NAPALUNOK si Teri habang titig na titig sa bote. Para siyang nahihipnotismo dito at may bumubulong sa tenga niya na inumin niya ang likidong nasa bote. Ipinilig niya ang kanyang ulo sabay kurap ng marami. Wala naman sigurong masama kung susubukan niya ang sinabi ng matanda. Kung hindi totoo, okay lang. Kung totoo, edi, masaya. Ibig sabihin ay totoo ang sinasabi ng matanda.
Tiningnan muna niya ang kanyang nanay. Magkatabi lang kasi sila sa iisang higaan. Sa hula naman niya ay mahimbing pa itong natutulog. Sa lakas ba naman ng hilik nito, e.
Tahimik siyang lumabas ng kanilang silid dala ang bote. Pumunta siya sa kanilang banyo at isinara ang pinto. Umupo siya sa bowl at muling tiningnan ang bote. “Hindi ko alam kung totoong tutuparin mo ang kahilingan ko pero susubukan pa rin kita…” aniya. Natigilan na naman siya nang maalala niya si Bogs.
Hindi pa rin niya matanggap na wala na sila dahil kay Garuda. Mahal na mahal niya si Bogs at hindi niya kayang mawala ito sa buhay niya. Ikakamatay niya iyon!
Tinanggal na ni Teri ang takip ng bote. Inamoy niya iyon at napangiwi na naman siya sa hindi kanais-nais na amoy niyon. “Para sa bayan!” aniya. Pinisil niya ang kanyang ilong sabay inom ng itim na likido na nasa bote.
Dire-diretso niya iyong nilunok. Nalasahan niya ang mapait na lasa niyon. Muntik na siyang mapaduwal ngunit pinigilan niya.
Oo nga pala. Kailangan niyang humiling!
“Gusto kong maging babae! Gusto kong maging isang tunay, maganda, sexy at kaakit-akit na babae!” Pagkasabi niya niyon ay biglang naging mainit ang kanyang paligid.
Pagtingin niya sa kanyang paligid ay natakot siya nang wala na siyang makita kundi kadiliman. Nagbrown out ba?
“Limang puso ng babae kapalit ng iyong kahilingan…” Isang malalim at malagom na boses ang tila bumulong sa kanya.
“Sino 'yan?!” Paglingon niya ay bumalik na nag liwanag. Nasa banyo pa rin siya.
“Limang puso ng babae kapalit ng iyong kahilingan…” Narinig na naman niya ang bulong.
Napalingon siya sa kanyang likuran dahil doon nanggaling ang bulong. Malakas siyang napasigaw nang makita niya ang sariling mukha sa salamin na nakasabit sa dingding. Huminahon lang si Teri nang mapagtanto niyang mukha lang pala niya ang nakita niya. Pati ba naman siya, natatakot sa sarili niyang mukha.
“Limang puso ng babae kapalit ng iyong kahilingan!”
Ganoon na lang ang pagsigaw ni Teri nang makita niya sa salamin na mula sa kanyang likuran ay lumitaw ang isang nilalang na may kahindik-hindik na anyo. Kulay pula ang mukha nito na may markang itim. Malaki ang mata ngunit maliit lamang ang itim niyon. May dalawang malalaking sungay na parang sa kambing. Matutulis ang ngipin nito at may nakakatakot na ngiti.
Agad din na namawala ang nilalang ngunit ang takot na nararamdaman ni Teri ay hindi. Muli siyang napasigaw nang bumukas ang pinto ng banyo at pumasok ang nanay niya.
Dinampot nito ang tabo sabay hampas sa ulo niya. “Ang ingay mong bakla ka! Ano at may pagsigaw ka pa, ha?!” Galit na turan nito.
“'N-nay! Mas aswang! May aswang!!!” aniya sabay takbo palabas ng banyo.
-----^^^-----
KINABUKASAN ay nanginginig pa rin sa takot si Teri. Sandali lang niyang nakita ang nakakatakot na nilalang na iyon ngunit hindi na iyon maalis sa kanyang isip. Tila naririnig pa rin niya ang malaki nitong boses. Demonyo. Iyon ang saktong salita para i-describe ang hitsura niyon. Mukha itong demonyo!
“Limang puso ng babae?” bulong niya sa sarili. Naalala niya kasi iyong ibinulong sa kanya ng nilalang na iyon. Napapitlag siya nang may tumamang pandesal sa mukha niya dahilan para maantala ang kanyang pag-iisip. Iyon pala ay binato siya niyon ng kanyang nanay.
“Ano na naman, Teri? Tulala ka na naman! Dahil pa rin ba iyan sa pakikipaghiwalay sa iyo ni Bogs?! Kanina pa ako nagsasalita dito pero parang hindi mo ako naririnig. Sinasayang mo ang laway ko!” gigil na gigil na sigaw nito sa kanya.
Kasalukuyan silang nag-aalmusal ng pandesal, pansit at kape.
Nilagyan niya ng pansit ang kanyang pinggan. “P-pasensiya na po. Makaka-move on din po ako,” sabi na lang niya. Kahit ang totoo ay hindi naman si Bogs ang dahilang kung bakit siya nakatulala.
Kung ganoon, hindi totoo ang kapangyarihan ng itim na likidong ibinigay sa kanya ng matanda. Siya naman itong tanga na naniwala. Wala naman siya sa fairy tale para mangyari iyon. Masyado lang talaga siyang desperada na maging babae. Sa tingin niya kasi kapag naging tunay na siyang babae ay babalikan na siya ni Bogs dahil mabibigyan na niya ito ng gusto nitong anak.
“Naku! Move on, move on ka pa! Tanggapin mo na lang na hindi ka niya mahal kasi bakla ka!” Ang sakit talagang magsalita ng nanay niya. “Oo nga pala, uulitin ko lang iyong sinasabi ko kanina. Bigyan mo ako ng limang libong piso para pamasahe ko pauwi ng Aklan. Namatay iyong tita mo. Kailangan kong umuwi bukas. Kaya dapat ay bigyan mo ako pag-uwi mo!”
“S-sige po…” sagot na lang ni Teri kahit hindi siya sigurado kung may trabaho pa siya pagpunta niya mamaya sa parlor ni Garuda.
Mabilis niyang tinapos ang pagkain. Hinintay muna niyang matapos ang kanyang nanay. Nang matapos na ito ay iniligpit na niya ang kanilang pinagkainan. Lumabas na ito upang makipag-tsismisan sa mga kumare nito. Pagpunta niya sa lababo ay biglang kumulo ang kanyang tiyan. Napangiwi siya nang sumakit iyon ng sobra.
“Aray!” hiyaw niya habang sapo ang sumasakit na tiyan.
Parang hinahalukay ng kung ano ang loob ng kanyang tiyan. Wala naman siyang matandaan na may nakain siyang panis o bulok.
Hindi kaya… Iyong itim na likido?
Itinapat niya ang kanyang bibig sa lababo nang maramdaman ni Teri na nasusuka siya. Ramdam na ramdam niya ang isang malaking bagay na lalabas sa kanyang bunganga. Halos hindi na siya makahinga nang maayos. Tumutulo na ang laway niya. Inaasahan niya na isang malaking bagay ang kanyang isusuka ngunit isang langaw lang ang lumabas sa kanyang bibig. Nagpalipad-lipad iyon sa harapan niya hanggang sa lumayo na ang langaw sa kanya.
“Ha? 'Yon na 'yon? Langaw?” Kung makanganga naman kasi siya parang isang buong pakwan ang isusuka niya. Iyon naman pala ay langaw lang.
Pero nakakapagtaka lang kung paano nagkaroon ng langaw sa loob ng tiyan niya at buhay pa talaga. Wala naman siyang natatandaan na nakalunok siya ng insekto.
-----^^^-----
“GOOD MORNING, Mamsh Garuda!” Masiglang bati ni Teri pagkapasok ni Garuda sa parlor. Sinabuyan niya pa ito ng pinunit-punit na papel na may iba’t ibang kulay. Nagsilbi iyon confetti. Isang pilit na ngiti ang nakapaskil sa labi niya kahit na sumimangot ito nang makita siya.
Nakakain pa si Garuda ng punit-punit na papel kaya inis na inis nitong iniluwa iyon. “Pwe! Pwe!” anito at nameywang ito. “At ano naman ang good sa morning kung ikaw lang din naman ang makikita ko?! Ano pa ang ginagawa mo ditong bakla ka? Ang kapal din naman ng mukha mo na pumasok pa dito. Don’t tell me, hindi pa rin pumapasok diyan sa utak mo na wala na kayo ni Bogs at akin na siya ngayon?!”
Talagang nilunok na lang ni Teri ang kanyang pride at hiya sa pagpasok niya pa rin sa parlor ni Garuda sa kabila ng nangyari sa kanila. Kailangan niya ng trabaho kaya kailangan niyang magpakababa lalo na at nanghihingi ng pera ang nanay niya sa kanya. Kaya naman kahit alam niyang magkakaroon lang ng pagkakataon si Garuda na maliitin siya ay pumasok pa rin siya.
“Naku, hindi naman, Mamsh Garuda. Ang totoo nga niyan, naka-move on na ako kay Bogs. Tanggap ko nang kayong dalawa na ang magka-forever. Saka, kalimutan na lang po natin ang nangyari. Wala na po 'yon sa akin. Sa inyo na si Bogs at hindi ko na kayo guguluhin na dalawa. Hindi ko na mahal si Bogs, Mamsh Garuda. Mas importante kasi sa akin ang work, work, work kesa sa love life!” Nakangiti siya pero sa loob niya ay nagdurugo ang puso niya. Masakit para sa kanya na sabihing hindi na niya mahal si Bogs.
Tiningnan siya ni Garuda mula ulo hanggang paa habang nakataas ang kilay nito na para bang tinitingnan nito kung nagsasabi ba siya ng totoo. “Mabuti naman kung ganoon, Teri! Mabuti naman at nag-iisip ka. Sige na, magtrabaho ka na!” Lalampasan na sana siya nito nang bigla itong tumigil. “Oo nga pala, may date kami ni Bogs. Manonood kami ng sine kaya pagandahin mo ako mamayang gabi.”
“Manonood lang ng sine, hindi gaganda…” bulong ni Teri.
“Anong sabi mo?!”
“Ah, e, wala po, Mamsh Garuda. Ang sabi ko po, papagandahin ko kayo nang bonggang-bongga sa date niyo ni Bogs!”
“Hmp! Chaka!” irap nito sa kanya. Tuluyan na itong pumasok sa loob ng parlor at nanood ng TV.
Maka-chaka naman ito sa kanya parang hindi rin itong pangit na katulad niya.
Maya maya ay dumating na rin si Veronica. Nang sandaling lumabas si Garuda ng parlor ay sinabi niya lahat kay Veronica ang nangyari.
“Pero bakit pumapasok ka pa rin dito? Baka masaktan ka lang kapag dinala dito ni Garuda si Bogs. For sure mangyayari iyon lalo na at hindi na tago ang relasyon nila kasi nga wala na kayo.” Nag-aalalang sabi ni Veronica matapos niyang magkwento.
Pinunasan niya ng kamay ang luhang naglalandas sa kanyang pisngi. “Okay lang. Titiisin ko na lang. Kailangan ko kasi ang trabahong ito, Veronica. Alam mo naman na ito lang ang bumubuhay sa akin at sa nanay ko. Kaya nilunok ko na lang ang pride ko--”
Nagulat sila ni Veronica nang makarinig sila na parang paniki na humahagikhik. Iyon pala ay dumating si Garuda at kasama nito si Bogs. Pinaghahalik-halikan ni Bogs ang leeg ni Garuda. Kaya naman pala parang kinikiliti kung makahagikhik si Garuda. Parang wala silang dalawa doon ni Veronica kung maglandian ang mga ito. Hanggang sa pumasok na ang dalawa sa maliit na kwarto ni Garuda sa parlor. Doon kasi ito natutulog kapag inabot ito ng antok.
Nang magsara ng pinto ang dalawa ay mas lalong napaiyak si Teri dahil alam niya ang gagawin ng mga ito doon.
-----^^^-----
ISANG oras bago magsara ang parlor ay nagpaayos na si Garuda sa kanila ni Veronica. Siya ang nag-make up dito habang si Veronica naman ang nag-ayos ng buhok nito. Gandang-ganda na naman si Garuda sa kanyang sarili habang tinitingan nito ang sarili sa salamin.
“Ang ganda ko naman! For sure, malilibugan na naman sa akin nito si Bogs!” Lahat na yata ng anggulo ng mukha nito ay tiningnan na nito.
“Ang ganda niyo nga po, Mamsh Garuda!” Pambobola dito ni Veronica.
Lumapit nang kaunti si Teri sa amo habang magkasalikop ang mga kamay. “Ah, Mamsh Garuda, may sasabihin po sana ako sa inyo. Baka po pwedeng bumale ako kahit five thousand lang…” Nahihiya niyang sabi.
“Ano?! Five thousand?! Bakit ang laki?!” anito sabay tayo. “Baka ibibigay mo lang 'yan kay Bogs, ha! Ayoko!”
“Ay, hindi po. Kailangan po kasi ng nanay ko ng pera para pamasahe pauwi sa probinsya. Namatay po kasi ang kapatid niya.”
“Ganoon ba? Sige, bibigyan kita ng five thousand…” Inilabas nito ang wallet at kumuha ng limang libong piso. Mabait naman pala si Garuda minsan. Iaabot na sana nito sa kanya ang pera pero bigla nitong binawi. “Oops! Ibibigay ko ito sa iyo pero ang gusto ko ay pupulutin mo ito sa sahig gamit 'yang bibig mo!” Pagkasabi nito niyon ay itinapon nito ang limang libong piso sa sahig malapit sa paa nito.
Napatingin siya sa mga pera tapos ay kay Garuda. Nagdadalawang-isip si Teri kung seryoso ba ito sa pinapagawa nito sa kanya o hindi.
“Ano pang hinihintay mo, Teri? Baka magbago pa ang isip ko sa tagal mo!”
Napakasama talaga ng ugali ng amo niyang dragon. Talagang kahit pag-aari na nito si Bogs ay patuloy pa rin ito sa pagpapahirap sa kanya.
Inisip na lang ni Teri na magagalit ang nanay niya kapag hindi niya ito nabigyan ng pera kaya yumukod na siya sa paanan ni Garuda upang kunin ang mga pera gamit ang kanyang bibig. Dahil malapit siya sa paa ni Garuda ay amoy na amoy niya ang mabaho nitong paa. Amoy bulok na ingrown! Tawa naman ito nang tawa pagkatapos niyang mapulot ang mga pera sa sahig.
“Bye, Teri!” Nakakalokong turan pa nito sabay alis.
Nilapitan siya ni Veronica sabay hawak sa braso niya. “Okay ka lang ba, bakla?” tanong nito. Tumango siya sabay ngiti kahit gusto na niyang umiyak sa sobrang awa na nararamdaman niya para sa kanyang sarili. “Bwisit talaga ang Garuda na iyon! Akala mo ay kung sinong maganda. Ubod naman ng chaka! Pang-demonyo ang ugali!”
“Hayaan mo na lang siya. Tara na, maglinis na tayo para makauwi na tayo agad,” aniya.
Nilinisan agad nilang dalawa ang parlor dahil sa tingin nila ay wala nang darating na magpapagupit o magpapaayos. Tama naman sila dahil pagsapit ng alas-otso ay wala nang dumating. Nauna na sa pag-alis si Veronica. Siya kasi ang magbubukas ng parlor bukas kaya nasa kanya ang susi.
Pagka-lock niya ng pinto ay naglakad na siya palayo ng parlor. Naglakad na siya papunta sa gilid ng kalsada. Habang naghihintay siya ng jeep ay may narinig siya. Tunog ng isang langaw. Dahil nasa ilalim siya ng poste ng ilaw ay kitang-kita niya ang isang langaw na maingay na lumilipad-lipad sa ulunan niya. Pinagtabuyan niya iyon ngunit kahit anong gawin niya ay hindi talaga umaalis ang langaw malapit sa kanya.
TO BE CONTINUED…