Nanlaki ang mga mata ko nang makarating na kami sa pupuntahan namin. Bakit dito? tanong ko sa sarili ko.
“Bar? Anong gagawin natin dito?” hindi makapaniwalang tanong ko. Nakataas-kilay na hinarap ko ito. “Sigurado ka—Hoy sir! Hintayin mo ’ko!” sigaw ko at hinabol siya papasok.
Bumungad sa akin ang nakakabinging musika ng mga kantahan at sayawan. Mga tawanan at sigawan ang nagpapabuhay sa paligid.
Napahawak ako sa damit ni James dahil sa sama ng tingin ng isang mama sa akin. Eh, nakakatakot ’yong mukha niya. Niyayaya niya akong maupo sa isang VIP seat. Hindi ako sanay sa ganitong lugar — ang ingay! Malamang bar eh. Hindi ako mapakali sa aking inuupuan at nagpalinga-linga sa paligid.
“Waiter!” tawag niya at agad namang lumapit sa amin ang waiter. “Two glasses of wine, please,” utos niya kaya mabilis kaming binigyan ng kanyang hinihingi. Ibinigay niya sa akin ang isang baso pero umiling ako.
“I don’t drink. Thank you na lang,” sabi ko.
Nagkibit-balikat lang ito at agad na nilagok ang kanyang wine. Pagka-ubos ng isa ay kinuha niya rin ’yong wine ko at inubos. Wow ha! Lakas niya pa lang uminom. Umorder pa ito ng mas malakas na alak at ni hindi man lang tumitigil sa paglagok. Nang napansin kong parang lasing na ito, mabilis ko siyang inawat.
“Hoy, tama na ’yan! Lasing ka na oh,” awat ko pero umiling lang ito.
“Hindi pa ako lasing. Kitang-kita ko pa nga ang mala-asong mukha mo.”
Tsk. Sapakin ko na lang kaya ’to nang makatulog agad.
“Umuwi na tayo! Boring naman eh!” suggestion ko. Wala naman kasi akong ginagawa at nangangawit na ang pwetan ko.
“Let’s dance!” mabilis niya akong hinila sa gitna nang bumagal na ang musika.
“Anong ginagawa mo?” bulong ko. Kinuha nito ang kamay ko at pinatong sa braso niya habang ang isang kamay ay nasa bewang ko.
Kinurot ko ang kamay nito nang hawakan niya ang bewang ko.
“Aray! Tinuturuan lang kita kung paano sumayaw nang mabagal ang musika! ’Bat ka nangungurot?”
“Ayoko ngang sumayaw!” bulyaw ko. Napahawak na lang ako sa bibig ko nang magsitinginan ang lahat ng tao dito sa akin. Nakakahiya!
“Pwede bang sumayaw ka na lang?” inis na aniya. Wala na akong nagawa nang isinayaw na niya ako sa mabagal na musika. Favorite ko pa naman ang music — My Heart Will Go On.
Napatingin ako sa kanya nang sumabay rin itong kumanta. Lasing na nga.
Bakit gano’n? Na-aakit ako sa boses niya. Pinikit ko ang aking mga mata habang nakikinig sa kanyang musika.
---
“I’m hungry. Let’s eat,” yaya niya bigla. Agad na kaming bumalik sa upuan at nag-order na rin, total nandito na naman kami. Pero mga pulutan lang yata ang nandito eh. Wala bang matinong pagkain?
Nagpaalam ito sandali sa akin, may pupuntahan lang daw siya — hihintayin ko na lang daw ito.
“Hello! Ngayon lang kita nakita dito ah. Pwede ka bang yayaing sumayaw?”
Napaangat ang aking tingin sa lalakeng naglahad ng kamay.
“Pasensya na po. May kasama kasi ako,” tanging sagot ko. Tumayo ako at hinanap ng aking mga mata si James.
Nadatnan ko siya sa isang maliit na sulok, medyo may kalayuan sa akin. May kausap siyang babae. Lalapit na sana ako nang biglang hinalikan siya ng babae at napa-atras naman ako. Natigilan ako sa nakita ko. Nakatayo lang ako ro’n habang nakatingin sa kanilang dalawa na naglalaplapan sa harapan ko. Napalunok ako dahil may kung anong something sa dibdib ko kaya mabilis akong umalis at nagpahangin.
“Oy! Nandito ka lang pala! Kanina pa kita hinahanap. Tara na!” yaya niya.
Hindi ko ito pinansin at nauna nang pumasok sa sasakyan.
“Hey, I said I’m hungry!” sigaw niya.
“Uuwi na ako,” walang gana kong sagot. Naramdaman kong natigilan ito pero sumunod rin naman sa akin.
Habang nasa biyahe, kinukulit ako nito at tinatanong kung bakit ang tahimik ko.
“May problema ba?” tanong niya.
“Nandito na pala tayo,” ani ko at agad na bumaba at pumasok ng bahay.
“Anong nangyari ro’n?” rinig kong tanong ni Manang Selma kay James.
“Ewan ko. Tinutuyo na naman yata,” sagot naman niya.
Padabog akong pumasok ng kwarto at isinara ang pinto. Agad kong hinubad ang sandals ko at humiga sa kama. Hindi ko alam kung bakit naiinis ako. Ano bang problema mo, self?
Hayst. Mabuti pa itulog ko na lang ’to.