Chapter 5

1808 Words
LARAWAN ng isang makapangyarihang tao si Mayor Frederico Galvez. Sa bayan na iyon ng Sta Isabel lalawigan ng Laguna ay kilalang-kilala ang katikasan ng lahi ng mga ito. Kahit matatanda na ay angkin pa rin ng angkan ang tindig na hinahangaan ng lahat. Sa pagkakaalam ni Sandra ay singkwenta mahigit na ang edad nito pero kung tumayo ito ay liyad na liyad pa rin ang dibdib. Ganoon ang postura nito ngayon sa labas ng bahay nila habang nakataas ang baba. May hawak din itong tabakong malaki. Nakasuot ng parang yantok na balanggot na mukhang mamahalin habang matamang nakatitig sa kanila, partikular sa kanyang Nanay. Naka-ilang hithit na ito ng tabako bago itapon iyon sa paanan at tapakan iyon para mamatay ang baga. Pagkatapos ay muling tumingala at kagaya kanina ay taas-noong hinarap silang mag-ina. Lolo ito ni Renzo at Glenard at kapatid ito ni Abelardo Galvez na isang sundalo noon na siyang nakapatay daw diumano sa Lolo at Lola niya ayon sa Nanay niya. Masama ang tingin ng pamilya niya rito pero kataka-takang ito pa rin ang gusto ng mga taong mamuno sa Sta. Isabel. Kung sabagay ay wala siyang nabalitaang gumawa ng hindi maganda si Mayor Frederico habang nakaupo ito bilang Mayor ng Sta. Isabel. Maganda ang pamamalakad nito sa bayan nila, katunayan ay malaki na ang iniunlad niyon. "Kahit kailan ay wala kayong ginawang matino!" may diing sabi nito. "Ano'ng balak n'yong gawin sa mga apo ko? Lasunin ang isip nila para magkapera kayo? O utusan sila ng kung anu-ano laban sa angkan namin?!" maaanghang ang salita nito kaya parang tinatambol na ang kanyang dibdib. Siguradong magpapang-abot ito at ang Nanay niya kapag nagpatuloy ito sa pagsasalita ng hindi maganda. "Napakagaling mo naman bumaligtad ng kwento, Mayor! Baka nga pinapupunta mo talaga ang mga apo mo dito sa bahay namin para magmanman!" galit ding sabi ng Nanay niya. Dala ng takot ay napahawak siya sa braso nito. Baka hindi makapagpigil si Mayor Frederico ay bigla na lang silang ipabaril sa mga tauhan nito. Nag-uumpisa ng huminga ng malalim ang Nanay niya at alam niyang nag-uumpisa na itong manggigil. "Nay, tama na ho 'yan, tayo na ho sa loob," himok niya rito pero parang walang narinig ang Nanay niya. Alam niyang maya-maya ay sasabog na rin ito. Nag-umpisang lumikot ang kanyang paningin. Kung magkataon ay sisigaw na lang siguro siya para humingi ng tulong. "Tingnan mo nga naman! Ganyan ba talaga kayong mag-isip na mga Francisco? Baluktot lagi ang pag-iisip n'yo kahit kailan!" sigaw nito at walang pakialam kahit pa malalim na ang gabi. Ilang aso na sa gawi roon ang nagtatahulan na, dahil sa bangayan ng dalawang panig. "Magdahan-dahan ka sa pananalita mo, Mayor! Nasa harapan ka ng pamamahay ko at hindi ito sakop ng teritoryo mo!" galit na ang Nanay niya tanda ang pagsalikop at pagpisil nito sa mga kamao. Kung wala sila sa sitwasyong ito ay mapapailing na lang siguro siya. Sa asta ng Nanay niya ay akala mo ito siga na kakasa ng kakasa samantalang may mga baril ang kaharap. "'Lo, it's our fault. Walang kasalanan sina Aling Celia," maagap na depensa ni Glenard para ipagtanggol sila sa Lolo nito. "Kami ho ni Renzo ang kusang nagpunta dito, 'Lo," anito pero hindi man lang nito tiningnan ang apo. "Magtigil ka!" singhal ni Mayor Frederico sa kababata niya. "I didn't ask you to speak." Ibinalik nito ang tingin sa Nanay niya matapos sa wakas ay lingunin sandali si Glenard. "Pare-pareho lang kayo. Hanggang ngayon ay wala pa rin kayong ipinagbabago! Angkan ng rebelde. Dumi ng lupinan!" galit pa ring sabi ng alkalde. Humigpit ang hawak niya sa braso ng ina dahil umakma na itong susugurin si Mayor Frederico. Pero hindi na nagawa pang magsalita ni Aling Celia dahil mabilis na itong tinalikuran ni Mayor Frederico. Halos kaladkarin nito sina Glenard at Renzo pasakay sa dalang Fortuner nito. Sunod-sunod na nag-alisan din ang mga bodyguards at kasamang pulis ng alkalde. Nagkasya na lamang siya sa pagsunod ng tingin sa mga ito. At kitang-kita niya nang habulin pa siya ng sulyap ni Glenard. Pagkatapos niyon ay ipinagtulakan din siya ng Nanay niya papasok sa loob ng bahay. Halos mabingi siya sa panenermon nito na tumagal yata ng may isang oras. Mabuti na lamang at hindi nagising ang iba nilang kamag-anak. Kung hindi ay siguradong mas malaking gulo ang nangyari. GUSTONG maiyak ni Sandra sa sobrang pangangati ng kanyang katawan. Hangga't maaari ay ayaw sana niya iyong kamutin pero may pagkakataon na hindi talaga niya matiis. Tumayo siya sa papag at humarap sa salamin ng kanyang tokador. Gusto niyang mapangiwi dahil sa nakita. She was covered with the itchy rash na ngayon ay nag-uumpisa ng kumalat sa kanyang mukha, leeg, mga braso at hanggang sa kanyang tiyan. Nangangati na ay hindi rin kaaya-aya ang kanyang hitsura. Nag-aalala din siya dahil baka magpeklat ang mga iyon. Ipinangako niya sa sarili na hinding-hindi siya magpapakita kay Glenard habang hindi siya magaling. Kasalukuyan niyang tinatampal-tampal ang mga maliliit na butlig na nasa kanyang braso nang may marinig siyang tila bumato sa bintana ng kanyang kwarto. Mabilis siyang umalis sa harap ng salamin at binuksan iyon saka siya dumungaw. "Glen?" pabulong na usal niya nang makita ito sa ibaba. Takot ang kaagad lumukob sa kanyang dibdib. Mula nang mahuli ito ni Mayor Frederico na nasa bahay nila ay ngayon lang ulit ito nagpunta sa kanila. At natatakot siyang baka masundan na naman ito ng Lolo nito at magkagulo na naman sa harap ng bahay nila. Kung may isang bagay siyang pinaka-ayaw, iyon siguro ay ang lumala ang bangayan sa pagitan ng mga pamilya nila na silang dalawa ni Glenard ang dahilan. "Ilaglag mo ang kumot, aakyat ako, Sandy," muling bulong nito sa determinadong tinig habang sumesenyas pa ang mga kamay. "Hindi pwede. Baka makita ka na naman ni Nanay. O kaya, baka masundan ka na naman ng Lolo mo dito, Glen. Magkakagulo na sigurado dahil itinimbre na ng Nanay niya sa mga kapatid nitong lalaki ang ginawang pagsulpot ni Mayor Frederico sa bahay nila, at ang pagbato nito ng masasamang salita sa mga Francisco. "Wala si Lolo. Nasa out of town. Kaya hindi niya malalaman na nandito ako, Sandy," pagbibigay assurance ni Glenard sa ibaba. "Hindi pa rin pwede, Glen. May sakit ako, e," aniya saka inalis ang pagkakaipit ng buhok niya sa magkabilang tainga para maikubli ang ilang butlig niya sa mukha na medyo may kalakihan. Maliwanag ang ilaw sa kwarto niya at siguradong makikita iyon ni Glenard ay nakakahiya. "I don't care. 'Pag hindi mo ako pinaakyat diyan, dito ako matutulog. At mahuhuli rin ako ni Aling Celia bukas ng umaga." Wala itong sinabi na hindi nito ginawa kaya wala siyang pagpipilian kung hindi paakyatin ito. Baka ang mga tiyuhin pa niya ang makakita dito ay mas lalong malaking gulo kapag nagkataon. Sa kabila ng pagtatalo ng kanyang isip at puso, wala rin naman siyang nagawa kung hindi ihulog ang kumot para makaakyat ito. Pagkatapos ay mabilis siyang pumunta sa papag para talukbungan ng kumot din ang sarili. Pagpanhik ni Glenard ay dinatnan siya nitong nasa ganoong ayos. "Hey, bakit ba nakatalukbong ka ng kumot? Tanggalin mo nga 'yan." Naramdaman niya ang paglapit nito at ang paghinto sa may tapat niya. "Hindi pwede, mahinang sabi niya. "Nakakahiya, ang pangit-pangit ko. Sinabi ko naman kasi sa 'yo na huwag ka munang pupunta dito dahil may chicken pox ako, e. Baka mamaya mahawa ka pa," naiiyak niyang sabi dahil makikita nito kung gaano siya kapangit. Naramdaman niyang humahakbang pa ito para mas lalong makalapit. "So?" Pinipilit nitong alisin ang nakabalot sa kanyang kumot. Nang magtagumpay itong alisin iyon ay napayuko siya, hindi siya makatingin ng diretso sa mga mata ni Glenard. Marami sa may bandang mukha niya at iyon ang dahilan kung bakit nawalan siya ng kumpiyansang makipag-usap dito. Biglang namasa ang kanyang mga mata. Tiyak na pandidirihan siya nito kapag nakita na ang mga bulutong niya. Pero nagulat siya nang umangat ang kamay nito at pisilin pa siya sa pisngi. "Ang cute mo nga, e," nakangiting sabi nito nang tumingala siya. "May sakit na nga ako, pinagtatawanan mo pa," nakasimangot niyang sabi. "Pumunta ka lang siguro rito para talaga pagtawanan at asarin ako 'no? Tapos para tingnan na rin kung gaano ako kapangit," himutok niya. "Of course not." Bigla itong naging seryoso "Pumunta ako dito dahil ilang araw na kitang hindi nakikita. Miss na miss na kaya kita. Para akong nasa libingan sa sobrang lungkot sa bahay namin." Bigla siyang naawa sa kaibigan. Alam niyang sa bahay ng mga ito ay may mga tao nga pero parang wala rin itong kasama. Kaya hindi niya masisisi si Glenard kung palaging gusto nitong pumuslit ng akyat sa kwarto niya. Dito kasi ay masaya sila kahit silang dalawa lang. Iyon nga lang ay kailangan talaga nilang mag-ingat na mabuti. "E, si Renzo?" mahinang tanong niya. "Tulog na noong dinaanan ko sa kanila, e. Kaya hindi ko na naisama rito. Napagod siguro ang loko sa kapapalipad ng eroplano." "Gano'n ba?" Tumango ang kababata. "Baka mahuli ka ni Nanay dito. Kung anu-ano na nga ang itinawag sa akin ni Nanay noong nagpunta dito ang Lolo mo, e. Kesyo, malandi raw ako, haliparot, at kerengkeng. Hindi naman talaga tama itong ginagawa natin, Glen, e. Mali na pinaaakyat kita dito dahil babae ako at lalaki ka." "Ginagawa natin? Napailing-iling si Glenard. "Ano ba'ng ginagawa natin?" "Iyong pinaaakyat kita dito sa kwarto ko. Kayo ni Renzo." "You know what, Sandy? I don't usually mind adults. Madalas kasi ay hindi nila tayo naiintindihan. Matatanda na kasi, e. Akala nila porke matatanda na sila ay sila ang laging tama at tayong mga bata ang laging mali. Hayaan mo nga silang mainis." Napangiti siya dahil sa sinabi nito. "Seryoso ako na baka mahawa ka sa akin, Glen. May lagnat pa ako, e. Sabi ni Nanay hindi daw ito mawawala hanggang hindi lumalabas ang lahat ng bulutong." "So, dapat ay nagpapahinga ka na. Come on." Maingat siya nitong inalalayang makahiga sa kama. "Don't worry, I came here to take care of you." Hinalikan siya nito sa pisngi. Parang hindi man lang ito nandiri sa mga bulutong niya kahit kaunti. "Thank you, Glen," napangiting sabi niya. Natutuwa siya at ibang-iba ang ugali nito sa Lolo nitong si Frederico. Mabait si Glenard at mababa ang loob. Kahit kaunti ay wala itong ere kahit pa nanggaling ito sa prominenteng pamilya. Ngumiti din ito sa kanya saka maingat na hinaplos ang noo niya habang kinakantahan siya nito. "Matulog ka na," sabi nito. "Aalis na lang ako kapag tulog ka na." Masayang ipinikit niya ang mga mata. Sa wakas ay unti-unti rin siyang dinalaw ng antok habang hinahaplos nito ang kanyang noo at patuloy sa pagkanta ng mahina sa kanya. Hindi na niya alam kung anong oras ito umalis. Nang sumunod na umaga ay nabalitaan na lang niya kay Renzo na may bulutong na rin si Glenard.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD