glenard na halos kaedad lang din nila. Tinaasan niya ito ng kilay. Kung magsalita kasi ito ay parang napakalaking bagay ng kaya nitong gawin para hindi sila mahuli. "Ano naman ang magagawa mo kapag nandiyan ka? The last time I remember, nagtatakbo ka nga noon nang marinig mo pa lang ang boses ni Nanay." Napakamot sa ulo si Renzo bago muling magpatuloy. "Kakahol ako kapag may dumating na tao," anito na umakto pa talagang aso kaya hindi na niya napigilang mangiti. Itong dalawa lang talagang ito ang nakakapagbigay sa kanya ng totoong ngiti. "Sige na, Sandy. Paakyatin mo na kami ni Renzo. Wala kaming magawa sa bahay, e. Hindi kami makatulog," muling anas ni Glenard sa mahinang-mahina na tinig. Dahil ang totoo ay gusto naman talaga niyang makasama si Glenard, nagawa niyang ilaglag ang laylayan ng kumot para tuluyang makaakyat ito. Dinaklot iyon kaagad ng kaibigan at ilang sandali pa ay nasa loob na ito ng kwarto niya dahil hindi naman kataasan ang itaas na bahagi ng kanilang bahay sa lupang inaapakan ng kababata. "Thank you, Sandy." Napabuga ito sa hangin nang nasa loob na mismo ng silid niya. "Sandra…" anang tinig na nanggagaling sa labas ng pinto ng kwarto niya. Nagulat sila at nagkatinginan. Ilang sandali rin siyang hindi nakagalaw. Natauhan lamang siya nang marinig ang yabag nitong papunta sa labas ng pinto niya. "Nagising si Nanay!" Natatarantang sabi niya at hindi malaman ang gagawin. Kapagdaka'y inilinga niya ang paningin sa loob ng kanyang silid para humanap ng pwedeng pagtaguan ni Glenard. "Magtatago ako," anito na hindi rin malaman kung saan ikukubli ang sarili. "Dito ka." Hinila niya ang kamay nito at dali-dali niyang binuksan ang pinto ng kanyang lumang tokador. Wala na iyong laman at hindi na rin niya ginagamit kaya pwedeng-pwede si Glenard sa loob. Iyon nga lang ay siguradong nakabaluktot ito doon dahil maliit lang ang kanyang cabinet at mataas ang kaibigan. "Ano? Ipapasok mo ako diyan?!" hindi makapaniwalang tanong nito nang mapagtanto kung ano ang balak niya. "Ano sa tingin mo? Mahilig ka kasing mag-akyat bahay kaya diyan ka ngayon," sabi niya bago ito tuluyang ipasok sa loob. Wala na itong nagawa dahil sa labas ay pinipihit na ng Nanay niya ang seradura ng kanyang pinto. Napakagat-labi na lamang siya bago niya isara ang pinto ng cabinet at makita kung paano nitong pinagkasya ang sarili roon. "Sandra…" muling tawag ng Nanay niya sa labas. "Sandali lang po, 'Nay." Pagkatapos isara ang bintana, linisin ang mga kalat at kalmahin ang sarili ay binuksan niya ang pintuan. "Bakit po, 'Nay?" tanong niya rito na bahagya pang hinihingal. "Ano iyong ingay na narinig ko?" sabi nitong pupungas-pungas pa pero palinga-linga na sa kanyang silid. "May kausap ka ba?" Sinuyod nito ng tingin ang loob ng kanyang kwarto. Siniguro nitong lahat ng sulok ay nasilip nito. Maging ang ilalim ng kama ay sinilip nito. Napagakagat labi siya dahil muntik na niyang doon itulak si Glenard kanina. Kung hindi pala ay huli ito sa akto ng Nanay niya. "Wala po, Nay. Sino naman po ang kakausapin ko? Pahiga na nga po ako noong tumawag kayo, e." Halatang hindi ito kumbinsido. Tinitigan siya nitong mabuti at matapos ang ilang sandali ay akma itong sisilip sa bintana pero pinigilan niya ito sa braso. "O, bakit?" kunot-noong tanong nito. Halatang nagtataka sa ikinilos niya. "W-wala po, 'Nay," kinakabahang sagot niya na mabilis binitiwan ang braso nito. Nahimas na lamang niya ang kanyang magkabilang braso nang dumungaw pa rin ito. Napasunod siya roon. Nakahinga siya ng maluwag nang makitang tahimik sa ibaba. Walang palatandaan na naroon pa si Renzo. Ang hula niya ay mabilis itong nakapagtago kung saan dahil siguradong hindi pa naman ito aalis dahil nasa kwarto pa niya si Glenard. "O, siya, matulog ka na. Nananaginip kasi ako kanina, e. Akala ko tuloy ay may nakapasok," sabi nito saka humikab pero patuloy pa din sa paglinga sa kanyang kwarto. "Sige ho, 'Nay. Good night po." Nang lumabas ito ay inihatid pa niya ito sa labas ng pinto. Noon lang nag-umpisang maging normal ang t***k ng kanyang puso. "Matulog ka na, ha? I-lock mo ang pinto at mga bintana," bilin pa nito. "Opo, 'Nay." Kaagad niyang in-lock ang pinto at mabilis na humilata sa kama. Napangiti siya nang maalala si Glenard. She hadn't seemed interested in any other man except him. Kung ano man ang kahulugan niyon, hindi pa rin niya kayang sagutin sa ngayon. Anyway, she was only fifteen to think about something deeper that friendship. Ang alam lang niya, hadlangan man sila ni Glenard sa pagkakaibigan nila ay hindi siya magpapapigil. Napabalikwas siya ng bangon nang may marinig siyang ilang pagkatok sa loob ng kanyang cabinet. Noon lang niya naalala na nasa loob pa nga pala noon si Glenard. Dali-dali siyang bumangon para palabasin ito. Gusto niyang mapabunghalit ng tawa nang makitang pawis na pawis ito at mukhang pupot na pupot sa loob. "Sorry, nakalimutan kong nandiyan ka pa," natatawa niyang sabi. Mabilis siyang kumuha ng tuwalya para maipunas nito sa katawan. "Grabe, akala ko ay wala ka ng balak na palabasin ako, e." Napapailing na sabi nito habang tinutuyo ang sarili.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD