“BAKLA, kailangan na nating mag-ingat!” ani Veronica sa kanya isang umaga sa parlor. May hawak itong dyaryo na kanina pa nito binabasa. Siya naman ay kumakain ng halo-halo na nabili niya sa labas.
Umirap siya kay Veronica. “Bakit na naman? May nabasa ka na naman sa horoscope, 'no! Gaga ka ba? Alam mo naman na hindi ako naniniwala sa mga ganiyan! Ay! May saging! Sarap!” Tuwang-tuwa siya nang makakita siya ng isang piraso ng matamis na saging sa kanyang halo-halo. Masyado kasing tinipid sa sangkap ang halo-halong iyon kaya parang nakahukay ka ng isang baul ng kayamanan kapag nakakita ka ng saging.
“Gaga! Hindi. Ito, o. Basahin mo.”
Inabot sa kanya ni Veronica ang dyaryo. Naitakip niya sa bibig niya ang kamay niya sa kanyang nabasa. “Hindi… Hindi! Hindi!!!” gulat na gulat na sigaw niya. “Break na sina Nadine at James?!”
“Anong--” Inagaw ni Veronica sa kanya ang dyaryo. “Ay, wrong page. Ito pala…” Muli nitong ibinigay sa kanya ang dyaryo.
“Isang serial killer na pumapatay ng magagandang babae?” basa niya sa balitang nakasulat doon. Nabasa niya sa content ng balita na dalawang babae na ang natagpuang patay. Pinatay ang dalawa sa brutal na paraan at tinanggalan pa ng puso. Kaya ang teorya ng mga pulis ay baka may serial killer na gumagala.
“Naku! Kailangan na talaga nating mag-ingat! Nakakatakot na tuloy umuwi ng gabing-gabi at baka matulad tayo sa mga babaeng nabiktima ng serial killer na 'yan!”
Ibinalik niya ang dyaryo dito. “'Wag ka ngang ambisyosa! Hindi mo ba nabasa? Mga babae lang ang pinatay kaya ligtas tayo dito dahil mga bakla tayo!”
“Ito naman. Ang seryoso. Pero nakakatakot pa rin, 'no? Parang walang puso 'yong gumawa niyon!”
Tumahimik na lang si Teri. Sa totoo lang ay kinakabahan siya na alam na ng mga tao ang tungkol sa mga namatay na babae. Tapos iniimbestigahan pa ng mga pulis. Baka isang araw ay magulat na lang siya na bigla na lang siyang damputin ng mga pulis. Kung iyon lang din naman ang magiging kapalit para maging babae siya, kahit huwag na lang. Mas gugustuhin na lang niyang maging bakla habangbuhay kesa maging mamamatay-tao.
Pero paano na lang si Bogs? Hindi ba’t ang goal niya para maging isang tunay na babae ay para dito? Para ibigin na ulit siya nito?
Ang gulo! Sa totoo lang ay naguguluhan na siya.
-----***-----
NAANTALA ang paghikab ni Teri nang makita niya ang kanyang sarili sa salamin na nasa dingding. Kakauwi lang niya mula sa parlor. Paano ay nakita niyang pumayat na ang kanyang braso at binti. Maluwag na ang leggings niya sa kanya. Maganda na ang hugis ng mga iyon na para bang isa siyang modelo. At ang nakakagulat talaga ay naging makinis na ang kanyang balat na dati ay puro peklat. Maputi na iyon at akala mo ay marmol sa sobrang kinis.
Umiling siya. “Totoo ba ito?” Tinapik-tapik niya ang kanyang mukha at kinurot ang pisngi sabay tingin sa salamin. Walang nagbago. Maganda pa rin ang kanyang balat at payat na ang kanyang braso at binti.
Sa tingin niya ay ito ang kapalit ng pagpatay niya doon sa babae sa kotse. Nakuha niya ang magandang kutis at ang magandang braso at binti nito. Kaya naman ng gabing iyon ay masayang nakatulog si Teri. Naglaho na agad ang konsensiya niya dahil sa magandang kapalit ng pagpatay niya at pagkain sa puso no’ng dalawang babae.
-----***-----
NAGISING si Teri sa kagitnaan ng gabi ngunit dahil sa antok na antok pa siya ay hindi niya ibinukas ang kanyang mata. Parang may nararamdaman siya sa kanyang mga braso, binti at sa bandang tiyan. Makiliti na hindi niya maintindihan. Hindi na sana niya iyon bibigyan ng pansin at baka ginagapangan lang siya ng ipis ngunit hindi na siya makatulog dahil doon.
Kaya naman iminulat na niya ang kanyang mata. At ganoon na lang ang pagsigaw niya nang makita niyang pinapipiyestahan ng malalaking uod na kulay puti ang kanyang braso. Maging sa binti at tiyan niya ay napakaraming uod!
Malakas siyang sumigaw at pinagpag niya ang mga uod. Mas lalo siyang nahindik nang makita niya na kaya pala pinapipiyestahan ng mga uod ang parteng iyon ng kanyang katawan ay dahil sa nabubulok na ang mga iyon!
“Ahh!!!” Kulang na lang ay himatayin siya sa sobrang takot.
-----***-----
NAPABALIKWAS ng bangon si Teri. Tagaktak ang pawis sa kanyang mukha. Natataranta niyang tiningnan ang braso, binti at tiyan niya. Nakahinga siya ng maluwag nang mapagtanto niya sa sarili na panaginip lang ang lahat.
“Hay… salamat naman--” Nagulat siya nang may biglang humawak sa kanyang braso.
Pagtingin niya doon ay isang babaeng may nabubulok na mukha ang nakita niya. Maging sa may tiyan niya ay may babae ring may nabubulok na mukha ang nakahawak. Kapwa nanlilisik ang mata ng mga ito at galit na galit.
Takot na takot si Teri kaya malakas siyang sumigaw. Binugahan naman siya ng dalawa ng uod sa mukha at ang iba ay pumasok sa kanyang bibig.
Naghihiterikal siya. Hindi niya magawang makagalaw dahil sa hawak siya ng dalawang babae. Tanging ang pagsigaw lang ang kanyang nagawa.
-----***-----
“AHHH!!!” sigaw ni Teri sabay bangon. “Umalis kayo! Umalis kayo!!!” Nagwawala siya at nagpapadyak at nang maramdaman niya na wala namang nakahawak sa kanya ay saka lang siya tumigil.
Unti-unti niyang iginala ang kanyang mata sa kabuuan ng kwarto. Wala naman siyang nakitang kahit na sino doon. Sinampal niya ang kanyang sarili at baka panaginip pa rin ito.
Hihiga na sana siya para muling matulog nang biglang mag-alarm ang kanyang cellphone. Napatalon siya sa sobrang gulat. Nang tingnan niya ang oras sa cellphone niya matapos niyang patayin ang alarm ay nalaman niyang umaga na pala at oras na para mag-asikaso siya sa pagpasok sa trabaho.
-----***-----
HABANG naliligo sa banyo ay hindi pa rin makapaniwala si Teri sa pagbabagong nangyari sa kanyang katawan. Panay ay hawak niya sa kanyang braso at binti. At ang kutis niya, para siyang lumaklak ng isang galong glutathione sa sobrang puti at kinis niya. Hindi na niya yata kakailanganin ang mga papaya at whitening soap na ginagamit niya na hindi naman umeepekto sa balat niya.
Matapos niyang maligo at nagpunta na siya sa kwarto upang mamili ng susuoting niya. Isang tube at mini skirt ang napili niyang suotin. May “K” na naman siyang magsuot ng ganoon dahil maganda na ang legs niya tapos flat na ang kanyang tiyan. Hindi na rin naman nakakahiyang ipakita niya ang kanyang braso. Kaya lang, maganda nga ang katawan at kutis niya pero wala pa naman siyang dede at pangit pa rin ang mukha niya.
Paglabas niya ng bahay ay pinagtinginan siya ng mga tao habang naglalakad siya. Hindi siguro makapaniwala ang mga ito sa magandang pagbabago na nangyari sa katawan niya.
Maghintay lang kayo sa full version ng aking pagbabago! Tingnan lang natin kung malait niyo pa ako kapag naging tunay na akong babae! Tumatawang sabi niya sa kanyang sarili habang taas-noong naglalakad.
Maging si Veronica ay nagulat sa pagbabago sa kanyang katawan. Inaasahan na naman niya iyon dahil kahit siya ay nagulat din. Ang ibang tao pa kaya?
“Bakla ka! Anong orasyon ang ginawa mo at naging ganiyan kaganda ang kutis at katawan mo?! Share mo naman!” Hindi ito makapaniwala habang tinitingnan ang kanyang katawan.
“Dasal lang, bakla. Dasal lang!” biro niya. Alangan namang sabihin niya ang totoo. Baka ito pa ang magpakulong sa kanya sa mga pulis.
“Ano nga? Share mo naman!”
“Secret lang muna sa ngayon. Basta, share ko din sa iyo kapag ang product na ginamit ko ay fully effect na sa akin.” Iyon na lang ang sinabi niya upang hindi na siya nito kulitin pa.
Nanlaki ang mata ni Veronica. “Ibig sabihin, hindi pa iyan ang final look mo?!” Tumango siya habang nakangiti. “Share mo sa akin ang secret product mo, ha. Aba, maganda iyang product na ginagamit mo. Ang bilis ng effect. Kagabi ay ang dirty-dirty ng balat mo tapos ngayon… Look at you! Daig mo pa ang artista sa kinis ng kutis mo. Kainggit ka! Gusto ko din 'yang ma-achieve!”
Magsasalita pa sana siya pero biglang dumating si Garuda at kasama nito si Bogs. Sweet na sweet ang dalawa dahil naka-angkla si Garuda sa braso ni Bogs. Nakita niya ang gulat sa mukha ng dalawa nang makita siya. Alam naman niya kung bakit.
“Good morning po, Mamsh Garuda…” Magkasabay na bati nila ni Veronica.
“Bogs, umuwi ka muna sa inyo. Bilis!” Tila nataranta si Garuda nang makita nitong maganda na ang katawan niya.
Bago umalis si Bogs ay hinalikan muna ito ni Garuda sa labi. Laplapan. Iyon ang tamang tawag sa ginawa ng dalawa. Akala mo ay uhaw na uhaw ang dalawa sa isa’t isa. Inilayo na lang niya ang tingin niya dahil nasasaktan siya.
Pagkaalis ni Bogs ay nilapitan na siya ni Garuda. Marahan itong umiikot sa kanya at tinitingnan siya. Huminto ito sa harapan niya at nameywang. “Nagpapaganda ka ba para agawin sa akin si Bogs, Teri?!” Akala mo ay isa siyang suspek sa krimen kung tanungin siya nito. Talagang ang taas ng boses nito.
Mabilis siyang umiling. “Mamsh, hindi po!” tanggi niya.
“E, bakit nagpaputi ka?”
“For my self lang po ito. W-wala pong kinalaman si Bogs sa pagpaputi ko.”
“Mabuti na ang malinaw! Sabagay, kahit naman magpaputi ka at magpaganda ka pa, hindi ka pa rin babalikan ni Bogs. Alam mo kung bakit? Dahil hindi ka babae. Bakla ka pa rin. Forever and ever!” At malakas itong tumawa at iniwan na sila ni Veronica. Papunta ito sa kwarto nito. “Maglinis kayong dalawa! Ang dumi ng parlor! Mga tamad! At huwag niyo akong gigisingin dahil matutulog ako maghapon. Pinuyat ako ni Bogs kagabi dahil nag-s*x kami hanggang sa wala na kaming mailabas na katas!” turan pa nito bago isara ang pinto ng kwarto nito sa parlor.
-----***-----
MABILIS na lumipas ang oras at gabi na naman. Isang araw na naman ang natapos at tapos na rin ang trabaho ni Teri para sa araw na iyon. Tapos na rin silang maglinis ni Veronica ng parlor at nauna na itong umuwi sa kanya. Palabas na sana siya para umuwi na rin nang maalala niya si Garuda. Nasa loob pa rin pala ito ng kwarto nito. Simula ng pumasok ito doon ay hindi pa rin ito lumalabas. Bakit kaya?
Biglang kinabahan si Teri. “Hindi kaya binangungot na si Mamsh Garuda?” Napahawak siya sa kanyang dibdib sa nasabi niyang iyon.
Agad niyang pinuntahan ang amo niya sa kwarto nito. Binuksan niya ang ilaw at nakita niya itong nakahiga sa kama habang may dalawang pepino sa mga mata. Nilapitan niya ito at niyugyog ang braso.
“Mamsh, gising! Gising!” talagang kinakabahan siya. Kapag kasi binangungot ito at namatay ito, wala na siyang trabaho.
Nagulat siya nang bumukas ang mata nito sabay sampal sa kanya ng malakas.
“Bakit niyo po ako sinampal?” Namanhid talaga ang pisngi niya sa lakas ng sampal nito.
“Bakit mo ako ginising?! Hindi ba’t ang sabi ko ay 'wag niyo akong gigisingin dahil pagod ako?!”
“E, kasi po kanina pa kayo tulog. Hindi na kayo nakapag-lunch at dinner. A-akala ko po ay binangungot na kayo. Nag-aalala lang po ako sa inyo kaya ko kayo ginising.”
Isang sampal na naman ang pinakawalan nito. Halos maiyak na siya sa sakit. “Tarantada ka ba?! Anong bangungot? Gusto mo na talaga akong mamatay, ano? Para masolo mo si Bogs?!” Hinablot pa siya nito sa buhok at walang awa nitong ipinagwasiwasan ang kanyang buhok. “Sinasabi ko sa iyo, kahit mamatay ako ay hindi ka na papatulan ulit ni Bogs dahil bakla ka! Bakla ka!”
“Tama na po!” hindi sinasadya na naitulak niya ito. Natumba ito at napaupo sa sahig.
“Hayop kang bakla ka! Lumalaban ka na!”
Labis na nagulat si Teri sa kanyang nagawa. “H-hindi ko po sinasadya!” Tutulungan niya sana ito pero sinipa siya nito sa kanyang tuhod. Napaluhod siya sa ginawa nito.
“Anong hindi sinasadya?! Putang ina ka! Bakla!” Mag-isa itong tumayo at dinuro-duro siya. “'Wag ka nang papasok dito bukas! Sisante ka na!”
“Mamsh, s-sorry po. 'Wag niyo po akong tanggalin sa trabaho ko. Kailangan ko po ito! Magugutom po ako at ang nanay ko kapag nawala sa akin ang trabahong ito!” Doon na siya naiyak. Lumuhod na siya sa harapan nito at nagmakaawa.
Ngunit walang epekto ang pagmamakaawa niya kay Garuda. Bagkus ay sinampal pa siya nito nang paulit-ulit. “Wala akong pakialam kung mamatay ka sa gutom! 'Tang ina ka talaga!”
Magsasalita pa sana si Teri nang isang pamilyar na tunog ang kanyang narinig. Kinakabahan siyang luminga sa paligid hanggang sa may makita siyang langaw na lumilipad-lipad sa may ulunan ni Garuda.
Napailing siya. “H-hindi…” Nanginginig na bulalas ni Teri.
TO BE CONTINUED…