“ANO ba 'yan?! Bakit ganito ang make up ko?! Ang pangit! Marunong ka ba talagang bakla ka?!” Galit na galit ang babaeng mi-nake-up-an ni Teri nang makita nito ang mukha nito sa salamin.
Tama naman ito. Dahil sa hindi siya makapaniwala sa nangyari sa kanyang beywang ay lutang na lutang siya. “Naku, sorry po, ma’am! Aayusin ko na lang po--”
“'Wag na! Late na ako sa pakikipagkita sa legal wife ng boyfriend ko! Burahin mo na lang ang make up ko. Bilisan mo!” bulyaw nito sa kanya.
“O-opo! Opo!” At natataranta niyang binura ang make-up ng babae.
Galit na galit itong umalis pagkatapos.
“Bakla, anyare? Bakit ang pagit ng make up mo ngayon? Hindi ka naman ganiyan, a. Palagi ka ngang napupuri dahil sa husay mo sa pagme-make-up,” ani Veronica sa kanya.
“Pagod lang siguro ako…”
“Hay! Aayain pa naman sana kitang lumabas ngayon. Punta naman tayo sa gay bar later. Magsaya naman tayo. Malay mo, makilala na natin ang ating ka-forever! Saka alam ko naman na hindi ka pa rin nakaka-move on kay Bogs. Kailangan mong maglibang para naman hindi na lang siya ang palagi mong iniisip!”
“Hoy! Hindi ko siya palaging iniisip, ha! At paano mo naman nasabing palagi ko siyang iniisip? Mas iniisip ko iyong mga utang ko at bayarin sa bills sa bahay!” irap niya.
“Naku, naku, naku! Ang sabi ng pabo! Denial queen ka pa diyan! Halata naman na love mo parin si Bogs. Imposible naman na naka-move on ka agad-agad!”
“Ah, basta! 'Wag mo na nga lang akong pakialaman about diyan kay Bogs!”
“Okay, sabi mo, e. Basta, mamaya, ha! Libre ko na. Alam ko naman na waley kang pera ngayon. Pero sa sunod, libre mo naman, ha.”
“Oo na. Maglinis na lang tayo nang maaga para makapagsara agad tayo,” aniya.
-----^^^-----
KULANG na lang ay isuka ni Teri ang kanyang bituka. Pagkalabas na pagkalabas nila ng gay bar ni Veronica kung saan sila nagpakasaya at nagpakalunod sa alak ay sumuka agad siya sa gilid ng bar. Panay ang himas nito sa kanyang likuran habang tumatawa. Sanay kasi itong uminom kaya parang wala lang dito. Hindi nga yata ito nalasing, e. Kitang-kita niya ang lahat ng kinain niya kanina sa isinuka niya. Iyong french fries, crispy pata na humalo sa alak. Nakakadiri!
Pinunasan niya ang gilid ng kanyang labi.
Pero masaya siya dahil ang saya sa loob. Ang daming lalaking sumasayaw na halos wala nang saplot sa katawan. Ipitan mo lang ng one hundred pesos, sasayaw na agad ang mga ito sa harap mo. Kapag five hundred naman, pwede mong hawakan kahit saang parte ng katawan. Kung may budget nga lang siya talagang mag-uuwi siya ng isa, e. O ia-avail niya iyong buy one take one na promo ng bar. Sayang talaga. Sa susunod na sahod niya, babalik sila doon ni Veronica at mas mag-e-enjoy talaga silang dalawa sa sunod.
“Ano, tapos ka na, bakla? Tapos ka na bang magtawag ng uwak?” tanong ni Veronica.
Tumango siya. “Grabe! Lasing na lasing ako. Parang gusto kong maghubad!” Akmang huhubarin niya ang kanyang damit pero pinigilan siya ni Veronica.
“Naku, sa inyo ka na maghubad. 'Wag dito at baka hulihin ka ng pulis! Sige na, uuwi na ako. Magkaiba naman tayo ng way. Ingat ka, bakla! Ay, may jeep na!” Nagtatakbo si veronica sa gilid ng kalsada at pinara ang jeep na paparating.
Sumakay na ito at kumaway sa kanya. Hindi man lang siya nito inuna na makasakay gayong siya itong lasing na lasing. Parang walang pag-aalala sa kanya si Veronica. “Sabagay, wala namang magtatangkang gumawa ng kasamaan sa akin kasi iisipin nila, ako 'yong gumagawa ng masama. Kasi ang pangit ko!” Naiiling at natatawang sabi niya.
Pagewang-gewang na naglakad siya papunta sa gilid ng kalsada at baka kapag may dumaan na jeep ay malampasan siya. Ngunit lumipas na ang halos tatlumpung minuto ay walang dumadaan na jeep na ang biyahe ay sa lugar nila. Hanggang sa may marealize siya.
“Oo nga pala, sa kabila dumadaan iyong jeep pauwi sa amin.” Kakamot-kamot sa ulo na turan niya.
Naglalakad na siya patawid sa kabila ng kalsada nang isang kotse ang mabilis na paparating at tinutumbok siya. Kung hindi pa siya nagtatakbo pabalik ay baka nabangga na siya niyon. At talagang huminto pa ang kotse sa tabi niya.
“Hoy! Papatayin mo ba ako?!” galit na sigaw ni Teri habang dinuduro-duro ang kotse.
Natameme siya nang bumaba ang driver ng kotse at nakilala niya ito. Ito 'yong babae na nagpaayos sa kanila sa parlor. Mukha naman pala itong mayaman pero sa kanila pa nagpaayos. Bakit hindi pa sa mga kilalang salon, 'di ba? Kinabahan siya nang makita niyang parang galit ito.
“Bakla!” sigaw nito sabay sabunot sa buhok niya nang malapitan siya.
“Aray ko, ma’am! Bakit po?!” gulat na gulat siya kung bakit siya nito sinasaktan.
“Dahil sa palpak mong make-up sa akin, mas naging maganda kesa sa akin ang legal wife ng boyfriend ko! Hayop kang bakla ka!” Iniharap nito ang mukha niya dito at pinagsasampal siya. “Iyan ang dapat sa iyo! Palibhasa, pangit ka kaya siguro hindi mo ginandahan ang make-up ko! Inggitera ka!!!”
“Ma’am, tama na po!” Pakiusap ni Teri. “Saka kung maganda ka po talaga, kahit wala kayong make-up, maganda pa rin po kayo!”
“Ah, sumasagot ka pa, ha!” Sinabunutan siya nito ulit. Halos magdugo na ang anit niya sa higpit ng pagkakahawak nito sa kanyang buhok.
“Ma’am, tama na po! Bagong rebond po ang buhok ko!”
Hanggang sa marinig na naman niya ang ingay ng langaw. Nakita niya itong lumilipad sa ulunan ng babae at mabilis na pumasok sa kanyang ilong. Nasamid siya at naramdaman na naman niya iyong unang beses itong pumasok sa katawan niya. Naging kulay puti ang mata niya at nawalan na siya ng kontrol sa kanyang sariling katawan.
Mahigpit niyang hinawakan ang magkabila nitong kamay at ngumiti siya ng nakakatakot. “Gusto mo ba talagang maging maganda?”
“B-bakit ganiyan ang mata mo?! Bitiwan mo ako! Bakla ka!”
Hinila ni Teri ang babae at ipinasok niya ito sa loob ng kotse. Doon sila sa backseat.
“Get out of my car--” Kinalmot niya ang mukha nito. Dahan-dahan at mariin niyang ginawa iyon para mas maramdaman nito ang sakit at hapdi. “Ahhh!!! Hayop ka! Anong ginawa mo sa mukha ko?!” Malakas na sigaw ng babae.
“Puso! Kailangan ko ang puso mo!” Parang halimaw na dinakma ni Teri ang babae sa dibdib nito.
Nanlaban ang babae. Malakas siya nitong sinapak sa mukha dahilan para mabitawan niya ito. Mabilis na lumipat ng driver’s seat ang babae para paandarin ang kotse. Ngunit hindi ito nagtagumpay dahil mabilis din siyang nakalipat sa unahan. Inagaw niya dito ang susi at itinapon iyon sa likuran.
“Ibigay mo sa akin ang puso mo!” aniya.
“Help!!!”
Hinablot niya ang buhok ng babae at makailang ulit niyang iniuntog ang mukha nito sa manibela. Halos maligo na sa sarili nitong dugo ang mukha ng babae. Hanggang sa kambyo na niya iuntog ang mukha nito. Saktong tumusok ang mata nito sa kambyo. Pag-angat ni Teri sa mukha ng babae ay lumaylay ang basag nitong mata. Napangiti siya.
Sinira niya ang damit ng babae at sa pamamagitan ng kanyang matulis na kuko ay winakwak niya ang dibdib nito. Hindi niya alam kung paano niya iyon nagawa ngunit talagang parang gutom na gutom siya at ang puso lang nito ang makakapawi ng gutom na iyon. Naging matagumpay naman siya sa pagkuha ng puso ng babae. Agad niya iyong kinain at inubos.
-----^^^-----
TULALA at tila wala sa sarili si Teri na nakaupo sa upuan sa salas ng kanilang bahay. Kakauwi lang niya at kung kanina ay lasing na lasing siya, ngayon ay nawala na ang epekto ng alak sa kanya. Malinaw na sa kanya ang lahat-- isang babae na naman ang pinatay niya at kinain ang puso.
“Ano bang nangyayari sa akin? Nababaliw na ba ako?” Naguguluhan niyang tanong sa kanyang sarili.
Tumayo siya upang uminom ng tubig. Papunta na sana siya sa kusina nang mapatapat siya sa malaking salamin na nakasabit sa kanilang dingding. Napatingin siya sa kanyang katawan. Hinapit niya ang kanyang damit. “OMG! Beywang ko na nga ito! Diyos ko! Bakit ang sexy ko na?” Kinuha ni Teri ang medida at sinukat ang kanyang beywang. “Twenty-two!” Halos mabaliw na siya sa kakaisip kung bakit naging ganoon kaganda ang kanyang beywang. Nawala na tuloy sa isip niya ang nagawa niya kanina. Mabuti na lang at wala ang nanay niya ngayon sa bahay dahil kung nandito iyon at nakita siya sa ginagawa niya sa harap ng salamin baka nabato na naman siya nito ng kung ano.
Wala naman siyang matandaan na nag-diet siya. At kung nag-diet man siya at nakalimutan lang niya, ang bilis naman ng epekto.
Natigilan siya nang maalala niya iyong itim na likido na ininom niya. “Hindi kaya… umeepekto na iyon? Ibig sabihin ba nito ay unti-unti nang natutupad ang wi-nish ko?” Napapalakpak sa tuwa si Teri. “Kung ganoon, magiging babae na talaga ako!” Masayang sabi niya. Nagpaikot-ikot siya sa salamin sa sobrang saya.
Ngunit napasimangot siya nang makita niyang maganda nga ang beywang niya pero hindi ang ibang parte ng katawan niya. Hindi proportion.
“Bakit kasi ang bagal ng epekto ng itim na likido na iyon? Baka naman dapat ay marami akong inumin! Pero, iyon lang ang ibinigay sa akin no’ng matanda, e.”
Ah! Alam na niya. Kailangan niyang hanapin ang matandang nagbigay sa kanya ng itim na likido para makahingi siya dito ng marami. Baka kapag isang litro ang ininom niya ay maging tunay na siyang babae. Kahit hindi niya gusto ang amoy at lasa niyon ay ayos lang basta magkaroon lang ng katuparan ang kanyang kahilingan!
-----^^^-----
MADILIM pa kinabukasan ay nasa terminal na ng jeep si Teri. Umaasa kasi siya na muli niyang makikita doon ang matandang babae na nagbigay sa kanya ng itim na likido. Hindi naman siya nakapila. Nakatambay lang siya doon. Hanggang sa makita na niya ang kanyang hinihintay. Naglalakad ang matanda at may dala itong bayong. Tumayo agad siya sa kanyang kinauupuan at hinabol ang matanda.
“Mother! Wait!” Nagtatakbo siya at humarang sa daraanan nito. “Finally, nakita ko na rin kayo! Natatandaan niyo ba ako, mother?” Pangiti-ngiti pa niya sabi dito.
Kumunot ang noo ng matanda na para bang inaalala nito kung sino siya. “Oo. Natatandaan kita. Ikaw iyong nagbigay sa akin ng pera.” Ganoon na lang ang tuwa ni Teri dahil naaalala pa pala siya ng matanda.
“Mabuti naman po at naaalala niyo pa ako. Ako po si Teri!” Inilahad niya ang kanyang kamay.
“Ano ang kailangan mo sa akin?” Tiningnan lang nito ang kamay niya.
Nang tila wala naman itong balak makipagkamay sa kanya ay binawi na lang niya iyon. “May itatanong lang po sana ako sa inyo. Tungkol po doon sa itim na likido na ibinigay niyo sa akin. Noong una po kasi ay hindi ako naniniwala pero I think, effective siya. Kaya lang parang kailangan ko pa ng mas marami para matupad na talaga iyong gusto ko. Meron pa po ba kayo no’n? Baka pwede pong bigyan niyo ako o kahit bilhin ko na lang. Magkano po ba?” Hindi na magkanda-ugaga sa pagsasalita si Teri dahil sa kasabikan niyang makakuha ng mas maraming itim na likido sa matanda.
“Wala na ako no’n.” At naglakad na ulit ito pero humarang na naman siya.
“Mother, sandali lang po. E, totoo po bang tutuparin niyon ang wish ko?”
“Totoo. Basta isusuko mo ang iyong sarili sa Diablo!”
Namutla si Teri. “D-diablo? As in devil?”
“Tutuparin niya ang hiling mo ngunit may kapalit. At kailangan mong gawin ang hinihingi niya kung hindi ay hindi niya tutuparin ang gusto mo.”
“Pero, Mother, hindi po ba masama ang Diablo?”
“Paano mo masasabing masama ang isang nilalang na tinutupad ang gusto mo?”
“E, 'yong langaw po. Palagi pong may sumusunod na langaw sa akin kahit everyday naman akong naliligo.”
“Ang langaw ang simbolo ng diablo! Tutulungan ka niyang gawin ang bagay na hindi mo kayang gawin!”
Napatulala si Teri. Bigla niyang naalala na sa tuwing pumapasok sa katawan niya iyong langaw ay nagagawa niyang pumatay ng tao at kainin ang puso ng mga ito. Tama! Ngayon ay naiintindihan na niya. Limang puso ng babae ang kailangan niya para maging tunay siyang babae. Kapag nakakain na siya ng limang puso ng babae ay magiging ganap na siyang babae. May dalawa na siyang nakain at kailangan pa niya ng tatlo. Kinilabutan naman siya bigla sa kanyang naisip. Iyon pala ang kapalit na hinihingi ng Diablo sa kanya.
Ngunit parang hindi naman niya yata kaya na pumatay pa. Limang buhay ang kapalit ng pagiging babae niya. Kahit papaano naman ay may takot pa rin siya sa Diyos. Alam niya na malaking kasalanan sa mata ng Diyos at pati na rin sa batas ang pumatay. Paano na lang kung may makahuli sa kanya. Paniguradong habangbuhay siyang makukulong kapag nagkataon. Paano na lang ang nanay niya lalo na at sa kanya lang ito umaasa?
“Ah, mother--” Natigilan si Teri nang mapansin niyang wala na sa harapan niya ang matanda. Nagpalinga-linga siya ngunit hindi na niya ito nakita. Sinamantala yata ng matanda ang pagkakatulala niya at umeskapo na ito. Marami pa naman sana siyang itatanong dito. “Mother?! Mother?!” tawag niya ngunit hindi na niya ito nakita pa.
TO BE CONTINUED…