“PESTENG langaw ka! Lumayo ka nga sa akin!” Naiiritang binugaw ni Teri ang langaw gamit ang kanyang isang kamay. Kahit nakasakay na sa jeep ay nakasunod pa rin sa kanya ang langaw.
Inamoy niya ang kanyang sarili. Hindi naman siya mabaho para sundan siya ng langaw. Tiningnan niya ang ilalim ng kanyang sapatos. Wala naman siyang taeng natapakan. Pinagtitinginan na tuloy siya ng ibang pasahero dahil panay ang taboy niya sa langaw. Ang ingay-ingay pa nito. Parang nanunuot sa kaloob-looban ng kanyang tenga ang nakakairitang tunog na nililikha ng maruming insekto.
Dahil sa nakaramdam na ng hiya sa Teri sa ibang pasahero ay hinayaan na lang niya ang langaw sa gusto nito. Dumapo ito sa dulo ng kanyang ilong at naduling-duling siya sa pagtingin dito.
Kung hindi mo ako titigilan, ang dapat sa iyo ay mamatay! Sigaw niya sa kanyang isip sabay tampal sa langaw sa kanyang ilong. Naramdaman niya na tinamaan niya ang langaw. Pagtingin niya sa kanyang kamay ay wala naman ito. Baka nakalipad. Mabuti naman at mukhang nawala na ang langaw. Natakot yata sa pagtangka niyang pagpatay dito.
Maya maya pa ay pumara na si Teri at bumaba ng jeep. Kailangan pa niyang maglakad ng malayo-layo. Madilim pa naman ang daanan pauwi sa kanila tapos magkakalayo pa ang mga poste ng ilaw kaya hindi ganoon kaliwanag. Masyado kasing tinipid ng mayor nila ang proyekto kaya ganoon. Kahit kailan talaga, hindi maaalis ang corruption sa politika.
Ngunit sanay na naman siya sa lugar nila. Doon na siya lumaki. At sa edad niya na treinta ay wala pa namang hindi magandang nangyayari sa kanya sa lugar na kinalakhan niya. May mangilan-ngilan na nilalait siya sa pagiging pangit at bakla niya ngunit sanay na siya. Saka bakit naman siya mao-offend o masasaktan, e, totoo naman na pangit at bakla siya. Alangan naman na makipag-away pa siya kung kitang-kita naman ang ebidensiya, 'di ba? Isa pa, masyado na siyang maraming iniisip na problema para patulan pa ang mga ganoong uri ng tao.
Habang naglalakad si Teri ay muli na naman niyang narinig iyong langaw. Nakita na naman niya itong palipad-lipad sa kanyang harapan. Huminto muna siya para itaboy ito. Naiirita na talaga siya sa langaw na iyon.
“Alis! Alis!” pagtataboy niya dito.
“Okay ka lang ba?” Isang magandang babae na kasalubong niya ang huminto para tanungin siya. Ang sexy nito at kaakit-akit. Ang ganda ng kurba ng beywang nito. Kung magiging babae siya, ganoong kurba ng katawan ang gusto niya. Siguradong maraming lalaki ang maglalaway sa kanya kapag ganoon. Baka pilahan pa siya ng mga ito sa panliligaw sa kanya. Ngunit kahit marami pa ang manligaw sa kanya, si Bogs pa rin ang gusto niya. Ito pa rin ang itinitibok ng kanyang puso.
Kaya lang imposible naman na mangyari iyon. Iyong itim na likido naman kasi na ibinigay sa kanya ng matanda ay peke. Umasa pa naman siya na totoong tutuparin niyon ang kahilingan niyang maging isang babae.
“Oo. Pero itong langaw kasi na ito. Ayaw akong lubayan-- Ugh!” Muntik nang maduwal si Teri nang biglang pumasok ang langaw sa kanyang bibig.
Umubo siya ngunit hindi na niya magawang mailabas ang langaw. Naramdaman niya na gumagalaw ang langaw sa loob ng kanyang lalamunan. Ngunit imbes na sa tiyan niya ito mapunta ay naramdaman niya na tila umaakyat ito. Hanggang sa maramdaman niya na parang papunta ito sa kanyang utak.
Malakas siyang napasigaw nang may parang maliliit na karayon na tumusok sa kanyang utak. “Aray!!!” hiyaw niya habang hawak ang ulo. Napaluhod siya sa sobrang sakit.
Agad naman siyang dinaluhan ng babae. Hinawakan siya nito sa braso para alalayan sa pagtayo. “Okay ka lang ba talaga?” May halong pagkabahala ang tinig ng babae.
Napahawak si Teri nang mahigpit sa kamay ng babae at nang tingnan niya ito ay umikot ang mata niya patalikod. Naging puro puti na ang kanyang mata. Hindi niya alam ngunit parang may nagbubulong sa kanya na dapat niyang patayin ang babaeng iyon.
“Limang puso ng babae kapalit ng iyong kahilingan! Limang puso! Limang puso!” Paulit-ulit iyong umaalingawngaw sa kanyang ulo.
“A-anong nangyayari sa iyo?!” Nahihintakutang tanong ng babae.
“Kailangan ko ang puso mo!” sabi niya. Naging malalim at nakakatakot ang kanyang boses.
Malakas na sumigaw ang babae. Marahas niyang ipinasok ang kanyang kamay sa loob ng bibig nito. Hinawakan niya nang mahigpit ang dila ng babae at malakas iyong hinila. Sa lakas ng pagkakahila ni Teri ay naputol ang dila nito. Umagos mula sa bibig ng babae ang malapot na dugo. Ngumisi si Teri sabay tapon ng dila sa kung saan.
Hinablot niya sa buhok ang babae nang makita niyang tatakbo ito palayo. Nawalan ito ng balanse at natumba. Hinila ito ni Teri sa gilid ng kalye kung saan mas madilim. Kitang-kita niya ang takot at pagkahindik sa mukha nito habang umiiyak. Nakahiga na ito sa lupa. Sinakal niya ang babae habang ang isang kamay niya ay naghahalughog sa kanyang bag. Isang maliit na patalim ang inilabas ni Teri mula doon. Parati niyang dala ang maliit na patalim na iyon para kung sakaling may mang-holdap sa kanya ay may magagamit siyang pang-depensa sa kanyang sarili.
“Puso… Puso… Puso…” Wala sa sarili na usal ni Teri.
Bigla niyang sinaksak sa dibdib ang babae. Paulit-ulit. Winakwak niya ang dibdib nito hanggang sa makita niya ang puso nitong tumitibok-t***k pa. Wala man lang nagawa ang babae sa kanya. Mukhang nabigla ito sa ginawa niya. Kinuha niya ang puso ng babae. Hiniklas niya iyon at parang lastikong napatid nang humiwalay iyon sa mga ugat na pinagdudugtungan nito. Lumungayngay ang ulo ng babae at nakadilat ang mga mata itong nawalan ng buhay.
Parang isang baliw na pinagmasdan ni Teri ang puso sa kanyang kamay. Akala mo ay isang gutom na gutom na hayop na kinain niya ang puso ng babae. Dinilaan pa niya ang kamay niya na puno ng dugo nang matapos na niyang kainin ang puso.
Habang ginagawa niya 'yon ay isang langaw ang lumabas mula sa kanyang ilong. Bumalik na sa normal ang kanyang mata at parang nagising siya sa isang malalim na pagkakatulog. Nahindik siya nang makita niyang duguan ang kanyang mata. At mas lalo siyang nahindik nang makita niya sa kanyang harapan ang isang babae na wakwak ang dibdib!
Malakas na napasigaw si Teri sabay takbo matapos niyang samsamin ang kanyang mga gamit. Walang lingon-likod siyang lumayo sa lugar na iyon. Pagdating niya sa kanilang bahay ay dumiretso siya agad sa banyo upang hugasan ang kanyang kamay at mukha.
Anong ginawa niya? Siya ba ang pumatay sa babaeng iyon? Bakit wala siyang maalala?
Matapos niyang hugasan ang mukha at kamay ay napatingin siya sa salamin. Pilit niyang inalala ang nangyari. May isang tagpo siyang naalala. Kumakain siya ng puso!
“H-hindi… Hindi totoo 'yon!” Umiiling na bulong niya.
Nagmamadali siyang lumuhod sa harapan ng inodoro at itinapat doon ang kanyang bunganga. Sinundot niya ang kanyang lalamunan gamit ang kanyang isang hintuturo upang sumuka. Naduwal naman siya pero puro laway lang ang lumabas sa kanyang bibig. Paulit-ulit niya iyong ginawa. Maluha-luha na siya at masakit na ang kanyang lalamunan ngunit hindi pa rin siya tumitigil. Hindi niya kayang masikmura na kumain siya ng puso ng isang tao! Kailangan niyang mailuwa ang puso ng babaeng iyon. Hindi siya aswang para kumain ng ganoon.
Ang hindi lang maintindihan ni Teri ay kung bakit niya nagawa ang bagay na iyon. Basta, ang natatandaan niya ay may pumasok na langaw sa bibig niya at pagkatapos niyon ay naging malabo na sa kanyang alaala ang mga sumunod na nangyari.
Nilaliman na niya ang pagsundot sa kanyang lalamunan. Malakas siyang napaduwal at kasabay niyon ay ang biglang pagbukas ng pinto ng banyo.
“N-nanay!” gulat na bulalas niya.
“Ano na, Teri?!” sigaw nito sa kanya. “Pangit na pangit ka na ba sa mukha mo at napagkakamalan mo nang pwet iyan kaya iyan na ginagamit mo sa pagtae?!”
Tumayo siya at lumapit dito. “'N-nay, ano kasi…” Sasabihin niya sana dito ang nangyari ngunit pinigilan niya ang kanyang sarili. Mali na sabihin niya dito ang nagawa niyang pagpatay sa babae. Baka ipakulong pa siya nito.
“Ano?!” Nakataas ang kilay na sabi nito.
“W-wala po. May nakain lang po akong hindi maganda kaya gusto kong isuka,” bagkus ay iyon na lang ang sinabi niya habang nakayuko.
Malakas siya nitong sinapak sa ulo. “'Ayan! You are what you eat kasi. Hindi ka maganda kaya hindi rin maganda kinakain mo. Oo nga pala, asan na iyong limang libo at aalis na ako ngayon. Para bukas ng umaga ay nandoon na ako.” Inilahad pa nito ang isa nitong palad.
Kinuha niya sa kanyang bag ang limang libo at inabot dito. “Mag-iingat po kayo. Gusto ko po sanang sumama kaya lang may trabaho po ako. Ipaabot niyo na lang po ang pakikiramay ko sa kamag-anak natin sa Aklan.”
“Naku, wala namang gustong makakita sa iyo doon kaya dito ka lang talaga. Sige na, kailangan ko pang mag-empake. 'Wag na 'wag kang magdadala ng lalaki mo dito sa bahay. Huwag mong bababuyin itong bahay ko!”
“Opo,” sagot niya. Nang umalis na sa harapan niya ang kanyang nanay ay nanghihina siyang napasandal sa pinto.
Mukhang wala na siyang magagawa pa para maisuka ang puso na kanyang nakain.
Biglang nanlamig si Teri nang maalala niya iyong babae na pinatay niya. Hindi kaya may nakakita sa kanya? Paano kung meron at nakilala siya? Siguradong iyon na ang magiging dahilan para mabulok siya sa bilangguan. Sana naman ay walang nakakita sa ginawa niya…
-----^^^-----
“MAY PULIS, may pulis!”
“'Asan?! 'Asan?!” Natatarantang napatayo si Teri mula sa pagkakaupo sa sofa nang biglang magsalita si Veronica na katabi niya. Wala pa silang customer kaya nakapahinga silang dalawa. “Nasaan ang pulis? Nasaan?!” Patuloy niyang tanong kay Veronica. Hindi niya malaman kung magtatago ba siya o tatakbo palabas ng parlor.
“Sa ilalim ng tulay…” May pagtataka na tiningnan siya nito. “Ano ka ba, Teri? Kumakanta ako! May pulis, may pulis sa ilalim ng tulay!”
Oo nga. Kumakanta lang ito. Siya lang itong masyadong paranoid. Ang akala niya kasi ay may pulis talaga.
“W-walang pulis?” paninigurado niya.
Umiling si Veronica. “Wala. Pero may customer!” Itinuro nito ang isang babae na nasa pintuan. Tumayo agad si Veronica upang batiin ang bagong dating. “Good morning, ganda! Anong sa atin?”
“Hair and make up. Makikipagkita ako sa legal wife ng boyfriend ko. Gusto ko 'yong gandang nanlalaban!” Tuloy-tuloy na umupo ang babae sa harap ng salamin. “Maganda na ako pero pagandahin niyo pa ako nang bongga para ma-insecure sa akin ang asawa ng boyfriend ko. Naiintindihan niyo ba?”
“Yes po, ma’am!” Mabilis na sagot ni Veronica. Nilapitan agad nito ang babae. “Ano po bang gusto niyong ipagawa sa buhok niyo? Rebond, relax, hair color o hair cut? Anong gupit po ang gusto niyo?”
“Basta! Kahit ano. Ang gusto ko lang ay pagandahin niyo ako! Nakita niyo naman, ang ganda at sexy ko, 'di ba? Kaya hindi na magiging mahirap ang trabaho niyo sa akin.”
“Patingin nga po ng ganda, ma’am,” ani Veronica.
Tumayo naman ang babae at akala mo ay isang model na nagpalakad-lakad at nagpaikot-ikot sa parlor. Pose ito nang pose kung saan nito magustuhan. Hindi naman mawala ang mata ni Teri sa babae. Hindi ito kagandahan ngunit makinis ito at maputi. At ang binti nito at braso, ang payat! Balingkinitan. Parang wala itong kapeklat-peklat kahit isa. Akala mo ay naliligo ito sa gatas sa sobrang ganda ng kutis.
“Ay! Pak na pak naman pala ang ganda niyo, ma’am! Nanlalaban!” Pumapalakpak na tili ni Veronica matapos mag-modelling ng babae. Umupo na ulit ito. Sinenyasan siya ni Veronica na ihanda na niya ang gagamitin nito. “Ma’am, ire-relax ko po muna ang hair niyo para bonggan na, ha?”
“Sure!”
“Bakla, shampoo mo muna si ma’am,” ani ng kaibigan niya sa kanya.
Hindi na lang siya nagsalita. Pinalipat niya ang babae sa shampoo area. Hindi pa rin maalis-alis sa braso at binti ng babae ang kanyang mata. Pagbukas niya ng tubig ay nakatapat pala sa kanya iyon kaya nagulat siya nang mabasa ang kanyang damit.
“Ay, ano ba 'yan?!” sigaw ng babae dahil pati ito ay nabasa. Sa mukha nga lang.
Mabilis na pinatay ni Veronica ang tubig. “Naku ka, bakla! Wala ka na naman sa sarili. Ako na nga diyan. Magpalit ka na lang ng damit mo at basang-basa ka!” anito. Ito na ang pumalit sa kanya sa pag-shampoo sa babae.
Tila wala pa rin sa sarili na nagtungo si Teri sa banyo matapos niyang kumuha ng extra na damit na baon niya. May malaking salamin doon na kita ang kalahati ng katawan niya sa itaas. Hinubad na niya ang kanyang damit at hindi sinasadya na napatingin siya sa salamin. Gulat na gulat siya nang makita niya na parang lumiit ang kanyang beywang. Naging flat iyon at maganda ang kurba!
Kinusot niya ang mga mata at tumingin ulit sa salamin. Baka naman nangangarap o namamalikmata lang siya. Ngunit hindi pa rin nagbago ang kanyang beywang. Ang ganda ng kurba niyon na parang sa isang babae.
“Totoo ba ito? Is this real? Is this real?” Hinawak-hawakan pa niya ang kanyang magandang beywang. Anong nangyari? Bakit bigla na lang naging ganito kaganda ang kanyang beywang?!
TO BE CONTINUED…